A3

1589 Words
Dinala ang kaso ni Ivan sa mababang hukuman at kung hindi siya maaabswelto ay dadalhin na sa mataas na hukuman ang kaso niya. Ngayon ay nasa tagong lugar si Ivan pansamantala para na rin sa kaligtasan niya. Sa tuwing may hearing ay doon lang siya nagpapakita. Walang araw na hindi ako umiyak dahil sa mga nangyayari ngayon. Pakiramdam ko ay walang katapusan ang paghihirap naming dalawa. Halos hindi ako makakain at makatulog. Para akong nakalutang sa hangin at laging tulala. Gustong gusto ko nang makita si Ivan at makayakap siya. Gusto kong sabihin sa kaniya na narito lang ako at hinding hindi ko siya iiwan. Hindi ako naniniwala sa bintang nila kay Ivan. Pitong taon ko siyang naging nobyo at kahit kailan ay hindi ko naramdaman na magagawa niya ang ganoong bagay. Pakiramdam ko, patay na ang katawan ko at pilit na lang nabubuhay. Araw-araw akong nag-aalala kay Ivan. Paano kung ipapatay siya? Paano kung hindi na kami magkita? Paano kung mawala na siya nang tuluyan sa akin? Halos mabaliw na ako sa kaiisip sa kaniya at sa mga possible pang mangyari. Lumipas ang apat na araw bago kami muling nagkita ni Ivan. Iyak ako nang iyak sa kanya nang yakapin ko siya. Maging siya at umiiyak na rin. Mahal na mahal na ko si Ivan at hindi ko kayang makita siyang nasasaktan nang ganito. Ang lagi kong dasal ay kung panaginip ito, sana ay gisingin Niya na ako. Hindi ko na kaya pa ang pagsubok na ito sa pag-iibigan naming dalawa. "B-bakit hindi mo sinabi sa akin? B-bakit?" umiiyak kong tanong sa kaniya. Niyakap niya ako nang mahigpit at tuluyan na akong napahagulhol sa dibdib niya. "N-natakot ako... Natakot akong i-iwan mo ako. N-natakot ako na palayuin ka ng mga magulang mo sa akin. Hindi ko kaya, Jennifer. Mahal na mahal kita ...M-maniwala ka h-hindi ko magagawa 'yon..." tugon niya habang tumatangis. Kumalas ako mula sa pagkakayakap niya at hinawakan ang kamay niya. "S-Sabay tayong lalaban. Hindi kita iiwan. Sabay natin itong lalampasan! Walang iwanan hanggang dulo, basta huwag ka lang susuko. Huwag kang panghinaan ng loob, narito ako. Nariyan ang pamilya mo..." saad ko at muli ko siyang niyakap. Wala akong magawa para kay Ivan kung hindi ang magbigay ng lakas ng loob sa kaniya at maramdaman niya na may kasama siya sa laban niya, na hindi siya nag-iisa. "Miss! Magpakamatay ka ba ha?! Idadamay mo pa kami!" sigaw ng driver sa akin. At doon lang ako nagising sa sigawan ng mga tao. Hindi ko napansin na muntik na pala akong mabangga. Sa araw-araw na lumipas ay pakiramdam ko na nauubos ako. Halos hindi na ako makatulog at makakain sa pag-aalala para kay Ivan. Lalo pa at nalaman ko na lumapit sa isang mataas na tao ang nanay ng pamangkin niya. Isang kilalang tao sa lugar namin na pumapatay nang walang awa. Maging sa trabaho ay madalas akong sigawan ng boss ko. Walang araw na hindj puro pagkakamali ang ginagawa ko. Dumadaan ako sa matinding depresyon dahil sa mga nangyayari sa amin ni Ivan. Pakiramdam ko walang katapusan ang mga pagsubok sa amin ngayon. "Anak, kumain ka naman. Maawa ka sa sarili mo Hindi matutuwa si Ivan kapag nalaman niya 'yan..." nag-aalala na paalala ni Nanay sa akin, "Anak, ang laki na ng inihulog ng katawan mo..." dagdag pa niya. Pinilit kong kumain kahit pa hindi ko malasahan ang pagkain. Sa bawat subo ng pagkain ay may kasabay na pagpatak ng luha ko. Awang awa na ang pamilya ko sa sitwasyon ko ngayon. Nagpapasalamat ako at palagi silang nakaalalay sa akin. Ang mas lalo kong ikinatakot ay para sa nalalapit na hearing ni Ivan. Paano kung malaman ng kabilang kampo kung nasaan siya? Paano kung ipapatay siya? Paano kung barilin siya sa loob? Halo-halo na ang takot ang nararamdaman ko sa mga sandaling ito. Dalawang araw na lang at hearing na ng kaso ni Ivan at 'tsaka naman umatras ang abogado na ibinigay ng amo niya. Dito ako halos hindi makahinga. Pakiramdam ko lunod na lunod na ako sa sakit. Bakit kailangang mangyari sa amin ni Ivan ito? Pinaparusahan ba kami ng langit? Nakiusap ako sa Tito ko na may kilalang abogado na kung maaari ay maging tagapagtanggol ni Ivan kahit pa malaking pera ang kailangan namin para ibayad sa abogado niya. Mabait pa rin ang Diyos at hindi Niya kami pinabayaan. Napakiusapan ko ang abogado na kung maaari ay bawasan ang bayad sa kaniya at pumayag naman ito. Dito ko na rin kinapalan ang mukha ko upang mangutang sa ibang tao na buong buhay ay hindi ko ginawa pero para kay Ivan ay ginawa ko. Pinanghahawakan ko ang pagmamahalan naming dalawa. Kilala ko si Ivan at buo ang loob ko na hindi niya magagawa ang bintang nila. Naniniwala ako na lalabas ang katotohanan at nasa panig namin ang Diyos. "Kailan ka unang pinagsamantalahan ng Tito mo?" tanong ng judge sa pamangkin ni Ivan. Nakikinig lang ako habang tahimik na umiiyak. "N-noong burol po ni Lolo," sagot niya. "Ilang beses kang pinagsamantalahan?" "D-dalawang... dalawang beses p-po..." Mas lalo pa akong nasaktan at nayamot sa bintang niya dahil walang araw na hindi ako kasama ni Ivan noong mga panahon na 'yon. Hindi ko kaya man lang siyang tingnan. Gusto ko siyang murahin, gusto kong magmakaawa sa kaniya na itigil na lahat ng ito. Ang lupit ng mundo sa amin ni Ivan. Bakit sa amin pa nangyari ito? Lalong nababaon si Ivan sa bintang ng pamangkin niya na kinukopkop nila, inalagaan at pinag-aral. Halos araw-araw walang akong ibang dasal kung hindi matapos na lahat ng ito bumalik na ang lahat sa ayos. Palagi kong sinasabi kay Ivan na kahit na anong mangyari ay hindi ako bibitaw sa kaniya. Kasama niya ako hanggang sa matapos lahat ng ito. Nabalitaan ko rin na pinatawag si Ivan ng isang makapangyarihang tao. Umiyak lang ako nang umiyak. Halos mamatay ako sa takot at pag-aalala habang iniisip na baka may gawin silang masama kay Ivan. Nang malaman ko na sinaktan siya ng mga ito ay para na rin akong binubog dahil sa awa sa kaniya. "B-bakit hindi mo sabihin sa akin ang g-ginawa nila sa iyo?" kasabay nang pagpatak ng luha ko ang bawat katagang sinabi ko. "A-ayaw ko na mag-alala ka pa. Ayaw ko na masaktan ka..." "K-kailan ba matatapos ito?" naiiyak kong tanong. Dumating pa sa punto na nagmamakaawa na ang pamilya ni Ivan na itigil na ng pamangkin niya ang lahat ng ito. Dahil maging si Tita ay nagkasakit na rin dahil sa stress ng pamilya nila. Habang umusad ang kaso ni Ivan mas lalo pa akong natatakot para sa mga susunod pang mangyayari sa buhay namin dalawa. Pilit kong nilalabanan ang depresyon ko alang alang kay Ivan. Kailangan kong ipakita na malakas ako at kaya ko ang lahat. Lahat ng bagay na puwedeng gawin namin upang makatulong sa kaso ni Ivan- medico legal, health certificate na nagpapatunay na galing sa operayon si Ivan ng mga panahon na idinidiin ng bata na ginahasa siya. Ang lumabas lang medico legal ay maraming beses na ginamit si Melody at dito unti-unting nabuhayan ng loob. Ika-anim na at huling hearing ng kaso ni Ivan. Ibinuhos ko na lahat ng luha ko. Ipinagkatiwala ko na sa Panginoon ang lahat-lahat ng mga mangyayari ngayon. Wala na akong magagawa pa sa kung ano ang kapalaran namin ni Ivan, Siya lang ang tanging nakakaalam. Gabayan Niya nawa kami sa laban namin. Nagsimula ang hearing ay pakiramdam ko naninikip ang dibdib ko dahil sa namumuong tensyon dito. Nagpalinga-linga ako sa paligid at hindi ako mapakali sa kinauupuan ko na tila ba may hinahanap ako. Kahit pa nga malamig ang buong kuwarto ay namamawis ang mga kamay ko. Nagsimula nang magtanong ang judge sa pamangkin ni Ivan. Huminga ako nang malalim at 'tsaka nakinig sa kanila. "Totoo bang umuuwi lang ang Tito mo ng bahay upang maligo at kumain? At 'tsaka muling babalik sa trabaho?" panimulang tanong ng judge. "Opo." Nakita ko pang tumango tango ang judge. "Totoo ba ang Tita mo ang katabi mong matulog? At tama ba na dalawang beses kang ginahasa ng Tito mo?" sunod-sunod na tanong ng hukom. "O-opo, pero..." tila kinakabahan pa si Melody habang nagsasalita. Unti-unti akong nabuhayan ng loob dahil sa naging reaksyon ni Melody. Ramdam ko na parang natatakot na siya. Nakakakita ako ng munting pag-asa at laban para sa kaso ni Ivan. Sunod-sunod ang tanong ng hukom at lahat ay sinang-ayunan niya. Gusto ko pang maiyak nang lumabas na ang kapatid ni Ivan upang tumestigo. Ito na ang hinihintay namin at sagot sa dasal ko. Dito na nilabas ng abogado namin ang mga iba pang ebidensya na hawak niya. Nang makita ko na umiling-iling ang hukom. Dito na ako umiyak nang tuluyan. Makakamit na namin ang hustisya sa maling akusasyon laban kay Ivan. Napahagulhol ako nang maabswelto si Ivan. Na-dismiss ang kaso na isinampa sa kaniya. Nanlalabo na ang mata ko sa kaiiyak at naghalo na rin ang sipon at luha ko, pero wala na akong pakialam pa. Matapos ang anim na hearing ay sa wakas, tapos na ang paghihirap ng kalooban ko. Niyakap ko si Ivan ng mahigpit at nag-iyakan na kaming dalawa. Parang sasabog ang puso ko sa labis na saya. Nakamit na namin ang hustisya na kailangan niya. Tapos na ang isang bangungot sa buhay naming dalawa. Maaari na ulit kaming nagsimula. Isang taimtim na panalangin ang na usal ko pa habang yakap ako ni Ivan. "S-salamat, Jennifer...Salamat at hindi ka bumitaw. Salamat sa pagtitiwala. M-mahal na mahal kita. Tapos na ang lahat..." umiyak na saad ni Ivan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD