Angelo's Point of View
Nang makapaghanda kami ni Kuya para sa aming mga trabaho ay inihatid ako ni Kuya sa aking pinagtratrabahuan.
“Mauna na ako, Kuya,” ang paalam ko naman. “Salamat sa paghatid mo, Kuya.”
“Tawagan mon a lang ako kung kailangan mo ng masasakyan pauwi,” ang bilin naman niya.
“Hindi na, Kuya,” ang pagtanggi ko naman. “Baka makaabala lang ako. Tsaka kaya ko namang umuwi nang mag-isa.”
Natawa naman siya sa naging komento ko at tumango. Pinanood ko ang sasakyan niyang lumayo.
“Angelo,” ang pagtawag naman ng isang pamilyar na boses. Napalingon naman ako. Kaagad natanggal ang ngiti sa aking mga labi nang makita kung sino ang tumawag sa aking pangalan.
“Nick,” ang pagbanggit ko naman sa kanyang pangalan. “A-anong ginagawa mo rito?”
“Huwag kang mag-alala,” ang komento naman niya. “At huwag kang umasa na babalikan kita.”
Napakunot ang aking noo sa aking narinig.
“Pwes, bakit narito ka?” ang walang gana ko namang tanong.
“Alam mo kung bakit ako narito,” ang tugon naman niya.
“Hindi ako makapaniwala na pupuntahan mo pa ako rito para lang sa isang bagay,” ang komento ko. “Hindi ko ibabalik ‘yun dahil ako ang bumili ng game console na ‘yun. Manigas ka!”
Nagsimula naman akong maglakad papasok sa gusali ngunit kaagad naman akong natigilan nang bigla niyang hablutin ang aking braso.
“Nick, aray!” ang reaksyon ko sabay harap sa kanya.
“Huwag mong subukan ang pasensya ko, Angelo,” ang pagbabanta niya. Napapagod na ako. Napapagod na akong masaktan at tratuhin niya nang ganito. Hinila ko naman ang braso ko palayo sa kanya.
“Sa tingin mo, madadaan mo ako sa mga pananakot mo, Nick?” ang retorikal kong tanong. “Ang kapal ng mukha mo! Pagkatapos ng lahat ng mga ginawa mong panloloko sa akin; ikaw pa talaga ang may ganang magalit?”
“Sa tingin mo, sino ba dapat ang sisihin sa ating dalawa?” ang tanong naman niya pabalik. “Kung naging mas maayos ka sana; hindi magiging ganito ang takbo ng relasyon natin.”
“Bakit parang kasalanan ko?” ang tanong ko naman; hindi sinasadyang gayahin ang karakter ni Bobbie Salazar sa pelikulang Four Sisters and a Wedding.
“Tignan mo ‘yang sarili mo. Hindi mo man lang alam ayusin ang sarili mo. Ang pangit mo na,” ang panlalait naman niya sa akin. Habang patagal ng patagal ay mas lalong lumalaki ang nararamdaman kong pagkamuhi sa ganya. Totoo nga, ang matinding pagmamahal ay napapalitan ng matindi ring pagkamuhi kapag ikaw ay sinaktan.
“Hindi ako magkakaganito kung hindi dahil sa’yo,” ang galit ko namang tugon. “Palagi akong puyat… palagi akong pagod… bakit? Dahil palagi akong nag-o-overtime para lang masunod ang mga gusto mo. Napabayaan ko ang sarili ko dahil sa’yo. Nick, alam mo, tama ka! Ang tanga-tanga ko dahil nilaan ko ang oras ko sa isang katulad mo!”
“Diyan ka nagkakamali,” ang mayabang pa rin niyang komento. “Balang-araw ay titingalain mo ako. Nakikita mo ‘yun?” ang tanong niya sabay turo sa isang billboard na may mukha ni Magnus Astudillo. “Papalitan ko ang mukhang ‘yan.”
