"Jack p're." Malakas ang boses ni Martin habang sinusundan niya si Jack papasok ng bar. Nakumpirma kasi nila na naroon sa bar na iyon si Raf. "Huwag kang mag-iskandalo rito, bro."
Maingay sa loob ng bar dahil naghahalo ang sigawan ng mga taong naroroon na balak yatang higitan pa ang rock music na nagmumula sa banda na naroon sa stage. Tumigil si Jack sa gilid at medyo madilim na bahagi ng bar. Sinuyod niya ng tingin ang taong hinahanap. Si Martin ay tila asong bumubuntot sa kaniya at paulit-ulit na nagpapaalala na huwag gagawa ng gulo.
Ngumisi si Jack nang dumako ang paningin niya sa bar counter kung saan naroon si Raf. "There you are, b*stard." Naglakad na siya papalapit doon. Kilala niya ang bartender na agad naman siyang binati at nagtanong ng gustong inumin.
"Scotch, please!" saad ni Martin. Agad itong umupo sa bakanteng upuan na naroon sa tabi ni Raf.
Napailing na lang si Jack subalit wala siyang magagawa. Alam niyang sinadya ni Martin na unahan siya sa puwestong iyon. Gusto pa naman niyang pakinggan ang mga pinagsasabi ni Raf sa kasama nito.
"Musta ka na, Drake?" tanong ni Jack sa bartender. "Mukhang nakahanap ka na ng matinong trabaho, ah." Ngumisi siya.
"Ayos lang, Boss Jack. Part time lang ako rito." Abala ito sa pagsisilbi kay Raf pati na sa kasama nito. "Pero gano'n pa rin naman ang trabaho ko sa araw." Ngumiti si Drake. "Malaki naman ang kitaan doon kaya hindi ko binibitiwan."
Tumango lang si Jack at sumimsim ng alak. Sinamantala niya na rin ang pagkakataong iyon para makinig sa kuwentuhan ng dalawang lalaki sa tabi ni Martin. Nais niyang obserbahan ang ugali at kilos ni Raf. Gusto niyang malaman ang kahinaaan nito para mas lalo itong masira kay Amor.
"Hi, Raf!" saad ng isang babae sa hindi kalayuan.
Pasimpleng tumingin si Jack sa kinaroroonan ng babaing iyon. Napailing siya. Kilala niya ang babae. Isa iyong GRO na pinandidirihan niya noon pa. Maigi nga at si Raf ang nilapitan nito at hindi siya.
"So nakipagbalikan na sa 'yo ang girlfriend mo, Raf?" saad ng babae kay Raf at dinig na dinig iyon ni Jack.
"Pupunta ba kami rito kung nakipagbalikan na kay Raf?" sabat naman ng lalaking kasama ni Raf.
"That's good!" agad na yumakap ang babae kay Raf. "Meaning akin ka ngayong gabi."
Walang imik si Raf. Umiinom lang ito ng alak habang ang babae ay panay ang halik sa mukha at leeg ng binata. Lihim namang napapangisi si Martin.
Mayamaya ay napansin nila na tumayo si Raf. Nakaakbay na ito sa babae habang naglalakad palayo. Nakasunod naman ang kasama nitong lalaki.
"Picture-an mo, dude," bulong ni Jack kay Martin. "Dali!"
"Oo, maghintay ka! Kung makautos ka..."
"Gusto mong tanggalin kita sa trabaho?" pananakit niya.
Tumaas ang isang sulok ng labi ni Martin. "You can't do that. Mawawalan ng de kalidad na engineer ang kompanya mo." Kinuhan niya ng picture si Raf at ang kasama nitong babae. Marami-rami rin iyon at natitiyak niya na ipapakita iyon ni Jack kay Amor.
"I could get the best engineer in the country." Senenyasan ni Jack ang bartender na bigyan pa siya ng alak.
"But I am the best, Jack." Tumawa si Martin saka ipinakita ang kinuha niyang picture. "Ayos na ba ang mga ito? O gusto mo na sundan natin ang g*gong iyon?"
Tumango lang si Jack saka ibinaling ang paningin sa bartender. "Drake, Marami pa ba ang nagpupunta sa lugar n'yo?"
"Oo naman, Boss Jack. Mas lalong nadagdagan ang mga bigatin na dumadayo sa lugar namin."
"Totoo?"
"Oo naman. Tagal mo na kasing hindi nagagawi roon. Pasyal ka naman minsan."
"Kapag nagkaroon ako ng oras." Sinaid na niya ang laman ng baso at kinuha ang wallet. Matapos magbayad ay niyaya na niya si Martin na umuwi na.
Palabas na sila ng bar nang mahagip ng kaniyang paningin si Raf. Nakaupo iyon sa pang-isahang sofa. Yakap-yakap ang kasamang babae at naghahalikan.
Kinuha ni Jack ang sariling cellphone at kinuhanan niya ng video ang dalawa. Nakangisi siya habang ginagawa iyon. Mas lalo itong kamumuhian ni Amor kapag ipinakita niya ang video.
"Desperado ka na talaga, 'no?" saad ni Martin habang binabaybay nila ang daan pauwi. "Hindi ko akalain na magagawa mong sirain si Raf kay Amor."
"Sirang-sira na siya kay Amor kaya wala ng sisirain pa sa g*gong iyon." Tumatawa si Jack habang nagmamaneho. Umaasa siya na makikita si Amor sa mga susunod na araw.
"You are not making sense, Jack. Paano kung sa 'yo gawin 'yon? Matuwa ka pa kaya?"
"Hindi 'yon mangyayari sa akin, sa amin ni Amor. Because I'll make sure na ako ang magiging huling lalaki sa buhay niya at siya ang babaing mamahalin ko. Mark my word, Martin."
"I don't believe you. Playboy ka Jack. Naging hobby mo na ang magpaiyak ng mga babae. What makes you think na tatagal ang relasyon ninyo ni Amor kung sakali nga na maging kayo? Jack, para kang nagpapalit ng damit kung magpalit ka ng babae. You sure na hindi ka magsasawa kay Amor?"
Hindi nakakibo si Jack. Totoo naman kasi ang sinabi ng kaibigan niya. Wala siyang sineseryoso na babae.
Para sa kaniya ay pampalipas oras lang ang mga iyon. Nakapokus siya sa negosyo na dugo at pawis ang ipinuhunan niya kaya iyon ang mahalaga sa kaniya. Isa pa ay alam niya na tanging pera niya lang ang habol sa kaniya ng mga babae.
Mga babaing isusuko ang dignidad at katawan para lang sa pera. Kaya naman niyang ibigay ang pera pero hindi ang puso niya. Mataas ang standard niya pagdating sa pagpili ng babaing gusto niyang makasama habang buhay. Iyong sasamahan siya sa hirap at sa ginhawa. Hindi kagaya ng mga nakarelasyon niyang babae na puro sarap lang ang alam sa buhay.
Laki sa hirap si Jack bago pa man siya naging bilyonaryo. Kaya siya nagpupursige na umunlad ang kaniyang negosyo para hindi na danasin pa ng magiging mga anak niya ang hirap na pinagdaanan niya. Subalit sa mundong ginagalawan niya ay tila abala ang lahat sa pagpapayaman at nakalimutan na ang malinis na kalooban.