LUNES ng umaga, hindi ako mapakali habang hinihintay ang pagdating nina Tyrone at Valeen sa shop. Pabalik-balik ako ng lakad sa loob habang hawak ang folder kung saan nakalagay ang service contract para sa kasal nila. Siguradong masasaktan na naman ako kapag nakita kong magkasama ulit sina Tyrone at Valeen, lalo na kapag pinag-usapan na namin ang nalalapit nilang kasal. Subalit may isang bahagi sa puso ko ang nananabik na muling makita ang guwapong mukha ni Tyrone. Hanggang ngayon ay hindi pa rin nagbabago ang epekto niya sa puso, isip at katawan ko. Hanggang ngayon ay siya pa rin ang hinahanap-hanap ng sistema ko. "Maxene, nahihilo na ako sa 'yo. Bakit ka ba palakad-lakad d'yan? Okay ka lang ba?" tanong ni Rani na kanina pa pala nakamasid sa akin. Natigil ako sa paglalakad at pilit ko

