Pinagmamasdan ni Adelhine ang sariling repleksyon sa salamin. Napaiiling na lang siyang hinagod ang may kahabaang buhok na itinali niya sa likuran. Isinuot niya rin ang golf cap dahil maaraw sa labas. Huminga siya nang malalim bago umikot sa harap ng salamin. Sinisigurado niyang tama lang ang lapat ng damit na suot niya sa kaniyang katawan, dahil lahat iyon ay bago. Naiiling na nangingiti siya. Hindi niya alam kung paano nalaman ni Matteo ang size niya, subalit bumagay naman sa kaniya ang mini skirt na kulay puti, at T-shirt na pinaghalong green, white at yellow— courtesy sa mismong logo ng golf club na kinaroroonan nila ng lalaki. Pinagpalit rin siya nito ng Nike golf shoes. Mayroon pa siyang kulay green na wristband at hindi rin kinalimutan ni Matteo na dalhan siya ng cycling shorts.

