Pagkatapos ng klase, hinanap ko agad ang babae. Nagliligpit na siya ng gamit kaya mabilis ko ring niligpit ang akin. Nang matapos ko ay nilibot ko ang tingin. Nakita ko siyang palabas na ng pinto. Mabilis akong humakbang paalis ng silid-aralan, pero bigla na lang may humawak sa braso ko.
Inis kong nilingon ang walang 'yang pumigil sa akin. Si Alferes. Napaismid ako. Siya lang naman ang may ganang pigilan ako. "Ano ba?" inis kong singhal saka marahas na binawi ang braso mula sa kaniya. "Ano na namang problema mo?"
"Kanina lang, mabait ka pa. Mabilis magbago ng mood mo, Jem."
Inirapan ko siya. "Kung wala kang matinong masabi, hayaan mo akong umalis, pwede?" Tumalikod ako at akmang hahakbang na paalis nang tawagin ako ni Alferes. Napahinga ako nang malalim. "Ano na naman ba?" inis kong tanong nang hindi lumilingon sa kaniya.
"Tungkol sa frat kanina, sabihin mo sa akin kung may gagawin silang kalokohan."
"Alam ko!" Saka ako mabilis na humakbang papunta sa pinto.
Patakbo akong nagtungo sa hallway at nilibot ang tingin. Maraming estudyante sa hapon na 'yon dahil uwian. L*ntek. Hindi ko na nakita pa ang babae. Inis kong pinadyak ang paa at madilim ang mukha na nagmartsa patungo sa gate. Napapasunod pa ng tingin sa akin ang mga nakakasalubong ko. Buti na lang at walang nagbirong humarang sa akin at baka masapak ko pa nang hindi oras.
Pagkalabas ko ng gate, diretso akong nagtungo sa sakayan ng traysikel. Kaso, hindi pa ako nakakalapit doon nang may lalaking bigla na lang sumulpot sa kung saan at hinigit ako papunta sa tagong parte sa gilid lang tarangkahang dingding ng community college.
Nang tingnan ko ang humila sa akin, nakilala ko agad ang lalaking kabilang sa frat. Kompleto ang tatlong lalaki kaninang tanghali pero napansin kong wala 'yong apat na babaeng nakasunod sa kanila kanina.
Tumaas ang kilay ko at humalukipkip sa harap ng tatlo. "Ano na namang kalokohan 'to?"
Dumura ang lalaking nag-astang lider saka mayabang na humakbang palapit sa akin. Tumayo siya sa harap ko at dahil mas matangkad siya, kailangan ko pang tumingala nang bahagya para makipagtagisan ng titig sa kaniya. Hindi man lang siya natinag sa masama kong tingin. L*ntek.
Nangunot ang noo ng lalaki. "Alam mo ba kung sino ang pinakain mo ng hipon kanina?" singhal niya.
Umirap ako. "Hindi." Saka nag-iwas ng tingin. Blanko kong tinitigan ang halaman sa gilid.
"Girlpren ko 'yon."
"Ano naman ngayon?" ani ko.
Narinig ko ang pagsinghap ng kasamahan niya sa likuran niya. "Lider ng frat ang kaharap mo, Jemima. Umayos ka," banta ng lalaking may suot na salamin.
Bagot kong sinulyapan ang lalaking nagsalita saka siya inirapan. "Pakialam ko?"
Bigla na lang akong sinapak ng lalaking kaharap ko. Hindi pa ako nakakabwelo nang lumapat ang likod ng palad niya sa pisngi ko at bumaling ang mukha ko sa gilid.
"Ang tulad mong babae, dapat binibigyan ng leksyon. Pasalamat ka't hindi kita pinagahasa sa kanila."
Hingal kong tinitigan ang tuyong lupa. Ramdam ko ang hapdi at kirot sa panga at pisngi ko. Kumuyom ang kamao ko. Naglapat ang ngipin ko sa inis.
Ito ang unang beses na may gumawa sa akin no'n. Kahit na masama ang ugali ni Teresita at walang pakialam si Nicanor sa akin, pero kailanman ay hindi pa ako nakaranas sa kanila ng sapak na may kasamang sampal. Sa pagkakataong 'yon, bigla kong naisip na naging mabait pala sa akin ang lola kong pinaglihi sa sama ng loob.
