Maagang nagising si Amor. Agad siyang tumingin sa salamin at napansin niya ang pamamaga ng kaniyang mga mata. Naalala na naman niya ang nangyari kahapon. Maayos na sana ang takbo ng araw niya kung hindi nila nadatnan si Raf.
"I hate you, Raf," usal niya sa sarili habang naghihilamos.
Lumabas siya ng kuwarto at dumiretso sa kusina. Nagugutom siya dahil hindi na siya nakakain kagabi. Magsasaing na sana siya nang tumunog ang cellphone niya.
"O, Tin, ang aga mo namang tumawag. Paalis ka na ba?" Usapan nila na susunduin siya nito at ihahatid sa trabaho.
"Nah. I just want to inform you na tumawag kagabi si Jack. Kinukumusta ka."
"Naku, Tin," inis niyang saad. "Sinabi mo sana na magiging okay ang sitwasyon ko kung hindi siya magpapakita sa akin. Ayoko ng sakit sa ulo."
"Ay grabe siya. Nagangamusta lang 'yong tao, sakit na sa ulo? You have to be thankful, Amor, na kahit papaano ay naalala ka ng lalaking iyon."
"Naalala niya ako dahil may kailangan siya," tugon niya. "For your information, Tin, hindi ko kailangan ng pangangamusta niya. That man is trying to get close to you para makuha niya ang address ko and then what? Araw-araw na siyang dadalaw dito para kulitin ako gaya ng pangungulit niya sa Punta de Gloria."
"I think that's okay, besh. Single ka naman na, di ba? And single si Jack. I don't see anything wrong sakaling manligaw siya sa iyo."
"I don't like!" Gustong-gusto niyang bulyawan ang kaibigan. "Pagod na akong magmahal, Tin. Gusto kong ipahinga ang puso ko kaya sabihan mo ang lalaking iyon na huwag na huwag magpapakita sa akin, ha?"
"Ay ang taray natin, besh. Pasalamat ka may nagkakagusto sa 'yo—"
"I would prefer na walang magkagusto sa akin. Mas okay nga 'yon, e. Matatahimik ang buhay ko." Habang kausap ang kaibigan ay kinuha niya ang rice cooker para makapagsaing na siya.
"Okay. Be ready in an hour. Susunduin kita."
"Uhmm..." Kinansela na niya ang tawag at ipinagpatuloy ang pagluluto. Mag-a-alas sais na ng umaga at maliligo pa siya kaya kailangan na niyang bilisan.
Eksaktong alas siyete ng umaga ay nakahanda na si Amor. Sa labas niya na lang hihintayin si Tin dahil nagmamadali rin siya sa pagpasok. Isa pa ay baka dumating si Raf. Ayaw niyang masira ang araw niya.
Agad din namang dumating si Tin at habang nasa biyahe ay panay ang kuwento nito tungkol kay Jack. At dahil hindi interesado si Amor ay nilibang niya na lang ang sarili sa pagmamasid sa labas ng bintana.
"Hey, gurl," untag ni Tin nang mapansin na tila hindi nakikinig si Amor. "Nag-aaya si Jack pumunta sa bar mamaya. Sama tayo?" Itinigil nito ang kotse dahil nagkulay red ang traffic light. "Hoy, parang hindi ka naman nakikinig, e." Muli nitong inulit ang tanong.
Nagsalubong ang kaniyang kilay. "Lunes pa lang, Tin, pero bar na agad ang nasa utak ng lalaking iyon?"
Nagkibit-balikat si Tin. "E, sa 'yon ang trip nila. Hayaan mo na. Mababait naman sila."
"Naku, Tin, hindi ako sasama. Kayo na lang, but make sure na hindi mo sasabihin sa kanila kung saan ako nakatira, ha. Kapag talaga natunton ako ng lalaking iyon, ikaw ang unang-una kong pagbibintangan, ha."
"Honest ako, 'noh?" Ipinagpatuloy na nito ang pagmamaneho. "At hindi kita ipapahamak, Amor. Pangako 'yan. Kung ayaw mo talagang makita si Jack, e, di huwag. Pero sayang naman kung palalampasin mo ang kaguwapuhan ng lalaking iyon."
"Wala akong pakialam kung guwapo 'yon. Halatang-halata naman sa kilos at pananalita na playboy ang taong iyon. Anong akala niya sa akin, easy to get? Si Raf nga anim na buwan akong niligawan bago ko sinagot. Ano siya sinusuwerte?"
Umikot ang mga mata ni Tin. "So you want him to court you the traditional way? Iyong tipong haharanahin ka? Jusme, Amor! Wala ng gano'n, 'noh?" Itinigil ni Tin ang kotse sa harap ng boutique kung saan nagtatrabaho si Amor.
"Iisa lang naman ang gusto ko, Tin." Tinanggal na niya ang seatbelt.
"Ano 'yon?" Nagliwanag ang mukha nito. "Sasabihin ko kay Jack."
Ngumisi si Amor. "Tigilan mo na ang pakikipagkaibigan sa lalaking iyon dahil inuuto ka lang ng taong iyon. Can't you see na ginagamit ka niya para malaman kung nasaan ako."
"Ay hindi naman. Gusto naman niya ako maging kaibigan, Amor."
"Bahala ka na nga. Basta ayaw ko sa kaniya." Binuksan na niya ang pinto ng kotse at bumaba na. Hindi na siya nagpasalamat, tuloy-tuloy siya papasok ng boutique. Naiinis siya. Hindi niya alam kung ano ang ipinakain ni Jack sa tatlo niyang kaibigan at inuudyukan siya ng mga iyon na bigyan ng pagkakataon na manligaw ang lalaking nakilala nila sa Punta de Gloria.
Nakipagbatian siya sa mga kapwa niya saleslady ng sikat na boutique na iyon. Matapos ilagay sa locker room ang bag niya ay nagsimula na siya sa kaniyang trabaho. Ilang araw din siyang hindi nakapasok. Mabuti na lang at mabait ang may-ari ng boutique kaya hindi siya sinesante.
Malaki ang boutique na pinagtatrabahuhan niya. Kilala iyon dahil sa mga ibinebentang mga mamahaling bag at mga damit na tanging mayayaman lang ang nakakabili. Ilang taon na rin siyang nagtatrabaho roon at dahil maganda ang pasahod ay wala siyang balak mag-resign.
Bandang alas onse ng umaga at inaayos niya ang mga naka-hanger na damit nang maramdaman niya na tila may mga matang nakatingin sa kaniya. Agad niyang iniangat ang paningin at dumako iyon sa isang tao na ni sa hinagap ay hindi niya inaasahan na makikita niya ngayon. Naroon mismo sa harap niya ang taong pinakaaayawan niya. Nakatingin lang ito sa kaniya, hindi niya alam kung natutuwa ito o naiinis. Nakataas kasi ang kabila nitong kilay at tila nakangisi.
"Hello, Ma'am," masiglang bati niya. Hindi siya puwedeng magtaray sa pagkakataong iyon dahil kaharap niya ito bilang customer. Kailangan niyang maging professional at isantabi ang inis niya sa babaing iyon. "What can I do—" Hindi niya itinuloy ang sasabihin dahil itinaas ng babae ang kanang kamay para patigilin siya sa pagsasalita.
"I am not here to buy anything," saad ng babae sa mababang tinig. Inilibot nito ang paningin at nang mapansin na walang nakikinig sa kanila ay nagpatuloy sa pagsasalita. "I am just here to warn you, Amor. Huwag na huwag kang magkakamali na makipagbalikan sa anak ko. I don't like you. You will just ruin my son's future. Stay away from him, understand?"