Iniisip ko ng mabuti kung para saan ang halik sa noo ni Vincent. Baka naman parte iyon ng pang-aasar niya sa akin? Tuliro ako kahit noong makapasok na sa kuwarto. Hindi ko alam kung ano ang mararamdaman lalo na’t iyon ang unang beses na may humalik sa akin sa noo. Naalala ko tuloy iyong usapan namin ni Dira.
“If a boy kissed you then they like you...” aniya habang may pinapanood kaming movie ng Barbie at hinalikan siya nito sa labi.
“May humalik na rin ba sa’yo?” tanong ko kay Dira lalo na’t kuryoso ako.
“Wala pa naman but I have a crush in school...” Ngumisi siya sa akin.
Crush? Hindi ko maalalang may crush ako noong nag-aaral pa lamang. Wala rin kasi akong nagugustuhan lalo na’t kadalasan sa mga lalake kong kaklase ay puro lamang ka dugyutan ang naiisip.
“Anong feeling may crush?” tanong ko.
“Hmm... Medyo nahihiya ka sa kanya. Namumula ka pag nandiyan siya at kumakalabog ang dibdib mo. Alam mo ‘yung parang kumikislap ang paligid pag nandiyan siya... ‘Yung parang ang gwapo gwapo niya sa mga mata mo....”
Huh? Wala pa nga ata akong nagiging crush dahil wala pa naman akong nararamdaman na ganoon. At sino naman kasi ang magugustuhan ko?
“Eh ikaw, wala ka bang nagugustuhan?” tanong ni Dira.
Tumingin ako sa tv habang nagsasayawan na sila. Umiling ako at humilig sa aking mga kamay.
“Wala eh...”
“Huh? Bakit naman! I’m sure pag highschool kana ay meron kanang crush...” mungkahi niya na hindi ko gaanong sineryoso lalo na’t hindi pa naman ako ganoon ka interesado sa ganoong bagay.
Sa tuwing napag-uusapan namin ang bagay na iyon ay natatawa na lamang kaming dalawa at idinadaan sa biro ang ganoong usapin lalo na’t masyado pa kaming bata para may magustuhan talaga ng seryoso.
Ngunit hindi ko na alam kung ano talaga ang totoong rason ng pag-iwas kong pumunta sa bahay ng mga Herrera. Ang alam ko ay nahihiya ako sa nangyayari pero dahil sa ginawa ni Vincent ay mas naudyok akong hindi magpakita roon.
Hindi kaya ay nagiging crush ko siya? Nahihiya ako sa kanya at ayaw kong magpakita. Ito ang unang beses na nakaramdam ako ng ganito kay Vincent. Pakiramdam ko ay lalagnatin ako bigla kung nagpakita siya sa aking harapan—
“Ba’t ka nandito?!” gulat kong tanong nang bigla siyang nagpakita sa aming bakuran.
Sa aking gulat ay napatakbo ako papasok sa bahay, gusto siyang taguan at magkulong na lamang sa aking kuwarto.
Hiyang hiya ako at sobrang init ng aking mukha. Hindi kaya ay ito na iyong sinasabi ni Dira? Na para kang lalagnatin sa init?! Eh kung hindi niya ako hinalikan sa noo ay hindi ko naman ito mararamdaman sa kanya! Hindi ko nga siya nagugustuhan noon lalo na’t napaka bully niya at lagi pa akong inaasar. Baka naguguluhan lamang ako at may depekto sa akin kaya ako nakakaramdam ng ganito sa kanya.
“Celeste... Lumabas ka riyan. Nandito si Vincent. Hinahanap ka raw ni Dira...” ani Mama nang katukin ako sa kuwarto.
Linggo kaya wala siyang trabaho. Isang linggo na rin kasi akong hindi nagpapakita sa kanila. Siguro ay ang iniisip nila ay nahihiya lamang ako sa nangyari pero ang totoo ay gusto ko rin talagang iwasan si Vincent.
“Mama, p-pakisabi masama ang pakiramdam ko!” Nagpeke ako ng ubo kahit na alam kong hindi iyon paniniwalaan ni Mama.
“Ay naku! Tigilan mo ako sa iyong kalokohan. Lumabas ka riyan at maglalaba pa ako. Nandito si Vincent sa sala...”
Sumimangot ako at tiningnan ang sarili sa salamin. Ang pula pula ng aking mukha. Para akong pinagsasampal ng maraming kamay at nakakain ng maanghang na pagkain kaya ganito iyon ka pula. Huminga ako ng malalim para pakalmahin ang aking sarili.
Relax, Celeste... Huwag kang magpahalata at baka maramdaman ni Vincent na may problema sa’yo. Umakto kang normal at lumabas doon na parang wala lang.
Iyon nga ang ginawa ko. Sumilip muna ako sa may pinto at nahanap agad siyang nakapamulsa sa inuupuang de kahoy na upuan suot ang itim na tshirt at khaki shorts. Ngumuso ako lalo na’t ang linis niyang manamit. Kahit malayo ako sa kanya ay amoy na amoy ko ang kanyang bango. Ang side profile niya ay napaka perpektong tingnan at ang tangos pa ng kanyang ilong.
Lumingon si Vincent sa akin. Nagulat agad ako. Tumikhim ako at nagpasyang lumabas ng tuluyan.
“Dira’s looking for you. Nag-aalala siya lalo na’t hindi kana pumupunta sa bahay,” aniya.
Nag-iwas ako ng tingin at hinaplos ang aking siko. Hindi ako nakapagsalita lalo na’t hindi ko rin alam ang aking irarason. Ano naman ang sasabihin ko? Eh sadyang nahihiya akong magpakita sa kanya kahit hindi ko alam kung ba’t ako nahihiya sa bagay na iyon.
“Dinidibdib mo pa rin ba ang nangyari?” tanong niya kaya nagulat ako.
Iyon nga ang iniisip nila kaya ako hindi sumusulpot doon. Gusto ko sanang umiling ngunit mas gusto ko na lamang na iyon ang kanyang isipin kaya hindi ako nagpapakita kaysa iyong magpaliwanag ako at iba ang kanyang maisip.
Bumuntong ng hininga si Vincent. Binasa niya ang labi at nagkasalubong ang kanyang kilay. Nag-iwas ako ng tingin sa simple niyang ginawa. Hindi ko alam kung dahil ba ito sa hiya ko sa kanya kaya kung ano anong naiisip ko o sadyang gwapo talaga siya kahit ano ang kanyang gawin. Ngayon ko lamang napapansin ang kanyang galaw na hindi ko naman sana binibigyan noon ng kahulugan. Ngayon ko lamang napupuna ang kanyang galaw.
“Dira’s lonely. Miss kana niya,” wika ni Vincent.
Ngumuso ako. “Pupunta ako bukas...” Saka ako nag-iwas ng tingin.
“We’ll expect you...”
Tumango ako ng marahan at hindi makatingin sa kanya ng buo. Ayoko sanang pumunta kaso naiisip ko rin na malulungkot si Dira kung hindi ako pumunta roon. Kaso nahihiya talaga akong magpakita kay Vincent! Pakiramdam ko ay magmemelt agad ako habang nasa paligid siya.
“Celeste!” Ngumiti agad si Tita nang dumalaw ako kinabukasan.
Ngumiti ako sa nahihiyang paraan. Hinaplos niya ang aking mga pisngi habang tinititigan ako ng mabuti.
“You made us all worried! Bigla ka nalang nawala sa party at ilang araw ka pang hindi nagpapakita rito...” ani Tita sa nalulungkot na tinig.
“Ah... M-Medyo nahihiya lang po...”
“I’m sorry for what happened. Pangit talaga ang ugali ng batang ‘yon. Please don’t mind what she said, okay?” Ngumiti siya sa akin.
Tumango ako at ngumiti. Hindi ko na masyadong naalala ang sinabi sa akin sa nagdaang araw lalo na’t okyupado na rin ang aking isip sa halik ni Vincent sa aking noo. Noong sinabi niyang papalitan niya ng iba ang aking iniisip ay nagtagumpay nga siya dahil ilang araw iyong namalagi sa aking isipan.
Tumakbo pababa si Dira nang makita ako. Tumawa agad ako nang dambahin niya ako ng yakap.
“Ang daya mo! Miss na miss kita!” aniya na ikinangiti ko.
“Sorry... Medyo nag-isip isip lang din ako,” sabi ko.
Humiwalay siya at sumimangot. Natanaw ko naman ang pagbaba ni Vincent sa hagdan. Namula agad ako at hindi na lamang ipinahalata ang bagay na iyon.
“Naiinis rin ako hanggang ngayon. Hindi ko talaga tanggap ang ginawa ng bruha sa’yo!”
“Ayos na ‘yon, Dira... Hayaan mo na...” sabi ko para pakalmahin ito.
Hindi humupa ang kanyang inis at panay ang kanyang lintanya tungkol doon kahit noong nasa loob na kami ng kanyang kuwarto.
“Kuya’s mad at her, too! Mabuti nga sa kanya! Pasikat siya! Hindi naman kagandahan!” ani Dira na nakatayo sa aking harap at nakapamaywang pa.
“Huh? Galit si Kuya Vincent?” tanong ko na ikinatango niya.
“Oo. Pumunta kasi rito noong nakaraang araw ang babaeng iyon at prinangka ni Kuya na hindi niya nagustuhan ang ginawa sa’yo. Napahiya ang babae at umalis din agad! Buti nga sa kanya. Akala niya siguro didikit dikit si Kuya sa kagaya niya. Eh mas pamilya na tayo kaysa sa babaeng iyon na akala mo kung sino...” Umismid agad siya.
Nag-iwas agad ako ng tingin. Oo nga ‘no? Halos pamilya na ang turing nila sa akin dito. At katulad ni Dira ay para rin akong bunsong kapatid kung tratuhin ni Vincent. Baka naman ay masyado lang akong nag-iisip na may kahulugan iyon kahit kapatid lang naman ang nakikita niya sa akin. Baka pag nalaman niya ito ay matawa rin iyon dahil wala naman siyang gustong palabasin sa halik na iyon.
