Ipinakilala ni Vincent sa akin ang babae. Mabait naman ito lalo na’t kinamayan niya pa ako. Ang lambot lambot ng kanyang kamay at ang bango bango niya kahit hindi siya gano’n ka lapit sa akin.
“Ilang taon kana?” Ngumiti siya sa akin.
“Ten,” sagot ko habang kuryosong nakatingin sa kanyang suot lalo na’t masyado iyong mamahalin sa aking mga mata.
“Kaedad lang pala kayo ni Indira! By the way, you can call me Ate Charm... Fourteen na ako.” Ngumiti siya sa akin.
Tumango ako at nahihiyang ngumiti lalo na’t hindi talaga ako sanay na may nagiging kaibigan na mayaman. Hindi ko alam kung dahil ba sa naranasan ko sa party ni Vincent kaya ganito na ako ka ilap pag pakiramdam ko ay mayaman sila o may iba pang dahilan.
“Tara, Dira... Akyat na tayo sa kuwarto mo,” yaya ko lalo na’t ayokong magtagal sa ibaba.
Sa gilid ng aking mga mata ay nakita ko ang pagtingin ni Vincent sa amin habang nakaupo siya sa sofa at nakikipagngisihan sa mga kaibigan niyang may kung anong pinag-uusapang nakakatuwa. Nagpasya kasing lumapit si Charm sa akin para personal na magpakilala ngunit ayaw ko ring pahabain ang aming topic kaya gusto ko nalang umalis agad.
Tumango agad si Dira lalo na’t hawak pa namin sa aming mga bisig ang mga chocolates na kinuha namin sa kanilang ref.
Sinundan kami ni Charm ng tingin lalo na’t hindi na rin ako lumingon pa. Gusto kong maging friendly ngunit hanggang doon lamang ang kaya kong ipakita lalo na’t baka ay may kung ano na namang masabing masama sa akin at sa huli ay mapahiya na naman ako. Baka sa huli ay magbago rin ang tingin nila sa akin dahil lamang mahirap ako at nabibilang naman sila sa mayayamang angkan.
“Mabait ‘yon si Ate Charm,” ani Dira nang makapasok kami ng tuluyan sa kuwarto.
Nagulat ako kung bakit niya iyon nasabi. Inilapag ko sa kama ang chocolates at umupo roon ganoon din si Dira na ginaya ang aking ginawa.
“Mukha nga siyang mabait,” sabi ko habang sinusundan siya ng tingin na kinukuha sa round table iyong bowl na naroon.
Dinala niya iyon at inilapag sa kama saka muling umupo lalo na’t ang balak naming dalawa ay buksan lahat ng chocolates at tunawin sa microwave para i dip ang mga puting marshmallow.
“Mukhang hindi mo kasi siya gusto,” aniya habang abala na sa pagbubukas ng chocolate.
Namilog ang aking mga mata. “H-Huh... Gusto ko naman siya...”
“Hindi ka masyadong friendly sa kanya,” ani Dira at isinubo sa akin ang isang chocolate na nabalatan niya.
“Hindi naman talaga ako gano’n ka friendly, ah?” Nagkibit ako at sinubuan din siya.
Hindi na rin naman namin iyon napag-usapang dalawa lalo na’t nawili rin kami sa mga chocolates.
Habang lumilipas ang mga araw ay pansin ko ang pagiging madalas ni Charm sa bahay nila Vincent. Nagpapansinan kami paminsan minsan pero may mga araw na hindi ko siya iniimikan at para lamang isang hangin na lalagpas sa kanya. Tumatak na sa aking isipan ang ilang ugali ng mga mayayaman. Siguro ay mabait lamang siya sa akin dahil nandiyan palagi si Vincent at si Dira pero kung nakilala niya ako sa ibang araw at wala akong koneksyon sa mga Herrera ay madidisgusto rin siya sa akin.
Humilig ako sa bintana habang nakatingin sa ibaba at pinapanood si Vincent na hinahabol ng hose si Charm. Basang basa na ito habang tumatawa palayo sa kanya at may isa rin siyang hawak na hose at binabasa rin si Vincent. Bumabakat ang kanyang dibdib at nakita kong medyo kalakihan iyon.
Yumuko ako at kinapa ang akin. Naramdaman ko agad kung gaano iyon kaliit at halos wala pa akong mahawakan. Bumuntong ako ng hininga at muling pinapanood ang dalawa na masyadong masaya.
“Tara na sa baba, Cee! Excited na akong itry sina Chewy at Koko!” ani Dira at hinihila na ako palabas ng kanyang kuwarto.
Binilhan kami ng kabayo ng kanyang Daddy para matuto kaming mangabayo sa kakahuyan. Isa iyon sa request ni Dira lalo na’t medyo nab-bored na kami kakalaro at wala ng mahanap na mapagkakaabalahan lalo na’t ang kanilang likod ng bahay ay on-going na ang construction para sa pool area.
