Lithian
Tunog ng mga naglalakihang speaker, kislap ng mga ilaw, nagsesexyhan at naggagandahang mga dalaga ang bumungad sa amin sa bar na pinuntahan namin ni Vincent. Masaya kaming nagkukwentuhan sa mga naging karanasan ko sa US nang biglang dumating si Peter.
"Uy! Pet, buti nakasunod ka!" pagbungad sa kaniya ni Vincent.
"Of course! Pero alam n'yo ba, mabuti nang dito kayo dumiretso dahil ang boring naman ng last subject kanina, e. Pero, teka, bakit ganiyan ang mga mukha n'yo?" tanong nito nang mapansin na tila pareho kaming problemado ni Vincent.
"Wala naman, napapasok lang sa maliit na trouble itong kaibigan natin," dahilan ni Vincent.
"Ano? Teka, sino ba ang mga 'yon at nang maresbakan natin!" bwelta pa ni Peter.
Kaya napailing lamang ako at napangisi. "No need."
Saka naman mabilis na napasang-ayon sa akin si Vincent. "Oo nga naman, at saka, trespassing lang naman 'yon sa University, Pet, kaya hindi na talaga kailangang resbakan."
"Hmm, mukhang alam ko na kung anong pinasok n'yong trouble, hah?" Binigyan pa kami nang nakakalokong tingin ni Peter bago pa nito ilantad ang naiisip sa isipan. "Trouble sa babae, 'no?"
Saka naman mabilis na natawa si Vincent. "Ang galing mong manghula! Iinom na nga lang natin 'to!" natatawang sabi ni Vincent.
Saka ko naman nagawang seryosohin ang usapan. "Alam n'yo, Vince, Peter, I miss this."
Doon nagpakawala ng tawa ang dalawa. "Kami rin naman, Lithian!" sabi pa ni Peter.
"Cheers!" sabay-sabay naming sabi at ininom ang beer na nasa bote.
Medyo nahihilo na nang sandaling 'yon nang hindi ko sinasadyang mapalingon sa stage kung saan ay nagpe-perform ang vocalist ng isang banda.
At kahit medyo nanlalabo na ang aking paningin dahil sa rami nang nainom namin ay naaninag ko pa rin ang pamilyar na mukha sa stage.
Pinagmasdan ko si Vincent, nakapikit lamang ang mga ito dahil sa kalasingan. Habang si Peter naman ay gising na gising pa at nag-e-enjoy pang sumasabay sa kanta.
Muli kong narinig ang kanta na nagmumula sa stage at nang ibaling kong muli ang tingin doon ay tila nawala ang pagkalasing ko nang malaman na tama ang nakita ko..
Now playing: [Lucky by Jason Miraz ft. Colbie Caillat]
"Blue ocean, under the open sky
Oh my, baby I'm tryin'.."
Habang kumakanta ang vocalist ay agad akong lumapit sa stage, doon sa may harapan para makita niya talaga ako.
Pagkatapos no'n ay lalaki naman ang kumanta. Kaya naman nagkaroon ng chance upang magtama ang aming mga mata ng babaeng pinagmamasdan ko. Napatitig lamang siya sa akin at tila ba natataranta.
"Hennielyn.." sambit ko sa gitna ng tugtugan. Nakita niya kung paano ibinigkas ng bibig ko ang pangalan niya.
Subalit napaiwas lamang siya ng tingin sa akin at itinuloy ang pagkanta.
Nang matapos kumanta ang banda nila Hennielyn ay nagpunta agad siya sa may backstage, habang sinundan ko naman siya roon. Narinig ko pa ang boses ni Peter na tinatawag ang pangalan ko subalit hindi ako nagpatinag.
Basta ang gusto ko lang ay ang makausap si Hennielyn. Marami akong gustong itanong sa kaniya. Maraming gumugulo sa isip ko. At ito na siguro ang tamang panahon para makausap siya.
Napalunok siya nang makita ako sa harapan niya. Napaatras siya sa dingding. Dinig na dinig pa rin ang maingay na tugtog na bumabalot sa kabuaan ng bar na ito.
"L-lithian.." tila nanginginig na sambit niya.
Lumapit ako sa kaniya at hinawakan ko siya sa braso.
"Hennielyn, sumama ka sa'kin, kailangan natin mag-usap," desidido kong sabi.
Subalit umiling lamang siya at tinanggal ang pagkakahawak ng kamay ko sa braso niya.
"W-wala tayong dapat pag- usapan, ano pa bang kailangan mo?" Hindi ako sumagot at sa halip ay hinila ko siya papunta sa may parking lot. Nakita naman kami kaagad ni Peter habang inaalalayan nito si Vincent na ngayo'y iingka-ingka na sa paglalakad.
