"DARA! Dara!" nagtititiling sigaw ng bestfriend niyang si Andrei habang nagmamadaling tumatakbo papalapit sa kanya na hindi man lang nagawang kumatok muna sa pintuan ng apartment niya.
"Pupunta raw ang Noble Power sa may Araneta, para sa fan signing event! Punta tayo! OMG, excited na ako! Dadalin ko ang posters ko, cds, dvds, photocards k—"
"Hep hep hep, bago ka mag-isip ng mga dadalin mo. Bakit kaya hindi mo muna hintayin 'yong sagot ko kung sasama ba ako sa iyo? Pumayag na ba ako? Hindi pa, 'di ba? Kaya 'wag ka muna ngumiti-ngiti diyan," sabi niya rito.
"Ikaw naman, napaka-kill joy mo talaga. Alam mo namang gustong-gusto ko sila, 'di ba?"
"Eh, hindi ko naman sila gusto, I mean, hindi ko sila kilala. Naririnig ko lang ang mga kanta nila sa radio at nakikita sila sa tv pero, hindi ko sila bet, okay?" sagot niya.
"Sa lahat ng babae, ikaw na lang ata ang hindi pa naapektuhan sa charisma nila. So, ano ka ba? Abnormal? May sapi? May tililing?"
Pero, sadyang hindi lang talaga siya mahilig sa mga grupo na iyan. Hindi siya madaling ma-attract sa mga lalaki hangga't hindi pa niya ito nakikilala nang lubusan.
"Ayoko nga!" pagtanggi niya. "Marami pa akong gagawin kaya 'wag mo na akong isama riyan sa kalokohan mo!"
"Beshy naman, tulungan mo lang akong papirmahan itong mga cds ko at photocards ko, please! Sigurado akong magugustuhan mo sila kapag nakita at nakilala mo silang lahat," pero umiling-iling lang siya bilang pagsagot dito.
Napatingin naman siya sa poster na ipinagduduldulan nito sa mukha niya. Napatitig siya sa isa sa mga iyon. His eyes... parang hinihigop niya ako.
"Beshy, 'yan si Ice. Ang cute niya, ano?" sabi nito nang mapansing nakatitig siya sa mukha ng isa sa miyembro ng Noble Power.
"Hindi ‘no, mas cute kaya ito." Sabay turo niya sa isa. Para sa kanya mas cute 'yong katabi nito. Pero, mayroon lang talagang kakaiba sa mga mata no'ng Ice na iyon. Napailing siya.
"Ah, si Sky ba ang tinuturo mo? Ang baby Sky ko!" Sabay yakap naman nito sa poster. Confirmed. Baliw na talaga ang bestfriend ko! Napabuntong-hininga nalang siya.
"Oo na, iyong-iyo na 'yang Sky mo."
"Eh, samahan mo na ako, besh! Please, please!" pagmamakaawa nito. "Ililibre kita ng sine!" dugtong pa nito.
MAG-AALASAIS na at mahigit dalawang-oras na silang nakapila ng bestfriend niya para sa fan signing event pero, ni anino ng isa sa mga member ng Noble Power ay hindi pa niya natatanaw.
"Akala ko ba alas-kuwatro nandito na sila? Ano ba sila presidente? Pa-importante masyado!" reklamo niya dahil inuugat na ang paa niya kakatayo roon.
"Ano ka ba, beshy! Gano’n talaga, kailangan lang talaga nating agahan ang pagpila dahil marami ang pupunta. Tingnan mo, halos mapuno na ang buong Araneta, fan signing pa lang ito," paliwanag nito.
"Ano naman kinalaman no'n sa pagiging late nila? Hindi pa rin nila dapat pinaghihintay ng ganito katagal ang mga fan nila, ‘no," sabi naman niya.
Napatigil lang siya sa pagrereklamo nang biglang magsigawan ang mga fan na nandoon at nag-umpisa nang magtulakan.
"Waah, beshy! Nandito na sila, palabas na sila sa backstage! Omg! Omg!" excited na sigaw ni Andrei kasabay pa ang paghampas-hampas nito sa kanya sa sobrang tuwa.
"Oo na, alam kong nandiyan na sila. Magkakagulo ba kayo kung hin—aay!" napasigaw na lang siya nang hatakin siya nito papunta sa may harap.
Saka niya lang napansin na napag-iwanan na sila ng ibang mga babae roon. Lahat sila ay nagtutulakan at pinipilit ang mga sariling makapunta sa harapan para lamanng makita nang malapitan ang mga lalaking iniidolo nila.
Para silang nasa red carpet nang lumabas at maglakad habang kumakaway-kaway sa mga fan na nagpapatayan na makalapit lang sa kinaroroonan nila. Hindi niya maintindihan kung bakit kailangang pagkaguluhan sila ng sobra.
"Beshy, dali! Kailangang makipagsiksikan tayo roon para makita natin sila nang malapitan. Dalian mo!" nagmamadali itong nakipaggitgitan doon samantalang siya ay napabitiw sa kamay nito dahil sa dami ng tao.
"Andrei!" sigaw niya pero nakasiksik na ito sa may unahan at siya naman ay pilit na tinutulak ng iba palayo.
NGITING-NGITI na kumakaway si Ice sa mga fan nila, hindi niya inaasahan na halos mapuno nila ang Araneta sa dami nang pumunta para lang sa fan signing event nila ngayon. Pero hindi na siya nagulat doon dahil sila ngayon ang pinakasikat na grupo sa Pilipinas.
Ang Noble Power ay may anim na miyembro kasama siya.
Si Volt, ang leader, main rapper, at dancer. Si Sky naman ang lead vocal, dancer, at pangalawa sa matanda. Si Rain ang main dancer at vocal nila. Si Thunder naman ay isa ring lead vocal at dancer. Si Cloud ang bunso ng grupo, lead rapper, at dancer at si Ice ay isa rin sa vocal, main dancer, at ang pinakamatanda sa grupo pero, hindi iyon halata dahil sa baby face na mukha nito. Nobles naman ang tawag sa mga fan nila.
"Good afternoon, Nobles!" si Kristoff ang unang nagsalita, ang leader ng kanilang grupo. "One… Two... Three..."
"The Elites are here, we are the Noble Power!" sabay-sabay nilang sigaw at nag-bow. Nagsigawan naman ang mga fan at tinaas ang posters at banners na dala-dala ng mga ito.
Hindi naman tinanggal ni Ice ang pagkakangiti niya kahit ang totoo ay nangangawit na ang ngala-ngala niya dahil kakagaling lang nila sa isang photoshoot.
"Sorry for being so late, kakagaling lang namin sa isang photoshoot kaya na-late kami ng dating at salamat sa paghihintay sa amin," paghingi nang paumanhin ni Kristoff sabay sigawan naman ng mga fan bilang tugon. "I'm Kristoff Dela Vega a.k.a Volt," pagpapakilala nito saka ipinasa sa katabi ang mic na hawak niya.
"How are you? I hope, you're all fine! I'm Chet Concepcion a.k.a Thunder!" Kumindat pa ito bago ibigay sa katabi ang mic.
"Hi, Nobles! Please, 'wag kayong magtulakan. I'm Zhaun Samonte a.k.a Rain!" Nag-peace sign ito habang walang tigil sa pagsigaw ang mga fan.
"Hello, guys! I'm Zick Ortega a.k.a Cloud! It's nice to see you all!" Sabay bow nito.
"Hi, Nobles! Luke Ramirez a.k.a Sky! Everyone, please be careful!" Ngumiti ito ng pagkatamis-tamis sabay nagpa-cute.
Sa wakas ay natapos na magpakilala ang lima, natapos na rin ang paghihintay ni Ice at siya na ang magsasalita.
SI DARA naman ay patalon-talon sa kinaroroonan niya para lang matanaw kung nasaan na bang lupalop ng Araneta nandoon ang bestfriend niya. Siya kasi ay nasa pinakadulo na dahil hindi na niya inaksaya pa ang lakas niyang makipagsiksikan sa mga fan na nandoon.
"Nasaan na ba ang babaeng iyon?" tanong niya sa sarili. "Nakita lang ang Noble Power ay nakalimutan na ako ng gaga," reklamo niya.
Naisipan niyang makipagsiksikan na rin doon, mahanap niya lang ang bestfriend niya at papatikimin niya ito ng isang flying punch dahil sa pagpilit nitong samahan niya rito.
Pinilit niyang isiksik ang sarili niya pero sadyang iniluluwa lang siya roon at hindi siya makagitgit man lang sa dami ng mga fan.
Paano ba ako makakasiksik sa mga ito? Sa sobrang inis niya ay sumigaw siya.
"Omg, si Lee MinHo! Si Lee Min Ho nandito! Tingnan niyo, si Lee Min Ho! Oh my gosh! Lee Min Ho!!" nagtititili niyang sigaw hanggang sa mapatingin sa kanya ang ibang mga fan at ang iba ay nagsilingunan nga sa may likuran at hinahanap nga ang sinasabi niyang si Lee Min Ho.
Nagkagulo ang iba at nagtatanong kung nasaan. Napangiti na lang siya dahil effective ang plano niya at dahil din doon ay sigurado siyang matatagpuan na niya ang bestfriend niyang gaga.
Tila nahawi naman ang mga fan nang maglakad siya papunta sa unahan. Ang lawak nang pagkakangiti niya pero nawala iyon nang makita na papalapit sa kanya ang isa sa miyembro ng Noble Power. Kaya naman pala parang nagsitabihan sa gilid ang mga fan doon.
Teka, ano bang nangyari? Dahil ba sa akin?