Kilalang-kilala ko siya at alam ko kung paano basagin ang kanyang ego. Napatingin ako sa kanya at natawa. Kaagad naman siyang napasimangot.
“Ang guwapo-guwapo kaya ni Magnus,” ang komento ko. “Nick, hindi ka naman ganun kagwapuhan. Wala ka sa kalingkingan ni Magnus Astudillo.”
“Alam ko namang sinasabi mo lang yan dahil bitter ka,” ang komento naman niya at hindi mo matanggap sa sarili mon a hiwalay na tayo.”
“Oo, hiwalay na tayo,” ang pagkumpirma ko. “Kaya lubayan mo na ako, utang na loob. Nagising na ako sa katotohanan, Nick. Hinding-hindi na ako magmamakaawa sa’yo. Isa pa, isa ka namang jutay!”
Pagkatapos kong sabihin ang mga ‘yun ay patakbo akong pumasok sa gusali kung saan ako nagtratrabaho. Dumeretso naman ako sa palapag kung nasaana nag departamentong kinabibilangan ko.
“Ang aga-aga, nakasimangot ka; para kang namatayan,” ang komento ni Shine nang makita ako. Walang gana naman akong naupo sa upuan ko at binuksan ang computer. “Huwag mong sabihing—”
“Oo, Shine,” ang pagkumpirma ko naman sa kung anong iniisip niya. “Wala na kami ni Nick.”
“Mabuti naman,” ang sabi niya. “Mabuti naman, natauhan ka na rin sa wakas.”
“Ewan ko ba,” ang tugon ko. “Hindi ko rin alam kung paano ako nahulog sa isang tulad niya.”
“Ngayong graduate ka na sa Team Martyr. Welcome na nga ba sa Team Marupok?” ang tukso naman ni Kathleen na nasa tabi lang ni Shine.
“Ha?!” ang reaksyon ko naman; hindi ko naintindihan ang sinabi niya.
“Ang ibig kong sabihin, baka mamaya niyan, kapag nakiagbalikan sa’yo si Nick, um-oo ka kaagad,” ang paliwanag naman niya. Napailing naman ako.
“Kilala ko si Nick,” ang pagsisimula ko. “Hindi siya ‘yung tipo ng tao na lulunok ng pride. Kung alam niyo lang ang mga sinabi niya sa akin nung hiniwalayan niya ako.”
“Ano nga bang sinabi sa’yo ni Nick?” ang tanong naman ni Shine. “Ikwento mo sa amin ang nangyari kahapon.”
Napabuntong-hininga naman ako.
“Hindi siya tumanggi. Sa totoo lang, umamin siya agad,” ang kwento ko. “Isa pa, ayaw niya na raw sa akin dahil sa itsura ko. Ang pangit ko na araw.”
“At ang kapal ng mukha niya,” ang galit namang reaksyon ni Kathleen. “Pagkatapos ng lahat ng ginawa mo para sa inyong dalawa, lalo na para sa kanya; ganyan lang ang sasabihin niya sa’yo? Ungrateful son of a b***h!”
Natigilan naman kaming tatlo nang may tumikhim sa likod naming. Sabay-sabay naman kaming napatingin tatlo. Si Mike.
“Kaya tayo hindi umaasenso; imbes na magtrabaho, tsismisan lang ang ginagawa,” ang komento niya.
“Kaya ka lang naman umasenso dahil sa pagnanakaw mo ng mga ideya at trabaho ng iba,” ang sabi ko sa aking isipan. “Isama mo na ang pagiging balimbing mo sa mga boss natin.”
Hindi naman kami umimik tatlo. Humarap na lang kami sa aming mga kompyuter.
“Angelo,” ang pagtawag sa akin ni Mike. Napatingin naman ako sa kanya. “Dating gawi. Pabili ng kape.”