"Uy Lithian, s-saan kayo pupunta?"
"Mag-uusap lang kami! Mauna na kayong umuwi, Pet!" sigaw ko.
Subalit napatitig lamang siya sa aming dalawa at sumagot, "Ano? Iiwanan mo ako sa sitwasyon na 'to habang hirap na hirap ako sa pag-alalay kay Vince?" Doon ako nakaramdam ng awa. Pabitaw pa lang sana ako kay Hennielyn nang marinig kong muli ang boses ni Peter. "Sandali, paano kayo nagkakilala ni Hennielyn?" Nakita ko kung paano magsalubong ng tingin ang dalawa.
At sa halip na sagutin ko si Peter ay binalikan ko ng tingin si Hennielyn at sinabi, "Dito ka lang ah, 'wag mong susubukang umalis." tila pagbabanta ko pa sa kaniya.
Agad kong tinulungan si Peter na alalayan si Vince at mabilis namin itong naisakay sa taxi na pinara naming dalawa ni Peter. "Pet, ikaw na muna ang bahala sa kaniyang maghatid sa bahay nila, hah?" Doo'y tumalikod na ako matapos na ibigay sa driver ang bayad.
Ngunit nagawa pa rin akong pigilan ni Peter. "Sandali, Lithian, hindi mo pa sinasagot ang tanong ko!"
"Saka na tayo mag-usap. Kuya, paki-andar na," utos ko sa driver upang hindi na humaba pa ang diskusyon sa pagitan naming dalawa ni Peter.
Pagkatapos ay bumalik na ako sa pwesto kung saan ko huling iniwan si Hennielyn. At doo'y hinila ko siya papasok ng aking kotse. Sinenyasan ko siya na sumakay sa may back seat. At habang pinapagana ko ang makina ay inulan niya na ako ng maraming katanungan.
"Saan ba tayo mag-uusap? At bakit hindi na lang dito?"
"Basta," matipid kong sagot.
Pinaandar ko na ang kotse ko, at matapos ang ilang minutong pagmamaneho ay dumiretso kami sa isang coffee shop.
Habang hinihintay namin ang order ay tinanong ko na siya.
"Hennielyn.." Tumingin siya sa akin.
"Lithian, para saan pa ba 'to?"
Huminga na muna ako nang malalim bago sumagot.
"It's about Keena." Napakunot naman ang noo niya pero lalo lang napakunot ang noo niya sa sumunod na sinabi ko. "Maaari bang ikuwento mo sa akin kung anong nangyayari? Ang weird lang kasi dahil hindi ako naaalala ni Keena.." Napabuntong-hininga siya at hindi ko inaasahan ang isasagot niya.
"May amnesia siya." Napailing ako. I can't believe her, alam kong pinagtatakpan lang niya ang katotohanan.
"Stupid. Hindi niyo ako madadala sa kadramahan niyo. Kung talagang may amnesia siya, bakit ikaw ay naaalala niya?"
Napayuko lang siya, feeling ko talaga ay plano lang nila 'tong lahat, e. Pero halos matigilan ako sa isinagot niya.
"Huwag kang magsasalita ng ganiyan, lalo na sa taong minsan mo nang minahal.." Napaisip ako.
Posible kayang tama ang sinasabi niya?
"Hindi, niloloko ka lang niya. Niloloko ka lang nila," bulong ng isip ko.
Dumating ang order namin nang may katahimikan pa rin sa aming dalawa.
"Hennielyn, alam ko na plinano n'yo lang 'tong lahat. Huwag n'yo nang paikutin 'yung ulo ko," matapang na pagkakasabi ko.
Subalit napatango lamang siya at bigla na lang tumulo ang luha niya.
"Wala kang alam sa totoong nangyari. Aalis na 'ko." Doo'y nagmamadali siyang makaalis kahit na hindi pa man niya nagagalaw ang in-order kong cake at frappe para sa kaniya. Naiwan akong mag-isa at nagtataka. At dahil sa huling sinabi niya ay nabuo ulit ang katanungan sa isip ko.
Ano ba talaga ang totoong nangyari?
Totoo kaya 'yung sinasabi ni Hennielyn?
O baka pinapaikot nga lang talaga nila ako?
Matapos niyang ipamukha sa akin na patay na si Keena, ngayon ay sasabihin niya naman na may amnesia ito?
It's over. Matagal na kaming wala kaya hindi ko na dapat pang problemahin 'yon.. Pero bakit parang apektado pa rin ako kay Keena?