Angelo's Point of View
“Angelo! Angelo!” ang sigaw naman ni Mama sa kabila ng pinto. Madalian ko namang binuksan ang pinto. “Ano bang nangyayari sa’yo at sumisigaw ka?”
“Pasensya na po,” ang paghingi ko naman ng paumanhin. “Nadala lang ako sa mga emosyon na nararamdaman ko ngayon.”
“Susme kang bata ka,” ang reaksyon naman niya habang napapa-iling. “Ikain mon a lang muna ‘yan. Nagluto pa naman ako ng paborito mong ulam. Sinigang sa miso.”
“S-sinigang sa miso?” ang pag-uulit ko.
“Oo, linuto ko dahil alam kong hindi maganda ang naging araw mo,” ang paliwanag naman ni Mama. Napabuntong-hininga naman ako. Hindi naiwasang tumunog ng tiyan ko nang marinig ko kung anong iniluto niya. “Kailan man ay hindi nagsisinungaling ang nagugutom na sikmura.”
Umiling na lang ako at lumabas ng aking kuwarto. Sumunod naman ako kay Mama patungo sa kusina. Naupo naman ako samantalang pina-init naman ni Mama ang sinigang na kanyang iniluto. Napuno naman ang kusina ng mabangong amoy mula sa putaheng ‘yun. Hindi ko matatanggi na kahit paano ay gumaan naman ang aking pakiramdam ko. Na-miss ko ang luto ni Mama
“Angelo,” ang pagtawag naman sa akin ni Mama. Napatingin naman ako sa kanya. “Alam kong mahirap ang pinagdadaanan mo pero gusto ko lang ipaalala sa’yo na hindi dapat tumigil ang mundong ginagalawan natin. Magpahinga ka pero huwag kang hihinto.”
Tumango naman ako sa naging payo ng aking ina. Nagpaalam naman ako at bumalik sa aking kuwarto. Pagkatapos makapagpalit ng damit ay bumalik ako sa aking kama.
LUMIPAS ANG ILANG ARAW. Nagkulong lang naman ako sa aking kuwarto. Minsan ay hindi ako kumakain at nadadala ako ng kalungkutan. Sa tuwing naaalala ko si Nick ay hindi ko maiwasan ang lumuha. Magkahalong emosyon ang aking nararamdaman. Kalungkutan para sa nangyari sa akin, pagkamuhi para sa ginawa niyang panloloko at panggagamit sa akin. Kasalukuyan akong naka-upo sa aking kama; nakatulala na naman at nagpapakalunod sa kalungkutan at katahimikan sa aking kuwarto. Kaaagad naman akong bumalik sa mundong aking tinatakasan nang may sunod-sunod na kumatok sa pintuan kasabay ng pagtawag sa aking pangalan. Kaagad ko namang napagtanto na si Mama ‘yun.
“Sandali lang po!” ang sigaw ko naman pabalik bago bumaba ng kama at pinagbuksan siya ng pinto.
“Angelo, hanggang kailan mo balak magkulong diyan sa kuwarto mo?” ang bungad naman sa akin ni Mama.
“Okay lang po ba na habangbuhay na akong manatili rito sa kuwarto ko?” ang tanong ko naman pabalik.
“Susmaryosep kang bata ka,” ang reaksyon naman ni Mama. “Lumabas-labas ka.”
“Wala akong gana, Ma,” ang komento ko naman. “Isa pa, wala naman akong ibang pupuntahan.”
“Pwes, may ipapagawa ako sa’yo para lumabas ka,” ang sabi naman ni Mama sabay abot ng isang papel sa akin. Kaagad ko namang tinignan kung ano man ang nakasulat doon. Isang listahan. “Magpunta ka ng supermarket at bumili ng pang-stock natin sa kusina.”
“Ma,” ang protesta ko naman.
