“Mamimili na tayo ng mga notebook mo, Celeste. Malapit na ang pasukan mo,” ani Mama habang matamlay kong ginagalaw ang pagkain.
Tama ba ‘yong ginawa ko? Ngayon ko lang napagtanto na nasampal ko si Vincent. Ni hindi ko na alam kung ano ang rason kung bakit sa sobrang galit ko sa kanya ay nagawa ko ‘yon. Eh lagi niya naman sana akong inaasar ngunit hindi naman ako umaabot sa ganoong paraan na nasasampal ko siya.
Eh siya rin naman kasi! Kita niyang mainit ang aking ulo babasain pa ako. Sinasali pa talaga ako sa laro nila ng kanyang girlfriend. Paano kung nagkalagnat ako dahil nabasa ako edi kasalanan niya ‘yon. At isa pa, kung hindi niya ako binasa ay hindi ko siya masasampal kaya siya pa rin ang may kasalanan.
“Celeste, nakikinig ka ba?” Kinalabit na ako ni Mama kaya nagulat ako.
“P-Po?” Nilingon ko agad si Mama.
“Ang sabi ko ay mamimili na tayo ng mga gamit mo para sa susunod na pasukan,” ulit niya.
Medyo kumalma ang aking ekspresyon at naisip ang nalalapit na pasukan. Wala pa pala akong gamit... Tumango ako kay Mama at tiningnan ang pagkain kong kaonti pa lang ang bawas at hindi ko gaanong nagagalaw.
“Ano bang iniisip mo at parang wala ka sa sarili? Ang tamlay mo pa,” puna niya at tinagilid ang ulo para silipin ang aking ekspresyon.
Umiling ako. “Wala naman, Mama...” Baka pag sinabi ko sa kanya na sinampal ko si Vincent ay mapalo niya ako bigla ng sandok at papuntahin agad sa bahay ng mga Herrera para humingi ng tawad.
“Hindi ka naman ganyan. Nag-away ba kayo ni Indira?”
Umiling agad ako lalo na’t malabo rin naman iyon. Siguro kung malalaman niya iyong munti naming sekreto ni Vincent na hanggang ngayon ay kinukubli ko pa rin ay magagalit talaga siya. At simula rin noong nagkaroon ng nililigawan si Vincent ay hindi niya na ako gaanong kinukulit sa pagsusulat. Lalo na noong naging girlfriend niya si Charm ay talagang madalang na lamang namin siyang nakakausap ni Dira. Nasa kanyang girlfriend halos ang kanyang atensyon. Kung anu-ano ang kanilang pinaggagawa at may mga lakad din silang sila lamang dalawa katulad ng nanunuod sila ng sine sa labas at kumakain sa mamahaling Restaurant.
Hindi rin naman kasi gano’n ka bata tingnan si Vincent kahit kinse pa lamang. Matangkad siya at maganda ang tindig lalo na ang kanyang katawan kaya hindi mo iisiping masyado pa siyang bata. Si Charm naman ay matangkad din ngunit hanggang balikat lamang siya kay Vincent. Medyo sexy manamit at lagi pang nakangiti kaya talagang ang ganda niya tingnan lagi.
Siguro pag nasa ganoon na rin akong edad ay magiging ganoon din ako ka ganda. Kaso iniisip ko pa lang na hindi naman ako palaayos at tamad nga akong tingnan ang aking sarili sa salamin para problemahin ang aking mukha ay alam kong imposibleng maging ganoon ako paglaki. Imposibleng magiging maganda ako sa mga mata ng isang lalake. Hirap nga ako kahit suklay man lang at mas lalong hindi pa ako maganda manamit kaya malabo talaga.
Eh sila mayayaman. May pambili ng mamahaling sabon, mamahaling damit, pabangong kahit isang spray lang ay isang taon kanang amoy mabango, mamahaling gamit, make-ups, at kung anu-ano pa na kaya nilang bilhin at wala sa isip naming mga kapos. Ako pag nagkapera ako ang unang gagawin ko agad ay mag-iipon ako lalo na’t binabalak pa naman ni Mama na magtayo ng sariling business sa susunod na taon para raw huminto na siya sa pagt-trabaho. Iipunin ko ang aking pera at gagamitin ko iyon bilang pang-ambag sa mga plano ni Mama. Wala sa isip ko ang mga pampaganda o kung anu-ano pa man lalo na’t hindi rin naman ako ganoong babae. Sanay ako sa pagiging simple at mas lalong kontento ako sa buhay na meron ako.
Sumama ako kay Mama sa bayan nang sumapit ang Linggo para mamili ng aking mga gamit. Kasama ko siyang pumili ng mga notebooks at kung ano pang requirements ko sa pagiging first year highschool. Nakasabayan ko pa si Rina at nakita rin ang kanyang Mama na sabay silang namimili.
“Rina!” tawag ko at kinawayan siya.
Nagulat siya nang makita ako. Iniwas niya ang tingin sa akin at nagpatuloy sa pamimili. Kumunot ang aking noo kung nakita niya ba ako o hindi kaya nilapitan ko siya lalo na’t ilang hakbang lang naman ang kanyang layo sa akin.
