“ATE ANDI! Let’s eat na po! I'm so excited to play surfing na!” sambit ni Lilo pagkaupo niya sa tabi nito.
Ginulo niya ang buhok nito. “Kaya kumain ka ng marami ngayon para may lakas ka mag-surf, okay?”
“Aye-aye, captain!” anito na may kasama pang saludo bago nagsimulang kumain.
“Kailan nga pala ang balik mo sa Maynila?” tanong ng kaniyang ama kapagkuwan.
“Sa Monday pa ho, Pa. Kukunin ko lang iyong schedule ko para sa first semester.”
“Wala ka namang gagawin sa Monday, hindi ba Tope?” baling naman ng kaniyang ama sa panganay niyang kapatid na si Christopher.
“May gagawin ako nun, Pa. At saka ang dami nating orders na kailangan ng ideliver next week,” anito saka uminom ng tubig.
“Kuya naman, eh! Nangako ka sa akin na sasamahan mo akong maglipat ng mga gamit sa dorm ko, ‘di ba?” maktol niya.
Siya si Andi Guevarra, labing-pitong taong gulang, bunso sa tatlong magkakapatid. May dalawa siyang nakakatandang kapatid na lalaki, sina Christopher o Tope, ang panganay at Dexter o Dex naman na kaniya namang sinundan. Bukod sa siya ang bunso ay siya rin ang nag-iisang babae. First year college na siya sa pasukan at napili niya ang Beauford State University at ang course naman na kinuha niya ay Business Administration major in Management.
Mayroon din silang maliit na shop na sila mismo ang nagpapatakbo na pinangalanan nilang Crestwave Sportswear and Gear Collection. Mayroon kasi silang pagawaan ng mga surfboards kung saan ang ama niya ang namamahala sa paggawa ng iba't ibang klase nito at ang ina naman ay sa mga water sportswear at board cover na ito mismo ang nananahi.
Samantalang si Tope ang bahala sa design na ipipinta sa mga boards habang si Dex naman ang nagtatatak ng mga designs sa mga shirt at gear cover na tinatahi ng kanilang ina. Habang sila naman ng kaibigan niyang si Shanstar ang bahala sa online selling.
“May sinabi ba ako?” tatawa-tawang sambit pa nito.
“Ikaw naman, Tope, hayaan mo na si Dex doon at kailangan ng kapatid mo ng kasama sa Maynila. Babago lang iyan luluwas at maninirahan doon kaya baka maligaw,” suway naman ng kanilang ina.
“Luh! May lakad ako next week, eh!” sagot naman ng pangalawa niyang kapatid.
“Aray! Ma, ang sakit!” maktol nito matapos itong pingutin sa tenga ng kanilang ina.
“Tumigil kayong dalawa diyan, huh! Nag-iisang babae itong kapatid ninyo kaya pagtuunan niyo naman ng pansin!”
Pasimpleng binelatan niya ang mga kapatid.
“Eh, hindi naman na bata ‘yan, Ma. Isip-bata lang!” hirit pa ni Dexter.
“Oh! Tama na, Ma!” gatong pa nito nang akmang makakatikim itong muli sa ina.
“Si Mama naman hindi na mabiro. Alam naman namin ‘yon,” segunda naman ni Tope.
Napanguso tuloy siya. Palagi na lang talaga siyang niloloko ng mga kapatid niya. Hindi talaga nabubuo ang araw ng mga ito kapag hindi siya binu-bully.
“Are they bullying you, Ate?” nagkatinginan naman silang magkakapatid sa sinabing iyon ni Lilo.
Pinisil niya ang matabang pisngi nito. “Naku, hindi! Nagbibiruan lang kami. Sige na ubusin mo na iyang milk mo para makapaglaro na tayo.” Kahit kasi english speaking ang pamangkin niyang si Lilo ay nakakaintindi naman ito ng ilang mga tagalog words.
Nang matapos silang kumain at makapagpahinga ng kaunti ay nagtungo na nga silang magpinsan sa dagat. Ngunit nang makalimutan niyang punasan ng wax ang dala niyang board ay nagpaalam muna siya sandali sa bata.
“Lilo, dito ka muna sandali, huh? Kukunin ko lang iyong wax sa bahay. Huwag kang pupunta sa dagat hanggat wala ako, okay?”
“Opo ate!” saka ito umupo sa ilalim ng maliit na puno ng niyog na halos kasingtaas lang niya.
“Makoy! Pakibantayan si Lilo sandali at may kukunin lang ako sa bahay,” bilin niya sa kapitbahay niyang mahilig din maglaro ng surfing.
