DAHLIA :
"Ang saya-saya ko! Maraming salamat Dahlia at sinagot mo na ako. Pangako, hinding-hindi ka magsisi. At pangako, kahit anong maging problema natin, hinding hindi tayo maghihiwalay."
Iyan ang mga matatamis na pangako ni Jason sa akin nung araw na sinagot ko s'ya. Napangiti ako sa mga sinabi n'ya. kahit hindi ko talaga s'ya mahal, pakiramdam ko ay hindi naman ako nagkamali sa pagbibigay ng pagkakataon sa kanya. Iba kasi ang talagang itinitibok ng puso ko, at iyon ay si........ Hindi bale na, sinabi ko kasi sa sarili ko na kakalimutan ko na siya at magmo-move on na lang sa pamamagitan ni Jason. Meron na kasi siyang girlfriend at huli na nang makilala ko s'ya.
Naging maayos naman ang naging relasyon namin ni Jason, hanggang sa lumagpas na kami sa limitasyon namin bilang magkasintahan na alam ko namang mali. Gusto ko sanang tanggihan ang kagustuhan n'ya na may mangyari sa amin dahil pareho pa kaming nag-aaral sa kolehiyo, at hindi din kasi ako kumportable na ibigay kaagad ang sarili ko sa kanyang gayong magkasintahan pa lang naman kami. Pero dahil sa paulit-ulit niyang paghihimutok at pagtatampo na baka hindi ko naman daw s'ya totoong mahal kaya ayokong ibigay ang sarili ko sa kanya ay pinagbigyan ko na lang ang gusto n'ya. Ngunit sinabi ko sa kanya na isang beses lang namin gagawin iyon hanggang sa maikasal na kami, at pumayag naman s'ya.
Pero hindi ko alam na iyon na nga talaga ang huli, dahil matapos niyon ay may hindi inaasahang nangyari. "Jason..... buntis ako."
"A-ano? ulitin mo nga ang sinabi mo?" Gulat at parang hindi makapaniwalang tanong ng boyfriend ko.
"Bakit parang gulat na gulat ka? Malamang na mabubuntis talaga ako, may nangyari sa atin e." Sagot ko.
"P-pero..... isang beses lang yun, diba? Paanong may nabuo kaagad?"
"Ewan ko, baka kaloob ito ng Diyos?"
"Hindi puwede!"
Nang makita ko kung gaano s'ya ka-iritable, naramdaman ko na parang may mali. "Jason, ayos ka lang ba?"
"Hindi ako okay..... paano ka mabubuntis, e isang beses lang naman nating ginawa yun kasi nag-inarte ka na sa kalagitnaan. Muntik pa nga akong mabitin e."
Napanguso ako sa sinabi n'ya. "Masakit na kasi e. Saka sabi mo ay mag-eenjoy ako, e parang ikaw lang naman ang nag-eenjoy e."
"A basta, hindi puwedeng nakabuo kaagad tayo, tingin ko ay may mall....." Bigla niya akong tiningnan nang may kahulugan. "O baka naman....... hindi pala sa akin 'yan?"
Natigilan ako sa sinabi niya, pakiramdam ko ay nagpantig ang tenga ko. "A-anong sinabi mo?"
"Ang sabi ko ay baka hindi pala sa akin–"
Bigla na lang umangat ang kamay ko at sinampal siya. Sa sinabi n'ya ay para na rin n'ya akong sinampal. Hindi ko akalaing sasabihin niya iyon, hindi ko akalaing itatanggi n'ya ang naging bunga ng kapusukan n'ya. "Matapos mo akong pagparausan, ganyan ang sasabihin mo sa akin?"
Hinawakan n'ya ako sa kamay at utal-utal na nagpaliwanag. "H-hindi, hindi sa ganun, dahlia, a-ano kasi e....."
"Ano? Anong ano kasi? Jason, dalawa tayong responsable dito kaya dapat mo akong panagutan. Saka kapag nalaman ng parents ko ito, baka itakwil nila ako!"
"P-pero, hindi kasi puwede...." Nang makita kong nasasabunutan na n'ya ang sarili nya ay na-realize ko kung gaano s'ya ka-frustrated. Gustuhin ko mang maawa sa kanya, pero sa sitwasyon namin ngayon, alam kong, ako ang mas nakakaawa sa aming dalawa dahil ako ang babae.
"Bakit hindi puwede, kasi nag-aaral ka pa? E, nag-aaral pa rin naman ako a. Sa ating dalawa, ang kinabukasan ko ang mas masisira."
"Pero Dahlia, hindi pa kasi ako handa e."
"Bakit, tingin mo ba ay handa ako? Hindi! Kung alam mo lang ang takot na nararamdaman ko. Jason, nandito na ito, kaya sana, maging responsable na lang tayo. Yun lang naman ang hinihingi ko." Halos gusto ko nang makiusap sa kaniya dahil kinukutuban na ako kung saan hahantong ang pag-uusap naming ito.
Bumuga s'ya ng hangin. "Look dahlia, I'm really sorry. Pero, hindi kita mapapanagutan, hindi ngayon....... Alam mo namang magdo-doktor ako, diba? At yun din ang pangarap ng parents ko para sa akin."
Nakaramdam ako ng panlalamig sa mga sinabi n'ya, pakiramdam ko ay para akong inabandona.
"Sa tingin ko, dapat muna tayong maghiwa–"
Hindi ko na s'ya pinatapos dahil isang malakas na sampal ulit ang ibinigay ko sa kanya.
Bumakas ang galit sa mukha n'ya. "Sumosobra ka na ha, dalawang beses mo na akong sinasampal a."
Hindi ko na napigilan ang galit ko, sa galit na nararamdaman ko ay parang gusto ko nang sumabog. Wala na akong pakialam kahit pagpiyestahan pa kami ng mga nakatambay sa paligid nitong dorm ni jason. "Dapat lang sayo yan! Ang gusto mo pala ay solohin ko ang responsibilidad dito sa bata kahit ikaw naman ang may kasalanan kung bakit ito nabuo? Kung hindi ka naging m@libog nung araw na yun, tingin mo ba ay mangyayari ito?!"
"Tumahimik ka, nakakahiya...." Lumapit siya at agad tinakpan ang bibig ko.
Matapos ang araw na yun ay hindi ko na nakita pa si Jason sa campus. Siguro ay nagpapalamig lang s'ya at baka ayaw lang akong makita, kaya hinayaan ko na muna siya.
Nang nakakadalawang linggo na, nang hindi pa rin nagpapakita si Jason ay kinutuban na ako. Bakit panay absent s'ya? Sa ginagawa n'ya, siguradong ma-aapektuhan nang malaki ang grades n'ya. Kapag nagkaganun, baka mau-unsyami din ang pagdo-doktor n'ya. Hindi na ako nakatiis kaya pinuntahan ko na s'ya sa bahay nila.
"O, ikaw pala Dahlia. Napadalaw ka?" Bungad sa akin ni tita Leticia, ang mommy ni Jason.
"Good evening po tita, si Jason po? Nag-aalala lang po ako kasi magda-dalawang linggo na po kasi siyang hindi pumapasok."
Parang natigilan si tita Leticia sa sinabi ko. "Hindi mo alam? Akala ko ay nasabi na niya sa'yo?" Pagtataka n'ya.
"Ang alin po ba?"
"Wala na dito si Jason, pumayag na kasi siyang ipagpatuloy na ang pag-aaral n'ya sa Singapore. Matagal na kasi namin siyang kinukumbinsi na doon na lang ituloy ang college n'ya pero ayaw n'ya dahil wala naman daw siyang kilala doon, at nandito daw sa Pilipinas ang mga kaibigan n'ya. Kaya nga nang kinausap n'ya kami at sabihing nagbago na ang isip n'ya ay nagulat kami."
Para akong tinamaan ng kidlat sa rebelasyon ni tita Leticia. Talagang nagawa n'ya akong iwan at abandonahin? Napaupo na lang ako sa labas ng gate nila, para akong nanghina. Wala na, wala na talaga akong aasahan sa kanya. Mukhang, kailangan ko talaga itong harapin mag-isa.
"I-iha.... Dahlia, anong problema?" Itinayo ako ni tita Leticia. "Bakit, hindi mo ba matanggap ang pag-alis ni Jason?"
"Hindi sa ganun tita, kaya lang kasi....."
"Kaya lang ano? Anong problema?"
"B-buntis po kasi ako, at...... siya po ang ama."
Nang sabihin ko yun ay ramdam ko ang biglang pagbabago ni tita Leticia. Kung kanina ay para siyang alalang-alala sa akin, ngayon ay parang bigla siyang naging distant sa akin. "A-ano? Sigurado ka ba iha, na.....n-na sa anak ko yan?"
Parang gusto ko na lang magtawa sa tanong n'ya. Mag-ina nga sila ni Jason dahil parehong-pareho sila kung magduda.
"Tita, s'ya po ang first boyfriend ko at s'ya rin po ang nakauna sa akin....... Paano na po 'yan? Ano na po ang gagawin ko?" At umiyak na ako nang tuluyan.
Tinapat ako ni tita Leticia at sinabing wala silang magagawa para sa akin, hindi naman daw nila puwedeng pauwiin si Jason para panagutan ako. Lahi kasi sila ng mga doktor kaya gusto nila na maging doktor din si Jason. Umuwi na lang ako dahil nalalaman ko na wala na rin namang mangyayari.
Sa Bahay :
"Ano, b-buntis ka?!"
"O-opo 'ma...."
Kasunod ng kumpirmasyon ko ay ang isang malutong na sampal mula kay mama. Isa-isang nalaglag ang mga luha ko. "I'm sorry po, 'ma...." Dahil naisip kong hindi ko rin naman ito maitatago lalo na kapag lumaki na ang tiyan ko, naisip kong sabihin na lang sa mga magulang ko ang tungkol dito kahit natatakot ako.
"Sorry? Lahat ng paghihirap namin para sa pag-aaral at sa kinabukasan mo ay nawala nang ganun-ganun na lang, tapos ang sasabihin mo lang ay sorry?" Hinatak ako ni mama sa braso sa galit n'ya. "Sino ang nakabuntis sa'yo? Sinabi namin sayo na puwede ka namang mag-boyfriend diba? Pero hindi mo puwedeng ibigay ang sarili mo, dahil nag-aaral ka pa! Nasaan ang lalaking yan? Dapat panagutan ka niyan!"
"Ma, w-wala na po s'ya, kasi....." Nang sabihin ko kay mama na tinakbuhan na ako ni Jason ay lalo s'yang nagalit, muli niya akong sinampal. Kung hindi lang s'ya inawat nila papa at kuya ay baka binuntal na n'ya ako nang tuluyan.
"Lumayas ka! Wala kaming anak na disgrasyada! Donnie..." Tawag ni mama kay kuya. "Iimpake mo na ang mga damit ng kapatid mo, magmula ngayon, ayoko nang makikita pa ito dito!"
Nagmakaawa ako na huwag nila akong paalisin dahil wala naman akong pupuntahan, naawa naman si papa sa akin at hindi na ako pinaalis, pero meron siyang kondisyon :
"Tatanggapin ka pa rin namin, pero...... ipalalaglag mo ang bata."
Natigilan ako sa alok ni papa. Sa totoo lang, kahit kailan ay hindi sumagi sa isip ko na ipa-abort na lang ang bata, pero ngayong binanggit yun ni papa ay nakaramdam ako ng kakaiba. Nahimas ko ang flat ko pang sikmura. Nang ma-imagine ko na inaalis ng doktor ang anak ko sa sinapupunan ko ay nakaramdam ako ng kirot at sakit sa aking puso. "Ayoko po!"
"Bakit, e wala namang ama yan? Gusto mo bang pasanin ang batang yan nang mag-isa? Alalahanin mo, kapag inalis mo 'yan, makakabalik ka sa pag-aaral."
Walang nangyari sa pag-uusap namin ni papa, kaya ang ending ay pinaalis na lang ako.
Iyak ako nang iyak habang bitbit ko ang mga gamit ko. Hindi ko maintindihan kung bakit ganun sila kalupit sa akin. Bakit hindi nila akong magawang bigyan ng pagkakataon, e puwede ko pa namang ipagpatuloy ang pag-aaral ko pagkapanganak ko?
Dahil wala na rin naman akong magagawa ay tinanggap ko na lang ang pait at reyalidad ng magiging buhay ko. Magmula ngayon, ang anak ko na lang ang magiging tangi kong pamilya.
Dahil hindi naman ako magastos kagaya ng iba ay malaki ang naipon ko, nakatulong yun para makaupa ako ng isang maliit lang na kwarto. Nang makapag-settle na ako ay kaagad naman akong naghanap ng trabaho.
Naging smooth naman ang lahat para sa akin, hanggang sa dumating ang araw ng panganganak ko. Nung una ay maayos pa ang lahat, inakala ko pa na lumalaking malusog ang baby girl kong si Angela, hanggang sa isang araw, nang anim na buwan na s'ya:
"Ayaw tumigil sa pag-iyak? Baka naman nagugutom lang, o kaya baka puno na ang diaper n'ya? O baka nagpupu?" Narito ako ngayon sa office, kausap ko sa telepono ang yaya ng anak kong si ronalyn. "O sige na, magpapaalam na ako sa boss ko. Uuwi na ako."
Pag-uwi ko ng bahay ay nadatnan ko ang nagwawala kong anak habang pilit itong pinatatahan ni Ronalyn. "Kunin mo ang mga gamit ni gelai, dadalhin na natin s'ya sa ospital."
Sa ospital ay may mga test na isinagawa kay gelai, pagkatapos nun ay may ibinigay na treatment sa kanya para ma-pacify s'ya. Naghintay ako ng isang linggo para sa paglabas ng resulta, at hindi ko akalain na halos ikaguho iyon ng mundo ko. "A-acute Lymphoblastic Leukemia?"
"Yes. Kakailanganin niyang ma-operahan kaagad, kasi may nakitang pagdurugo sa utak n'ya. So mommy, I suggest...."
Hindi ko na naintindihan pa ang mga sumunod ng sinabi ng doktor, pakiramdam ko ay parang bigla akong tinakasan ng lakas. Mabuti na lang at kaagad n'ya akong nahawakan. Bilang ina, masasabi kong ito na ata ang pinakamasakit na balita na natanggap ko; ang malamang may ganung kalubhang sakit ang anak ko na ilang buwan pa lang. Diyos ko, paano haharapin ng mura pa niyang katawan ang sakit na ito?
Nang makabawi ako ay kaagad akong kumilos at gumawa ng paraan para makalikom ng 500,000 na kailangan para sa operasyon. Halos gusto ko na lang maiyak, dahil saan ko naman kukunin ang ganung kalaking halaga? E kahit pa ata ibenta ko ang mga lamang-loob ko ay hindi pa rin sapat para kumita nang ganung kalaki.
Nilapitan ko ang lahat ng puwede kong hingan ng tulong. Una akong lumapit sa gobyerno at nabigyan ako ng 150,000 na cash assistant, 30,000 naman mula sa isang non government organizations, at 58,000 mula sa savings ko. Lumapit din ako sa mga kakilala ko na puwede kong utangan pero maliliit na halaga lang ang kaya nilang ipahiram sa akin. Lumapit din ako sa mga magulang ni Jason at nabigyan ako ng 60,000 ngunit sinabi nila na iyon na raw ang una't huling tulong na maibibigay nila sa akin.
