Iniutos ng lalaking naka-pula sa kanyang mga tauhan na ibaba na ang mga sibat. Kaagad namang sumunod ang mga ito, ngunit hindi sila umalis sa kinatatayuan nila. Makikita sa porma nila na handa pa rin silang sumugod kay Four ano mang oras. Wala namang magawa si Four. Hanggang ngayon ay hindi niya magamit ang kakaiba niyang lakas at unti-unti na rin siyang nakakaramdam ng pagod. Naisip din niya na maaaring hindi talaga masasamang tao ang mga nasa harapan niya. Dahil kung talagang balak nilang patayin siya, ay maraming beses na sana nilang nagawa iyon. “Sige! Makikinig ako sa inyo. Pero huwag ninyo akong sisihin sa oras na sugurin tayo ng mga halimaw rito!” sabi ni Four. “Huwag kang mag-alala. Ikaw nga hindi mo kami napinsala, iyong mahihinang halimaw pa kaya?” Hindi alam ni Four kung i

