Kinaumagahan ay wala kaming pasok pareho. Kailangan kong magkaroon ng gagawin o kaya ng pupuntahan para hindi ako kulitin ni Sir Braxton. Alas diyes pa ang bukas ng mall. Kailangan alas nueve na ako bumangon at lumabas sa silid.
Kaso alas siyete pa lang ay kumakalam na ang sikmura ko. Nasanay na kasi ang katawan ko na nagkakape at tinapay sa ganoong oras. Siguro naman ay si Sir Braxton ang mali-late sa pagbangon.
Nagulat ako nang paglabas ko ay palabas na rin ito sa silid nito. Agad kong iniiwas ang tingin dahil hindi nito suot ang sando na suot nito kagabi. Hindi ako sanay na may kasamang lalaki sa isang unit na nakahubad pa at nakalabas ang mabalahibong dibdib.
"Good morning, Maliyah."
"Good morning ho..." Tumuloy ako sa kusina para maghanda ng kape at french toast. Gumagana ang isip ko kung ano ang magandang gawin sa maghapon para makaiwas dito. Paglingon ko sa dining table para ipatong ang french toast doon ay bumangga naman ang kamay ko sa katawan ni Sir Braxton na nakaharang.
"Ay kabayong bundat! Ay sorry ho!"
"Holy sh*t!"
Mainit ang tinapay na tumapon sa dibdib nito kaya'y agad kong pinahid ng kamay na hindi ko alam na hindi pala dapat. Punas ako nang punas sa dibdib nitong may bakas pa ng honey. Hinawakan ni Sir Braxton ang kamay ko para patigilin ako sa ginagawa.
"Enough... "
"Sorry ho talaga. Hindi ko sinasadya."
"Bakit ba kasi para kang taranta ngayong umaga?"
"Hindi naman ho. Magluluto na lang ako ng bago."
"Ngayon ka lang ba nakakita ng lalaking hubad? I'm sorry, hindi rin kasi ako sanay ng nakadamit kapag nandito ako sa condo. Magsasando na lang ako."
"Hindi na ho, ako na lang ho ang mag-a-adjust."
Nagluto ulit ako ng bagong french toast habang nakaupo si Sir Braxton sa mesa hawak ang kape nitong nakahanda na.
"What are your plans for today?"
"Maglalaba ho ng mga damit natin tsaka maglilinis ng unit."
"No, leave that laundry alone. May tao akong kumukuha ng labahin ko tuwing Sabado. Isama mo na ang mga damit mo dahil mas may mahalaga tayong gagawin ngayon."
"Ho? Sabado ngayon, day off ko ho, 'di ba?"
"Exactly. Day off mo, bakit ka maglalaba ng damit natin?"
"E ano ho bang gagawin nating mas mahalaga?"
"Mag-iikot tayo sa mall para i-check mismo ang produkto nating naka-display sa mga boutique. I also want to know the taste of the market these days, baka napag-iiwanan na ako. Titignan ko rin kung feasible din ba ang suhestyon mo na magtayo ng bagong brand para naman sa lower class market."
Maganda naman pala ang hangarin nito na gagawin sa maghapon kaya napatango ako kaagad. Basta't tungkol sa trabaho, hindi ko 'yun tatanggihan.
"Sige ho. Pupunta naman ho talaga ako sa mall kasi bibili ako ng rice cooker."
"A rice cooker?"
"Oho. Hindi naman ako sanay na tinapay at sandwich lang sa hapunan. Gusto ko hong kumain nang maayos sa gabi."
"Funny." Lumapad ang ngiti nito. "Ang dami kong kilalang babae na kaedad mo na gusto nang isumpa ang kanin dahil tumataba sila."
"Okay lang ho akong tumaba basta hindi ako gutom."
"I'm sorry, I didn't know you go to bed in that one week without satisfying your cravings for rice. Bakit hindi ka kasi nagsasalita?"
"Okay lang ho 'yun, nabubusog naman ho ako. Na-miss ko lang ho talaga ang kumain ng kanin."
Matapos kong magkape ay nagsimula naman akong maglinis habang nagbabasa naman si Sir Braxton ng kung anuman sa laptop nito sa balkonane.
Alas nueve nang maligo ako dahil aalis daw kami ng alas diyes. Kalahating oras yata akong paikot-ikot sa salamin pero hindi ako satisfied sa suot ko. Hindi ko naman hinangad na magsuot ng katulad ng suot ni Cherry kagabi, pero hindi ko na rin gustong magsuot na tila ako estudyanteng pupunta sa field trip. Tiyak na pagtatawanan na naman ako ni Sir Braxton.