Nang sinubukan kong lumapit sa mga magulang ko ay sumama lang ang loob ko, dahil parang hindi nila ako anak kung ipagtabuyan nila ako. Ni hindi din nila ako pinakinggan nang sabihin kong may sakit ang apo nila at kailangang maoperahan. Ang tanging nagbigay lang ng tulong sa akin ay si kuya, hindi man ganun kalaki ang naibigay n'ya ngunit ramdam ko ang kagustuhan niyang tulungan ako.
Mula sa 500,000 ay naging 187,000 na lang ang halaga na kailangan kong malikom. Malaki man ang ibinaba ay malaki at mabigat pa rin para sa akin ang halagang natira.
Napabuntung-hininga ako. Mahirap man ang sitwasyon, pero hinding-hindi ko isusuko ang anak ko. Kahit anong paraan ay papasukin ko na, makumpleto ko lang ang halagang kailangan para sa operasyon niya.
Nung mga oras na yun ay hindi ko akalaing, magkakatotoo kaagad ang sinabi ko:
"Ano? Bakit hindi ka puwede, e nabayaran ka na? Ang laki ng ibinayad sayo ni Mr. Ruiz a."
Napasulyap ako sa isang may-edad na babae na nakatayo sa di-kalayuan sa akin, sa tapat ng waiting shed kung saan ako nakaupo. Mukhang kunsumido siya sa kausap n'ya sa cellphone n'ya.
"Hay naku naman, bakit naman ganyan ang ginagawa n'yo sa akin, akala n'yo ba ay madali lang humanap ng escort?.......e, ano kung matanda na si Mr. Ruiz? Ang hirap kasi sa inyo, ang gusto n'yo ay bata na, guwapo pa. Bakit, galante naman si Mr. Ruiz a? Kung magbayad nga yun ay daang libong piso, tapos ayaw n'yo pa?"
Nanlaki ang mga mata ko sa narinig ko. Daang libong piso? Ano kayang trabaho yun? Biglang may naglaro sa isip ko, bakit kaya hindi ko subukan?
Bago umalis ang ale ay kaagad ko s'yang nilapitan. "Excuse me po..."
"Bakit?"
"Um, pasensya na po, narinig ko po kasi ang mga sinabi n'yo kanina...... ano, totoo po bang, daang libo ang kinikita sa pag-e-escort?"
May pagdududa akong tinanong ng ale: "Gusto mong mag-escort?"
"O-opo sana, kung puwede?"
Tiningnan n'ya ako mula ulo hanggang paa. "Hmm..... Maganda ka at maganda din ang katawan mo. Tingin ko naman ay pasadong-pasado ka. Pero...." Humawak s'ya sa kanyang baba. "Wala kasi sa hitsura mo ang papasok sa ganung trabaho, sigurado ka ba?"
"Sabihin na lang po natin na desperada na ako. Kailangan na po kasing maoperahan ng baby ko e, kaya lang ay kulang pa ang pera para sa operasyon n'ya. Kahit anong trabaho po, papasukan ko, basta't kikita ako ng kasinglaki ng binanggit n'yo kanina."
"Sige, sumama ka sa akin para mapa-ayusan kita. Huwag kang mag-alala, wala kang kailangang gawin kung hindi ang samahan lang si Mr. Ruiz."
"S-sige po."
Nakahinga ako ng maluwag at parang nabawasan din ang bigat na pinapasan ko nang masigurong, kikita ako nang malaki ngayong gabi. Ito na siguro ang kasagutan para makumpleto ko na rin sa wakas ang pampa-opera ng anak ko. Pero ang hindi ko naisip ay dito na rin pala magsisimula ang pagpasok ko sa maruming mundo ng kahalayan.