Chapter 9
Hindi siya kaagad nakasagot. Hindi niya inaasahan na may alam na kaagad ito sa kung ano ang nangyari kay Emmanuele. Ang lalake sa harapan niya ay hindi basta-basta. Mapanuri ito at matalino, ang bawat salitang sinasabi nito ay pinag-iisipan nitong mabuti. Pakiramdam niya ay nahuli siya sa mga sinabi nito tungkol sa pagkamatay ni Emmanuele.
Alam naman niya na totoo iyon, totoo na sa dami ng saksak na natamo ni Emmanuele ay hindi na ito mabubuhay, hindi rin posible ang himala sa totoo lang dahil ang mga saksak sa iba’t-ibang parte ng katawan nito ay malalalim at tinamaan pa ang maseselang parte.
Paano niya pa ngayon masasagot ang mga tanong ni Haze na sa kaniyang harapan? Alam na alam nito kung paano siya huhulihin para masabi niya kung sino siya.
“Ang pamilya ng Gricia ay isa sa pinakamayamang pamilya dito sa teiko city, marami silang negosyo, bukod pa doon ay nageexport rin sila ng mga produkto sa ibang lugar. Ang inyong pamilya ay kilalang-kilala kaya nang mabalita na nasaksak ang nag-iisang anak ng mga ito na si Emmanuele Gricia ay nagulat ang lahat. Nag-aagaw buhay ang kaisa-isang tagapagmana ng mga Gricia.”
“Nang malaman ko na walang natatandaan si Emmanuele paggising niya ay isa lang ang pumasok sa isipan ko ng mga oras na iyon. Lalo na nang maalala ko ang marka ng krus. Walang marka ng krus sa palad si Emmanuele Gricia.”
Hindi inaalis ni Haze ang tingin sa kaniya at ganoon rin siya. Isa sa malakas na laban nito sa kaniya ay ang marka dahil tama ang sinabi nito. Ang totoong Emmnuele ay walang marka ng krus sa palad.
Siya ang totoong may marka ng krus sa palad. Hindi niya alam kung bakit napunta rin iyon sa katawan ni Emmanuele.
“Sino ka? At nasaan ang totoong Emmanuele Gricia?”
Sa mga sinabi nito kanina, na isa ito sa mga pumapaslang sa mga itim na ispiritu na kumakain ng tao ay nakaramdam siya na maaari niya itong pagkatiwalaan.
“H-Hindi ko alam kung nasaan si Emmnuele.”
Napasandal ang lalake sa sofa nang magsalita siya.
“Ako si Lucyva. Galing ako sa ibang mundo, ang mga ispiritu na sinasabi mo ay totoong nakikita ko. Abilidad ko na iyon sa dati pang mundo. Nakakakita ako ng mga itim na ispiritu sa tuwing may mga nilalang na malapit nang mamatay. Ang mga itim na ispiritu sa aking mundo ay h-hindi pumapaslang ng mga taong may apoy sa dibdib. Hindi ganoon...”
Nakita niya ang gulat sa mga mata nito. Umayos ito ng upo at pagkatapos ay pinagsalikop nito ang mga kamay at ipinatong nito ang baba sa ibabaw ng kamay nito.
“Ibig mong sabihin ay mayroon rin na black spirits sa mundo mo?” tanong nito.
Tumango siya, “Oo, pero hindi katulad ng mga itim na ispiritu na narito sa mundong ito. Nagulat ako, n-nagulat ako dahil bakit ang mga itim na ispiritu na narito ay pumapaslang at kumakain ng mga tao? Ang itim na ispiritu sa aming lugar ay kahit manakit ng tao hindi ginagawa ng mga ito.
“Ang tanging ginagawa lang ng mga ito ay ang sunduin ang mga tao na malapit nang mamatay. Iyon ang nangyari sa akin. Nang saksakin ako ng aking kasintahan ng ilang beses ay nakita ko ang isang itim na ispiritu sa aking harapan, doon pa lang alam ko na na kamatayan ko na.”
“Ngunit nagulat ako, paggising ko ay nasa ibang silid ako. Kakaibang silid, hindi pamilyar sa akin ang mga gamit, nagtaka ako sa mga nakita at napansin ko pagkatapos ay may mga nilalang na tinawag akong anak.”
“H-hindi ko rin alam kung bakit narito ako sa mundong ito. Hindi ko alam ang dahilan kung bakit ang kaluluwa ko ay dito napunta, hindi ko alam kung ano ang nangyari kay Emmanuele, kung napunta ba ang kaluluwa niya sa katawan ko, kung nagkapalit ba kami,” tinakpan niya ang kaniyang mga tainga, “hindi ko alam.”
Nang marinig ni Lucy na tumayo ang kaniyang kaharap ay napatingin siya dito.
“Saan ka pupunta?” tanong niya.
“Huwag kang mag-alala, hindi ko ipagsasabi kahit kanino ang tungkol sa mga sinabi mo.”
“A-Ano—
“May nais akong makumpirma bago iparating sa aming pinuno kung ano ang nalaman ko, isa pa, sa nakikita ko sa iyo ay mas kailangan mo ng proteksyon ngayon. Naaamoy ka ng mga black spirits. Kahit na wala kang apoy ay naaamoy ka nila. Iyon ang nais kong malaman kung bakit.”
Wala akong apoy? B-bakit?
Nang umakyat sa bintana si Haze ay napatayo siya.
“S-Sandali, may mga nais pa akong itanong!” sabi niya at humawak siya sa bintana.
Hinawakan nito ang ibabaw ng kaniyang ulo at ngumiti ito.
“Babalik pa naman ako, maaari mong itanong sa akin sa susunod. Isa pa, kailangan kitang bantayan at protektahan. Hindi ko alam kung ang mga black spirits lang ang nakakaramdam ng kakaiba sa iyo.”
Nang mawala ang lalake ay umangat ang kamay ni Lucy sa kaniyang ulo kung saan siya nito hinawakan.
“Ang init ng palad niya.”
Mukhang wala siyang ibang pagpipilian kung hindi ang pagkatiwalaan ang nilalang na iyon.
“Ang mga itim na ispiritu... sila ang kumikitil sa mga ito upang mapanatili ang kaligtasan ng mga tao.”
Kahit papaano ay napanatag siya, sa tingin niya ay mapagkakatiwalaan ang lalake lalo pa sa huling sinabi nito sa kaniya.
Kailangan siya nitong bantayan at protektahan.
“Anak? Gising ka na ba? Breakfast is ready, bababa ka ba o dadalhan na lang kita ng pagkain?”
Breakfast?
Pagkain sa umaga...
Lumapit si Lucy sa pinto at binuksan iyon. Nakita niya ang ina ni Emmanuele na nakatingin sa kaniya habang nakangiti. Bumaba ang tingin niya sa gawing dibdib nito. Asul na apoy, ibig sabihin ay masaya ito. Nakahinga siya ng maluwag, kahit papaano ay nasa mabuti at ligtas ang buhay nito sa mga black spirits.
Habang nasa katawan siya ni Emmanuele kailangan niyang alamin kung ano ang totoong dahilan kung bakit naroon siya sa mundong iyon. Kung ipinadala ba siya doon ng mahal na diwata para tumulong pumaslang ng mga black spirits.
Mahal na diwata, gabayan po ninyo ako sa araw-araw... bigyan po ninyo ako ng lakas at talas ng pag-iisip para maipagpatuloy ko ang buhay sa mundong ito bilang si Emmanuele. Hindi ko sasayangin ang mga oras ko rito, aalamin ko ang tungkol sa mga itim na ispiritu na pumapaslang ng mga tao.