Hindi naman ako umimik, bagkus ay tumayo ako at kinuha mula sa kanya ang pambili ng kape. Bakit ko nga ba ginagawa ito? Sa totoo lang, ano bang magandang maidudulot nitong pagbili ko ng kape para kay Mike. Mas lalo ko lang tinutulungan si Mike na pabanguhin ang kanyang pangalan. Nagsimula akong maglakad palabas ng department patungo sa elevator. HUli nan ang mapagtanto ko na sa coffee shop kung saan nagtratrabaho si Nick. “Shit.”
Eh, kung sa ibang coffee shop na lang ako pumunta? Sandali lang, napakalayo na ng ibang coffee shop. ‘Yun lang ang tanging coffee shop na malapit s opisina naming. Wala akong ibang pagpipilian; kailangan kong pumunta doon at tatagan ang aking loob. Ayoko naman talaga siyang makita pero… baka ano pa ang isipin ni Nick. Napabuntong-hininga naman ako. Nang makalabas ng gusali ay nagsimula akong maglakad patungo sa coffee shop. Huminga ako nang malalim bago binuksan ang pinto ng coffee shop. Pumasok naman ako at kaagad na tumingin sa paligid. Hinanap ko si Nick sa bar counter ngunit wala siya.
Naglakad ako patungo sa cashier.
“Good morning, what’s your order, Sir?” ang tanong ng cashier.
“Uhm, dalawang Americano,” ang tugon ko naman. “At isang Caramel Mo-mo…”
“Macchiato,” ang salo naman ng cashier.
“Ah,” ang reaksyon ko naman. “Uhm, wala na ‘yung dating barista rito?”
“Si Nick po ba ang tinutukoy niyo?” ang tanong niya. “Yung guwapo naming barista?”
“Guwapo nga; ubod naman ng sama ang ugali,” ang komento ko sa aking isipan. Pinilit ko namang itago ang aking pagkamuhi sa kanya at tumango.
“Ah, ka-re-resign niya lang kahapon,” ang balita naman ng cashier. “Natanggap siya sa isang modeling agency kaya kailangan niyang umalis.”
“Ganun ba?” ang retorikal kong tanong. “Good for him. Anyway, thank you,” ang pasasalamat ko sabay kuha ng claim stub mula sa kanya. Nakahinga naman ako nang maluwag ngayong alam kong hindi ko na siya makikita pa rito sa coffee shop. Nagtungo naman ako sa kabilang dulo ng counter upang hintayin ang mga in-order ko. Hindi naman nagtagal ay tinawag ang aking pangalan. Ibinigay ko naman ang claim stub at kinuha ang kape. Bumalik naman ako sa opisina. Nang makarating ay linapag ko ang sarili kong kape sa aking mesa at inabot ko naman ang pinabili ni Mike sa kanya. Dalian naman siyang nagtungo sa loob ng opisina ng boss namin. Napa-iling naman ako. Nakakasawa ang ganitong takbo ng buhay. Nakakapagod. Dalawang taon pa lang ako rito pero… hindi ko na masikmura ang work politics na nagaganap. Naupo ako at sinimulan ko ang aking trabaho. Nasa kalagitnaan na ako ng pagtratrabaho nang lumapit sa akin si Mike.
“Angelo,” ang pagtawag niya sa akin. Napatingin naman ako sa kanya. May kakaibang ngiti sa kanyang mga labi. “Tawag ka ni boss.”
Napakunot naman ako ng noo sa aking narinig; madalang lang ako napapatawag ng boss naming. Kadalasan ay dahil sa magandang dahilan. Tumayo naman ako at mabagal na naglakad patungo sa opisina ng boss naming. Hindi ko namalayan na sumunod pala sa akin si Mike. Nakita ko na lang siya nang isara niya ang pinto.
“Angelo, hindi ba?” ang tanong naman ng boss namin. Hindi na ako nagulat na hindi niya alam ang aking pangalan.
“Yes, sir,” ang pagkumpirma ko naman. Sa totoo lang ay hindi ko pa rin alam ang tunay na dahilan kung bakit ako narito.