HOPELESS CASE
Time of enrollment when I first met Cruzette. Sa parehong lane kami nakapila para sa mga upcoming senior high school students na gustong mag-apply para sa strand na Humanities and Social Sciences. Nasa likod n’ya ako n’on, at sapat na ’yon para ma-appreciate ko ’yong ganda n’ya.
Nang marating namin ang window ng admission office, nagbigay ang staff ng form na pwede naming sagutan. Nagkataong wala nang tinta ang ball pen na nakalagay sa desk at wala na rin silang extra kaya nag-pave way ako. Kinuha ko sa bag ko ’yung extra pen ko at ibinigay sa kaniya.
Ngumiti siya at nagpasalamat sa ’kin. I fixed my eyeglasses. Nanatili lang akong nakatayo sa likuran nito hanggang sa ibalik na nito sa ’kin ang pen ko. Muli siyang nagpasalamat sa ’kin bago ibalik ang sinagutang form sa staff at magpaaalam na aalis sa ’kin. Her kindness and sweet aura captivated me. Ang ganda n’ya kasi. Simple lang pero masasabi mong maganda. Wala siyang katulad sa paningin ko. Hindi ko alam kung bakit. Wala naman siyang dalang gayuma no'ng mga panahon na ’yon para mahulog ako nang ganito.
“See you sa first day of class!” aniya.
Katulad nga ng sinabi n'ya, nagkita kami. Naging magkaklase kami. Seatmate pa sa lahat ng subjects. Ano pa'ng hihilingin ko ’di ba? Para kaming itinadhana sa isa’t isa. Umaayon ang kapalaran sa gusto ko. Siya ang unang nag-guide sa ’kin sa school noong panahong baguhan pa lang ako, matagal na kasi siya sa school kumpara sa ’kin.
Palagi kaming sabay mag-recess. Nagcha-chat pa kami sa isa’t isa tuwing gabi para magtanong ng assignments o kaya magpa-send ng mga PowerPoint presentation. Naaalala ko pa, minsan n’ya ’kong pinagbantay sa labas ng comfort room nang minsang magkaroon siya ng monthly period. Ako pa nga ’yung gumawa ng paraan para may magamit siyang sanitary pads dahil wala ring dala ’yung ibang mga kaklase namin.
Napapangiti na lang ako sa tuwing naaalala ’yon. Ang kaso nga lang, nagbago ang lahat noong sumapit ’yung second semester. Nagbago ng seating arrangement ’yong adviser namin. Nagkahiwalay kami. Nagkaroon ito ng bago nitong mga kaibigan. Hindi na kami nagkasabay pang kumain tuwing break time. Hindi na rin kami nag-chat. Ngayon nga, tamang react na lang ako sa mga shared post n’ya sa social media accounts n’ya. Tamang heart react na lang sa display photo nito sa f*******:. Hanggang tingin na lang ako.
Crush ko lang naman siya n’on. I spent almost all of my senior high school years admiring her from afar. Crush lang naman kasi, mild lang. Pero hindi ko alam kung bakit habang tumatagal, mas lalong lumalalim ’yung pagka-crush ko sa kaniya. Hanggang sa isang araw, ma-realize ko na lang na gusto ko na siya for real.
Ngayon, ’di ko na kayang kontrolin ’yung nararamdaman ko dahil sa sobrang tagal kong itinago ’to, ang hirap nang kimkimin pa. Parang kahit anong oras sasabog na ’ko na parang utot. Baka may isang pagkakataon na bigla ko na lang masabi sa kaniya na gusto ko siyang maging bebe.
Sana nga gan'ong kadali na lang ’yon, eh. Iyong bang basta sasabihin mo na lang sa kaniya ’yung mga salita na ’yon. Pero ang hirap. Natatakot akong ma-issue sa classroom. Natatakot akong mapahiya. Natatakot akong lumayo siya sa ’kin sa oras na sabihin ko sa kaniya ang hinihimutok ng butchi ko.
“Gusto kitang maging bebe.”
Sana ganoong kadali na lang sabihin . . .
Pero nauutal pala ako kapag kaharap siya.
Sa tingin ko nga mahal ko na yata si Cruzette. Ay hindi pala! Mahal ko na siya — walang yata. Iyan 'yung dapat na term na gamitin ko. Totoong mahal ko na siya. Hindi ko alam kung love na ba ’to, pero ang nabasa ko dati, the one who can only determine whether if it's love or not is yourself alone. Sa kaso ko, alam kong in love ako kay Z.
Palagi siyang nasa isip ko. Simula paggising ko tuwing umaga at bago matulog tuwing gabi. Siya lang lagi ang laman n’on pati ng puso ko. Hindi ko nga alam kung bakit nangyari sa ’kin ’to, at kung bakit naging ganito katindi ang tama n’ya sa ’kin. Kahit torete, napapamura na lang ako dahil gustong-gusto ko ’yung pakiramdam. Para akong nasa cloud nine palagi. Kilig!
Makita ko lang siya isang beses sa isang araw, kumpleto na ’ko. Wala nang mas hihigit pa kapag mapapadpad ’yung mga tingin ko sa kaniya. Hindi ko mapigilan na pagmasdan siya kahit nakatingin na ito mismo sa ’kin. Paano ba naman kasi, parang breath of fresh air ’yung kagandahan n’ya. Para diyosa. Willing nga akong gawan siya ng rebulto para lang mapansin n’ya ’ko. Gan'on kalakas ang tama n’ya sa ’kin. Iyong tipong kapag inayawan n’ya ’ko, parang wala nang kahulugan ang buhay ko.
♪
“Nahihibang ka na, Xei!”
Sa lahat yata ng pag-ibig, laging may kontra. Sa pag-ibig ko na ’to, aside kay James, biggest villain ko ang tatlong mokong na sina Pan, Benny, at Pao.
Anila, masyado na raw akong nag-i-ilusyon. Palagi nilang sinasabi na para akong nananaginip nang gising kapag ipapasok ko sa topic ang pagmamahal ko kay Cruzette. Sabi pa nila, langit ito samantalang hampas-lupa ako. Tubig at langis daw kami na kahit anong pilit ang gawin, hindi pwedeng paghaluin.
Nakakababa, totoo.
Pero kahit na ano ang mga discouragement ang ibigay nila sa ’kin, nananatili akong kalmado. Walang paki. Noong una pa nga’y ipinagtatanggol pa ’ko ni Pan kina Pao at Benny, pero later on, miski siya sinabi na rin sa ’kin na tigilan ko na si Cruzette. I mean, paano? Kailan pa naging madali ang pagpipigil sa nararamdaman? Hindi ’yon kotse na pwede nating maneobrahin nang ganoon kadali.
“Ah, basta. Mahal ko talaga siya,” saad ko, buong-pusong nakatingala sa ere. Kung nasa mundo ako ng anime, baka kumikislap na ’yung mga mata ko.
“Nababaliw ka na nga talaga.”
Napailing na lang ng ulo ang tatlong mokong bago magsitayuan sa kinauupuan ng mga ito at iwan ako mag-isa.
Maybe this feeling went too far, that even my friends couldn't reach it any longer. They told me that loving her has turned me insane . . . which is a bad thing. I mean, since when did love become a bad thing if it’s giving us a good feeling?
♪
“Nakatulala ka na naman,” rinig kong bulong sa ’kin ni Pan. Pinalis ko siya na parang langaw na bulong nang bulong.
He's right, nakatulala na naman ako kay Cruzette. Hindi ko siya pinagtuonan ng pansin at nagpatuloy sa pagtulala sa bebe kahit nasa kalagitnaan ng discussion ’yung professor namin sa Physical Science, si Ma'am Vicente. Halos hindi na nga ako nakikinig sa discussion dahil gumawa na ’ko ng sarili kong mundo sa isipan ko kasama si Z. Napapamura na lang ako kapag nare-realize ko kung gaano ito kaganda, especially sa bangs nito ngayon.
“s**t!”
Aksidente akong napamura nang makatanggap ako ng mala-bulalakaw na katok mula kay Pan. Sa lakas ng pagkaka-react ko, napatingin sa ’min si Ma'am Vicente. Tinawag nito ang apelyido ko, dahilan para mapatingin din sa ’kin ’yung iba. Bigla tulog akong naging center of attention. Nakakahiya!
Ilang segundo lang ang lumipas, ibinalik na ni Ma'am ang atensyon nito sa pagtuturo. Sa inis ko kay Pan, bilang ganti’y inapakan ko ang paa nito. Tahimik itong napaaray. Nang tingnan n’ya ko’y binigyan ko siya ng tiger look, sapat na para bigyan siya ng banta.
“Mukha kang kuting, tanga!”
Gago!
No choice ako, kailangan kong magtimpi sa mokong na ’to. Mayamaya’y umusad papalapit na naman ito at tila bubuyog na nag-buzz-buzz malapit sa ’kin.
Lakas mang-inis ng gago.
Hindi ko talaga alam kung kaibigan ko sila o ano. Imbis na pagaanin nila ang loob ko, parang niyuyurakan pa nila ang buong pagkatao ko. Mahirap ba intindihin na gusto ko si Cruzette?
Imbis na intindihin si Pan, pinagmasdan ko na lang ulit si Cruzette habang ito’y nakikinig kay Ma'am Vicente. Kahit paano gumaan ’yung pakiramdam ko.
Matiwasay sana ang buhay ko pero nakakainis ang hinayupak dahil ayaw pa rin ako nitong tantanan. Ngayon, paulit-ulit ako nitong kinakalabit kaya ’di ko na napigilang angisan ito. Sa ikalawang pagkakataon, pinagalitan kami ni Ma'am. Pero sa pagkakataon na ’yon, nakasigaw na ito.
“Isang sabat pa ibibitin ko kayo nang patiwarik d’yan sa labas!”
Nagmukha tuloy dragon na bumuga ng napakalakas na apoy si Ma'am. Kami naman, parang bata na natakot sa kaniya. Wala kaming ibang nagawa kaya tumahimik na lang kaming dalawa.
Tinapunan ko ulit si Pan ng masamang tingin. Nawala na ’ko sa mood kaya inilabas ko na lang ang notebook at nagsimulang mag-take down notes. Kahit kailan talaga mahilig mang-inis ’tong si Pan, lalo na kapag kasama pa sina Benny at Pao. Nakakaburyo. ’Di ko nga alam kung bakit naging kaibigan ko pa sila kung puro pamemerwisyo lang ang laging hatid nila sa buhay ko, lalo na kapag nagsama-sama.
Ilang minuto ang lumipas, may lumapag na kamay sa ibabaw ng notebook na pinagsusulatan ko. Si Pan . . . napatingin ako sa kaniya. Nginisian n’ya lang ako bago bumalik sa pwesto n’ya. Bumalik ako ng tingin sa desk ko at doon ay nakita ko ang isang piraso ng papel na nakatupi. Agad ko itong binuksan atsaka binasa ang nilalaman nito.
Ayon sa nakasulat sa papel, “BINALAAN KA NA NAMIN. CAPSLOCK PARA INTENSE!”
Tiningnan ko siya. Umirap ako atsaka ibinalik ang atensyon sa papel na hawak ko atsaka nagsulat ng ire-reply sa parehong papel. “HAYAAN NIYO NA LANG AKO. MASAKTAN NA KUNG MASASAKTAN!”
Ibinalik ko sa kaniya ang papel at muling bumalik sa pagte-take down notes.
Makalipas ang ilang segundo nakita ko na lang na umiiling na si Pan. Dapat lang ’yan kasi kahit na ano pa ang sabihin nila, nasa akin pa rin ang desisyon. Gusto ko naman ang ginagawa ko. Sariling kasiyahan ko rin ’to. Ang ’di ko lang maintindihan sa kanila, parang sila pa mismo na mga kaibigan ko ang pumipigil sa ’kin para maging masaya.
Mahal ko si Cruzette, mahirap bang intindihin ’yon? Siguro, oo, dahil hindi dapat at dahil may boyfriend na ’to. Hindi na ’ko dapat nanghihimasok pa sa relasyon nila, pero gusto ko. If ever I was given a chance to steal her, gagawin ko ’yon kahit ano pa ang kalapit.
May bumagsak na papel sa harapan ko. Binuksan ko ’yon atsaka binasa, “Para kang isang birhen na namamalimos sa pag-ibig ng isang puta. —Heneral Luna.”
Napatingin ako kay Pan.
♪
“Narinig mo na ba ang balita?”
“Anong balita?”
“Game over na raw sina Z at James.”
Hindi ko alam kung magiging masaya ba ako sa narinig ko, pero heck malaki ang ngiti sa labi ko. Nakarating na sa ’kin ang mabuting balita. Ayon sa chismisan ng mga kaklase kong babae, break na raw ang dalawa. Hindi ko alam kung maniniwala ako, pero alam kong possible ’yon dahil ba naman may pagka-playboy ’tong si James. Ang bansag nga sa kaniya ng mga nakakakilala sa kaniya, batang pogs — lalaking puro laro lang, pwedeng magpalit ng cards kahit kailan nito gustuhin.
May isang pagkakataon na nakita kong nag-uusap sina Cruzette, Cedes, Reene, at Ruzet. Dahil na rin curious ako, nag-eavesdrop sa pag-uusap nila. Narinig ko, tinanong siya ng mga ito kung bakit pumayag pa rin siyang makipag-date kay James kahit na alam naman n’ya na may pagka-playboy ito.
Aniya, “I can see his dedication and determination to me. Na-sense ko, sincere naman siya sa ’kin. Oo, sabi ng iba medyo playboy siya but I can't see it. Kung oo man, maybe dati ’yon at ’di na ngayon.”
“Hypocrisy at its finest!”
Nagpalakpakan ang mga kaibigan nito.
I was hurt that time. Proven na ’yung feelings n’ya sa kaniya, eh. Kahit na kilala na n’ya kung sino si James at sa possibilities na pwede nitong gawin sa kaniya, ’di n’ya ’yon pinansin at pinagtuonan ang good intentions ng lalaki. Doon pa lang, alam ko nang talo na ’ko.
Pero dati pa ’yon. Mukhang nakikisama ang panahon ngayon dahil sa nalaman kong balita. By knowing that, hindi ko inalis ang tingin ko kay Z buong klase.
Nang mag-dismissal na para sa lunch break, isa-isang nagsitayuan ang mga tao sa room at nagsimulang magsilabasan. Sakto dahil pagkatapos kong mag-ayos, nakita kong palabas na ng room si Z.
Naaalala ko ’yung mga panahon na nahihirapan akong lumapit sa kaniya. Laging nasa isip ko na hanggang tingin na lang ako sa kaniya. Na kahit gustuhin ko man, nahihirapan akong lumapit. Para kasi akong sinasakal ng mga titig n’ya. ’Di ko magawang kumilos nang maayos kapag malapit siya sa tabi ko. Kaya nga ’di ako tumitingin sa kaniya sa tuwing may reporting ako kasi panigurado epic fail ang kalalabasan.
Pero ngayon, sa kabila ng lahat, nilakasan ko ang loob ko at nagsimulang humakbang papunta sa kaniya. Lalapitan ko sana siya, pero sandali akong napahinto nang hawakan ako ni Pan sa braso upang pigilan ako sa gusto kong gawin.
“Gagawin mo?” he asked.
Tinuro ko ’yung pinto.
“Alam mo, isa kang stupid motherfucker!”
Parang mortar and pestle na naglangitngitnan ang ngipin n’ya sa gigil ng pagkakasabi n’ya sa mga salita na ’yon.
Sa oras na mapaharap ako sa kaniya’y tinaasan ako nito ng kilay habang nakakrus ang mga braso nito. Bitchesa!
Hindi ko ito pinansin at sinuot nang maayos ang bag ko sa likod ko. Bilang ganti’y tinaasan ko rin siya ng kanang kilay ko. Bitches versus Ate Chona.
“Ano ba'ng masama sa gagawin ko?”
Napailing ito. “Kung ano ang gagawin mo, iyon ’yon. Hindi pa ba malinaw sa ’yo? Binakuran na ’yong tao, tatalunin mo pa. Aba’y gago ka ’no?”
“Wala na kasi sila,” dahilan ko. “Ah, basta! Sayonara!” ani ko atsaka mabilis na tumakbo palabas ng room upang habulin si Cruzette. Sinigawan ako ni Pan upang pigilan ako nito, pero sa huli’y ’di rin ako nito napigilan.
