Angelo’s Point of View
Hindi naman ako nagulat sa sinabi ni Kuya Angelbert. Sa totoo lang, sa aming dalawa; lahat ng ‘mas’ ay napunta sa kanya: mas matalino, mas guwapo, mas suwerte at iba pa. Parang siya ‘yung tipo ng taong paborito ng maykapal… yung… isang bahing lang nila; kaya nilang marating ang mga bagay na buong buhay mong pinaghirapan.
Tanggap ko naman ang aming deperensya sa isa’t-isa kaya… hindi na ako nakakatanggap ng kung ano mang inggit sa kanya. Hindi naman maiiwasan talaga sa magkapatid ang merong ‘mas’. Tinulungan naman ako ni Kuya mag-ayos ng gamit.
“Sa totoo lang, nung umalis ka; tumahimik ang bahay,” ang pagpapatuloy ni Kuya.
“Bakit naman?” ang tanong ko. “Sigurado namang hindi ako kawalan dito. At tsaka, mas nasisiyahan sila Mama at Papa sa mga kwento mo… sa mga achievements mo.”
“Hindi ka pa rin nagbabago, Angelo,” ang komento naman niya habang naglalagay ng mga damit sa aparador. “Mababa pa rin ang tingin mo sa sarili mo.”
“Madali lang sabihin ‘yan para sa’yo, Kuya,” ang tugon ko. “Hindi naman kasi ako ipinanganak na matalino, guwapo at masuwerteng katulad mo.”
“Angelo, pinaghihirapan ko rin ang mga naging achievement ko,” ang pagtatama naman niya. “Alam mo kung anong kailangan mo? Kailangan mong ituon ang atensyon mo sa sarili mo. Angelo, pinanganak tayong maging magkapatid para magtulungan at hindi makipagkompetisyon sa isa’t-isa.”
Napangiti naman ako at tumango. Kung sa bagay ay may punto si Kuya. Baka masyado akong nabulag ng inggit sa kanya.
“Sigurado ako na may mga bagay kung saan magaling ka; siguro kailangan mo lang hanapin kung ano,” ang pagpapatuloy niya. “Gawin mo lang ang mga bagay na magpapasaya sa’yo; narito lang kami ni Mama at susuportahan ka naming.”
“Salamat, Kuya,” ang komento ko.
“Dalian mo na diyan, nagugutom na ako,” ang sabi niya na ikinatawa ko. Lubos kong hinahangaan si Kuya Angelbert. Hindi lang siya matalino at guwapo; napakamaunawain niya rin. Hindi na ako nagtataka na maraming babaeng nahuhumaling sa kanya. Pag-ibig, ito nga lang ang tanging bagay na hindi sineswerte si Kuya. Ilang babae na rin ang dumaan sa buhay niya. Lahat naman ay sineryoso niya pero hindi alam kung ano pang hinahanap ng iba sa kanya.
“Mamaya ko na ‘to itutuloy,” ang anunsyo ko naman bago tumayo. Sabay naman kaming lumabas ng kuwarto ko. “Kuya.”
Napatingin naman siya sa akin at hinintay ang aking sasabihin.
“Gusto ko lang malaman kung anong nagyari kila Mama at Papa,” ang sabi ko naman. Napabuntong-hininga naman si Kuya.
“Sa totoo lang, pinanagako ko na sa aking sarili na hindio na dapat pag-usapan ang bagay na yan sa bahay na to,” ang komento naman niya. “Pero kailangan mo rin namang malaman ang nangyari sa kanila. Nagsimula ito nung nagkaroon ng isang reunion sila Papa kasama ang kanyang mga dating kaklase nung high school. Muli niyang nakita ang dati niyang kababata at ex-girlfriend.
