4

1248 Words
Twelve years ago “MATTHEW, anak, anong kurso ang gusto mong kunin?” tanong kay Hector ni Timoteo Lim. Papa ang tawag niya rito dahil ito at ang asawang si Barbara ang tumatayong magulang niya buhat nang kunin siya sa ampunan subalit may pagkailang pa rin siya. Oo, masaya siya na nararamdaman na niya ngayon ang magkaroon ng isang pamilya subalit matindi pa rin ang paghahangad niyang mahanap ang tunay na magulang. Ngunit hindi niya iyon maisatinig. Hindi pinag-uusapan sa bahay ang tungkol sa pinagmulan niya. Ni hindi siya tinatawag na Hector ng mga ito. Pag-alis pa lang niya sa ampunan ay Matthew na ang ibinigay na pangalan sa kanya. Bagong buhay, bagong pangalan, sabi ni Barbara ang kanyang mama. Foster parent niya noong nakaraang Christmas season ang mag-asawa. Hindi mayaman ang mga ito subalit parehong may trabaho. Medyo maluwag na rin ang buhay dahil sa wala namang anak. Nagustuhan siya kaya ginusto nitong ampunin na siya. Ayaw niya na gusto. Ayaw niya dahil malalayo siya sa mga kaibigan. Gusto niya dahil hindi naman ganoon kasaya sa La Casa. Kapag si Miss Vergel ang pumasok sa isip niya, anhin na lang niya ay makawala sa ampunang iyon. Pero paano ang mga kaibigan niya? Pero naisip niya, isa-isa na ring nawawala ang mga kaibigan niya. Si Pedro ay binalikan na ng ina nito. Mayroon nang nag-ampon kay Joaquin. At mayroon na ring nagkakaroon ng interes na ampunin si Gani. Kung sakali ay tatlo na lang sila na matitira. Paano kung may mag-ampon na rin kina Nate at Dio? Maiiwan siyang mag-isa. Ayaw niyang maiwang mag-isa. Nananaginip pa rin siya sa gabi. Baka kapag wala na siyang kasama sa kuwarto ay mag-iiyak na lang siya. At kapag nabulahaw si Miss Vergel—kagaya nang nangyari noong isang beses, lagot siya. Makukulong na naman siya sa lumang kubeta. Sawang-sawa na siyang makulong doon. Napag-isip-isip niyang mabuti na rin siguro na maampon na siya. Tutal, sa ayaw man niya o sa gusto, talagang ipapaampon siya ni Miss Vergel kapag may interesado sa kanya. Mas tamang ikondisyon na niya ang isip na aampunin siya. Naisip niyang kahit magkahiwa-hiwalay silang magkakaibigan, magkakaibigan pa rin naman sila hanggang sa tumanda sila. Sumpaan nila iyon saksi ang mga kama ng tanim nilang pechay: Walang limutan kahit saan pa sila makarating paglabas nila ng ampunan. Mabait naman ang mag-asawang Timoteo at Barbara. Sa tanda niyang labing-anim, pinabinyagan pa siya ng mga ito bilang Matthew Timothy Lim. Sa pamamagitan ng pinsang abogado ni Timoteo, inayos din nito ang records niya. Naging legal siyang ampon ng mga ito—may karapatan siyang magmana sa anumang pag-aari na maiiwan ng mga ito. It wasn’t that much. Isang sukat ng bahay at lupa na naipundar ng mga ito sa pamamagitan ng PAG-IBIG loan subalit karapatan niyang manahin iyon pagdating ng panahon. Naramdaman niyang maging isang anak. Ibinigay ng mag-asawa ang mga pangangailangan niya. Alagang-alaga siya ni Barbara. Maasikaso ito—at hindi tuloy niya maiwasang hindi maalala ang tunay niyang ina. Sa likod ng isip niya, tila nakatitiyak siyang ganito din kamaasikaso ang nanay niya. “Gusto mo bang maging teacher, Matt?” untag sa kanya ni Timoteo. Teacher sa high school si Timoteo kaya marahil iniisip nitong gusto niyang sumunod sa yapak nito. Marahan siyang umiling. “Hindi ko pa po alam kung ano ang gusto kong kunin. Kung huwag na lang po muna kaya akong mag-aral?” “Bakit ka hihinto?” may pagtutol sa tinig nito. “Walang dahilan para ka maghinto sa pag-aaral, hijo. Marami diyan na gustong mag-aral pero hindi nila kaya. Buweno kung gusto mo, mag-enrol ka muna ng AB. Siguro naman bago mo matapos ang first sem, nakapag-isip ka na kung anong kurso ang balak mo. Basic subjects pa lang naman ang sisimulan mo, make-credit