“Mag-ayos ka na,” ang utos naman ni Mama. “May lisensya ka, di ba? Iniwan ng papa mo ang sasakyan niya, nasa kusina ang susi. Napabuntong-hininga naman ako. Mukhang wala naman akong ibang magagawa. Isinara ko ang pinto at nagpalit ng damit. Hindi naman nagtagal ay nagtungo ako sa kusina para kunin ang susi ng sasakyan. Nagtungo naman ako sa labas. Tinanggal ko ang nakapatok sa kotse. Natigilan naman ako at sinuri ang kalagayan nito.
“Sinigurado naming ng Kuya Angelbert mo na panatilihing maayos ang kalagayan ng sasakyan,” ang sabi ni Mama anng tumayo siya sa tabi ko. Tumango naman ako. Hindi naman nagtagal ay nagmaneho ako patungo sa supermarket para bilhin ang mga ibinilin sa akin ni Mama. Hanggang sa pamimili ay bitbit ko ang mga ala-ala namin ni Nick. Madalas kasi kami magtalo sa mga bran na kailangan naming piliin. Hindi kami nagkakasundo kung aling brand ang mas nakahihigit kaysa sa isa. Nasa harapan ako ng estante ng mga kape nang may tumawag sa aking pangalan. Napalingon naman ako. Mula sa karagatan ng mga mukha ay nakita ko ang isang pamilyar na mukha. Si Lander Yee. Isa siya sa mga naging kaklase at malapit kong kaibigan noong nag-aaral pa lang ako. Hindi ko na siya nakita pa pagkatapos ng graduation. Naging abala na ako sa aking trabaho at kay Nick.
“Lander,” ang pagbanggit ko sa kanyang pangalan nang makalapit sa akin.
“Angelo, long time no see,” ang masaya naman niyang pagbati sa akin. “Ang tagal nating hindi nagkita.”
“Oo nga, eh,” ang pagsang-ayon ko naman. “Matagal din tayong hindi nakapag-usap. Masyado tayong naging abala sa ating mga buhay.”
Natawa naman siya sa aking sinabi.
“May oras ka ba ngayon?” ang tanong naman niya. “Tara, magkape at magkamustahan.”
‘Uhm, ang totoo niyan, wala naman talaga akong gagawin o pupuntahang iba,” ang tugon ko. “Kaya sige; tatapusin ko lang itong pamimili ko tapos magkita na lang tayo sa entrance ng supermarket.”
“Sige, walang problema,” ang pagsang-ayon naman niya. Ipinagpatuloyb ko naman ang pagkuha ng mga items na nasa listahan ni Mama. Kaagad naman akong pumila at binayaran ang mga linagay ko sa cart. Nagkita nga kami ni Lander sa tapat ng entrance. Sabay kaming nagtungo sa parking lot. Nang makasakay sa kotse ay nagsimula akong manmaneho patungo sa isang coffee shop na kanyang inirekomenda.
“So, anong pinagkakabalahan mo ngayon?” ang tanong naman niya sa akin nang maka-upo kami at makapag-order. Napabuntonghininga naman ako.
“Uhm, wala, sa ngayon,” ang tugon ko naman. “Kaalis ko lang sa kumpanyang dati kong pinapasukan kaya nasa bahay lang ako ngayon.”
Napatango naman siya sa aking sinabi.
“Sigurado namang lumalabas ka; may jowa ka ba ngayon o dine-date?” ang sunod naman niyang tanong. Umiling naman ako.
“Ang totoo niyan, kagagaling ko lang sa isang breakup,” ang paliwanag ko naman.
“Hala, pasensiya na,” ang paghingi naman niya ng paumanhin nang marinig ‘yun mula sa akin. Kaagad ko naman siyang sinabihan na okay lang ako. “Pwede ko bang matanong kung anong dahilan ng paghihiwalay niyo?”
Ikwinento ko nga sa kanya lahat ng nangyari sa amin ni Nick.