“Sige, ate! Ako na po bahala.”
Nang makuha niya ang kailangan ay agad din siyang bumalik sa tabing dagat kung saan niya iniwan si Lilo. Dali-dali siyang tumakbo nang mapansin niyang may kausap na ang mga ito.
“Makoy? Anong nangyayari?”
May tinuro ito sa tubig. “Inagos kasi sa dagat iyong paddle board nung bata, ate.”
“Can I just give my paddle board to him so that he won't cry anymore po, Ate?” suhestiyon ng kaniyang pinsan.
Lumuhod siya sa harapan ng bata na sa tingin niya ay kasing-edad lang ni Lilo. “Hi, ako nga pala si Ate Andi! Gusto mo ba ng bagong paddle board? Pwede kitang bigyan kung gusto mo,” pagpapatahan niya sa bata.
Mabilis itong umiling. “A-ayoko ko po! B-bigay po sa akin iyon ng kuya Philmar ko, eh. Siguradong papagalitan niya ako kapag hindi ko nakuha ang spongebob paddle board ko.”
Tinanaw niya ang paddle board nito sa tubig ngunit imposibleng makuha pa nila iyon dahil naianod na ito sa malayo unless magha-hire sila ng bangkero para kunin iyon. Wala pa namang mga bangkero ngayon dahil halos lahat ay nasa laot.
“Marphil?” napatingin sila sa likod nang marinig nila ang baritong boses na iyon.
Natulala si Andi nang makita niya ang gwapong mukha ng isang gwapo at makisig na lalaki. Masasabi niyang kahawig nito si Jericho Rosales. Maganda rin ang pangangatawan nito dahil kitang-kita niya ang perpektong pagkakaukit ng mga abs nito. Matangkad at medyo may kahabaan din ang buhok nito.
Mayamaya pa ay naramdaman niyang nagtago sa likod niya ang batang lalaki.
“K-kuya. . .” mangiyak-ngiyak na sambit nito.
“K-kapatid mo?” utal na tanong niya nang ibaling nito ang tingin sa kaniya.
“Hmm!” tipid na sambit nito.
“N-naabutan ko kasi siyang umiiyak kaya nilapitan ko. Naiagos na kasi sa malayo iyong paddle board niya.”
Isiniksik ng batang lalaki ang mukha sa tagiliran ng kapatid. “I-i’m so sorry, kuya. H-hindi ko sinasadiya. Naputol kasi iyong tali kaya humiwalay sa akin iyong iniregalo mong board.”
“It’s okay, Marphil. Your safety is more important.” At kinarga nito ang kapatid.
Lalo tuloy nadepina ang muscles nito sa braso. Hindi naman iyon kalakihan tulad ng mga napapanood niya sa WWE. Sakto lng ang pangangatawan nito sa height nito.
“If you want, you can have my paddle board,” singit naman ni Lilo na ikinagulat nila.
Bahagyang natawa ang binata dahilan para muli siyang matulala. Napakaganda kasi ng ngiti nito lalo na ang mga labi nitong naghuhugis puso kapag ngumingiti ito. Marahil ay napansin nito ang tatak ng paddle board ni Lilo kaya ito natawa.
Mabilis siyang lumuhod nang mapansin niyang parang napahiya ang pinsan niya.
“W-why is he laughing at me, Ate? Did I say something wrong po?” inosenteng tanong sa kaniya ng pinsan.
Itinuro niya ang design ng paddle board nito. “No, Lilo! It’s just that, the imprinted design of your board is not appropriate for him.”
“Ops! Sorry, Kuya!” hinging paumanhin nito nang maunawaan ang sinabi niya na ikinatuwa nila pareho ng binata.
“It’s okay, kiddo! Your so cute! What is your name?” tanong nito kapagkuwan matapos guluhin ang buhok nito.
“My name is Lilo. I’m six years old po, Kuya!” bibong pakilala nito.
“And this is my brother, Marphil,” pakilala naman nito sa kapatid.
“Hi, Marphil! Nice to meet you!” bibong bati ng kaniyang pinsan.
“H-hello!” tipid naman na sambit ng batang lalaki na hanggang ngayon ay nagtatago pa rin sa likuran ng binata.
“Ahm . . . Mayroon kaming surfing board sa shop, baka may magustuhan ka para sa kapatid mo,” mayamaya ay suhestiyon niya.
“Really?”
Tumango siya. “Oo! Malapit lang dito ‘yon.”
“That’s good! Let’s go?” anito na tinanguan niya kaya sumunod na ang mga ito sa kanila papunta sa kanilang shop.