Chapter 10
Iginugol ni Lucy ang kaniyang buong maghapon sa pagbabasa ng mga libro sa cabinet ni Emmanuele. Marami siyang nalaman at mayroon rin siyang napansin. Hindi normal ang kaniyang isip. Lahat ng nababasa niya sa mga libro na naroon ay nakukuha niya lahat. Ang mga impormasyon na naroon ay kaniyang naaalala.
“Maaaring pati ang aking isipan ay naapektuhan rin, hindi naman ako ganito kamaalam sa mga bagay. Hindi ako nakapag-aral noong nasa fhyroz ako at wala akong ibang alam kung hindi ang maglinis ng bahay at magluto.”
Magagamit niya ang talino sa pagkilatis ng mga bagay. Ngayon kahit papaano ay makakasabay na siya sa bagong mundo dahil sa mga libro na nabasa niya.
“Emmanuele? Anak?”
Napatingin siya sa pinto. Bumaba siya sa kama at lumapit doon. Siya na mismo ang nagbukas. Ang nakangiting ina ni Emmanuele ang bumungad sa kaniya. Sa tuwing makikita niya ito ay gumagaan ang kaniyang pakiramdam siguro dahil sa nararamdaman niyang pagmamahal sa mga mata nito habang nakatingin sa kaniya.
Hindi ko alam ang pakiramdam ng pag-aasikaso ng isang ina dahil bata pa lang ako nang mawalay ako sa kanila at magpalaboy-laboy. Ngayon ko lamang ito nararanasan. Ganito pala ang pakiramdam.
“May inihanda akong meryenda para sana sa iyo, baka gusto mong...” tumigil ito sandali at ang mga mata nito ay natuon sa mga libro sa ibabaw ng kaniyang kama. Napakarami kasi non. Naalarma siya at itinaas ang mga kamay.
“H-Huwag po kayong mag-alala, isasauli ko po lahat sa lagayan. Masyado po kasi akong nalibaw sa pagbabasa,” sabi niya.
“Ay naku, hindi, ayos lang. Masaya nga ako dahil nagagalaw mo na ang mga librong iyan at nababasa mo na. Dati kasi ay ni ang tingnan ay ayaw mo. Sa party ka kasi mahilig at madalas ay nasa labas ka kasama ang iyong mga kaibigan. Ngayon masaya ako na binibigyan pansin mo na ang pagbabasa, makakabawi ka na sa pag-aaral.”
Makakabawi sa pag-aaral ano ang ibig niyang sabihin doon?
“Oh, siya, dadalhin ko na lang dito ang meryenda para maipagpatuloy mo na ang pagbabasa mo, ha?”
Nang tatalikod na ito ay hinawakan niya sa kamay ang ginang.
“A-Ahm, bababa na lang po ako, ilang beses na rin po kasi kayong umaakyat pa dito sa kwarto para lamang dalhan ako ng makakain. Sasama na lang po ako sa inyo sa baba para doon po kumain,” sabi niya.
Napangiti ang ginang at mukhang hindi nito inaasahan ang kaniyang sinabi kaya’t ganoon na lamang ang reaksyon nito.
“S-Sige, halika na?”
Lumabas siya ng silid at nakasunod lamang siya sa ina ni Emmanuele. Habang naglalakad ay mas namangha siya sa buong lugar. Maraming silid silang nadadaanan, para bang wala siya sa isang mansion lang. Parang kastilyo na iyon sa kanilang lugar.
“Napakaraming silid,” hindi niya napigilan na ibulalas.
Napalingon sa kaniya ang ginang, “Ah, ang iba kasi nating mga katulong ay dito mismo nakatira sa mansion. Binigyan ko sila ng kaniya-kaniyang silid. Ang iba naman ay guest rooms. Nasanay na kasi ako dahil madalas kang mag-aya ng mga kaibigan mo rito noon kaya pinagawaan ko ng mga guest rooms ang mansion.”