Simula noon ay palagi na lang umaalis si Papa. Maraming siyang ibinibigay na dahilan kay Mama,” ang paliwanag naman ni Kuya. “Overtime ang madalas niyang sinasabi.” Hindi naman ako makapaniwala sa mga sinasabi sa akin ni Kuya ngayon. Paano ako maniniwala? Mahal na mahal nila ang isa’t-isa. “Lahat naman ng sekreto ay nabubunyag. Isang araw nabasa ni Mama ang mga usapan nila sa phone ni Papa nung minsang naiwan ni Papa na nakabukas ang phone niya.
“Anong ginawa ni Mama?” ang tanong ko naman.
“Siyempre, galit na galit,” ang tugon naman niya. “Pero sa huli, hindi si Mama ang pinili niya. Nag-alsabalutan pagkatapos ay iniwan niya si Mama… ako, tayo.”
“Kamusta na si Mama?”
“Sa tingin ko, nagiging maayos na siya,” ang tugon ni Kuya. “Angelo, hindi mo alam kung gaano kasama ang loob ko kay Papa.”
“Naiintindihan kita, Kuya,” ang tugon ko. “Ganyan din ang naramdaman ko nang itinakwil niya ako at pinalayas. Halos isumpa ko siya dahil sa ginawa niya pero… lilipas din ang lahat.”
“Mamaya na tayo mag-drama,” ang bili naman ni Kuya. “Kanina pa ako nagugutom.”
Tumango naman ako at sumunod sa kanya patungo sa kusina. Naroon na si Mama at naghihintay sa amin.
“Nakapag-usap na pala kayo,” ang komento naman ni mama. “Maupo na kayo nan ang makakain na tayo.”
Kaagad naman kaming sumunod ni Kuya; kapwa kami naupo. Tahimik naman kaming nagsimulang kumain.
“Kamusta na nga pala ang trabaho mo, Angelo?” ang tanong naman ni Mama.
“Hindi pa rin ako umaalis sa dati kong pinapasukan,” ang balita ko naman.
“Hindi ka naman nahihirapan? Kamusta ang mga boss mo?” ang mga tanong naman ni Kuya Angelbert.
Naalala ko naman ang mga kasamahan ko sa opisina; lalo na si Mike. Sa totoo lang ay nagsasawa na ako at nasusuka sa work politics sa opisina naming.
“O-okay lang naman po,” ang pagsisinungaling ko. “Mababait ang mga boss at kasamahan ko sa trabaho.”
“Mabuti naman kung ganun,” ang komento naman ni Mama. “Ano bang nangyari sa inyo nung Nick” Bakit kayo naghiwalay?”
Natigilan naman ako sa tanong ni Mama; napansin naman ito ni Kuya Angelbert.
“Ma, huwag muna natin siyang tanungin sa mga ganyang bagay,” ang suway naman ni Kuya. “Sigurado ako na… mahirap pa rin para kay Angelo ang pag-usapan kung ano mang nangyari sa kanila.”
Napabuntong-hininga naman ako. Mabigat pa nga sa akin ang nangyari sa amin ni Nick kani-kanina lang.
"Nakita ko siyang may kasamang babae sa mall,” ang malungkot kong sinabi. “Hindi naman niya iyun itinanggi nang hinarap ko siya. Ang masakit lang; hindi nman lang siya nagpakita ng pagsisisi. Hindi ko alam kung anong totoo sa mga pinakita niya.”
Tinapik naman ni Kuya ang aking balikat. Pinipilit ko pa ring hindi umiyak sa aking kinalalagyan.
“Mas maganda na nalaman mo at nakita mo nang maaga, Angelo,” ang komento naman ni Mama. “Kesa makulong ka sa isang relasyon na puno ng kasinungalingan.”
Tumango naman ako bilang tugon. Kung sana iba na lang ang naging takbo ng kwento namin ni Nick.
“Mauna na po ako, mag-aayos pa ako ng gamit at may trabaho pa ako bukas,” ang paalam ko sabay tayo. Nang mailapag ko ang mga pinagkainan ko sa lababo ay nagtungo ako sa aking kuwarto at pinagpatuloy ang pag-aayos ng aking mga gamit. Tahimik naman akong humiga sa kama. Tinignan ko naman ang aking smartphone. Inulan ako ng mga mensahe at miscall mula kay Nick. Tinignan ko naman ang mga mensahe niya. Mga mura at masasakit na salita dahil sa pagbawi ko ng game console niya. Muli namang napuno ang aking puso ng galit dahil sa aking mga nabasa. Hayop talaga siya.
“Manigas ka, Nick!” ang tanging reply ko sa lahat ng sinabi niya bago tuluyang alisin ang pangalan niya sa listahan ng contacts ko. Bukod pa doon ay nagawa ko ring i-block siya sa lahat ng social media accounts na pwede niya akong i-contact. Inalapag ko naman ang smartphone ko sa side table. Nagsimula akong lumuha hanggang sa hindi ko na napigilan pang humagulgol sa sakit na aking nararamdaman. Tinakpan ko naman ng unan ang aking mukha upang hindi marinig ng ibang tao sa bahay namin. Hindi ko naman namalayan na nakatulog na ako.
NAGISING na lamang ako sa tunog ng isang alarm. Kaagad ko namang hinanap ang tunog na pinanggagalingan nun. Ilang minuto rin ang lumipas bago ko napagtanto na wala na ng apala ako sa apartment na tinitirhan naming ni Nick. Parang isang malaking alon ang tumama sa akin nang bumalik sa akin ang lahat. Hinayaan ko lang naman na may tumulong luha mula sa aking mga mata. Balang araw ay mapapagod din ang mga mata ko; matutuyot din ang mga ito.
Sinusumpa ko na sa muli namang pagkikita ay hindi niya na magagawang pagtawanan ako. Napatingin naman ako sa aking orasan. Bumalik ako sa aking kamalayan nang muli kong marinig ang alarm. Napagtatanto ko na hindi hindi nanggagaling ko sa kuwarto ko ang ingay na naririnig ko. Nanggagaling ito sa kabilang kuwarto; sa kuwarto ni Kuya Angelbert. Hindi naman nagtagal ay tumigil ang tunog ng alarm clock niya. Alasingko pa lang ng madaling araw at ganitong oras nagigising si Kuya. Iba talaga ang pagiging masipag niya. Bumaba naman ako ng kama at binuksan ang ilaw.
“Aray,” ang bulong ko sa aking sarili nang masilaw sa biglaang pagkakaroon ng ilaw sa kanina lang ay madilim kong kuwarto. Hinayaan ko munang masanay ang aking mga mata sa ilaw. Sinimulan ko namang mag-inat. Naalala ko naman na may trabaho pa rin ako ngayong araw. Naglaho man si Nick sa aking buhay; patuloy pa rin namana ko sa aking trabaho. Nang makaligo at makapagpalit ay bumaba ako sa kusina. Nadatnan ko naman si Kuya Angelbert doon. Natigilan siya nang makita ako.
“Ang aga mo rin palang nagising,” ang reaksyon niya nang makita ako.
“Ang totoo niyan, Kuya, nagising ako dahil sa alarm mo,” ang tugon ko.
“Ganun ba? Pasensya na,” ang paghingi naman niya ng paumanhin. Napailing naman ako.
“Okay lang, Kuya,” ang tugon ko naman. “Napalayo rin naman ako sa trabaho ko dahil bumalik ako rito. Kakailangan ko ng mas mahabang oras para bumayahe sa kumpanyang pinapasukan ko.”
“Sumabay ka na sa akin mamaya,” ang tugon naman ni Kuya. “Ibaba na lang kita malapit sa trabaho mo.”
“May kotse ka, Kuya?” ang gulat ko namang tanong
“Oo,” ang pagkumpirma naman niya. “Nanalo kasi akong Employee of the Year kaya rinegaluhan ako ng kumpanyang pinapasukan ko ng sasakyan.”
“Naks, iba talaga ang matalino,” ang puri ko.
“Angelo, talo pa rin ng masipag ang matalino,” ang komento niya. “Magkape ka na nga diyan. Mag-almusal na rin muna tayo bago pumasok.”
Napangiti naman ako at tumango.