Philippines, 2009
“What the hell!” Napahampas sa kaniyang manibela si Adelhine habang binabaybay ang kahabaan ng EDSA. Bigla na lang may motor na nag-overtake sa kaniyang gilid. Nasagi niyon ang sideview mirror niya. Ang mas lalo niyang ikinainis, hindi man lang tumigil ang naka-motor.
Naniningkit ang mga matang diniinan niya ang gas. Hinabol niya ang naka-motor. Hindi niya alintana ang traffic lights na bigla na lang naging pula, ang nasa isipan niya ay maabutan at bigyan ng isang sermon ang kung sino mang nagmamaneho niyon.
Tutok na tutok ang mga mata niya sa daan nang bigla na lang tumunog ang cell phone niya. Padarag niya iyong kinuha sa bag niyang nakalagay sa passenger seat.
“Yes?” Nangungunot na ang noo niya. Ang mga mata niya ay naroon pa rin sa sinusundang motor.
“Where are you? Parating na ang investor natin!” tumitiling wika ni Gabby, ang kaniyang business partner. Kahit hindi niya ito nakikita, alam niyang nag-p-panic na ito.
“I am almost there.” Saglit siyang nag-concentrate sa pagmamaneho dahil lumalayo na ang agwat nila nang naka-motorsiklo. Medyo may traffic na kaya nahihirapan siyang sundan ito.
“Make sure you’ll be here on time, dahil kung hindi, isusumpa kita! Hmmp!”
Ang sunod niyang narinig ay ang end tone. Napailing na lang siya na ibinalik ang telepono sa passenger seat.
Sa gabing iyon irarampa ang mga bagong design ng kanilang clothing line, na si Gabby mismo ang designer. Silang dalawa ng kaibigan ay magkasosyo sa negosyong iyon na may sariling boutique. Unti-unti na rin silang nakikilala hindi lamang sa Pilipinas, maging sa ibang bansa rin. At sa gabing iyon, darating ang kanilang investor.
Napabuntonghininga siya. Naiinis na tiningnan niya ang side mirror ng kaniyang sasakyan. Bagong bili pa lang niya iyon at hindi pa halos nagagamit kaya mas lalo siyang nanggigil. Maingat siya pagdating sa kaniyang mga gamit kaya ang ganoong bagay ay hindi niya pinalalagpas.
Tumingin siyang muli sa unahan. Napahampas siyang muli sa manibela nang wala na roon ang kaniyang sinusundan. Gusot ang mukhang tumuloy na lang siya sa venue ng fashion show. Hindi niya nakita ang plate number ng motor, pero alam niya kung anong klase iyon. Ducati, kulay itim, mamahalin.
“Saang lumapalop ka ba nanggaling at muntikan ka pang mahuli?” nakapameywang na bungad sa kaniya ni Gabby pagpasok niya sa isang silid na laan sa kanila.
Inirapan niya ito. “Nasabitan ang sasakyan ko.” Padabog siyang naupo bago humalukipkip.
“What?!” Napalapit ito sa kaniya at mabilis siyang ininspeksyon. “Nasaktan ka ba? Bakit dito ka tumuloy? Bakit hindi sa ospital? Paano kung may internal bleeding ka?” sunod-sunod nitong wika.
“Hmmp! Ang OA mo! Kanina kung makasigaw ka sa akin sa telepono para bang ang laki ng kasalanan ko. May pasumpa-sumpa ka pang nalalaman,” inis niyang wika. Hindi pa rin kasi nawawala sa isip niya ang nangyari. Baka isang linggo niya ring hindi magamit ang sasakyan dahil kailangan niya iyong ibalik sa casa para magawa.
“Eh, ano nga! May masakit ba sa iyo?” inis ding tanong nito.
“Wala! Walang masakit sa akin, pero iyong side mirror ko sira!”
Hinagod nito ang likod niya. May apat na taon na rin silang magkaibigan kaya kilala na siya nito.
“Ang mahalaga walang nangyari sa iyong masama,” malumanay na nitong sambit.
Hindi siya kumibo. Nanghahaba ang nguso niyang tumingin sa kawalan. Ilang sandali rin silang natahimik bago ito muling nagsalita.
“Anyway, kalimutan muna natin ang nangyari, okay? Kailangang mag-focus tayo ngayong gabi. We need to impress our investor. Ang alam ko, mahirap siyang i-please.”
“But I trust you. Alam kong kayang-kaya mo ang bagay na iyan. Your designs are great. Hindi iyon basta-basta aayaw,” aniya na sa kauna-unahang pagkakataon ay ngumiti.