At isa pa, isang buwan na lamang ang natitira sa Summer at balik eskwela na ulit. Hindi kami magkakasama ng madalas lalo na’t sa public school ako nag-aaral habang nasa private naman sila. Ang balak ni Tita ay pag-aralin din ako roon ngunit tumanggi rin ako.
“Bakit naman, Celeste?” tanong ni Tita nang makasabay ko sila ng lunch.
Titig na titig si Vincent sa akin habang tahimik na sinisimsim ang kanyang juice. Noong inilapag niya ay mas lumalim ang kanyang tingin at tila interesado sa aking isasagot.
“Ah... Mas gusto ko po kasi sa public, Tita... Hindi po ako sanay sa private,” sabi ko at iniwas ang tingin kay Vincent.
“Pero nandoon naman ako! Si Kuya! Si Ate Charm! Marami tayo!”
“Oo nga, Celeste,” si Charm na ngumiti sa akin at nasa tabi ni Vincent.
Sinikap kong hindi sumimangot. Alam kong girlfriend na siya ni Vincent at dapat ko siyang pakitunguhan ng maayos ngunit sa tuwing naiisip ko na mayaman siya at naiisip ang kahihiyan na natanggap ko sa mayayaman ay nag-iiba agad ang tingin ko sa kanya. Nalalasahan ko bigla ang tabang at bigla bigla ko siyang hindi nagugustuhan.
Alam kong hindi sapat ang rason na iyon para maging ganito sa kanya ngunit hindi ko makontrol ang aking sarili at iyon lamang ang mas nananaig sa tuwing sinisikap kong alisin ang harang sa aming pagitan. Pakiramdam ko ay hindi magiging masaya ang aking pag-aaral kung nakikita ko siya, kung nakapaligid ako sa mga mayayaman na ang tanging alam lamang ay mang-apak ng mga taong walang ikakabuga sa lipunan.
Kahit pa nararamdaman ko ang kanyang kabaitan, kahit pa wala siyang ginagawang masama sa akin, kahit ang tangi niyang pinakita ay kabutihan ay nagiging bulag pa rin ako dahil ang tanging nasa aking isip ay ang aking karanasan. Ang gabing nagmulat sa akin na magkaiba ang mundo ng mahihirap at mayayaman.
“Maraming salamat po pero sa public ko po mas gustong mag hayskul,” pinal kong sabi kay Tita at hindi inimikan ang sinabi ni Charm.
Nakita ko ang pagsuko sa mga mata ni Tita habang sumisimangot naman si Dira sa aking tabi. Ramdam ko pa rin ang titig ni Vincent ngunit hindi ko na siya binigyan pa ng pagkakataon para magkatinginan kami.
“Kung iyon ang gusto mo ay ayos lang, hija. Pero kung sakaling nagbago ang isip mo ay sabihin mo agad sa akin at ipapaasikaso ko agad ang iyong enrollment ha...” si Tita na nakangiti sa akin.
Tumango ako at ngumiti pabalik.
“Naku... Baka mag boyfriend boyfriend ka sa public, Celeste. Dapat ay huwag muna,” si Tito sa nagbabantang tinig ngunit naglalaro ang ngiti sa labi.
“Nako may crush na ‘yan siya, Dad!” Natatawang sumbong ni Dira kaya agaran akong namula at umiling para itanggi iyon.
“Huh? Meron na?!” si Tita naman na nakitawa rin.
“Sino ‘yan?” si Vincent na kuryoso lalo na’t magkasalubong ang kilay.
Nabanggit ko kasi kay Dira na may nagugustuhan ako ngunit hindi naman ganoon ka lalim at hindi ko rin nasisiguro kung hanggang kailan iyon mananatili. Masaya naman ako na hanggang doon lang. Natutuwa ako na gusto ko pala siya. Masaya ako kahit hanggang paghanga lamang ang lahat at nakokontento ako sa araw araw na nakikita ko siyang masaya sa iba.
Hindi ko inamin kay Dira na si Vincent iyon at ang sabi ko lamang ay taga baryo. Ayoko ring malaman niyang si Vincent dahil baka tuksuhin niya ako at iba pa ang maisip nila. Siguro ay happy crush ko lang? Masaya naman ako na hanggang dito lang ito lalo na’t nagkakaroon siya ng girlfriend habang ako naman ay naiinspire sa kanya. Kahit wala siyang girlfriend, mananatili pa rin ako sa linya dahil hindi rin naman ganoon ka lala ang nararamdaman ko at halos parang kapatid na ang turing namin sa isa’t isa. Hindi ko ito pwedeng isiwalat na lamang ng basta basta lalo na’t takot din ako na baka mag-iba ang tingin sa akin ni Vincent.
Hangga’t masaya siya, masaya na rin ako.
“Wala ‘no.” Inirapan ko agad siya.
