Simula noon ay pormal na na nanligaw si Ivan sa akin. Hanggang sa tumagal na ang panuniyo niya ay araw-araw pa rin niyang pinaparamdam sa akin na ako ay espesyal dahilan para lalo pa akong mahulog sa kaniya.
Halos araw-araw niya akong sinusundo sa paaralan at hinahatid sa bahay. Ang lubos pa na kahanga-hanga ay walang takot niyang ipinakita sa mga magulang ko na mapagkakatiwalaan siya at hindi siya gagawa ng bagay na ikasisira ng tiwala na ibinigay nila sa kaniya.
Nakilala ko rin ang pamilya ni Ivan. Siya ang bunso sa kanilang magkakapatid at siya na lang ang wala pang pamilya. Nakikita ko na mabuti silang tao dahil sila mismo ang nag-alaga at nagpapaaral sa pamangkin niyang si Melody.
Hanggang sa dumating na nga ang araw na handa na akong sagutin siya matapos ang ilang buwan na panliligaw niya. On my 17th birthday ay binigay ko na ang matamis ko na oo sa kaniya.
'Jennifer, Happy Birthday!' pagbati niya sa text na ipinadala niya.
Huminga ako nang malalim bago tumugon.
'Salamat, Ivan. Hmmm, Ivan... yes na!'
Matagal ang pagitan bago siya muling tumugon.
'Anong yes? Hindi kita maintindihan.'
'Sinasagot na kita! Tayo na, Ivan!'
Kinikilig pa ako habang naghihintay ng reply niya pero mas nangingibabaw ang kaba. Ang saya-saya ko, sa wakas!
Mabilis ang pagtugon niya.
'J-jennifer...Ibig mong sabihin n-nobya na ba kita? Whoa! Sobrang saya ko!'
Nakangiti akong nagtipa ng tugon.
'Yes, Ivan,' tugon ko at tinadtad ko pa ng maraming heart emoticons.
Iyon ang pinakamasayang araw ng buhay namin. Ivan is the type of person na hindi showy sa nararamdaman niya, pero hindi naman naging issue ito sa akin, bagkus ay mas lalo ko pa siyang minahal. Magalang at may respeto na tao si Ivan. Never siyang humingi ng bagay na hindi pa dapat.
Patuloy rin niyang pinapakita sa mga magulang ko na mapagkakatiwalaan siyang tao. Masaya ang naging relasyon namin ngunit hindi maiiwasan ang magkaroon ng tampuhan lalo na at mas bata ako sa kaniya, pero palagi niya akong inuunawa.
Isang araw, dumating sa punto na hindi na ako kayang pag-aralin ng mga magulang ko kaya napilitan akong tumigil at maghanap na lang muna ng trabaho. Patuloy ang magandang relasyon na mayroon kami ni Ivan at habang tumatagal ay mas lalo ko pa siyang minahal. Sa halos pitong taong relasyon namin ay hindi kailanman ako pinilit ni Ivan na gawin ang makamundong gawain. Sobra niya akong iningatan at doon ko lalong napatunayan na mabuti siyang tao.
Isang umaga isang masakit na balita ang natanggap ko mula sa kaniya. Pumanaw ang kaniyang Tatay at alam ko na isang malaking dagok ito sa pamilya nila. Alam ko rin na ito ang pinakamasakit na pangyayari sa buhay niya, kaya sinamahan ko si Ivan sa kaniyang pagluluksa. Pinakita ko sa kaniya na kasama niya ako at palagi akong nakaalalay sa kaniya. Araw-araw akong dumadalaw sa burol ng kaniyang Tatay.
"Okay ka na ba?" Hinawakan ko ang kamay niya at bahagyang pinisil. Pilit naman siyang ngumiti sa akin kahit pa alam ko na nasasaktan pa rin siya.
Huling araw na kasi ng burol ng Tatay niya ngayon. Kahit hindi niya ipakita na nasasaktan siya, ramdam ko ang sakit na nararamdaman niya ngayon. Palagi lang akong nagpapaalala sa kaniya na narito lang ako palagi para kahit paano ay maibsan man lang ang sakit na nararamdaman niya sa pagkawala ng Tatay niya.
Ilang buwan matapos mamatay ang Tatay ni Ivan ay isang masamang balita na naman ang natanggap ko. Ngayong taon nga rin kung kailan namatay ang Tatay niya ay sinugod naman siya sa hospital. Kinakailangan siyang operahan sa appendix. Pakiramdam ko talaga sinusubok kami ng mga problema sa buhay.
Parehong taon rin matapos siyang maoperahan ay may isang bagay na hindi ko inaasahan na malalaman ko. I wad diagnosed with PCOS. Pakiramdam ko halos wala nang magandang nangyari sa buhay naming dalawa, kaya naman nabuo sa isip ko na ibigay na ang p********e ko sa kaniya. Hindi ko alam kung anong pumasok sa isip ko pero natakot ako na hindi magkaanak kaya naman sa ikapitong anibersaryo namin ay handang handa na ako na isuko ang sarili ko sa kaniya.
"Jennifer, hindi ko hihilingin ang bagay na hindi mo pa kayang ibigay…" saad niya.
"Ivan, handa na ako. Sa pitong taon natin bilang mag kasintahan ay iparamdam mo kung paano mo ako nirespeto at inalagaan. Natatakot ako... P-paano kung hindi ako magkaanak?" malungkot kong sabi sa kaniya.
Upang maibsan ang takot at pag-aalala ay pumayag na rin si Ivan.
Nang isuko ko ang sarili ko kay Ivan ay alam kong hindi ko iyon pagsisisihan kailanman. Mahal ko si Ivan at higit sa lahat, nasa tamang edad na ako para sa ganitong bagay. Kahit pa nakuha na ni Ivan ang p********e ko ay mas lalo ko pang naramdaman ang pagmamahal niya sa akin. Nagplano kami na bubuo na ng sariling pamilya, kaya naman labis ang saya na naramdaman ko. Punong puno kami ng mga plano at nfa pangarap para sa pamilyang bubuuin naming dalawa.
Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako makapaniwala na dahil sa isang maling text ay magiging dahilan na pala para makilala ko ang magiging asawa ko, na magiging ama naman ng mga magiging anak namin.
Ivan was my first and last love. Sa kaniya ako nag-mature at masasabi ko na talagang panatag ako sa tabi niya. Pakiramdam ko ay nasa isa akong fairytale story. Mala Cinderella at Snow white ang peg! May magiting na prinsipe na handang sumagip sa akin kung ako ay nasa panganib. Isang lalaki na ibinigay sa akin ng Panginoon upang maging katuwang ko sa buhay.
Maayos na ang lahat ngunit isang masakit na balita ang nakarating sa akin. Hindi ko inaasahan. Parang bombang sumabog sa pandinig ko ang ang ibinalita ng kapatid niya. Si Ivan ang itinuturong gumahasa sa sariling pamangkin niya mismo. Ayaw tanggapin ng utak at ng puso ko ang balita na nakarating sa akin.
Hindi magagawa ni Ivan ang mga ibinibintang nila! Mabuting tao si Ivan! Sa isang iglap, naglaho lahat ang mga pangarap namin. Sa isang balita, pakiramdam ko ay pinagsakluban ako ng langit at lupa.
Ikinulong ko ang sarili ko sa kuwarto at dito ko ibinuhos ang lahat ng sakit na nararamdaman ko.
"B-bakit? A-anong nagawa namin? M-mabuting tao si Ivan…H-hindi kami masamang tao! Sobrang sakit. H-hindi ko kaya!" Tumatangis kong sigaw habang yakap-yakap ko ang sarili ko.
Paano kami ni Ivan? Paano na ako? Paano ang mga pangarap namin? Sobrang sakit ng nararamdaman ko. Parang unti-unting pinunit ang puso ko sa sakit. Ang lahat ng masayang pangarap namin ay tila napalitan ng libo-libong sakit. Hindi ko kaya na may mangyaring masama kay Ivan. Hindi ko kakayanin! Paano kung may maging bunga ang pagmamahalan namin? Natatakot ako na lumaki siyang walang ama. Hindi ko kaya na makita siyang walang kumpletong pamilya. Muli akong naiyak sa mga nangyayari sa amin. Sana ay panaginip lang lahat ito.
.