“Kung kailangan mo ng makaka-usap, huwag kang mahiyang tawagan ako,” ang bilin naman niya. Tumango naman ako at ngumiti. “Siyangapala, kung wala ka rin namang gagawin; pumunta ka na lang sa studio ko.”
“Studio?” ang tanong ko naman. “A-anong klaseng studio?”
Hair and Makeup,” ang tugon naman niya.
“Ha?! Eh, ano namang gagawin ko dun?” ang tanong ko naman sa kanya.
“Eh, ano pa nga ba? Tuturuan kita kung paano maglagay ng makeup at mag-ayos ng buhok,” ang paliwanag naman ni Lander. Napakunot naman ang aking noo sabay ngiwi sa aking narinig. “Hoy, Angelo. Huwag mo akong bigyan ng ganyang klaseng tingin,” ang suway naman niya. “Hindi lang basta-basta ang studio ko. Dinadagsaan ‘yun ng mga modelo at iba pang sikat na bituin.’
“Huwag na lang, Lander,” ang pagtanggi ko naman. “Baka ako pa ang maging dahilan ng pagbagsak ng mga pabituing sinasabi mo. Tignan mo naman ang itsura ko. Sarili ko nga; hindi ko maayos-ayos; itsura pa kaya ng ibang tao?”
“You are what you think, Angelo,” ang komento naman niya. “Naiitindihan ko ang pinagdadaanan mo, at alam kong kinimkim mo ang mga salitang sinabi niya sa’yo pero… you’re more than that. You should know better.”
Napabuntong-hininga naman ako sa mga sinabi niya. Ang totoo niyan, naguguluhan ako. Tama nga siguro… masyado akong naapektuhan sa panloloko at panggagamit sa akin ni Nick. Gusto ko ring patunayan sa sarili ko na may magagawa ako; higit pa sa taong sinabi ni Nick na ako pero… natatakot din ako na baka nga, hanggang doon lang ako. Iniwan ako ni Nick, ginamit at hindi man lang minahal. Sa trabaho ko, ginamit din lang ang aking kakayahan para sa kapakanan ng iba.
“Ganito na lang,” ang pagbasag naman ni Lander sa aking pag-iisip ng mga bagay-bagay. “Iiwan ko ang card ko sa’yo,” ang sunod niyang sinabi. Pinanood ko naman siyang maglabas ng business card mula sa kanyang wallet at linapag sa mesa. Itinulak naman niya ‘’yun patungo sa tabi ng aking iniinom. Kinuha ko naman ang business card at sinuri. “Beautiful You” by Lander Yee Hair and Makeup Studio. Ito ang nakalagay doon. Napatingin naman ako sa kanya. “Pag-isipan mo muna. Nariyan naman lahat ng contact details ko. Per ang masasabi ko lang, walang mawawala kung susubukan mo. Kapag hindi mo nagustuhan; pwede ka namang tumigil.”
Tumango naman ako bilang tugon. “Sige, pag-iisipan ko muna.”
Naiintindihan ko naman ang intensyon niyang tumulong at taos-puso naman akong nagpapasalamat. Hindi ko nga lang sigurado kung ito nga ang makakatulong sa akin. Pagkatapos ng maikling kamustahan namin ni Lander, Naghiwalay naman kami. Bumalik ako sa bahay. Pumasok ako sa kusina bitbit ang Eco bag lulan ang mga pinamili ko kanina sa supermarket. Tinulungan ko naman si Mama mag-ayos bago ako bumalik sa aking kuwarto. Natigilan ako nang makapa ang card na binigay ni Lander sa aking bulsa. Hinugot ko naman yun at muling tinignan. Nangingibabaw ang kulay fuchsia at itim sa card. Napabuntong-hininga naman ako at inilapag ang card sa side table. Napatingin ako sa labas ng bintana. Palubog na pala ang araw. Hindi ko namalayan na masyado akong nagtagal sa labas. Napalingon naman ako nang magbukas ang pinto. Iniluwa naman ito si Kuya Engelbert.