Hinayaan ko ang tatlong lalaki na umalis sa lugar na 'yon. Naiwan akong mag-isa at nagtitimpi. Hindi. Tatlo sila at mga miyembro ng frat kaya kahit mabugbog ko ang isa, may dalawa pang reresbak. Naningkit ang mga mata ko.
Marahan kong hinaplos ang nasaktang pisngi at huminga nang malalim. Lumabas ako mula sa lugar na 'yon at nagtungo sa sakayan ng traysikel. Mabuti na lang at nabawasan na ang bilang ng mga estudyanteng nakatambay sa labas ng community college. Mangilan-ngilan na lang ang takang nakatitig sa mukha ko.
Alam ko naman na namumula ang pisngi ko sa oras na 'yon. Sa lakas pa naman ng sampal ng lalaking 'yon, buti na lang at napigilan ko ang sariling mapasalampak sa lupa. Bumuga ulit ako ng hangin at binilisan ang hakbang.
Kaso, hindi pa ako nakakalapit sa sakayan nang may humawak sa braso ko. Mabilis kong hinawakan ang kamay saka inikot. Humarap ako sa taong 'yon at nakita ko ang namimilipit na si Alferes. Mabilis kong binitiwan ang kamay niya.
"Wag mo na akong hawakan nang gano'n," banta ko sa kaniya.
Hinaplos niya ang nasaktang kamay saka kinunot ang noo nang mapatingin sa mukha ko. "Sino na namang sumampal sa 'yo, Jem?"
"Yong l*ntek na hay*p na 'yon."
Napatitig si Alferes sa akin, saka nakakaunawang tumango. "Gusto mo bang magpunta muna sa clinic ---"
"Hindi." Umiling ako saka tumalikod. "Uuwi na ako."
Hindi ko na hinintay na makapagsalita si Alferes. Nakita ko sa unahan na may bakanteng traysikel kaya mabilis akong sumakay doon. Kaso, kailangan pang maghintay ng ibang pasahero kaya bagot akong sumandal sa sandalan at blankong tinitigan ang repleksyon ko sa maliit na salamin sa harap.
Biglang may pumasok sa traysikel at naupo sa tabi ko. Pagtingin ko sa taong 'yon, nakita ko si Alferes. Napairap ako. Naalala kong pareho lang pala kami ng daanan. Pumikit na lang ako.
Hindi ko alam na nakatulog na pala ako sa traysikel. Nagmulat ako at nakita kong kaming dalawa na lang ni Alferes ang naiwang pasahero. Pero nakakainis lang nang mapagtanto kong nakahilig sa balikat ni Alferes ang ulo ko. Hindi ko naman maalalang humilig ako sa kaniya.
Bago ko pa siya masita ay pumara na si Alferes. Mabilis siyang bumaba ng traysikel at nagbayad sa drayber. Naningkit ang mga mata ko at tiningnan ang maliit na eskina patungo sa Apartment House niya. Hindi pa ako nakakapunta sa Apartment House pero alam kong 'yon ang daan patungo ro'n. Mabilis na umandar ang traysikel at tinakbo ang kahabaan ng lubak-lubak na daan. Hindi nagtagal ay pumara ako't bumaba ng traysikel.
Matapos kong iabot ang pamasahe ay mabilis kong tinungo ang bahay. Pero natigilan ako nang makita ko ang kapitbahay naming matandang dalaga na si Pechi-Pechi sa gilid ng Cheeroke. Umiiyak siya. Ngayon ko lang siyang nakitang umiyak pero hindi na ako nag-atubiling magtanong kung ayos lang siya.
Dumiretso ako sa bahay at bago pa ako makapasok ay nakita ko na si Darina sa labas ng pinto. May dala siyang timba ng tubig at mukhang magdidilig ng halaman. Nang makita niya ako, ni hindi man lang nagtanong kung ayos lang ang pisngi ko. Nilampasan lang niya ako at sinabing magsaing para sa hapunan.
Humakbang ako papasok ng bahay.