Stefano’s POV
Maaliwalas ang hangin at masarap pakinggan ang tunog ng malalaking alon ng dagat habang puno ng bituin ang kalangitan ngayong gabi. Matapos ang maghapong shooting, sa wakas ay makakapagpahinga na rin.
“Sir Stefano, ito na po ‘yung wine na hinihingi mo,” sabi sa akin ng alalay ko saka ibinaba sa may table ko ang alak ng wine. Wala ng tao. Pinaalis na ng may-ari ng resort kasi nag-request ako na gusto ko ng payapang gabi kapag kakagaling ko lang sa trabaho. Kaya, ngayon ay tahimik at nakaka-relax na dito sa tabing-dagat.
Sunod na dumating ang pinaluto kong mga seafood. No rice ako pero dapat masarap pa rin ang kakainin ko. Kapag napagod ako sa trabaho buong araw, gusto ko ay nati-treat ko ang sarili ko sa pamamagitan ng ganito.
Habang nakatingin ako sa maliwanag na buwan ngayong gabi, iniinom ko na ang masarap na wine na mahal ang pagkakabili ko. Kapag may ganitong shooting ako at alam kong aabutin kami ng kinabukasan, nagbabaon talaga ako ng ganito.
Sa kalagitnaan nang pagre-relax ko, biglang nag-ring ang cellphone ko. Tumatawag sa akin si Livia kaya agad ko naman itong sinagot.
“Oh, babe? Mabuti at napatawag ka na. Nasa New york ka na ba?” tanong ko agad sa kaniya sa kabilang linya.
“Yes, kaninang tanghali pa.”
“Good. Bakit napatawag ka. Akala ko busy ka na diyan?”
“Nakita ko lang naman ‘yung picture ninyo nung Naya habang magka-kiss kayo. Bakit, biglang may mga ganiyang scene na, Stefano?” tanong niya kaya nagulat ako.
“Babe, naisip ko kasi na mas maganda at magiging maingay ang music video ko kapag may ganito. Bakit, nagseselos ka ba?” tanong ko naman habang natatawa. Matagal-tagal na kasi nung huling magselos siya. Nung nakaraang taon pa ata. Fan ko rin ang pinagkaselosan niya.
“Ang lala e, laplapan daw ang nangyari sabi ni Hannah. Alam mo naman ‘yan secretary mo, kahit hindi ako nagtatanong kusang nagre-report sa akin.” Sa tono nang pananalita niya ay parang galit na nga siya. Simula nung ayawan siya ng mama ko, naging ganito na siya. Palaging gumagawa nang ikakaaway namin.
“Babe, work ito. Bakit, bigla ka namang ganiyan. Wala lang iyon, para ito sa ikaka-trending ng music video ko. Trabaho ‘to hindi pakikipaglandian,” paliwanag ko sa kaniya. Medyo naiinis ako kasi hindi talaga siya ganito. Dati nga kahit sobrang sweet pa ako sa mga fans ko wala siyang nasasabi. Ngayon lang talaga siya parang OA.
“Simula ngayon, ayoko na ng ganoon. Ayoko na ng mga kissing scene sa ibang babae. Kung hindi uulitin mo pa ‘yan, magkakagalit lang tayo palagi.”
Magsasalita pa sana ako kaya lang bigla na niyang binaba ang linya niya. Puta. Nakakainis. Nare-relax na sana ako, bigla naman siyang gumaganito. Nakakasura talaga.
**
Maaga akong nagising. Maaga na namin kasing tatapusin ang shooting para mamayang hapon, puwede na kaming umuwi.
“Sir, dumating si Thiago, ‘yung sikat na model. Naroon ito sa villa ni Miss Naya,” sabi ni Hannah nang makita niyang lumabas na ako sa bedroom ko.
Hindi ko pinansin ang sinabi niya. Bigla kong naalala ang pinag-awayan namin kagabi ni Livia. “Hannah, ano ba ang trabaho mo sa akin?” tanong ko sa kaniya na pinagtaka ko lang.
“Sir secretary po,” mahina niyang sagot.
“Tama, secretary kita. Ang trabaho mo ay ganiyan lang, hindi reporter kay Livia. Bakit kailangan mo pang sabihin sa kaniya ang tungkol sa kissing scene namin ni Naya? Alam mo bang galit na galit siya sa akin kagabi?”
“Sir, sorry. Hindi ko naman po alam na ganoon ang mangyayari. Gusto ko lang naman pong makipag-close sa girlfriend ninyo,” paliwanag niya kaya natawa ako.
“Hannah, lately hindi ko nagugustuhan ang mga astahan mo. Lumalala ka na habang tumatagal. Warning mo na ito. Once na maasar mo pa ako, pasensya ka na, papalitan na talaga kita. Ayokong na-stress ako sa mga staff ko. Ayoko ng ganiyang klaseng staff,” sabi ko saka ko siya nilayasan. Tumuloy na ako sa dining table para mag-almusal.
Pagkatapos kong kumain at mag-almusal, pumunta ako sa villa nila Miss Naya. Nadatnan kong nag-uusap silang lahat doon. Mukhang masaya silang lahat. Nakangiti ang lahat ng glam team ni Miss Naya habang kausap nila si Thiago.
“Hi,” putol ko sa kasiyahan nila.
Agad naman silang napatingin sa akin lahat. Tumayo agad ang glam team para lumabas sa room na iyon. Pati ang ate ni Naya ay lumabas din. Alam na nila ang mga gagawin nila.
Tanging si Naya at Thiago lang ang naiwan.
“Puwede bang mag-stay din ako dito sa loob? Kakausapin mo ba si Naya?” Unang nagsalita si Thiago. Okay, guwapo nga siya at maganda ang katawan. Pero, ang hindi ko ma-gets. Bakit kailangan niyang pumunta dito ng walang pasabi. Hindi ba siya nahihiya?
“Hindi okay lang. Gusto ko lang naman malaman kung nag-almusal na ang leading lady ko?” tanong ko kaya nakita kong napangiti si Naya. Halatang gusto rin ako ng babaeng ito. Pero, ano nga ba ang pagtingin niya sa Thiago na ‘to?
“Oo, kumain na siya, I mean sila. Nagdala talaga ako ng masarap na almusal para sa kaniya, dinamay ko na lang ang glam team niya at ang ate niya. Sorry, ha, hindi kita naisip na padalhan din ng food. Nawala sa isip ko, e,” sagot ni Thiago. Siya ang sumasagot sa mga tanong ko na dapat ay si Naya ang gumagawa.
“Thiago, puwedeng pagsalitain mo si Naya. Siya kasi ang kausap ko,” sabi ko sa kaniya kaya nakita kong ramdam na ni Naya na hindi ko gusto na nandito itong mokong na ‘to.
“Stefano, nililigawan ko ang babaeng ‘to. Gusto ko siya at mahal ko siya,” sabat na naman ni Thiago kaya napabuntong-hininga na lang ako.
“Thiago, please, puwede bang umalis ka na muna. Alam mo, nasa work ako, e. hindi dapat basta-basta sumusulpot na lang. Hindi ata maganda na nandito ka kasi baka gumawa ka lang ng ingay dito.”
“Oh, sa tono ng pananalita ni Miss Naya parang alam ko na agad. Tila hindi ka ata trip ni Miss Naya, e.” Masama ang gising ko ngayong umaga kaya medyo may time akong makipag-asaran sa mga gunggong na gaya niya.
“Stefano, puwede bang umalis ka muna. Mag-uusap lang kami, pero sige, aalis din ako ngayong umaga. Gusto ko munang makausap si Naya kahit saglit lang. Hindi ko kasi nakausap agad kasi ang daming mga tao dito kanina. Ngayong kaming dalawa na lang ang nandito, puwedeng kami muna?”
Lakas ng loob niya na ako pa ang paalisin. Pero, sige, okay lang sa akin. Halata naman kasi na tila hindi siya trip ni Miss Naya. Parang…parang ako ang gusto ni Miss Naya, hindi siya. Kawawang tanga.