MARIEL / GENEVIEVE POINT OF VIEW
Ang mga tao sa bahay na ‘to, sanay na siguro sila na may nakatira rito na parang multo—tahimik, hindi humihingi, hindi sumasagot, at higit sa lahat… hindi lumalaban.
Pero sorry, mga hayop. Patay na ang Genevieve na kilala niyo.
Ako na ang nasa katawan niya ngayon. Ako si Mariel De Leon, at kung akala ninyo maglalakad-lakad lang ako rito na parang aliping walang halaga, aba, maghanda kayong ma-highblood sa gabi-gabi.
Gutom na gutom na ako. Pakiramdam ko, mula pa kaninang tanghali, puro hangin lang ang nilalamon ko. Kaya nang marinig kong may mga kutsara’t tinidor na nagkakabanggaan sa kusina, hindi na ako nagdalawang-isip.
Wala akong pakialam kung iniimbita ba ako o hindi. Gutom ako. Kakain ako.
Lumakad ako diretso papunta sa kusina. Pagbukas ko ng pinto, sabay-sabay silang napatingin sa akin—lahat ng kapatid ni Genevieve, pati na ang mga magulang niya. Ang lamesa ay punong-puno ng pagkain: may inihaw, pasta, salad, mga mamahaling putahe na siguradong hindi mo makikita sa karinderya.
Tapos narinig ko ang sabay-sabay nilang buntong-hininga.
"Anong ginagawa mo rito?" tanong ng isa sa mga ate, ‘yung mukhang mas matanda sa akin na laging naka-kunot ang noo na parang sinusundan ng utang ang mundo.
"Ah, kumakain," sagot ko nang diretso, sabay lapit sa lamesa at umupo. Wala akong pakialam kung saang parte ng mesa ‘to para sa bisita, nanay, tatay, o santo. Basta umupo ako sa malapit sa inihaw na manok.
Nanlaki ang mata ng nanay ni Genevieve—‘yung babaeng parang pinanganak para mamahiya ng anak. “Kailan ka pa sinabihang sumali sa hapunan?”
“Ngayon. Ako na nagsabi sa sarili ko,” sagot ko habang kinukuha ang plato at tinidor sa tapat niya mismo. Hindi ko na inantay pang bigyan ako. Ako na ang nagserve sa sarili ko. Sinandok ko agad yung kanin, sinawsaw yung chicken sa gravy, at saka sinubo na parang wala akong pakialam kung may nakatingin.
"Grabe ka! Wala ka man lang manners!" sigaw ng isang kapatid, ‘yung bunso na halatang takot sa germs pero hindi takot manghusga. “Ang ugalì mong yan, parang eskwater!"
Napahinto ako sa pagsubo. Tumingin ako sa kanya nang diretso. Tapos ngumiti. “Eh ‘di wag kang tumingin kung ayaw mong makakita ng ganyan.”
Tumahimik ang buong mesa. As in, parang may biglang namatay.
Sabay-sabay silang napatingin sa tatay ni Genevieve. Akala siguro nila papagalitan ako. Pero hindi ako takot sa tingin ng tatay nila. Kung sabagay, sa itsura pa lang nito, halatang sanay lang siyang tumango at magbigay ng ultimatum. Hindi ito ang tipo ng lalaking marunong makinig.
"Genevieve, bumalik ka sa kwarto mo kung hindi ka marunong umasta," utos niya, malamig ang tono.
“E di ikaw ang bumalik sa kwarto mo kung ayaw mo akong makitang kumakain,” sagot ko habang nginunguya ko yung pork chop. “Ang sarap nito, by the way. Salamat sa libre.”
Napakunot-noo silang lahat.
“Ang bastos mo na ngayon. Akala ko ba nawalan ka ng alaala?” singit ng isa sa mga kapatid. “Dati halos hindi ka makatingin ng diretso sa amin, ngayon parang ikaw pa ang boss dito!”
“Baka natamaan ng truck yung amnesia ko, kaya ganito ako,” sagot ko, sabay lagok ng tubig sa wine glass kahit tubig lang laman. “O baka naman mas okay lang talaga akong tao kapag hindi niyo ako kinakalaban.”
Humugot ng buntong-hininga ang nanay ni Genevieve. “Anong nangyari sa iyo? Parang ibang tao ka na.”
**BINGO.**
Hindi niyo lang alam kung gaano kayo katama.
Kumindat ako sa kanya. “Eh ‘di mas maganda, ‘di ba? Ibang Genevieve, bagong Genevieve. At least ngayon, ‘di na ako iyakin. Hindi na ako nagpapakamatay sa lalaking hindi ako mahal. At hindi ako natatakot sa mga taong mas malala pa sa mababang uri ng kaibigan.”
Pak. Pak. Pak.
Narinig ko ang kutsara ng bunso nilang lalaki na bumagsak sa pinggan. “Totoo bang si ate ‘to?” bulong niya, takot na takot ang tono.
“Baka multo na ‘yan!”
Tumawa ako. Hindi ko napigilan. Pero hindi ‘yung mahinang tawa. Yung tawang may kasamang sarcasm at tapang.
“Don’t worry,” sabay titig sa kanya. “Mas gusto kong buhay na multo kesa buhay na alipin sa bahay na ‘to.”
“Genevieve!” sigaw ng tatay nila. Tumayo siya sa pwesto niya, halatang hindi na kinaya ang narinig. “Hindi kita pinalaki para bastusin ang pamilya mo.”
Tumigil ako sa pagkain. Pinagmasdan ko siya mula ulo hanggang paa. Tapos nilapag ko ang tinidor ko ng maayos.
“Tama ka. Hindi mo ako pinalaki. Kasi ni hindi mo nga ako minahal. Kaya huwag kang magkunwaring ama ngayon. Sa totoo lang, mas maraming strangers sa kalye ang mas may malasakit pa sa akin.”
Muli, katahimikan. Hindi sila makapaniwala. Siguro inisip nilang may kabaliwan na ‘ko. Pero alam kong sa puso nila, may kaunting kaba. Kasi hindi na ito ‘yung Genevieve na kaya nilang tapakan.
Ako na ngayon ‘to. Ako na si Mariel.
At kung plano nilang ituring akong basura, handa akong sumagot—sa bawat salita, bawat sulyap, bawat tingin ng pangmamaliit.
Kumuha ulit ako ng isang piraso ng manok. “Kayo ha, wag kayong masyadong judgmental,” sabi ko habang ngumunguya.
“Baka isang araw, magising kayo na kayo na ang pinapalayas dito. Kasi ako? Comfortable na ako sa pwesto ko.”
At sa unang pagkakataon… sa hapag-kainan na minsang naging kulungan ni Genevieve, ako ang may kontrol.