Inihatid ako ni Rio sa amin. Saktong nasa labas na no’n si Aling Judea kaya nakita niya kami. Kaya nang makapasok na ako ng gate, panay ang tanong niya sa akin ukol doon. Kuryosong kuryoso siya na ikinangingiti ko na lang.
“Magkwento ka naman oh, miss. Trivino `yon `di ba?”
Humakbang ako sa pinto at sa puntong ito pumwesto siya sa aking gilid.
“Opo. Rio Trivino po ang pangalan.”
“Gwapo `yon ah. Manliligaw mo?”
Nagliwanag ang eskpresyon ko roon. Muntik na akong matawa pero pinigilan ko lang.
“Naku, `di po. Kaibigan ko lang siya. Magkapartido din kasi kami kaya siyempre kailangan pakisamahan.”
“Sigurado kang tungkol lang sa eleksyon ang pinag-usapan niyo?”
“Oo naman po. Wala ng iba…”
Isa rin sa mga dahilan kung bakit medyo duda siya ay iyong ngiti mismo ni Rio nang ihatid ako at magpaalam sa akin. Hindi `yon basta ngiti lang. Hindi pilit. It’s more than natural. Iyong mahahalatang sobra pa sa pagka-genuine. Nawindang pa nga ako dahil nag-iiba ang aura niya kapag ipinapakita ang ngiting iyon. Imagine? Mas bagay sa kaniya ang bad boy look pero kung makakilos ay dinaig pa pinaka-good boy sa balat ng lupa.
I could literally say that I need him as a friend dahil hindi lang basta-basta ang mga salita niya. Hindi lang nakaka-motivate, nakaka-encourage pa. Siya `yong kaibigan na tingin ko`y maaasahan sa mga payo. Iyong may mapupulot talaga at hindi lang basta eme-eme.
Dumiretso na si Aling Judea sa kusina tangan ang mug na inabot ko. Pagka-akyat ko ng hagdan, saktong pababa na rin si Papa; diretso at seryoso ang mga mata sa akin. Kinabahan na lang ako bigla dahil ilang araw na ang lumipas nang huli kaming mag-usap. Sa totoo lang, hindi naman ako ang umiiwas. May galit man ako sa kaloob-looban, siyempre wala naman akong choice kung siya mismo ang gagawa ng move upang magkaayos kami, `di ba?
I bowed my head and decided to continue. Humakbang na rin siya pababa hanggang sa magkasalubong kami. Ganoon na lang ang paghinto ko nang marinig ko siyang magsalita. Gustuhin ko mang lumingon ay `di rin nagawa.
“Kindly preprare for the upcoming mass. Sasama ka sa simbahan,” he said coldly. Tumango ako at saka lang nagpatuloy nang humakbang na muli siya pababa. Dumiretso ako sa aking kwarto at pumili ng dress na maaari kong isuot.
Nakakalungkot lang. To think na matagal kaming hindi nagsama mula nang maghiwalay sila ni Mama, ngayon ay siya pa itong may gana na hindi ako pansinin sa loob ng maraming araw. Paano niya ako natitiis nang ganoon? Anak niya ako. At walang ama na kayang balewalain ang anak sa loob ng mahabang panahon.
Noong una, nang mapadpad ako rito, I was expecting for someone— someone na ipinalit niya kay Mama. I mean, bata pa lang ako noong nasira ang pamilya namin kaya malaki ang chance na may babae na siyang ipinalit. Ngunit nang mapadpad na ako rito, wala naman akong ibang nakita maliban kina Aling Judea at Lola. Hindi ko inasahan na talagang nag-focus na lang siya sa pagiging pulitiko at hindi na napaglaanan pa ng oras ang love life.
Don’t get me wrong, hindi naman ako against kung magkakaroon ako ng step mom. As long na gusto niya at iyon ang makapagpapasaya sa buhay niya. Si Mama kasi, kahit paano’y may nanliligaw sa kaniya. I like seeing her happy kahit na nahihiya raw siya sa akin.
Matagal ko nang tinanggap na hindi na kailanman mabubuo ang pamilya namin. And that’s my only choice— na kahit kasal sila at kahit pinagbuklod na ng sagradong seremonya, tumaliwas pa rin ang tadhana sa kanila. Nauunawaan ko naman. Mas mainam na iyon kaysa naman ipagpilitan ang hindi na pwedeng ipilit.
Kaya nga kung ako ang tatanungin, kahit na sabihing taliwas ito sa ideyolohiya at paniniwalang sinusunod ng karamihan, sumasang-ayon ako sa divorce. I understand the sentiments of other people that the marriage is sacred and an eternal promise has been made. Pero paano kung hindi na talaga masaya para sa isa’t isa ang mag-asawa? Sometimes, admit it or not, this conflict leads to domestic abuse. And what can we only do is to accept what’s their remaining choice— to separate and be free of the chains that binds them.