din ang mga iyon.” Tumango na lang siya dahil naisip niyang mahalaga namang talaga na magkaroon siya ng pinag-aralan. SINAMAHAN si Hector ni Barbara sa pag-e-enroll. Kasabay ng pagpasok nila sa gate ay ang pagbungad din ng isang magarang sasakyan. Pinigil iyon sandali ng guwardiya bilang patakaran, at sila, gaya ng ibang naglalakad lang ay napalingon doon. Halatang mayaman ang sakay niyon. Narinig pa nilang inasikan ng nagmamanehong may edad na babae ang guwardiya. “Kayabang naman,” narinig ni Hector na bulong ni Barbara. Nakalingon pa rin si Hector sa kotse. Hangang-hanga siya dahil mahilig siya sa mga kotse. Bagong-bago ang kotse. Sportscar. Pero ang mas higit niyang napansin ay ang katabi ng nagmamaneho. Bata pa ang babae. Maganda. Maputi. Medyo singkit ang mga mata. Kaedad lang niya kaya inisip niyang estudyante din siguro. Sinundan niya iyon ng tingin hanggang sa huminto sa parking area ang sasakyan. Natigil sa paghakbang si Hector nang makitang bumaba ang babae. She was so beautiful. Sa kauna-unahang pagkakataon sa buhay niya ay nakaramdam siya ng eratikong pagtibok ng puso. Hindi niya malaman kung kinakabahan siya o kung paano. “Matt, tara na. mahaba pala ang pila,” untag sa kanya ni Barbara. “Ano ba ang tinitingnan mo?” “W-wala po.” At tila guilty na biglang lumakad. Bago tuluyang pumasok sa school building ay minsan pa siyang lumingon sa parking lot. Marami ang nag-e-enroll. At kahit halos mapuno ng tao ang eskuwelahan pinilit ni Hector na masilayan muli ang babae. Nagtagumpay naman ang panghahaba ng leeg niya. Natanaw niya itong patungo sa mismong pinipilahan niya. Tila nagulat pa siya nang magtama ang kanilang mga tingin. At halos awtomatiko ay ngumiti siya dito. Nagulat ang babae pero gumanti din ng kiming ngiti. Lalong lumakas ang kabog ng dibdib ni Hector. Iniisip niya kung anong salita ang sasabihin upang makipagkilala sa babae. Tila hindi niya kayang pigilan ang atrkasyong nadarama niya para dito. Ilang hakbang na lang at halos magkakaharap na sila nito nang bigla ay mapansin niyang kasunod nito ang may-edad nang driver ng kotse kanina. “Gemma, hindi mo kailangang pumila. Nasabi ko na sa dean na isama ka sa Engineering. Tara na. Doon na tayo sa cashier para magbayad.” Gumuhit ang protesta sa mukha ng babaeng tinawag na Gemma bago tila napipilitang sumunod ito sa babae. Gemma pala ang pangalan niya, saloob-loob ni Hector. Inulit niya sa isip ang narinig at bigla ay hinanap niya si Barbara. Umalis siya sa pila at nilapitan ang ina. “Ma, hindi na ako mag-e-AB. Enginnering ang kukunin ko.” Nagulat si Barbara. “Sigurado ka ba?” Sunud-sunod siyang tumango. “Oo, Ma. Tara, doon na tayo sa Engineering pumila.” Naging mahaba ang araw na iyon para kay Hector. Pinakuha siya ng kaukulang eksamin para makapag-enrol sa kursong iyon. Mabuti na lang at naipasa niya. Hapon na nang makumpleto niya ang proseso nang pag-e-enroll. Hindi na niya nakita si Gemma subalit masaya pa rin siya. Isang linggo pa bago ang ganap na pasukan pero excited na siya. Nakakondisyon na sa isip niyang magiging kaklase niya si Gemma. Pag-uwi niya, nagulat din ang papa niya nang malamang Engineering na ang kinuha niyang kurso. Pero natuwa din ito. “Tiwala naman akong kaya ng utak mo ang Engineering. Pagbutihin mo. May board exam iyan. Kailangan sa umpisa pa lang, masikhay ka nang mag-aral. Huwag masyado ang lakwatsa, pag-aaral muna,” banayad na pangaral nito. “Opo, Pa.” “At kung puwede, huwag munang manliligaw,” pahabol nito na may kasamang panunudyo. Napangiti siya at naramdaman niyang nag-init ang punong-tainga niya. Nang gabing iyon, hindi agad nakatulog si Hector. Walang ibang laman ang isip niya kundi ang magandang mukha ni Gemma.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD