“BIGLAAN yata ang pag-uwi mo?”
Nagulat pa si Hector nang tabihan siya nito sa inuupuan niya sa departure area. She was Irene, his officemate and his girlfriend. Isang taon na rin ang kanilang relasyon. Wala ito sa opisina kanina. At nawala rin sa loob niyang magpaalam dito. Masyado siyang nakatuon sa takdang pag-uwi at lalo na sa pakay niya sa pag-uwi niyang iyon.
“You’re here,” sabi na lang niya. Wala siyang balak na magpaliwanag pa dahil hindi naman bibilhin ni Irene iyon. Isa pa, guilty naman siyang talaga. “Akala ko nasa project ka?” kagaya niya ay engineer din ito. And she was a very good engineer para maka-penetrate sa kanilang kumpanya bilang inhinyero din.
“Uuwi din ako,” sabi nitong tumabi sa kanya. “Schedule ko naman talagang umuwi next week, di ba? Natapos na kami kagabi. I was dead tired kaya hindi na ko nakatawag sa iyo. Katatawag ko lang sa office at doon nga kita hinanap. Nalaman ko na lang na uuwi ka pala.” Tiningnan siya nito na nanunumbat. “Bakit bigla kang nag-leave?”
“Tumawag si Mama. Mayroon daw kaming importanteng aasikasuhin,” dahilan niya. Walang alam si Irene tungkol sa pagiging ampon niya. At hindi pa niya naiisip na dapat na niyang ipaalam dito ang tungkol doon. Para sa kanya ay maselan ang paksang iyon. Maski sa mismong bahay nila, hindi binubuksan ang tungkol doon.
Gumuhit ang ngiti sa mga labi ni Irene. “Ano iyon, Matt?” expectant ang naging anyon nito.
Paiwas siyang tumingin. “Hindi ko pa masabi, Irene.”
“Hindi kaya tungkol sa kasal natin?” deirektang sabi na nito.
Noong isang buwan ay dinalaw siya ng kanyang mama sa kanyang trabaho. Bahagi iyon ng pribilehiyo niya sa kumpanyang pinagtatrabahuhan. Naipakilala na niya ang dalawang babae sa isa’t isa. At nagustuhan ni Barbara si Irene. Tinanong na siya noon ni Barbara ng tungkol sa kasal. Pero wala pa sa kanyang plano ang tungkol doon.
Pinagmasdan niya si Irene. Ngayon ay tiyak na niyang magkamali lang siyang magbanggit dito ng tungkol sa kasal ay tiyak na papayag ito. He wasn’t allergic to that idea but he was not seeing himself married in the near future.
Kaswal siyang nagkibit ng balikat. “Honestly, I don’t have any idea,” sagot niya.
“Magkikita kami uli ni Mama,” ani Irene na puno ng excitement ang mukha. Mama na rin ang tawag nito sa mama niya. She felt so at ease with Barbara. Isang bagay na hindi niya alam kung ikatutuwa o ikalulungkot. Ilang taon na ring ulila sa sariling ina si Irene at tiya na lang nito ang pamilyang iniwan sa Pilipinas.
“Sure. Sasabihin ko sa kanyang umuwi ka rin.”
“Tiyak na matutuwa iyon. Nag-text kami noong isang araw. Sinabi ko sa kanyang pauwi ako. Pero magugulat iyon kapag nalamang maaga akong umuwi. At magkasabay pa tayo.” She grinned.
Narinig nila sa public address system na dapat na silang sumakay. Tumindig na siya. At kusa na rin niyang binuhat ang hand-carry bag ni Irene.
“Too bad magkalayo ang upuan natin,” sabi nito.
Fine with me, sabi na lang ni Hector sa sarili. Kahit girlfriend niya si Irene, mas pipiliin niyang mapag-isa sa pag-uwing iyon. He wanted a few hours of solitude to himself. Kung makakatabi niya si Irene, mauubos ang oras sa kanilang kuwentuhan.
“Paglapag ng eroplano, magkasama uli tayo. Ihahatid na kita sa Marikina.”
“Sige.”
Sa loob ng eroplano, pumirmi lang si Irene sa upuan nito nang lilipad na sila.
“MATTHEW, hijo. This is a surprise!” gulat na gulat na sabi kay Hector ng kinikilala niyang pangalawang ina. Bumuka ang mga matatabang bisig ni Barbara Lim at sinalubong siya ng yakap. “Hindi mo sinabing uuwi ka, anak. Sana’y nasundo kita.”
“Okay lang, Mommy. Gusto ko talaga kayong sorpresahin.” Sabik na gumanti rin siya ng yakap dito. Si Barbara ang nagbigay sa kanya ng bagong pangalan—kuha mula sa pangalan ng baryongpinagmulan nito, ang San Mateo. Sa adoption papers niya, he was Matthew Lim. At bagaman nasanay na siyang Matthew ang tawag sa kanya ng marami, sa mga taong espesyal sa kanya—gaya ng mga kaibigan niya mula sa La Casa De Amor ay si Hector pa rin siya.
Malambing na binatukan siya nito. “Loko ka talaga. May pasorpre-sorpresa ka pa, eh, paano kung umalis pala ako at ilang araw pa bago bumalik? Di ikaw naman ang na-surprise?”
Nagkibit si Hector ng balikat. “Well, hindi naman kayo umalis, eh. Saka bakit naman aabutin pa ng ilang raw kung sakaling umalis nga kayo?”
Ngumiti na may ningning pa sa mga mata ang babae. “Aba, mayroon na akong social life, Matt.”
“Social life or love life?” tudyo niya.
Bumungisngis ito. “Hindi naman siguro masama kung magka-boyfriend man ako sa edad kong ito, ano? Ilang taon na ring wala ang papa mo.” Kaswal ang tono nito, tandang naka-recover na rin ito sa pagkamatay ng asawa halos limang taon na ang nakakaraan.