Nang makaligo, naisin ko mang magdamit ng liberated o eleganteng damit, simpleng daffodil shirt at black pants ang isinuot ko. Naisip ko kasi na baka ma-turn off sa akin si Jaslo kapag agaw-pansin ang damit ko. Conservative pa naman ang simbahan.
Pinatuyo ko muna ang buhok ko bago ako nag-make up. Pagkatapos ay bumaba na ako at dumiretso sa hapag. Nakapuwesto na sina Lola at Papa at may pinag-uusapan tungkol sa munisipyo ngunit wala naman akong maintindihan dahil hindi ko masundan ang usapan. May mga binabanggit pa silang pangalan, mga konsehal at kagawad na hindi ko naman kilala.
“Dios mio Raphia! Ang make-up mo! Sobrang bigat!” asik ni Lola nang ibaling naman niya ang pansin sa akin. Huling subo ko na sana sa umagahan ko ngunit hindi na naituloy dahil doon.
Marahan akong lumingon sa kaniya. Saktong nasa tapat ko siya habang si Papa ay nasa gawing gilid ko, sa kabisera.
“Ayan oh, Ralyono! Tingnan mo ang anak mo. Parang p****k!”
Papa looked at me. Pinandilatan niya ako ng mata na kaagad ko namang naunawaan kung para saan. Walang kibo akong tumayo upang bumalik ng kwarto at humarap muli sa salamin.
Hindi ko maunawaan si Lola. Bakit ganoon na lang siya kung makabitiw ng salita? Kung tutuusin, hindi naman mabigat itong make-up ko. Tamang tama lang ang foundation at wala namang contour o concealer. Naglagay lang ako ng blush-on upang `di maging maputla. Sinamahan ko rin ng lip tint para kahit paano’y mukhang presentabe `tong labi ko— anong masama?
Sa inis ko ay kumuha ako ng wipes. Padabog ko itong ipinunas sa mukha ko hanggang sa magmukha akong multo sa putla. I mean, hindi naman siguro ganoon kaputla sa mata ng iba. Ngunit sa parte kong mas sanay nang nagme-make up kapag may lakad, dito ako mas kumportable.
Kinagat ko ang labi ko habang nakatitig sa salamin. Wala eh. Kung mag-iinarte ako, baka `di na lang ako isama ng mga `yon sa simbahan. Ito na nga lang ang araw na pinakahihintay ko sa buong linggo. At masakit para sa`kin kung palalagpasin ko ito gayong kahapon pa ako excited na dumating ang pagkakataong ito.
Ilang minuto pa ang ginugol ko sa harap ng salamin. Nagdesisyon lang akong lumabas nang katukin na ako ni Aling Judea upang bumalik na sa ibaba. Hindi ko na tinapos ang pagkain ko. Nag-toothbrush lang ako at dumiretso mag-isa sa kotse. Nag-busy-busy-han ako sa cellphone ko dito sa backseat hanggang sa pumasok na sila at pumwesto sa front. Hindi na nila ako pinansin dahil ganoon pa rin ang seryoso nilang usapan tungkol sa mga konsehal, at mukhang aprubado na kay Lola ang maputlang pagmumukha ng sarili niyang apo.
Kainis. Sobrang conservative. Kung na kay Mama lang ako ay suportado pa niya ang pagme-make-up ko. Ano ba kasing masama kahit light lang ang pagkakapahid ko? Masamang tao na ba kapag ganoon?
Kung `di dahil kay Jaslo, baka matagal na akong nakauwi ng Manila ngayon. Kung `di lang dahil sa ultimate crush ko, baka wala na ako sa puder ng mga taong `to. Pero tanga e. Marupok. Masyado akong nilamon ng damdamin ko para sa lalaking iyon. Tipong kahit na anong deny ang gawin ko, kahit na ipagpilitan kong `di ko talaga siya gusto ay nananaig pa rin itong sigaw ng puso ko.
Prente ko na lang itinuon sa cellphone ang aking tingin habang umuusad ang biyahe. Tamang scroll lang sa i********: at panay pindot ng react sa posts ng mga kaibigan ko sa Manila. I was about to log out pero may nag-pop na notification. Nagulat nang bahagya dahil nag-notify na may friend request si Rio.
Dali-dali akong lumipat sa f*******:. Hindi ako nagpatumpik-tumpik na i-confirm ang request niya at i-stalk ang account niya. Pero wala akong napala. Sobrang private niya. Walang ibang nasa news feed kundi ang birthday niya at profile picture. Marami naman sanang reactors pero naka-turn off ang comments. Nag-iisa lang ang litratong mirror shot, naka hoodie at nakatago ang mukha sa likod ng phone.
Ch-in-at ko siya.
Ako: Hi. Buti nahanap mo account ko?
Agad niyang na-seen iyon, typing, hanggang sa dumating ang reply.
Rio: Oo. Pasensya na kung biglaan.
Ako: Bakit isa lang ang picture mo tapos DP pa? Ang private mo naman.
Rio: Nahihiya ako.
Ako: Hmm, ikaw ba `yan? Baka mamaya poser ka lang.
Rio: What should I do then?
Rio: Video call?
Napalunok ako. Hindi ko alam kung maganda bang ideya ito gayong tahimik na sa front seat si Lola at nakatuon na sa pagmamaneho si Papa.
Muli akong nagtipa ng mensahe.
Ako: Sige, basta magpakita ka lang. Hindi ako magsasalita dahil bawal mag-ingay.
Rio: Okay, give me a second.
Habang naghihintay sa kaniya, binaba ko na agad ang volume ng phone ko. Sinigurado ko para hindi umagaw ng atensyon sa mga kasama ko rito.
Sa ilang sandali pa ay bigla na nag-pop-up ang kaniyang tawag. Lumunok muna ako bago ito sagutin. Hindi ko alam ang mararamdaman ko nang makita siya sa kabilang linya. Nakahiga siya ngayon sa kaniyang kama, walang pang-itaas, at magulo ang tila katutuyo pa lang na buhok.
Muntik na akong mapasinghap. Buti ay nagawa kong pigilan.
May kung ano siyang sinabi na hindi ko narinig dahil dead zero ang volume ng cellphone ko. He waved and smiled habang ako ay laglag-panga. Gusto ko sana siyang sigawan dahil hindi niya man lang ako inabisuhan sa kung ano man ang makikita ko sa kaniya. Bakit `di man lang nagdamit? Bakit…
Goodness!
“Anong pinapanood mo diyan sa cellphone mo, Raphia? Nakakagat ka yata sa labi mo?”
Sa takot ay napa-end call ako. Mabilis kong tiningnan si Lola sa rear-view mirror at napansin ang seryoso niyang tingin.
Umiling ako.
“Wala po,” sagot ko na tila hindi kumbinsido sa kaniya. Ibinulsa ko na lamang ang phone at prenteng lumingon sa bintana. I was about to think and recall what I saw in that video call pero para akong binuhusan ng malamig nang matanto kung nasaan na kami ngayon.
Nasa tapat na kami ng simbahan...
Nag-alburuto bigla sa bilis ang puso ko. Hindi ko pa man nakikita si Jaslo, ang maisip na magtatagpo ulit kami ay higit pa sa antisipasyong ito. Nanumbalik bigla ang pag-uusap namin noon at kung paano niya ako nginitian. Makakayanan ko kayang kimkimin ang kilig sakaling gawin niya ulit `yon sa sa’kin? Para akong tanga. Nababaliw na nga yata ako.
“Raphia, ang bilin ko ha. Huwag na huwag kang sisimangot. Ngumiti ka gaya ng ginagawa ng Papa mo.”
Tila ginising ako sa masungit na pagkakasabi nito. Marahan akong tumango nang nakatikom ang mga labi.
God. This is it.
Nang maiparke ang sasakyan, pagkalabas ay nangyari ang dapat kong asahan. Nakilala kaagad kami ng mga tao. Tumabi ako kay Lola nang nakangiwi habang sila ni Papa ay todo ngiti at kaway sa mga narito. Wala pa man kami sa loob ng simbahan pero kung dumugin kami ng atensyon ay mas malala pa sa nangyari noon. As much as possible, pinipilit ko maging natural ang ekspresyon ko, pinipilit kong hanapin iyong magandang idudulot nito. Pero ano bang mahuhuthot ko sa hype na ito? Nagmumukha kaming uhaw sa atensyon. Ito ang pinaka-ayaw kong mangyari at hinding hindi kailanman inisip na mapadpad sa ganitong klaseng sitwasyon.
Habang abala sila sa pagbati at pagngiti sa mga tao, ako naman ay lumilinga-linga upang magbaka-sakali. Baka kasi nanonood din sa amin si Jaslo. O maaaring kuryoso iyon dahil dinudumog kami ng mga tao rito sa labas. How I wish na sana ay hindi. Dahil kung makikita niya ako ngayon sa disposisyong ito, para akong natatae.
“Raphia, tinatanong ka,” bulong sa akin ni Lola. Kaagad akong bumaling sa kung sino man ang nagtatanong sa akin, partikular na sa mga nakapalibot. Lahat ng mga mata nila ay nakatuon sa akin at hinihintay ang isasagot ko.
“Uh, ano po ulit ang tanong?”
May isang nagsalita. “Ano pong maaasahan ng mga kabataan sa inyo kapag nanalo kayo sa eleksyon?”
And just like that, para akong binagsakan ng langit. Sa simpleng tanong na iyon ay nahirapan kaagad ako. Paanong hindi gayong nanonood din sa akin si Papa? Isang maling salita ko lang ay makakaapekto na rin iyon sa reputasyon niya!
S-hit. Pwede bang tanggihan na lang ito? Paano ko kaya ito lulusutan?