Aki's Point Of View.
Lumabas ako ng aking kuwarto pagkatapos kong maligo at magpalit ng damit. Humihikab akong pumasok sa kusina at umupo sa aking puwesto. Hindi maayos ang tulog ko kagabi dahil sa dami ng aking iniisip at mukhang mapapadalas ang pagpupuyat ko kakaisip dahil sa lalaking iyon.
"Oh, Kuya, bakit parang antok ka po yata?" Tumingin ako rito. Nakakunot ang noong nakatingin si Amie sa akin. Katabi nito si Anie na nakatingin din sa akin.
Napangiti ako at umayos ng upo. "Medyo napuyat lang dahil sa activity na ginawa ko," sagot ko sa kanya pero parang hindi naman ito naniniwala.
"Narinig po kita kagabi na may kaaway ka sa video call." Nakataas na kilay nitong sabi. Magkatabi lang ang kuwarto naming tatlo, magkasama sila sa iisang kuwarto dahil hindi naman gano'n kalakihan ang aming bahay at sapat lang ito para sa amin. Hindi rin soundproof kaya maririnig ka talaga sa kabila lalo na kapag may kalakasan ang iyong boses.
"At sino naman 'yung kausap mo kagabi?" Napatingin ako kay Mama. Nakaharap ito sa kanyang niluluto at sumulyap lang sa amin sandali.
"Wala po 'yun, k-kaklase ko lang po," kinakabahan kong sagot.
"Parang hindi naman po, Kuya. Sabi mo pa nga—" Hindi na nito natapos ang sasabihin niya nang sinamaan ko siya ng tingin. "N-na magkikita kayo ngayon dahil tatapusin niyo ang project niyo," ang nasabi na lang ni Amie.
Hindi na nagtanong pa si Mama at ang dalawa ay nanahimik na rin. Ilang saglit lang ay natapos na ni Mama ang niluluto nito kaya inilagay na niya ito sa hapag at nagsimula na kaming kumain. Nag-uusap ang naman ang kambal ng mga random things at minsan ay nakikisali kami habang kumakain.
"H'wag muna kayong magbo-boyfriend dahil mga bata pa kayo, paunahin niyo muna ang kuya niyo." Tumawa pa si Mama pero inirapan ko na lang sila.
Palagi na lang nilang sinasabi na mag-boyfriend na ako. Kung mayroon man nagkakagusto sa akin ay matagal na siguro akong may boyfriend kaso wala. Wala man lang nagkakainteresado sa akin dahil nga sa bakla ako.
-
"Aalis na po ako," pagpapaalam ko nang makababa ako mula sa kuwarto ko para kunin ang mga gamit ko. Nasa sala silang lahat at nanonood ng magandang buhay.
Tumingin si Mama sa akin. "Mag-iingat ka at kung gagabihin ka ay tumawag ka agad sa akin," anito.
"Opo. Sige po, 'Ma, kambal, mauuna na ako." Tanging pagkaway lang ang isinagot ng mga ito kaya naglakad na ako papalabas ng aming bahay at gate ng aming bakuran.
Mabilis namang may humintong tricycle sa harap ko kaya roon na ako sumakay at sinabi ko sa kanya ang address na pupuntahan ko. Sa isang subdivision dito sa amin ang bahay nina Mina at malapit lang naman ito sa amin. Mga sampung minute siguro ay naroroon na kami.
Nag-text na rin ako kay Mina na papunta na ako sa kanila pero wala akong natanggap na reply galing sa kanya. Hindi ko na lang iyon pinansin dahil nakarating na ako sa subdivision nila at sinabi ko ang location ng bahay. Mabuti na lang dahil alam iyon ng tricycle driver.
"Nandito na po tayo." Bumaba naman ako at agad na nagbayad. Nagpasalamat lang ako at agad na siyang umalis.
Tumingin ako sa kaharap kong bahay. Malaki ang kanilang bahay sa labas at modern ang style nito. Puti ang halos pintura ng kanilang bahay mula rito sa labas at hindi ako nakakasiguro kung pati ba sa loob ng kanilang bahay ay purong puti ang mga gamit.
Naglakad na ako papalapit sa kanilang gate at pinindot ang door bell button. Tumabi ako nang ilang saglit lang ay nagbukas ito at bumungad sa akin ang sa tingin ko'y maid ditto sa kanila dahil sa kanyang suot na uniporme.
"Magandang umaga po," pagbati ko at ngumiti ako.
"Anong maganda sa umaga?" tanong nito. Tuluyan siyang lumabas sa gate at namewang sa harapan ko. Tinaasan ako nito ng kilay at pinasadahan ng tingin ang kabuuan ko. Napalunok ako dahil sa paraan ng kanyang pagkakatingin.
"K-kayo po, m-maganda po kayo sa umaga." Awkward akong ngumiti. Hindi ko kasi alam kung bakit pa ito nagsusungit baka may dalaw siya ngayon pero sa tingin ko kasi ay menopause na ito?
Biglang lumiwanag ang kanyang mukha at ngumiti. "Alam ko iyan! Binobola mo lang ako." Napangiwi ako pero agad kong inayos ang itsura ko. "Ano bang kailangan mo rito at sino ka?" Bumalik ulit ang itsura nitong masungit.
"Si Mina po? K-kaklase niya ako at sinabi niyang dito ako pumunta sa kanilang bahay," sagot ko.
Tinaasan muna niya ako ng kilay bago siya tumalikod. "Sumunod ka sa akin," anito. Naglakad na siya papasok sa loob. Napatingin muna ako sa balconahe ng bahay dahil parang may nakatingin sa akin pero nang wala naman akong nakita ay nagkibit balikat lang ako at agad na sumunod sa katulong.
Sinundan ko lang ito hanggang sa makapasok kami sa loob ng mismong bahay. Nailibot ko kaagad ang paningin ko dahil sa pagkamangha. Mataas ang ceiling ng bahay nila, maroon itong chandelier na kulay ginto. Sa tingin ko'y dalawang palapag ang bahay at mayroong mahabang hagdan kung saan nakita ko si Mina na pababa mula roon.
"Welcome!" pagbati niya sa akin. Lumapit siya at mabilis niya akong niyakap. Ginantihan ko naman ito at agad kaming nagkalas. "Tara sa kusina, ipapakilala kita kay Mom and Dad." Hinila na niya ako. Napansin kong wala na pala sa tabi ko iyong katulong kaya nagpatianod na ako kay Mina.
Pumasok kami sa isang hallway at naglakad ng ilang hakbang bago kami nakarating sa malawak na dining area kung saan may tatlong tao roon na nakaupo. Nang mapansin kami ng mga ito ay sabay-sabay silang napatingin sa amin.
Gusto kong tumalikod at tumakbo papaalis dito pero ayaw naman gumalaw ng mga paa ko. Para akong naging isang matigas na yelo dahil sa paraan ng kanyang pagkakatingin at matutunaw na lang ng kusa kahit nasa loob palang ako ng refrigerator.
Napansin at ani Mina ang pagtigil ko kaya hinila na naman niya ako at naupo kami kaharap ng hapag. Bakit pa ba ko sumunod dito? Kakatapos ko lang kumain at puwede ko naman siyang hintayin na lang sa kanilang sala.
Tumingin ako sa harap ko at umiwas ng tingin. Mabilis ang t***k ng puso ko at hindi mapakali ang katawan ko. Bakit ba kasi nandito itong si Hugo? Magkapatid ba sila ni Mina?
"Ayos ka lang?" Napansin siguro nitong para akong may bulate sa puwet dahil hindi ako mapirme sa kinauupuan ko.
"O-oo, a-ayos lang ako." Ngumiti ako ng pilit. Kahit na ang totoo'y gusto nang himatayin na lang para hindi ko makita ang masasamang tinging ibinibigay ni Hugo sa akin.
"Okay! So, I want you to meet my parents, Belinda and Tonio. And my Cousin Hugo." Napalunok ako. Isa na namang rebelasyon sa buhay ko ang nalaman kong ito.