Kung bakit naman kasi ang mahal ng mga nagustuhan ko sa estante noong nagpunta ako sa mall?
Lahat na yata ng damit ko sa closet ay hindi na bagay sa 'kin. Kupas na nga halos ang kulay. Dahil wala naman akong pagpipilian, t-shirt at maong na lang ang isinuot ko. Bahala na kung buskahin na naman ako ni Sir Braxton na para akong pupunta sa field trip.
Nahiya naman ako paglabas at makita ang ayos nito. Gwapong-gwapo ito sa suot na asul na polo at khahi na shorts. Ganoon kadalasan ang nakkikita kong mga lalaki na naglalaro ng golf. Casual lang ang pananamit pero sumisigaw ang s*x appeal sa mga babae.
"Wala ka bang ibang damit?"
"Bakit, ano ho ang masama sa suot ko?" Kailangan kong mangatwiran para maisalba ang pride ko. Pero ang totoo, mukha akong alalay nito kapag pinagtabi kami.
"Wala naman. But you are too beautiful to hide it in a t-shirt and jeans. Okay, let's make a deal."
"Ano hong deal?"
"Magtatrabaho tayo ngayon kahit day off mo, hindi ba?"
"Oho."
"Nakakahiya naman kung hindi ka sasahod."
"Ay hindi, okay lang ho. Parte naman ho ito ng trabaho ko eh."
"No, I insist. Kapag hindi ka pumayag, mag-isa na lang akong aalis."
"Ano ho bang deal 'yun?"
"You can do shopping today, everything will be paid by the company."
"Sige ho. Rice cooker lang naman ho ang bibilhin ko."
"Pisilin ko 'yang ilong mo eh, hindi rice cooker ang tinutukoy ko."
"E di ba ako naman ang may choice nun kung ano ang bibilhin ko?"
"No. Na-realize ko, aartehan mo lang ako pagdating doon. So, here's the new deal: sasamahan mo ko ngayong araw, ang kapalit ibibili kita ng mga bagong damit."
"Naku, sir, hindi na 'yun kailangan. Okay na 'ko sa rice cooker."
"Okay sige, huwag ka na lang sumama. Magpahinga ka na lang dito dahil day off mo. Bibilhan na lang kita ng rice cooker pag-uwi."
Umirap ako saka pumayag na lang.
"Hindi talaga ako mananalo sa 'yo eh no?"
"Try your luck next time, babe..." Kumindat pa ito sa akin na gustong malaglag ng panga ko. Napakaswerte ng babaeng mapapangasawa nito kapag nagseryoso ito sa buhay. Sa ngayon kasi hindi ko ito maiko-consider na ideal man. Importante kasi sa akin na faithful ang isang lalaki sa babaeng minamahal.
Sa iba't ibang mall kami nagtungo para mag-inspeksyon. Sabado iyon kaya't dagsa ang mga tao sa mall para mamasyal at mag-shopping. Napakaraming magagandang damit. Pero tulad ng sinabi ko, wala na gaanong pumapansin sa mga damit kapag nakita na ang presyo. Karamihan pa ay sale items ang kumukuha ng atensyon ng mga tao.
"Bumebenta naman ho ang brand natin, hindi nga lang ho katulad ng dati," wika ko habang kumakain kami sa isang restaurant.
"I need to study how much do I need to invest in this new brand we are creating. Kilala mo naman ang Papa, bawat pagkakamali ay itinuturing niyang dagok sa kumpanya."
"Invest on advertising ho, at dapat ang target natin ay mga kabataan."
"Why them? Wala pa silang pera para bumili ng damit."
"Sila kasi ang mahilig sa fashion. Sila ang nagdidikta sa mga nanay nila kung ano ang dapat bilhin. Kapag kasi umasa tayong ang bibili ng produkto natin ay nasa trenta anyos pataas, bihira naman hong magpunta sa mall ang mga 'yun. At kung pupunta man, hindi na prayoridad ang bumili ng damit kung hindi mga gamit sa bahay o gamit sa anak nila."
"Yeah, right... You are heaven sent. Bakit ba hindi ka nagtrabaho noon pa sa kumpanya? You could've saved me from arguments with my father."
"Sus, nambola ka pa. Opinyon ko lang naman ho 'yun, puwede din namang mali ako."
"Bakit nga pala undergrad ka? Hindi mo ba gustong ipagpatuloy ang pag-aaral mo?"
"Nagkasakit ho si Lola, hindi ba? Kailangang may pumalit na tagaluto sa mansyon niyo sa hacienda."
"Ah, yes... Hindi na kami umuwi ulit doon kaya wala na akong balita. How is she?"
"Okay naman ho. Hindi ko na pinagtatrabaho kasi matanda na. Padadalhan ko na lang ho kapag sumahod ako sa katapusan."
"Sa bahay pa rin ba siya nakatira?"
"Katiwala pa rin ho siya roon, pero hindi niya na kayang magtrabaho. Eighty years old na ho siya eh."
"And where are your parents?"
"Putok daw ho ako sa buho eh," biro ko. Kapag tinatanong ako kung nasaan ang nanay at tatay ko ay doon ako kinakain ng insekyuridad.
"Hindi mo sila nakilala?"
"Hindi ho eh... 'Yung tatay ko, hindi na bumalik mula sa Amerika. Yung nanay ko naman, sumama ho sa ibang lalaki. Hindi na rin umuwi kahit isang beses."
"I'm sorry for that..."
"Okay lang ho." Pilit akong ngumiti. "Saan ho tayo pupunta nito pagkatapos?"
"Tama na muna 'yung napuntahan natin." Apat na malls lang 'yun pero naubos na ang oras namin sa maghapon. Alas sais na kaya ito nagyaya ng early dinner.
"Sige ho. Masakit na rin ang paa ko kakalakad. Isang linggo kasi akong nakaupo lang."
"Are you suggesting we go home after this?"
"Oho. Gabi na rin naman."
Ngumisi ito saka umiling. "Hindi tayo uuwi hangga't hindi mo napapalitan 'yang t-shirt mong minana mo pa yata sa Lola mo. Let's go, magsusukat ka pa ng damit."
Hawak nito ang kamay ko at hila-hila palabas ng restaurant. Halos lakad-takbo ang gawin ko dahil sa malalaki nitong mga hakbang. Sa isang boutique kami pumasok na gusto kong umatras dahil alam ko na ang presyo ng mga 'yun.
"Give her everything she needs," utos nito sa isang saleslady. Agad naman siyang nilapitan at inasikaso.
"Ako na ang mamimili," wika ko naman. Umiling si Sir Braxton.
"Ang sabi ko bigyan ka ng kailangan mo, hindi bigyan ka ng gusto mo." Lumapit ito ulit sa saleslady saka bumulong pagkatapos ay iniwan kami at umupo sa sulok. Kumuha ito ng magazine sa rack at kampanteng naghintay.
"Ano ba ang sinabi sa 'yo ni Sir Braxton?"
"Braxton ba ang pangalan nun? Ang gwapo at ang macho pati ng pangalan ha," wika ng saleslady na kinikilig pa sampu ng kasama nito na nag-aasikaso sa akin.
"Ano nga ang sinabi?"
"Bigyan daw kita ng sampung pares na damit. Boyfriend mo ba 'yun?"
"Uy hindi! Amo ko lang 'yun. Incentive ko lang 'tong pagpapa-shopping niya sa 'kin kasi day off ko dapat ngayon."
"Incentive? Aba, miss, saan ka ba nagtatrabaho para makapag-apply na rin? Ang bongga naman ng inventive mo."
"May gusto sa 'yo ang amo mo, day!" kinikilig na wika ng isa pang saleslady.
"Uy hindi! Huwag kayong maingay, nakakahiya."
"Hay naku, basta pupusta ako, may gusto sa 'yo 'yan."
"Oo nga, feeling ko rin eh. Ang ganda mo naman kasi talaga."
"Naku, mali kayo riyan. Maraming babae 'yan no. Sasakit lang ulo ko d'yan."
"Alam mo, sa mga ganyang lalaki, talagang kailangan mong makipagbardagulan sa mga babaeng aaligid d'yan. Ikaw ang laging kasama kaya ikaw ang may advantage sa mga 'yun."
"Ano bang sinasabi niyo?" natatawa kong wika. "Ano ba mga isusukat ko?"
"O ayan, isukat mo na lahat." Halos kinuha na yata ng isang saleslady ang lahat ng design na naka-display doon. "Damihan mo ng pili para malaki ang sales namin ngayong araw ha."
Nakangiti naman ako habang nagsusukat sa fitting room. Para akong nagbago ng katauhan sa mga piniling damit ng saleslady para isukat ko. Nakuha ko kasi ang magandang kutis ng aking ama kaya't mukha akong mayaman kapag mamahalin din ang suot ko.
"Ang ganda mo nga, day!" sambit ng saleslady. "Alam mo, kung ako sa 'yo, didikitan ko na at aakitin ang amo mo na 'yan. Mukhang mabait at maalaga naman sa girlfiend eh."
"Ano ba kayo, marami ngang babae 'yan, sasakit lang ang ulo ko."
"At sa tingin mo ba kapag ibang lalaki ang pinatulan mo hindi sasakit ang ulo mo?" katwiran naman ng isa na nagtawanan ang iba pa.
"Oo nga naman, miss. At saka ganoon talaga, kapag gusto mo ang isang tao, ipaglalaban mo 'yan maipanalo mo lang. Natural na sa lalaki na kapag wala pang official na girlfriend, mamimingwit nang mamimingwit. Lalaki yan eh! Kumabaga, palay na nga ang lumalapit sa manok."
"Nilalason niyo ang utak ko ha!"
"Aminin mo, gusto mo rin no?" pabulong na tanong ng saleslady.
"Hindi ah! Bawal magkaroon ng relasyon ang mga empleyado sa kumpanya namin."
"Naku, may magagawa ba kapag pumintig ang puso?"
"Magsusukat na nga ako." Kinuha ko pa ang ibang damit saka pumasok ulit sa fitting room. Halos lahat yata ng damit na inaabot sa akin ay parang hinulma sa katawan ko.
"Ito nga, isukat mo." Kumatok ang saleslady saka nag-abot ng shorts at body fit na tank top. Pangarap ko ding magsuot ng ganito sa bahay dahil naiinggit ako sa mga artistang ganito ang suot na pambahay. Nang isukat ko ay lumabas kung gaano ako ka-sexy.
Syempre sa paningin ko lang 'yun.
Binuksan ko ang fitting room para ipakita sa mga saleslady pero napatda ako sa kinatatayuan ko nang si Sir Braxton ang nasa labas ng pinto. Wala ni isa man sa saleslady ang naroon.
"Beautiful..."
"S-sir..." Isang pilit na ngiti ang pinakawalan ko kahit hiyang-hiya. Itinakip ko ang kamay sa dibdib ko dahil kitang kita ang kurba ng malusog kong dibdib kapag fitting ang suot. "Nasaan ho sila?"
"Pinaalis ko. Ang dami mo na palang naisukat pero wala akong nakita kahit isa."
"W-wala ho akong magustuhan eh..." pagsisinungaling ko.
"Ipasasara ko ang botique na 'to kung wala kang nagustuhan, Maliyah." Bumaba ang tingin nito sa katawan ko. "I'd like to see you in that outfit everyday."
"M-magbibihis na ho ulit ako."
Tumango lang ito saka kumindat habang nakangiti bago ako iniwan. Napasandal ako sa pinto ng fitting room sa kilig. Paano ba hindi ma-in love sa boss ko na 'to?
Pagkatapos kong magbihis ay bumalik na ako sa kinaroroonan ni Sir Braxton dahil hindi na bumalik ang mga saleslady. Napakunot ang noo ko nang makitang kabiruan nila ang boss ko. Nakita ko rin na nakapila na ang limang paper bag sa ibabaw ng counter.
"Imposibleng hindi mai-in love yung babae sa inyo, sir. Natatakot lang ho siguro baka playboy kayo," wika ng isang saleslady. Hindi na sumagot si Sir Braxton dahil nakita na paparating ako. Iniabot ko ang huling damit na isinukat ko sa isang saleslady.
"Let's go," wika ni Sir Braxton saka muling humarap sa mga staff ng botique. "Thank you ladies."
"You're welcome sir. Goodluck ho doon sa gusto niyong ligawan."
Binitbit nito ang apat na paperbag saka naglakad hawak ang kamay ko. Hanggang sa makarating kami sa parking lot ay naka-holding hands kami dahil hindi nito gustong bitiwan iyon.
Sa dami ng naganap ngayong araw, yung rice cooker ko hindi ko na naman nabili. Hindi ko na lang binanggit dahil nakasakay na kaming pareho sa kotse. Sasaglit na lang ako bukas sa malapit ba appliance store. Isinandal ko ang likod sa leather seat dahil na naramdaman kong pagod. Maghapon kasi kaming walang ginawa kung hindi maglakad.