Napangiti na rin ito. “Iyon naman ang gusto ko sa iyo. Napakalakas ng fighting spirit mo kaya nga naririto na tayong dalawa ngayon. Eventually, maaabot na natin ang ating mga pangarap.” Nangingislap ang mga mata ni Gabby na tumingala at animo’y nagdadasal.
Natawa siya.
“By the way, hindi mo ba talaga sasabihin sa akin kung anong kompanya itong mag-i-invest sa atin?” Walang kahit anong sinabi sa kaniya ang kaibigan, na lalo niyang ikina-e-excite.
“Nope, dear. I won’t tell you anything. It’s a surprise. You trust me, right?”
Tumango siya.
Si Gabby talaga ang may ideya sa business nilang iyon. Linya nito ang fashion designing samantalang siya ay business. Kaya pinagsama nilang dalawa ang kanilang mga kakayahan. Pareho naman silang hindi nabigo dahil papayabong na ang ipinundar nila.
“Sir, Ma’am, we’re going to start in five minutes,” anang director na kinuha nila.
Tumingin sa kaniya si Gabby. “Ready?”
Mabilis siyang tumango. “Yes!”
“Pero bago ang lahat, ayusin ko muna ang itsura mo. You already look dashing, pero may mas igaganda ka pa. Baka iyan din ang makakuha ng atensyon ng ating investor para pumirma kaagad sa kontrata,” pabirong wika nito sabay kendeng patungo sa kinaroroonan ng pang-makeup nito.
“Sus! Ikaw talaga, ginawa mo pa akong pamain.”
She looked at herself. She was wearing a crimson haltered evening dress which was made by Gabby. Hakab na hakab iyon sa kaniyang katawan, na lalong nagpalabas sa perpektong hubog niya. Pinaresan niya iyon ng black stilettos at dangling earrings. May slit ang damit niya sa gawing kanan na nagpapalabas sa makinis na makinis niyang hita tuwing lalakad siya.
Tinaasan siya ni Gabby ng kilay kasabay ng pagpuwesto sa harap niya. Kinuha nito ang blush-on at brush, saka nagsimulang ayusan siya.
“You’re perfect already in my preference. Pero alam mo namang hindi ako papatol sa iyo. Do you know your assets?” tanong nito.
Siya naman ang napataas ang isang kilay. “Assets talaga? Marami?”
“Of course! Marami dahil marami. Simple as that!”
“Well, I know that one of my assets is my rounded eyes. Bukod sa mahahabang pilik-mata, nangingibabaw pa rin ang kulay nitong bughaw.”
“Exactly!” palatak nito na ang hawak naman ay eyeliner. “You also have diamond face, pouty-kissable lips and a pointed nose. Your b**bs weren’t big, just enough size. You’re sexy and have a height. P’wede ka ngang maging model natin kung gugustuhin mo, pero ilang beses mo na rin akong tinanggihan kaya ayaw ko ng mamilit.”
Natawa siya sa sinabi nito. Totoo iyon. Ayaw lang talaga niyang malagay sa limelight dahil hindi siya sanay kaya panay ang iling niya sa offer ng kaibigan, kahit pa sabihin nitong makatitipid sila kung siya ang mag-m-model.
Well, hindi pa rin naman niya isinasara ang pintuan sa larangang iyon. Baka magbabago pa rin ang isip niya.
“Kaya haling na haling sa iyo si Marco noon, dahil sa ganda mo,” patuloy nito na ikinatigil niya.
Napatingin siya sa kaibigan. Apologetic itong nakatitig sa kaniya. Alam na agad nitong nagkamali ito.
“Sorry. I forgot your golden rule. Hindi na mauulit,” anitong muling ibinalik ang pansin sa ginagawa. Halata ang pagsisisi sa mga mata nito habang patuloy na ni-r-retouch ang makeup niya.
She sighed. “It’s fine, Gabby. Alam ko namang mahirap talaga siyang makalimutan,” mapait niyang wika.
Ito naman ang huminga nang malalim. “Hayaan mo, kalilimutan talaga natin ang lahat-lahat ngayong gabi.” Pinasadahan nito ng tingin ang kabuuan niya. “There! Perfect! Ayusin na lang natin itong buhok mo. Nagpa-salon ka ba?”
Umiling siya. “Hindi na kailangan ng salon ang buhok ko,” may kayabangang tugon niya.
“Eh, di ikaw na! Ikaw na ang mahaba ang buhok, ikaw na rin ang may tuwid na buhok! Ano pa ba? May aagaw pa ba sa korona mo ng pagiging maganda?” sarkastikong tanong nito.