Medyo kumalma ako kahit papaano. Unti-unti kong natatanggap na wala lamang iyon, na wala talaga iyong dahilan. Ngunit sa tuwing nariyan siya ay pinapamulahan talaga ako ng mukha. Tumutubo agad ang hiya sa akin kahit lumalapit siya at ako naman itong iiwas agad. Kinakabahan na nga ako at baka nakakapansin na siya...
“Kuya’s inviting his friends later. Dito nalang tayo sa kuwarto dahil mukhang uukupahin nila ang sala,” ani Dira.
Tumango ako kahit medyo kuryoso ako sa kaibigang tinutukoy niya. Nanatili lamang kami sa loob ngunit nakikita ko na sa bintana ang mga kotseng dumadating at naglalabasan ang kaedaran lamang ni Vincent. May apat na lalake akong namataan at tatlong babae. Sa sobrang ganda nilang nilalang ay nalaglag ang aking panga lalo na’t kutis pa lang ay halatang mga mayayaman ito.
“Alam mo ba na magpapa extension kami sa likod ng bahay for a pool...”
Hindi ko masyadong naipasok sa aking kokote ang sinasabi ni Dira lalo na’t lumabas si Vincent para salubungin sila. Niyakap siya ng mga babae. Ngunit may bukod tangi roong kumuha ng aking atensyon lalo na’t hindi na inalis ni Vincent ang kanyang kamay sa kanyang baywang.
“Cee? Ano ang tinitingnan mo d’yan? Nandiyan na ang mga kaibigan ni Kuya?” Nakidungaw na rin si Dira sa may bintana at hinawi pa ang kurtina para makita lamang sila ng maigi.
Medyo nataranta ako lalo na’t baka mapansin kami rito pero hindi ko na rin masyadong pinansin lalo na’t may sinabi na si Dira.
“Oh... Inimbitahan niya rin pala si Charm Varquez. I think Kuya’s courting her...”
Kumurap ako lalo na’t hindi ko naman iyon naririnig na may nililigawan pala si Vincent.
“Talaga?”
Tumango si Dira. “Yes. Kakauwi niya lang sa States noong nakaraang araw eh. Nandito rin siya noong nakaraan. Kuya told us he’s courting her...”
Ibinalik ko ang tingin sa babae na unti-unti na ring nawawala sa aming paningin lalo na’t pumasok na sila sa loob. Medyo gumaan ang aking pakiramdam sa hindi malamang kadahilanan lalo na’t masyado kong iniisip na may kahulugan ang halik sa aking noo. Ngayon na may nililigawan pala siya ay medyo nabunutan ako ng tinik.
Bumaba kami ni Dira para kumuha ng meryenda. Maingay ang sala at nakita ko na nakalatag sa mini table ang boxes ng pizza. Katabi ni Vincent ang babae at inaakbayan niya ito habang nakangisi at may hawak silang kung anong inumin na hindi pamilyar sa akin.
“Dira!” Kumaway sa kanya iyong Charm.
Kumaway rin pabalik si Dira. Napunta naman ang tingin ni Vincent sa akin.
“By the way... that’s our little princess named Celeste...” ani Vincent na ikinatingin ng lahat sa akin.
“Woah... Ilang taon na ba ‘yan Vincent? Baka pwede kong hintayin at liligawan ko pag nasa tamang edad na,” biro ng isa sa kanila at tumawa.
Ngumisi si Vincent at nagawa itong sipain sa pabirong paraan.
“Gago. Hindi ‘yan pwedeng ligawan. Magagalit ako.”
Nagtawanan ang mga lalake habang nakangiti naman ang mga babae. Tiningnan ko ng mabuti iyong Charm. Maganda. Maputi. Payat. Perpekto ang mukha at napaka linis niyang tingnan. Bagay sila ni Vincent sa totoo lang. At mukhang mabait din ito lalo na’t panay ang kanyang ngiti sa amin ni Dira.
“Kumuha kayo ng pizza, girls...” alok ng isa sa mga kaibigang babae ni Vincent.
Umiling kami ni Dira lalo na’t ang gusto rin naming kainin ay chocolate kaya kami bumaba. Nagpaalam kaming papanhik sa kusina habang naririnig namin ang kanilang kwentuhan.
“Ang ganda rin talaga ng kapatid mong babae... Lalo na ‘yong isa. Pag nagdalaga ‘yon ay mukhang mas gaganda ‘yon lalo.”
“Stop talking about them. Baka kung ano na ‘yang pinag-iisip mo, Steven.”
“What? Nakaka appreciate lang ako ng ganda, Vincent. Don’t be so sensitive. Ang possessive mo sa mga bata eh lalaki rin yan sa susunod at magkakaroon ng lovelife...”
“Dadaan sa akin ang mangangahas na ligawan sila,” si Vincent sa pinal na tinig.