Kabanata 5

1224 Words
"Bukas 'yan." Dali-daling bumangon si Lena mula sa pagkakadapa nang marinig ang pagkatok sa pinto. Agad niyang pinunas ang kan'yang mga luha at inayos ang pagkaka-upo. "Naistorbo ba kita?" mahinang tanong ni Elvira at dahan-dahan niyang isinira ang pinto. Umiling-iling lamang si Lena. "Nasabi na ba sa 'yo ni Uno na ako ang magiging tutor mo?" "O-opo, kanina lang." "Naku! Huwag mo na akong i-popo. Pakiramdam ko tuloy, parang ang tanda-tanda ko na," gilalas na pahayag ni Elvira. "Maupo po kayo," paanyaya ni Lena. Naupo si Elvira sa pandalawahang sofa bed malapit sa may bintana. Inilibot niya ang paningin sa buong silid. Halos lahat ng mga gamit na naroroon ay kulay ube. Mula sa pintura ng dingding, kurtina, bed sheet, punda ng mga unan, kumot, maging ang aparador. Nakaw-atensyon din ang handmade chandelier na nasa gitna ng silid na yari sa yarn na sumasabay sa bawat pag-ihip ng hangin. Ang buong silid ay napapalamutian ng ibat-ibang kulay ng paru-paro na yari sa glittered foam na kumikislap-kislap sa tuwing tinatamaan ng sikat ng araw. Sa ibabaw ng side table ay isang lampshade na yari sa cardboard na may ukit na paru-paro. Maging ang mga nakasabit na picture frames sa dingding ay yari din sa recycled materials. At sa bandang kanan naman mula sa pintuan ay isang paper cut portrait ng mag-ama na nakalagay sa malaking wall hanging frame. Kung hindi siya nagkakamali ay si Uno iyon at si Lena noong bata pa ang dalaga. "Ikaw ba ang gumawa ng lahat ng iyan?" tanong ni Elvira na punong-puno ng paghanga ang mga mata. Ngayon lamang siya nakapasok sa ganito kagandang silid. Maging ang hangin na umiikot sa loob ay masarap at magaan sa pakiramdam. "Opo," nahihiyang tipid na sagot ni Lena. Ngayon lamang siya nagkaroon ng bisita sa loob ng sarili niyang silid. Wala pa kasing ibang tao ang nakakapasok sa loob ng silid ni Lena maliban kay Uno. Sa study room kasi siya nag-aaral kasama ang dating tutor niya. Wala rin naman silang katulong para linisin ang silid niya kaya kaniya-kaniya silang gawain ni Uno. Hindi niya alam ang dahilan kung bakit ayaw nitong kumuha ng katulong. Malaki ang mansyon at malawak ang kinatitirakan nito. Siguro nga ay kulang pa ang limang katulong para linisin ito. Halos makuba na siya sa araw-araw na gawain lalo na ang napakalawak na walisin sa bakuran. Kung puwede lang sana na siya na ang kumuha ng sarili niyang katulong marahil ay noon pa niya ginawa. Siguro nga ay may trust issue itong si Uno kaya pili lamang na tao ang pumupunta sa mansyon. "Totoo nga ang sinabi ni Uno na napaka-talented mo, Lena. Bibihira lang ang gan'yan kaya mas lalo mo pang pagyamanin ang talento mo," nakangiting pahayag ni Elvira. Bata pa lamang si Lena noong nagsimula siyang magkaroon ng hilig sa arts and craft. Sa tuwing may dumarating na donation ng pagkain sa bahay ampunan ay masinop niyang itinatabi ang mga plastic bottles, lata at iba pang mga bagay na maaari niyang i-recycle. Isa-isa niyang nililinis ang mga iyon matapos ay binibihisan ng iba't ibang kulay gamit ang pintura. Ang mga lata ay ginagawa niyang alkansya o di kaya naman ay lalagyan ng mga lapis at ballpen. Ang mga plastic bottles naman ay ginagawa niyang laruan o di kaya nama'y paso. At ang mga papel at karton ay ginagawa niya ring pang disenyo tulad ng bulaklak at marami pang iba. Sa tulong ni Bb. Madel ay napagkakitaan niya ang mga ito. At ang bawat pera na nakukuha niya ay kanyang iniipon. Hindi batid ni Lena kung ano ba ang dapat niyang maramdaman. Paano niya gagawin iyon kung wala siyang kalayaan na magdesisyon para sa kan'yang sarili? Paano niya magagamit at maibabahagi sa iba ang angkin niyang talento kung nakakulong lamang siya? Tulad ng iba ay kailangan niya ring pumasok sa eskwelahan ngunit pilit pa rin na ipinagkakait sa kan'ya ni Uno sa hindi pa rin malamang dahilan. "May nasabi ba akong masama, Lena?" nag-aalalang tanong ni Elvira nang mapansin ang reaksyon na nakaguhit sa mukha ni Lena. Mukhang napasama pa yata ang pagpuri niya rito. Nilapitan niya ito at naupo sa tabi ng dalaga. "Gaano mo na katagal kakilala si Papa?" tanong ni Lena na bakas ang  pait sa mukha. Sigurado siya na matagal na nitong kilala si Uno kaya alam nito ang buong pagkatao ng kinikilala niyang ama. Hindi man sabihin ay ramdam ni Elvira kung ano ang pinagdadaanan ngayon ni Lena. Ilang beses nang nasabi sa kan'ya ni Uno ang tungkol sa hiling nito na makapag-aral sa isang tunay na eskwelahan ngunit wala sa plano ni Uno na bigyan iyon ng katuparan kahit ilang beses na itong nangako sa dalaga. Naiintindihan niya ang pinanggagalingan ni Uno ngunit mas nakakaramdam siya ngayon ng awa kay Lena dahil kitang-kita sa mga mata nito ang determinasyon na makapagtapos ng pag-aaral. Inaamin ni Elvira na minsan nang nasaktan ni Uno ang loob niya dahil pakiramdam niya'y tila pinaglalaruan lamang nito ang damdamin ni Lena. Hindi niya batid kung paano nito natitiis na makitang nasasaktan at nagdurusa si Lena ng dahil lamang sa matinding takot na mapahamak ito. "Matagal-tagal na rin, Lena. Ba't mo naitanong?" "Ganoon ba talaga siya? Ang ibig kong sabihin, baka hindi niya ako mahal." Natigilang bigla si Elvira. Halata sa mukha na hindi nito inaasahan ang itutugon ni Lena. "Hindi ba niya ako mahal, Miss Elvira?" Napailing si Elvira nang masaksihan ang unti-unting pangingilid ng mga luha ni Lena. Parang hinihiwa ang dibdib niya nang makita kung gaano ito nasasaktan. "Gusto ko lang naman na makita ang mundo sa labas. Gusto kong makita kung gaano kaganda ang buong kalangitan kapag naupo na ang araw sa trono niya. Gusto ko ring pagmasdan kung gaano kaganda ang asul na mga bukirin. Gusto ko ring madama ang simoy ng hangin habang naglalakad sa tabi ng dagat at masaksihan ang paglubog ng haring araw sa kanluran. Lahat ng iyon ay gusto kong maranasan. Gusto kong mabuhay ng normal katulad ng ibang tao, katulad ninyo na malayang nagagawa ang gusto," mapait na sabi ni Lena at tuluyan nang bumagsak ang masasaganang luha sa kan'yang mata. Kung minsan ay tinatanong ni Lena ang sarili kung sadya nga ba talaga na ganoon kasungit sa kan'ya ng kapalaran. Iniwan siya ng tunay niyang mga magulang sa bahay-ampunan dahil hindi siya mahal ng mga ito. Matagal niyang inasam na magkaroon ng isang masayang pamilya sa piling ng taong mag-aampon sa kan'ya ngunit labis na kalungkutan lamang ang nararamdaman niya dahil pinagkaitan siya ng kalayaan na maging masaya. Siguro nga ay inampon lamang siya ni Uno para may kasama ito at hindi bilang isang anak. Hanggang kailan kaya magiging masungit sa kan'ya ang kapalaran? Hanggang saan siya dadalhin ng labis na kalungkutan? Banayad na pinunas ni Elvira ang mga luha ni Lena matapos ay mahigpit niya itong niyakap. "Huwag mong isipin na hindi ka niya mahal, Lena. Mahal na mahal ka ni Uno at kailanma'y hindi iyon magbabago," masuyong sambit ni Elvira. Hindi na napigilan pa ni Lena na mapahagulhol habang nakasubsob sa may kanang balikat niya. Bahagyang nakayuko habang tahimik lamang na nakikinig si Uno sa usapan nina Lena at Elvira sa labas ng pintuan. Nakasandal ang likod nito sa dingding habang nakalagay ang magkabilang kamay sa loob ng bulsa ng suot nitong maong jeans. Kitang-kita sa mga mata nito ang labis na sakit nang tumalikod.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD