Maaga akong pumunta sa carinderia ni Aling Sita kinabukasan. Kinakabahan ako, baka galit siya sa akin dahil hindi ako nakapasok kahapon. Baka sisantehin niya ako bigla. Kakaumpisa ko pa nga lang, tapos matatanggal na agad ako. Pagdating ko pa lang ay naabutan ko na siya sa loob. Nakaupo siya sa isa sa mga silya. Matalim ang titig niya sa akin nang makita niya akong pumasok. Nanlamig ako bigla.
"Bakit hindi ka pumasok kahapon?!" galit niyang bungad. Tumayo siya at lumapit sa akin. Napaurong naman agad ako dahil sa kanyang ginawa.
"Aling..." napalunok ako. "Aling Sita, ano po... sorry," yumuko ako. Nilaro ko ang aking mga daliri para bawasan ang kabang nararamdaman.
"Ano bang ginawa mo, ha? Bakit hindi ka pumasok?" huminahon na ang kanyang boses.
"Sorry po... talaga. May inasikaso kasi ako," nilingon ko siya. Seryoso ang tingin na ibinibigay niya sa akin.
Nagpakawala siya ng malalim na hininga bago magsalita. "Oh, sige..." nag iwas siya ng tingin. "Maglinis ka na! Aakyat na ko sa taas," hindi na ako nakasagot dahil tumalikod na siya at umakyat na sa itaas.
Naiwan naman akong nagtataka dahil sa kanyang ginawa. Gano'n na lang 'yon? Hindi siya galit sa akin? Ang inaasahan ko ay magagalit siya o kaya naman ay tuluyan na niya akong tanggalin sa trabaho. Hindi naman pala siya ganoon kasama kagaya ng iniisip ng iba. Para sa akin ay mabait si Aling Sita!
Naglinis na lang ako kahit na wala namang dumi. Inayos ko ang mga mesa at upuan. Ginawa ko ang lahat para maging malinis ang loob nito. Para naman ma engganyo ang mga tao na kumain dito. Ngunit tulad pa rin ng dati, walang customer. Nakaupo lang ako. Naka abang sa pintuan kung sakaling may pumasok at maisipan na kumain dito. Kaso ay wala talaga. Lumamig na naman ang mga pagkain.
Bakit kaya ayaw pumunta ng mga tao dito? Masarap naman ang luto ni Aling Sita, pero bakit gano'n?
Hanggang sa sumapit ang alas tres ay wala talagang customer. Nakatingin lang sa paligid si Aling Sita pagbaba niya. Tila sanay na siya na ganito ang nangyayari araw-araw.
Kumuha ulit siya ng dalawang plastic at nilagyan ito ng kanin at ulam. Binigay niya ang mga ito sa akin. Wala man lang kahit na anong sinabi. Matamlay ang kanyang mukha. Hindi ito normal para sa akin. Sa tingin ko ay may mabigat siyang nararamdaman.
"Salamat po..." sabi ko bago umalis.
Tumango lang siya sa akin.
Pag uwi ko ay agad akong kumain. Nagpahinga na rin muna ako para mamaya sa trabaho ay may lakas ako.
Pinipilit ko ang sarili ko na matulog ulit, kaso ay hindi ako makatulog. Iniisip ko pa rin kasi si Victor. Kumusta na kaya siya? Ano kaya ang ginagawa niya ngayon? Magkasama kaya sila ni Aaliyah? Ngumingiti kaya siya ngayon? Masaya kaya siya dahil kasama niya si Aaliyah?
Ginulo ko ang buhok ko. Ano ba itong iniisip ko? Baliw na yata talaga ako. Mas lalo akong nababaliw kapag naiisip ko ang mga ginawa niya para sa akin kagabi. Kahit na mabilis na halik lang iyon, pakiramdam ko ay 'yon na ang pinaka matamis na halik na nanggaling sa kanya.
Inabot ko ang aking cellphone. Wala pang mensahe galing sa kanya. Hindi pa siya nagtetext, kaya wala pa akong number niya hanggang ngayon. Kahit na gusto ko siyang kumustahin ay wala naman akong magagawa. Binaba ko na lang ulit ang aking cellphone. Pumikit ako, nagbabaka sakaling makakatulog na. Kaso ay hindi na talaga ako hinahayaan ng isip ko na matulog. Hindi ko talaga magawa!
Ano bang ginagawa mo sa akin Victor?
"Hoy, Aria Villegas... anong ibig sabihin ng nakita ko noong nakaraang gabi?" usisa agad ni Fin nang makita niya ako pagdating sa trabaho. Inaasahan ko na talaga na ganito ang isasalubong niya sa akin. "Bakit hindi na kayo bumalik ni Papa V, huh? May nangyari ba?"
Umakyat ata lahat ng dugo ko sa aking pisngi. Hindi ko yata kayang i-detalye sa kanya. Hindi ko kayang ikwento kung ano nga ba ang ginawa ko kay Victor at kung ano ang ginawa niya sa 'kin.
"Ano... wala..." nag iwas ako ng tingin. Sinara ko ang aking locker at naglakad na patungong loob ng bar.
Buong akala ko ay tatantanan na ako ni Fin. Ngunit sadyang makulit talaga ang kaibigan kong 'to.
Hindi niya ako tinigilan sa kanyang mga tanong. "Saan nga, 'te? Sabihin mo na..." hinila niya ang aking braso kaya natigilan ako sa paglalakad.
"Hinatid niya lang ako."
"Bakit ka naman niya ihahatid? Alam ba niya ang bahay mo?"
Mukhang hindi na ako makakapag lihim pa sa kanya. Hinila ko ulit siya pabalik sa aming locker area. Mas tahimik dito. Walang makakarinig sa amin. Kailangan ko na rin talagang sabihin sa kanya kung ano ang mga nangyayari. Maiintindhan naman niya siguro ako.
"Okay," binitawan ko ang kamay niya. Huminga ako ng malalim. "Kami ni Victor..." hindi ako makatingin ng maayos sa kanya. "May... nangyayari sa 'min..."
Napatakip siya ng kanyang bibig. Napapikit ako ng mariin. Huhusgahan ba niya ako o iintindihin?
"Gosh, Ria! Totoo?!" pinilit niyang hinaan ang kanyang boses.
Tumango ako. Nagkatinginan kaming muli. Bakas sa mga mata niya ang pag aalala at pagkalito. Hindi ko alam kung paano ko nga ba sasabihin ang lahat sa kanya. Bahala na.
"Alam mo ba 'yang pinasok mo, ha? Baka mabuntis ka!"
Tinakpan ko agad ang kanyang bibig. Nilingon ko ang paligid dahil baka may makarinig sa amin. "Huwag kang maingay..." pinilit kong mas hinaan pa ang boses ko dahil baka may bigla na lang pumasok.
Tinanggal niya ang kamay kong nakatakip sa kanyang bibig. "Sorry," humina na ang kanyang boses. "Hindi lang kasi talaga ako makapaniwala na... na may nangyari na sa inyo ni Papa V."
"Fin..." namumuo na ang mga luha ko sa gilid ng aking mga mata. "Maiintindhan mo naman siguro ako, 'di ba..."
"Pero, Ria... alam mo naman na mali... mali 'yan," iling niya.
Mabilis kong pinunsan ang aking mga luha nang tumulo na ang mga ito. "Alam ko," tango ko. "Alam ko naman 'yon... kaso... nangyari na."
Hinawakan niya ang magkabilang balikat ko. "Hindi ko alam kung... kung sang ayon ba 'ko diyan. Hindi ganyan ang nakilala kong, Ria."
Maging ako, hindi ko na rin makilala ang sarili ko. Hindi ko alam kung ano nga ba ang pumasok sa isip ko at pumayag ako sa ganito. Basta ang alam ko lang, gusto kong tulungan si Victor na makalimutan si Aaliyah. Kahit na maging mabigat pa ang kapalit.
"Pero... kaibigan kita," niyakap niya ako. "At tanggap kita kahit na ano pa ang gawin mo."
"Salamat... salamat, Fin..." muli akong humikbi.
Pinaliwanag ko ang lahat sa kanya. Kahit na papaano, nabawasan ang tinik na tumutusok sa puso ko. Kahit na hindi siya sang ayon sa ginagawa ko, masaya naman ako dahil tanggap pa rin niya ako bilang kaibigan.
Bumalik na ulit kami sa aming trabaho. Pinaulanan din ako ng tanong ng iba pa naming mga kasama. Mabuti na lang ay tinutulungan ako ni Fin na magpaliwanag. Malaki rin ang pasasalamat ko dahil hindi man lang nagsumbong si Kara sa boss namin. Wala man siyang naging reaksyon sa mga nangyari noong nakaraang gabi.
Alas tres na ng madaling araw nang matapos ang aking trabaho. Masaya kaming nagkukwentuhan ni Fin habang nag aabang ng jeep nang bigla na lang may magsalita sa harapan namin.
"Ria..." nalaglag na yata ang puso ko nang marinig ang kanyang boses.
Si Victor!
Nagkatinginan kami ni Fin. Nanlaki ang mga mata niya, ako naman ay hindi mahagilap ang aking boses. Naestatwa na rin yata ako sa aking kinatatayuan.
Binalingan ko si Victor. Malalim na naman ang tingin niya sa akin. Parang nababasa niya kung ano nga ba ang tumatakbo sa utak ko. "Bakit... bakit ka nandito?" tanong ko. Ang akala ko ba ay hindi muna kami magkikita ng ilang araw dahil magiging busy siya sa kasal ni Aaliyah at Miggy?
Nagkibit balikat siya. Inabot niya ang aking kamay. "Gusto kitang sunduin."
Binalik ko ang tingin kay Fin. Nakatingin siya sa magka hawak kamay namin ni Victor. Nagtataka ang kanyang mukha. Pinipilit niyang intindhin kung ano nga ba ang nangyayari.
"Ang akala ko..." tiningnan ko ulit siya. "Akala ko ba magiging abala ka?"
Nag iwas siya ng tingin. "I have free time. So..." muli siyang nag kibit balikat.
Free time? Alas tres na ng madaling araw. Tiningnan ko ang kanyang suot. Nakapambahay lang siya. Mukha siyang bagong gising.
"Uhh, Ria... una na pala ako, girl. May jeep na," ani Fin. Hinalikan niya ako sa pisngi bago bumulong. "Balitaan mo ko. Mag ingat ka..." nagpaalam na rin siya kay Victor. Hindi ko man lang siya nagawang maipakilala. Masyadong naging okupado ang utak ko.
Pag alis ni Fin ay hinila ako ni Victor sa parking lot. Hindi pa rin niya binibitawan ang kamay ko. Pinagbuksan niya ako ng pintuan at inalalayan sa pagpasok ng kanyang sasakyan. Mabilis siyang umikot para makasakay na rin. Hindi ko alam kung ano nga ba ang mga nangyayari. Bakit bigla na lang siyang ganito ngayon? Sanay ako na madalas siyang masungit sa akin. Naninibago ako ngayon sa kanya.
"Are you... are you hungry? Gusto mo bang kumain muna bago umuwi?" tanong niya.
Nakaramdam ako ng gutom sa sinabi niya. Hinawakan ko ang aking tiyan. "Uhmmm..." tumango ako. "Kakain na lang ako diyan sa may fastfood sa malapit," kinagat ko ang aking labi. Nilingon ko ang fastfood sa 'di kalayuan. Ayokong tumingin sa kanya. Nahihiya ako.
"Okay," pinaandar na niya ang sasakyan. Limang minuto lang yata ang lumipas ay nakarating na kami.
Pagpasok pa lang namin ng fastfood ay tinitingnan na ng mga crew at ibang mga customer si Victor. Nakasunod ako sa likod niya. Kahit na nakatalikod, ang gwapo pa rin. Medyo lumilitaw pa ng kaonti ang tattoo niya, na compass ang design, sa kaliwang braso dahil medyo maksi ang manggas ng kanyang damit.
Humarap siya sa akin. "What do you want?" tanong niya.
Nataranta ako sa kanyang pagharap. Nahuli yata niya akong pinagmamasdan ang kanyang likuran. Umangat ang dulo ng kanyang labi. Nag iwas ako ng tingin.
"Uh, chicken meal na lang..."
Bumaling siya sa counter at sinabi ang aking order. Kinuha ko ang pera ko sa aking bag para sana magbayad kaso ay mabilis kinuha ni Victor ang wallet niya sa bulsa. Agad niyang inabot ang pera sa cashier.
"Uhmm... bayad ko," sabi ko sa kanya. Tumingin siya sa akin.
Inabot ko sa kanya ang pera ko, kaso ay tinulak niya ito pabalik sa akin. "Just keep it," ngiti niya. Natunaw na naman ang puso ko nang makita ko kung gaano katamis ang kanyang ngiti. Pati ang mga mata niya ay ngumingiti din.
Sa labas namin napiling pumwesto. Dala niya ang pagkain ko. Hindi talaga ako sanay sa ganito. Sasabog yata talaga ang puso ko dahil sobrang bilis nito sa pagtibok.
"Eat," utos niya pag upo namin.
Sinunod ko naman siya kahit na nahihiya ako. Batid ko ang bawat titig niya sa akin sa bawat pagsubo ko. Para naman akong nililitis dahil sa mga tingin niya. Nanginginig ang katawan ko. Hindi ako kumportable sa bawat galaw ko.
"So... how are you today? Nilagnat ka pa ba?"
Bumaling ako sa kanya. "Hindi na," iling ko.
Kumuha siya ng tissue, lumipat siya sa tabi ko. "Wait..." hinawakan niya ang mukha ko at pinunasan ang gilid ng aking labi. Sobrang lapit namin sa isa't isa. Nakatingin ako sa mga mata niya, siya naman ay sa labi ko nakatingin.
"Damn..." mura niya. Mabilis niyang binitawan ang aking mukha. Nag iwas siya ng tingin. Tumayo siya at muling limipat sa kinauupuan niya kanina, sa harapan ko.
Kumalabog na naman ang puso ko. Ano ba ang nangyayari sa kanya?
"Kumain ka na para mahatid na kita," naging malamig na naman ang kanyang boses.
Pinagpatuloy ko na lang ang aking pagkain. Hindi na kami na usap hanggan sa biyahe. Nahihirapan akong intindihin ang bawat galaw niya. Ang hirap niyang basahin. Kung magiging bukas lang siya sa akin, baka sakaling malaman ko kung ano nga ba talaga ang nais niyang mangyari.
Tinigil na niya ang kanyang sasakyan pagdating namin. "Salamat sa paghatid," nahihiyang sabi ko. Hindi ko siya tiningnan.
Kinuha niya ang kamay ko na nakapatong sa aking hita. "Ria..." nakatingin ako sa mga kamay namin. Ayokong tumingin sa kanya. Mas lalo lang akong nalilito.
"Don't give up on me, please. I need you. I really need you, Ria..." malungkot niyang sabi. Hinila niya ako at siniil ng mainit na halik ang aking labi.