“Huwag mong sabihin kay Kuya bubugbugin niya ‘yon!” si Dira na bumubulong sa akin ngunit malakas ang tinig.
“Crush crush... Mabait ba ‘yan?” si Vincent na masyado ng nagkakasalubong ang kilay.
“Mas mabait pa sa’yo!” giit ko at sinamaan siya ng tingin.
Nangingiting sumubo si Charm habang nanonood sa amin. Inabot ako ni Vincent at pinitik ang aking noo. Dumaing ako kaya pabiro siyang pinalo ni Tita sa braso para tantanan ako habang tumatawa naman si Tito at humahagikhik si Dira.
“Hayaan mo na ‘yang si Celeste, Vincent. Pag nasa legal na edad na ‘yan ay mas marami pang lalake ang pipila sa kanya. Hindi mo ‘yan mapipigilan lalo na’t lalaki ‘yang maganda,” si Tita sabay kindat sa akin.
“Oo nga, Kuya. Ang nosy mo. Awayin ka sana si Ate Charm,” si Dira naman kaya tumawa si Charm.
“Hindi naman, Dira. Naiintindihan ko ang pagmamahal ni Vincent kay Celeste. S’yempre overprotective din siya sa bunso niyang prinsesa at natutuwa ako dahil ganoon siya sa inyo ni Celeste...” Ngumiti ng matamis si Charm.
“Naku... Kung alam mo lang ‘yang si Vincent, hija! Parang dinaig pa ang pagiging tatay ng dalawa! Halos siya na ata ang nagpalaki lalo na’t sa tuwing wala kami rito ay siya rin ang nag-aalaga sa kanila kaya ganyan kung umasta,” si Tita na naiiling.
“Lalo na’t malapit na ulit kaming umalis... Magiging ulirang parent na naman itong si Vincent at dalawang prinsesa pa ang babakuran. Puputi agad ang buhok nito,” si Tito sabay hagalpak.
Nanatiling seryoso ang mukha ni Vincent habang masama ang tingin sa akin. Binelatan ko siya at ginalaw ang pagkain. Noong maramdaman kong nakatingin si Charm sa akin ay hindi ko na siya nagawang tingnan pa at nagpasya na lamang na sumubo.
Pumaibabaw ang tawa ni Charm nang makababa kami ng tuluyan ni Dira. Dumaan kami sa veranda at biglang itinapat ni Vincent sa akin ang hose hanggang sa nabasa ako.
Tumigil ako at namilog ang mga mata habang nalaglag naman ang panga ni Dira nang makitang basa ang aking mukha at iilang parte ng aking suot.
Mabilis kong sinamaan ng tingin si Vincent na nakangisi lamang. Tumawa naman si Charm habang sinasaway si Vincent.
“Kuya! Hindi nakakatuwa!” si Dira na mabilis na pinunasan ang aking mukha.
Sa aking iritasyon ay nagmartsa ako papalapit kay Vincent. Nagtatagis ang aking bagang at tumataas baba ang aking balikat sa galit na halos hindi ko na nakontrol ang aking sarili at natagpuan na lamang ang aking kamay na pinalipad ko sa kanyang pisngi.
Gumawa iyon ng nakakabinging ingay na kahit ang pagtagilid ng kanyang ulo ay nasundan ko pa ng tingin. Narinig ko ang pagsinghap ni Charm ngunit masyadong nandidilim ang aking mga mata.
“Huwag mo akong sinasali nga!” sigaw ko sa sobrang iritasyon.
Dahan dahang tumingin si Vincent sa akin, naglalaro pa rin ang ngisi sa labi ngunit hilaw na habang bumakat sa kanyang pisngi ang pamumula.
“Ang init ng ulo natin ah?” tanong niya ngunit tinaliman ko lamang siya ng tingin at iritado ng nagmartsa paalis sa kanyang harap.
“Hay naku, Kuya! Lagi mo nalang talagang iniinis si Cee! Buti nga sa’yo,” si Dira na humabol din naman agad sa akin.
Pinunasan ko ang aking sarili at hindi pa rin humuhupa ang pagkakasalubong ng aking kilay. Ni hindi nagsink-in sa aking utak ang aking ginawa. Hindi ko rin masyadong naisip kung para saan ang sampal na aking ibinigay. Basta ang alam ko ay galit ako sa kanya at mainit ang aking ulo.
“Ewan ko talaga kay Kuya! Heto Cee...” Inilahad ni Dira ang malinis niyang panyo sa akin.
Tinanggap ko iyon at tipid na ngumiti para punasan ang aking mukha lalo na’t tumutulo pa sa aking buhok ang tubig.
“Ang init ng ulo mo lately...” aniya na ikinatigil ko saglit.
Huh? Hindi ko rin alam kung ano ang tunay na dahilan pero galit ako. Naiirita agad ako kay Vincent.