“Rina,” ulit ko na ikinagulat niya at lumingon agad sa akin.
“Ah, C-Celeste ikaw pala...” hilaw siyang ngumiti sa akin.
Ngumiti ako at tiningnan ang hawak niyang notebook. Tumingin din siya roon at dahan dahan iyong binitiwan para lumipat sa kabila.
“Namimili rin pala kayo para sa pasukan?” tanong ko habang unti-unti siyang lumalayo sa akin.
Tumango siya habang wala sa akin ang mga mata.
“Oo... Uh, kayo rin?”
Tumango ako at nilingon si Mama na naroon pa rin sa kanyang kinatatayuan at abala sa pamimili ng aking gamit. Ibinalik ko ang tingin kay Rina na hindi tumitingin sa akin.
“Hindi na kayo tumatambay nila Janna sa basketball gym?” tanong ko, lalo na’t doon madalas ang aming tagpuan.
“Uh hindi na eh... May nahanap kasing bagong lugar si Arih at doon na kami nagpasyang maglaro...”
“Huh? Talaga! Saan?”
Ngumuso siya at parang nagdadalawang isip kung sasabihin ba sa akin o hindi.
“Uh... Si Janna nalang ang tanungin mo, Celeste. Baka magalit sila saakin pag sinabi ko sa’yo...”
Ang aking ngiti ay unti-unting napawi. Kumunot ang aking noo. Ba’t naman sila magagalit? Anong meron? Eh madalas naman talaga kaming maglaro at hindi sila magtataka kung sakaling sumulpot ako roon.
“Ba’t sila magagalit?” kuryoso kong tanong.
Medyo nataranta ang kanyang mga mata at parang gustong tumakas. Ngumuso siya at nilingon ang kanyang ina na abala pa rin sa pamimili.
“Ano kasi... Sabi ni Janna ay hindi kana raw namin kaibigan...”
Namilog ang aking mga mata. H-Hindi na nila ako kaibigan?
“Huh? Bakit naman?” Taka kong tanong at halos hindi naproseso sa aking utak ang kanyang sinabi.
“Sinasadya mo raw kaming hindi imbitahin sa bahay ng mga Herrera kasi gusto mong masolo si Dira. Ayaw mo raw malamangan...”
Namilog ang aking mga mata lalo na’t hindi naman iyon ang tunay na dahilan kung bakit hindi ko sila pinapapunta roon. Kung bakit hanggang ngayon ay hindi ko sila magawang imbitahan doon at isama sa akin.
Nanigas ako at hindi alam ang isasagot lalo na’t alam kong may kasalanan din ako. Masyado ko silang pinapaniwalang isasama sa bahay ng mga Herrera ngunit hindi ko naman ginagawa. Siguro ay nagtatampo na sila kaya ayaw na nila akong kaibiganin.
“A-Aalis na ako, Celeste,” ani Rina at nagmamadaling lumapit sa kanyang Mama.
Sinundan ko siya ng tingin sa bigong paraan. Bumaba ang aking balikat at napasimangot. Wala na akong kaibigan sa baryo. Ayaw na nila sa akin. Ayaw na nila akong kalaro.
Iyon ang naging rason kaya hindi ko na masyadong napagtutuunan ng pansin ang pamimili ng aking mga gamit. Si Mama na lamang ang aking pinapapili at nagyayaya na agad akong umuwi lalo na’t nalulungkot ako sa nalaman ko mula kay Rina.
Anong gagawin ko? Hihingi na lamang siguro ako ng tawad sa kanila at ipapaliwanag ko ang totoo. Iyon naman talaga ang mabuting gagawin para maging kaibigan ulit sila. Kaso hindi rin kami bati ni Vincent dahil sa aking ginawa. Mahihirapan ako ngayon at baka sa huli ay mas lalo lamang nila akong kamuhian.
Naging matamlay na ako sa mga sumunod na araw. Parang wala akong mapuntahan. Ang tangi ko na lamang ginagawa ay nananatili sa bahay at nakadungaw sa bintana habang hinihintay na matapos ang araw.
“Hindi kana naman pumunta sa mga Herrera?” gulat na tanong ni Mama nang madatnan ako sa bahay.
Umiling ako at nagmano sa kanya. Inilagay niya sa mesa ang supot na dala habang ako naman ay abala na sa pagkuha ng mga plato para sa aming dinner.
“Ano na naman bang kasalanan mo roon at nahihiya kang magpakita?” ani Mama habang tinitiklop ang payong lalo na’t medyo maulan ng kaonti sa labas.
“Wala naman... Ayaw ko lang talagang pumunta roon,” paliwanag ko lalo na’t totoo rin naman na ayaw ko talaga.
Bumuntong si Mama ng hininga at isinabit ang payong sa likod ng pinto. Naghugas siya ng kamay at inilagay rin ang shoulder bag sa gilid ng mesa para matabihan na ako.
“Nako Celeste... Mukhang may kalokohan ka talagang ginagawa. Pag nalaman ko ‘yan lagot ka talaga sa’kin,” banta niya habang nilalagyan ng pagkain ang aking plato.
Hindi ako umimik at tinitigan lamang ang kanyang ginagawa. