Natapos ang mga pinagdadaanan namin ni Ivan kaya masaya na kaming nagsasama ngayon. Ang akala naming hindi na namin matutupad na pangarap ay nangyari na nga lahat. Lubos akong nagpapasalamat sa pamilya ko na hindi hinusgahan kaagad si Ivan, bagkus ay nakasuporta pa sila sa aming dalawa.
Hindi naging madali ang trauma na iniwan ng mga pangyayari sa mga buhay namin sa mga nakaraan na ilang taon. Napuno ng kami luha, galit at pighati. Hanggang ngayon ay takot na takot pa rin ako sa mga taong nasa paligid namin, kahit pa na-dismiss na sng kaso niya.
Pakiramdam ko ay may panganib pa rin na nagbabadya sa buhay niya, dahil kung nagawa nga ng sarili niyang kadugo na ipinagkanulo siya ay paano pa ang ibang tao?
Umalis na rin si Melody sa poder nina Ivan pagkatapos ng mga nangyari at sumama na ito sa kaniyang ina. Dahil na rin siguro sa wala na siyang mukhang maihaharap pa sa amin. Sa labis na takot niya na aminin na siya ay nabuntis ng kanyang nobyo at ayaw siyang panagutan nito ay gumawa siya ng kwento upang madiin si Ivan. Isa siyang halimbawa ng taong walang utang na loob at mukhang dahil sa kaniyang kapusukan sa murang edad ay magiging isa na siyang solong ina.
Masayang masaya ako at tapos na 'yon. Sa mga panahon na tanging Panginoon lang ang sandigan namin. Noong oras na nawawalan na kami ng pag-asa at tila madilim na ang bukas, mayroon kaming isa't isa.
Sa saya at lungkot ay handa akong damayan si Ivan. Madaling bumitaw noon, pero pinili ko na kumapit sa kaniya, dahil kung may higit na nakakikilala kay Ivan laban sa mga mapanghusgang mga mata ay ako 'yon. At kahit ano pang sabihin nila, hinding hindi ako lalayo kay Ivan.
Pinili ko siya kahit pa pakiramdam ko ay tutol sa amin ang mundo. Kahit pa pilit kaming pinaglalayo ng tadhana ay pilit kong humawak sa kamay niya. Hindi kami bumitaw sa pangarap naming dalawa na hanggang huli ay kami. Dahil kung hindi lang si Ivan ang lalaki para sa akin ay pipiliin ko na huwag na lang muli pang umibig pa.
Pinatatag at pinatapang kami ng sitwasyon. Mahirap at masakit ang pinagdaanan namin at hanggang ngayon, hindi ko lubos maisip kung paano namin nalagpasan ni Ivan lahat ng iyon. Siguro, makapangyarihan talaga ang pag-ibig dahil kaya ka nitong palakasin at pahinain. Ikaw ang may hawak ng desisyon na gagawin mo at nasa kamay mo ang pasya kung ano ang makapagpapasaya sa iyo at mga bagay na maaaring pagsisihan mo. Huwag kang matakot na sumugal dahil manalo o matalo ay may aral itong ibibigay sa iyo.
Nagpapasalamat ako at pinili ko na ilaban si Ivan dahil kung nagpadala ako sa agos noon at pinili ko na lang na takasan ang lahat, hindi ko mararanasan ang saya na mayroon ako ngayon. Hindi ko mararanasan na maging isang ina ng isang anghel mula sa langit. Biniyayaan kami ng isang anak na siyang kaligayahan at lakas namin ni Ivan. Isang bagay na pinagdasal ko rin sa Panginoon.
Ikinasal na rin kami ni Ivan pagkatapos kong manganak. Tunay nga na lahat ng bagay ay may tamang panahon. Masakit man noong una, pero labis na kaligayahan naman ngayon ang aking nadarama. Tama nga na kapag tahimik ang Panginoon sa buhay mo ay gumagawa Siya ng himala. Hindi matatapos ang pagsubok sa buhay namin ni Ivan at handa kaming dalawa na harapin na magkahawak-kamay ang lahat ng iyon. Nakaya namin ang mga nauna at sigurado ako na kakayanin pa namin ulit. Hangga't kasama ko si Ivan at ang anak namin, malalagpasan namin lahat ng ito.
Masaya na ako at naging kuntento sa mga bagay na mayroon kami ngayon. Basta't kasama ko si Ivan, wala akong bagay na hindi kayang gawin. Naniniwala ako na darating ang araw na tuluyan nang maghihilom ang lahat ng sugat ng kahapon. Araw-araw ang tanging dasal ko ay maging ligtas at wala nang panganib sa buhay namin.
"Salamat, Jennifer. Pangako ko sa iyo na hinding hindi ka na muling masasaktan. Salamat at pinili mo ako. Ikaw ang naging pag-asa ko nang mga panahon na madilim na ang mundo ko. Salamat sa lahat ng sakripisyo mo at pag-unawa. Higit sa lahat, sa pagmamahal. Ikaw lang ang babaeng tanging mamahalin at itatangi ko sa buhay ko. Palagi akong malakas para sa inyo ng anak natin…" naiiyak na sambit ni Ivan habang nakaupo kami sa may damuhan.
Kinuha niya ang kamay ko at bahagyang pinisil iyon. Hindi ko mapigilan na hindi maiyak sa mga sinabi niya dahil ramdam na ramdam ko ang sinseridad sa mga katagang kaniyang sinambit.
"P-palagi kitang pipiliin. Ikaw ang lalaking nagparamdam sa akin ng saya at lungkot. Sa mga panahon na nalulungkot ako, ikaw ang tanging nagpapasaya sa akin. Sa mga panahon na hindi maganda ang araw ko, ikaw ang nagpapagaan nito. Ibinabalik ko lang lahat lahat sa iyo. Mabuti kang tao at hindi mo magagawa 'yon. Magtiwala ka na hanggang sa dulo ay kasama mo ako…Sabay tayong babangon sa lahat ng sakit na dulot ng kahapon. Tandaan mo na may isang ako na handang hawakan ang kamay mo at hinding hindi lalayo sa iyo… At kung darating man ang araw na maulit ito, 'wag kang matakot sapagkat ikaw at ikaw pa rin ang pipiliin ko… " usal ko.
Tuluyan nang umagos ang masaganang luha ko. Luha ng walang pagsidlan ng kaligayahan. Niyakap ako nang mahigpit ni Ivan saka hinalikan ang buhok ko ng paulit-ulit.
"Mahal kita, Jennifer…"
"Mahal din kita, Ivan…"
Natigil lang kami ng biglang umiyak si Gabriel dahil nadapa pala ito. Sabay pa kaming natawa ni Ivan at mabilis siyang tumayo upang lapitan si Gabriel at muling bumalik sa pwesto namin pagkatapos.
Kinalong ko si Gabriel habang nasa likuran ko si Ivan at nakayakap sa amin. Pinanood naming tatlo ang magandang paglubog ng araw. Muling didilim ang paligid ngunit ang kapalit nito ay isang maliwanag at magandang bukas. Halintulad sa pagmamahalan namin ni Ivan kung paano kami binalot ng dilim ng kahapon ngunit alam namin na bukas ay may liwanag din.
Kung may natutunan man ako sa mga nangyari ay MATUTO NA MAGTIWALA SA PANGINOON. Sapagkat ang kakayahan natin bilang tao ay hindi kasing lawak ng kayang gawin ng Panginoon sa buhay natin. Kaya Niyang baguhin ang mga bagay na imposible at gawing posible. Basta't ibigay mo ang buong pagtitiwala mo sa mga bagay na hindi kayang gawin ng tao. Ako si Jennifer at ito ang aking natatanging kuwento.
“Being deeply loved by someone gives you strength, while loving someone deeply gives you courage."