Tumakbo ako nang mabilis, parang asong sabik na sabik sa kaniyang amo. Nagkandadulas-dulas ako sa hallway masundan lang siya. Ilang tao pa ang nabangga ko sa daan bago matagpuan si Cruzette. Nakatayo ito sa pinakahuling hagdan patungong ground floor. Nang pagmasdan ko ito’y mukhang nakatingin ito nang malayo sa direksyon ng west wing ng building. Nakangiti at hinihingal akong bumaba sa hagdan habang nakakapit sa steel sa gilid nito.
“Cruzette!” tawag ko sa kaniya.
Lumingon siya sa ’kin. Parang dahan-dahan pa nga. ’Di ko alam kung bakit pero biglang nag-slow motion ang mundo ko. Syete kasi para akong nasa Korean drama. ’Di ko mapigilang ngumiti habang puno ng excitement ang dibdib ko. Tangina ’di ko na makontrol ang sarili ko. Ano mang oras parang sasabog na ’ko sa kilig.
Napakamot ako sa batok ko at ’di makatingin sa kaniya nang diretso. “Cruzette . . . ah, ano . . .” Ilang sandali akong huminto. Huminga ako nang malalim para makakuha ng sapat na lakas ng loob. Iyon na sana . . . sasabihin ko na sana dapat, pero may umeksena — isang lalaki na kung titingnan ko’y halos kasing-tangkad ko.
“May problema ba?” tanong nito. Inakbayan nito si Cruzette at tila pinagmatyagan ako mula ulo hanggang paa.
Gusto kong magmura dahil para akong iniinsulto nito sa kung paano ako tingnan ng mga mata n’ya. Pero sinubukan kong pakalmahin ang sarili dahil ayaw kong ma-bad shot sa harap ng bebe ko.
“James, ano ba!” mahinang pagsaway ni Cruzette sa kaniya. Miski yata siya’y naramdaman ang tension sa pagitan naming dalawa ng lalaki na ’yon.
Nakaramdam ako ng inis sa ginawa ni James. Kung hindi ako nakapagtimpi, sinapak ko na dapat ’to. Pero ’di ako ganoong tao. Besides alam ko ring talo ako kapag usapang suntukan.
Imbis na sumagot ay nanatili akong tahimik habang nakatingin sa kanila. Mukhang sweet sila, pero hindi iyon ang nakikita ko dahil imbis na kilig ang maramdaman ko’y yamot lang ang nangibabaw sa ’kin.
Ilang segundo ang lumipas ay inalis nito ang tingin n’ya sa ’kin at inilipat sa bebe ko. Biglang nagbago ang reaksyon nito atsaka matamis na nginitian si Cruzette.
“Tara, what do you want to eat? Pambawi ko,” ani James kay Cruzette.
Mahinang sumagot si Cruzette, “Kahit ano na lang.” Pagkatapos n’on ay naglakad si James kaya ’di na napigilan ni Cruzette ang sarili na matangay ng gago.
Hindi ko na rin pinigilan. Hindi na rin ako nagpumilit. Kahit naman na yayain ko siya, kay James lang siya sasama. Saket!
Pinagmasdan ko lang silang maglakad habang unti-unti silang naglalaho sa paningin ko. Ang sakit, tangina! Sobra. It hurts like hell and I could feel that some of the parts of my skin were burning. Para akong nakaramdam ng heartbreak nang makita ko mismo sa sarili kong mga mata ang pagdidikit nila. Potanginames!
Maya-maya’y dumating si Pan. Siya namang hawak nito sa balikat ko. Kung ’di ako nagkakamali, nakita rin nito ang nangyari, at sa kung paanong wala akong nagawa. Panigurado sa mga oras na ’to hindi magawang ipinta ang mukha ko sa sobrang pagkabusangot.
Napatingin na lang ako kay Pan habang nanggigilid ang luha sa mga mata ko. Gusto kong umiwas dahil baka pagtawanan ako ng gago, pero gulat ako dahil kahit ni isa wala akong narinig na halakhak mula sa kaniya
“Sabi ko na kasi sa ’yo, eh,” aniya. Tatlong tapik sa balikat ang natanggap ko mula sa kaniya. “Kailan ka ba makikinig?”