Napangisi siya. “Uy, Mama, may love life ka na? Ilang taon na siya?”
Pinanlakihan siya nito ng mga mata. “Matt, hindi ako nagmumurang kamias na matrona. He’s fifty-six years old. Matanda lang ako ng tatlong taon. Nagkakilala kami sa Greenhills.”
“Sa networking?”
Tumango ito at matamis na ngumiti. “He’s one of the major stockholders. Napasimple niya, hijo. Parang ang papa mo rin. Hindi ko nga iniisip na isa siya sa big boss ng Greener Pastures Company. Nagkasalubong kami sa hagdan at nabunggo niya ako. Apologetic na inalalayan ako dahil muntik na akong mabuwal. Alam mo ba, Matt, nu’ng magkasalubong ang mga mata namin?”
Humalakhak siya. “Mama, na-love at firt sight ka pa?”
“Age doesn’t matter naman sa pag-ibig, hindi ba?” pinipigil ang kilig na amin ni Barbara.
“Well, Mama, kung masaya ka sa kanya, walang problema sa akin. Huwag ka lang sana niyang lolokohin.”
“Hindi ako lolokohin ni Raf,” mabilis na sabi nito.
“Raf? Rafael ang pangalan niya?”
“Rafael Mauricio.”
Natigilan si Hector sa narinig na pangalan. Pero agad din siyang nakabawi. Inisip niyang marami namang Mauricio sa Pilipinas.
“Am, hijo, iniimbitahan ako ni Raf sa probinsya nila. May bahay-bakasyunan siya doon. Medyo pumayag na ako. Iyon nga ang sinasabi ko sa iyo na muntik mo na akong hindi abutan dito sa bahay.”
“Ma, mahaba ang bakasyon ko. Kung kailangan mong umalis ngayon, don’t worry about me. Pagbalik mo, nandito pa rin ako.”
“Halos isang taon ka ring hindi umuwi,” nag-aalangang sabi nito.
“It’s not a problem. Noong isang buwan naman ay dinalaw mo ako sa Dubai.” Nginitian niya ito. “Sige na, Ma. Go ahead.”
“Dalawa o tatlong araw lang siguro kami doon.”
“Kahit dalawang linggo pa, Ma. Okay lang sa akin.”
“Magte-text tayo palagi,” tila may guilt feeling sa tinig nito.
Natawa siya. “Sure. Itong laki ko na ito, kahit makalimutan ninyo ako sa buong bakasyon ninyo, okay lang sa akin. Enjoy yourselves.”
Lumiwanag ang mata nito. “Bukas pa naman ang balak naming pag-alis. Iimbitahan ko siya dito mamayang hapunan. Papakilala ko kayo sa isa’t isa.”
“Okay. Makaliskisan,” tukso niya.
“Don’t intimidate him, hijo,” banayad na babala ni Barbara.
“He’s fifty-six years old! Mai-intimidate pa ba siya sa akin? Parang tatay ko na rin siya.”
“You know, the usual pressure between future step in-laws.”
“Future? Do I hear wedding bells?”
“Hindi pa siya pormal na nagpo-propose pero palagi na naming napag-uusapan. Biyudo naman siya. Biyuda ako.”
Natapik ni Hector ang noo. “Mama, teka lang. parang nahilo yata ako. Isinakay mo ba ako sa tsubibo? Noong isang buwan, wala kang binabanggit sa akin na ganyan noong nasa Dubai ka.”
Gumuhit ang pag-aalala sa mukha ng babae. “Ikakagalit mo bang mag-asawa ako uli?”
“No, of course not!” mabilis na sagot niya. “Nagulat lang ako. And you know, ma, ikaw ang concern ko. Basta magiging maligaya ka, bakit ako kokontra. Nabibilisan lang talaga ako.”
“Matatanda na kami. Hindi na uso sa amin ang long engagement.”
“Oo nga pala,” sabi na lang niya.
“How about you? Kelan kayo magpapakasal ni Irene? Nasa tamang edad na kayo. Naipagawa mo na itong bahay. Marami ka nang ipon at maayos ang trabaho mo.”
Napailing siya. “Kung gusto mong mauna ay mauna ka na, Mama. Wala pa kaming balak.”
“Baka naman ikaw lang ang wala pang balak. Sabi sa akin ni Irene, anytime na ayain mo siya ay hindi siya tatanggi. She’s over thirty. Medyo worried na rin daw siya sa biological clock.”
“By the way, sabay nga pala kaming umuwi.”
Lumiwanag ang mukha nito. “Where is she?”
“Nasa kanila.”
“Bakit hindi pa siya dito tumuloy? Malaki naman ang kuwarto mo,” at tumawa ito.
“Mama, please.”
Humalakhak ang kanyang mama. “Siya, magpahinga ka na muna. Maghahanda ako ng espesyal na hapunan. Tatawagin na lang kita mamaya.”
Bago lumayo ay humalik siya sa pisngi nito. At tatalikod na siya nang may maalala. “Saan nga pala kayo magbabakasyon?”
“Malapit lang, hijo. Sa Bataan lang. Taga-roon kasi siya.”
Muli ay natigilan siya. Mauricio. Bataan. Hindi kaya…? “Ilan ang anak niya?” tanong niya.
“Wala. Hindi sila nagkaanak ng naging asawa niya.”
Bahagya siyang nakahinga. Hindi naman pala iyon ama ni Gemma. Subalit nang umakyat siya, hindi pa rin niya maiwaglit sa isip kung may kaugnayan kaya si Rafael Mauricio kay Gemma Mauricio—his first and only love, his first and forever heartache…