Natawa siya nang malakas sabay kawit ng braso niya rito. “Let’s go. Baka mamaya kung ano pa ang magawa mo sa akin,” pabirong sambit niya.
“Mismo!”
Sabay na silang naglakad ni Gabby palabas na silid na iyon. Binati agad sila ng mga staff doon pati na rin ng kanilang mga modelo. Lahat ay handa na.
Hinayaan niya si Gabby na asikasuhin ang mga irarampang damit mamaya. Ganoon ito ka-metikoso pagdating sa trabaho. Pinakaaayaw nito sa lahat ang pumalpak.
Hinarap niya ang iba nilang bisita. Sa kaniya naka-assign ang PR kaya nauna siyang lumabas kung saan mismo irarampa ang mga damit. Maliwanag ang palibot ng stage, at medyo dim naman sa banda ng mga audience. May mga upuan sa palibot niyon kung saan nakaupo ang mga imbitado sa gabing iyon, habang may mga podium na nakakalat sa likuran. May nag-o-offer din ng mga inumin sa lahat.
Isa-isa niyang kinamayan ang lahat ng naroon. Walang ibang bukambibig ang mga ito kung hindi makita ang bago nilang designs.
Karamihan sa mga naroon ay mga babae, na alam niyang kabilang sa alta-sosyedad ng lipunan. May mangilan-ngilan din namang kalalakihan na ang tanging misyon ay maging escort ng mga asawa o girlfriend ng mga ito, o ’di naman ay nag-aabang ng mga modelong mabibingwit sa gabing iyon.
Subalit, kahit ano pa ang dahilan ng mga taong nakapaligid sa kaniya, wala na siyang pakialam pa roon. Ang atensyon niya ay sa negosyo at iyon ang kaniyang dapat na pagtuunan ng pansin.
“Pinky, saan nakapwesto ang investor natin?” tanong niya sa kaniyang assistant. Hindi niya kilala ang magiging investor nila dahil si Gabby ang kausap nito. Ang tanging impormasyong alam niya lang ay lalaki ito.
Siguro, matanda na, sa loob-loob niya.
Si Gabby na rin naman ang nagsabi na karisma niya ang gagamitin nila para mapapirma ang investor kaya ganoon ang tumatakbo sa isip niya.
“He’s not yet here, Ma’am. Doon dapat siya nakapwesto.” Itinuro nito ang isang podium. May kadiliman sa lugar, pero kita pa rin naman sa kinatatayuan nila.
“Bakit doon? Madilim at nakakahiya dahil walang upuan. P’wede namang dito sa harapan,” aniya.
Napakamot sa ulo niya si Pinky. “Iyon po kasi ang utos ni Sir Gabby. Special request din daw ng investor.”
Walang nagawa si Adelhine kung hindi ang mapailing. Hindi niya puwedeng tutulan iyon kung ang mismong bisita nila ang pumili ng lugar.
“Good evening, ladies and gentlemen! Any moment from now we’re going to witness the newest collection of Gabhenee, where uniqueness and elegance unite. Are you ready?” anang emcee na kumuha sa atensyon ng lahat. Kahit siya ay napatingin sa entablado kasabay ng pag-ere ng isang upbeat na tutugin. Nagpalakpakan naman ang lahat ng naroroon.
Maya-maya pa, isa-isa ng lumabas ang mga modelo mula sa backstage. Kani-kaniya ng kuha ng larawan ang lahat.
Nang igala niya ang mga mata sa paligid, hindi matatawarang paghanga ang nababasa niya sa mukha ng lahat.
Nilingon niyang muli ang puwestong laan sa pinakaimportanteng bisita nila sa gabing iyon. Napakunot ang noo niya nang makitang may lalaki ng nakatayo roon. Subalit, hindi gaya ng inaasahan niya ang nakikita. The man is younger and dressed like he entered the wrong room. Namumukod tangi kasing hindi ito nakapormal. To be exact, he dressed like a bad boy with leather jacket and pants, both in black, and a white T-shirt.
Hindi niya nakikita ang mukha nito dahil nasasanggahan iyon. Kaya mas minabuti niyang lapitan ito.
Matangkad ito, iyon ang una niyang napansin.
Nang tuluyang makalapit sa lalaki, napansin niyang pinagmamasdan siya nito.
Nagtama ang mga mata nila. Pakiramdam niya tumigil sa pag-ikot ang mundo. Hindi rin niya napigilan ang mapasinghap nang malakas.