Mahal na mahal talaga nila si Emmanuele. Ginagawa nila ang kung ano ang ikasisiya ng anak nila. Pero sa mga kuwento niya ay parang spoiled brat ang anak nila.
T-Teka, spoiled brat?
Nagagamit na niya ang mga salitang nabasa niya kanina. Sa tuwing may bago kasi sa kaniyang paningin na salita ay kaagad niyang hinahanap ang meaning non sa diksyonaryo.
Bumaba sila sa napakahabang hagdan. Ginto ang hawakan niyon at talagang kamangha-mangha dahil sa hagdan pa lang masasabi na na hindi basta-basta ang pamilya Gricia.
“Ano ba ang nais mong hapunan? Para maipagluto kita,” sabi ng ginang sa kaniya.
Kailangan rin ay masanay na siyang tawagin ang mga ito na mama at papa. Dapat masanay na siya bilang si Emmanuele.
“K-Kung ano po ang nais ninyo, k-kahit ano naman po ay kakainin ko,” sabi niya.
Hindi niya alam kung paano kumilos ang isang Emmanuele. Kung paano ito magsalita, pero sa kaniyang naobserbahan sa mga sinabi ng ina nito, sa pag-aaral at sa pakikipagparty ay mukhang tama ang kaniyang naisip. Na isa itong spoiled brat.
Inilibot ni Lucy ang kaniyang paningin nang makababa sila ng hagdan, napakaraming magagarang mga bagay ang naroon. Ngunit ang nakaagaw ng pansin niya ay ang hardin sa labas. Mahilig siya sa mga bulaklak! Mahilig siyang magtanim! Hindi namalayan ni Lucy na napalakad na pala siya upang mas makalapit sa hardin na puno ng iba’t-ibang makukulay na bulaklak.
“Ang gaganda naman... m-mayroon pang rebulto ng mga anghel,” sabi niya.
“Tanim ko ang mga iyan, mahilig kasi ako sa pagtatanim, sa tuwing titingnan ko ang mga bulaklak na iyan ay napapawi ang lungkot na nararamdaman ko. Iyon nga lang, hindi mo masyadong binibigyan ng pansin iyan, palagi ka kasing nasa labas, sa tuwing aayain kita na magkape sa garden natin ay sinasabi mo na sa susunod na lang dahil may pupuntahan ka kasama ang mga kaibigan mo.”
Napalingon siya sa ginang nang marinig ang sinabi nito. Masakit iyon para sa isang ina pero hindi niya manlang nahimigan ng pagtatampo ang boses nito. Mukhang sanay na sanay na nga ito kay Emmanuele.
“G-Ganoon po ba, pero maganda po ang mga tanim. Nakakagaan po sa pakiramdam. Magaganda rin po ang kulay ng mga bulaklak at mukhang iba-iba pa po ang mga klase,” sabi niya.
Hindi nagsalita ang ginang kaya’t tiningnan niya ito. Nakita niya na nakatingin lamang sa kaniya ang ginang. Pinunasan nito ang luha na kumawala sa mga mata nito. Natigilan naman siya nang makita na lumuluha ito.
“B-Bakit po? M-may nasabi po ba akong hindi maganda?” tanong niya.
Umiling ang ginang sa kaniya, “Wala naman, naninibago lang siguro ako dahil sa pagsasalita mo. Hindi ka kasi ganito dati, nakikinig ka sa papa mo at sa akin pero hindi ka ganito kagalang. Isa pa, ang makita ka na nakatingin sa mga halaman ko ng may saya sa mga mata ay nagbibigay sa akin ng kaligayahan.”
“Kahit anong pilit ko kasi sa iyo noon ay hindi mo ako pinagbibigyan.”
Paano ba ang dapat kong gawin? Wala akong ideya sa dating ugali ni Emmanuele.
“P-Paano po ba ako dati? Ibig ko pong sabihin ay paano ko po kayo pakitunguhan?” tanong niya.
“Naku, wala kang dapat alalahanin sa dati, anak, ang mahalaga naman sa amin ng papa mo ngayon ay maayos ka na! nasa mabuti kang kalagayan at hindi ka nawala sa amin,” sabi nito.
“Ellaine.”
Napalingon sila nagsalita. Nakita niya ang ama ni Emmanuele na kadarating lamang. Ibinaba nito ang suitcase sa sofa at naglakad palapit sa kanila.
“Martin! Ang aga mo ngayon, ah?” sabi ng ginang.
Humalik sa pisngi nito ang ginang at nang lumapit sa kaniya ang ama ni Emmanuele at halikan siya nito sa noo ay natigilan siya. Ganoon ang paraan ng pagpapakita nito ng pagmamahal, nabasa niya iyon sa mga libro.
“Masaya ako na makita ka rito, anak, kamusta na ang pakiramdam mo?” tanong ng ama ni Emmanuele sa kaniya.
“A-Ahm, maayos naman po, bumaba po ako kasi may iniluto raw po na meryenda si...” napahinto siya at tumingin sa ina ni Emmanuele na nakangiti sa kaniya. “M-Mama.”
Nakita niyang mas lumawak ang ngiti ng ginang dahil sa narinig sa kaniya.
“Ito ang unang beses na tinawag mo ulit akong mama simula ng aksidente.”
“Baka naman umiyak ka ulit, Ellaine,” pagbibiro ni Martin dito.
Hindi na rin niya napigilan na hindi mapangiti sa kaniyang nakikita. Inaya na siya ni Ellaine sa kusina upang ihanda ang meryenda. Sabay-sabay silang kumain ng hapon na iyon. Maraming ikinwento si Ellaine sa kaniya. Ipinakita pa nito sa kaniya ang mga baby pictures ni Emmanuele.
“Ito ka noong unang taong gulang mo pa lang. Naglalaro ka sa labas ng bahay natin sa batangas, ayaw mo noon makipaglaro sa ibang mga bata kaya mag-isa ka rito na bumubuo ng sand castle. Nasanay ka na na mag-isa. Kahit na mag-isa ka noon ay masaya ka naman, akala nga namin ay mali kami ng pagpapalaki sa iyo dahil sa sobrang higpit namin sa seguridad mo ay nasanay ka na walang kaibigan.”
“Pero nagbago ang lahat nang lumipat tayo ng bahay sa maynila. Natuto ka nang makihalubilo sa ibang mga kaedad mo. Hinayaan ka namin sa lahat ng gusto mo dahil ang nais namin ay maging masaya ka,” sabi nito.
Tunay ang pagmamahal nila kay Emmanuele. Nakakalungkot lang rin dahil ang alam ng mga ito ay ang anak pa rin nila ang kausap nila.
Bumalik na siya sa kaniyang silid at sinamahan siya ni Ellaine.
“Bukas na ang pagbabalik mo sa pag-aaral, kaya mo na ba?” tanong nito sa kaniya.
Maraming mga bagay ang pumapasok sa kaniyang isipan. Paano niya pakikitunguhan ang mga dating kakilala ni Emmanuele. Ano ang sasabihin niya sa mga ito? baka masira niya ang imahe ni Emmanuele sa paaralan nito.
“Anak?”
“Kaya ko po, ang sabi ninyo naman po ay may mga magbabantay sa akin at wala akong dapat na ikatakot,” sabi niya.
“Mayroon nang suspect at kinikilatis na ito ngayon. Ang suspek ay isang lalake na kasama mo sa bar. Napansin ng mga tao sa bar na sinusundan ka nito ng tingin. Ayon sa mga witness ay naroon lamang ang lalake at nakamasid sa iyo. Napag-alaman namin na isa itong batang businessman.”
Nakahinga siya ng maluwag sa narinig.
“Ang lahat ng paratang ay itinanggi ng lalake. Hindi niya alam ang nangyari sa iyo, pero inamin niya na totoong naroon siya sa bar at nakatingin siya sa ‘yo. Nagkausap pa nga daw kayong dalawa. Ayaw bitawan ng iyong ama dahil malakas din ang kutob niya na ito ang suspek. Mayaman rin kasi ang pamilya ng lalakeng iyon.”
“Huwag kang mag-alala, anak, hindi namin hahayaan na may mangyari sa iyong muli. Sisiguruhin namin na makukulong ang lalakeng iyon.”
Nang makaalis ang ginang ay maraming pumasok na bagay sa kaniyang isipan. Bukas na siya lalabas sa mansion na iyon at haharapin na niya ang buhay bilang si Emmanuele Gricia. Kinakabahan siya lalo pa at wala siyang kilala kahit na sino sa paaralan na pinapasukan nito.
“What are you thinking?”
“Ay, palaka!”
Mabilis siyang napalingon nang marinig ang boses ni Haze. Nakaupo ito sa hamba ng nakabukas niyang bintana. Kumakain pa ito ng bilog na pagkain.
“Bakit bigla-bigla ka na lang sumusulpot?” tanong niya sa lalake.
Bumaba si Haze at naglakad ito papasok sa kaniyang kwarto. Dumiretso ito sa sofa na naroon at naupo. Parang sanay na sanay na ito sa silid kung gumalaw.
“Ang tagal mo, saan ka ba nanggaling? May itatanong lang sana ako,” sabi nito sa kaniya.
“Bumaba ako para kumain ng meryenda, inimbitahan ako ng mga magulang ni Emmanuele. Marami silang ikinwento sa akin tungkol sa pagkabata ng anak nila, nakatulong naman iyon sa akin para kahit papaano magkaideya ako sa kung paano lumaki si Emmanuele.”
Tumango-tango is Haze. May inilabas itong notebook at pagkatapos ay binasa nito sa kaniya ang nilalaman non.
“Tutulungan kita, pero gusto ko na sabihin mo sa akin ang mga mangyayari sa iyo. Hindi ako aalis sa tabi mo para rin maprotektahan ka sa mga nagbabadyang panganib. Ang kapalit ng mga gagawin ko ay kailangan mong maging tapat sa akin kung ano ang mga nakikita mo sa paligid at kung may kakaiba kang nararamdaman sa katawan mo.”
Kumunot ang noo niya sa mga sinabi ni Haze.
“Sinabi mo na galing ka sa ibang mundo at pinagtangkaan ng kasintahan mo ang buhay mo. Akala mo patay ka na tapos nagising ka na lang na nasa ibang mundo ka. Dahil sa pagsasaliksik na ginawa ko ay napag-alaman ko ang tungkol sa paglipat ng kaluluwa ng isang nilalang sa ibang mundo.”
“Hindi ito basta-basta nangyayari, may matinding dahilan kung bakit narito ka sa mundong ito at ang hinala ko ay dahil iyon sa mga itim na ispiritu na nakikita mo.”
“Ayon sa ‘yo ang mga ispiritu sa mundo mo ay hindi kumakain ng mga tao kung hindi sinusundo lamang ng mga ito ang kaluluwa ng mga taong mamamatay na. Dito sa mundong ito pumapaslang ang mga itim na ispiritu at isa ka sa mga nilalang na nakakakita sa kanila at sa mga apoy sa dibdib ng mga tao. Hindi ka lang basta kung sinong nilalang.”
“Ang dahilan kung bakit narito ka sa mundong ito ay upang tulungan kami na paslangin ang mga itim na ispiritu at para mapigilan ang pagkabuhay ni Lixevus.”
Lixevus... p-parang pamilyar ang pangalan na iyon.
“S-Sino si Lixevus?” tanong niya.
“Si Lixevus ang pinuno ng mga itim na ispiritu na nakikita mo. Siya rin ang dahilan kung bakit may mga itim na ispiritu na narito sa mundo ng mga tao. Ang mga itim na ispiritu na iyon ay may hinahanap na nilalang. At ang nilalang na iyon ang makakapagpabuhay sa kapangyarihan ni Lixevus.”
Hindi maganda ang kutob niya. Mukhang alam na niya kung saan pupunta ang mga sinasabi ni Haze sa kaniya.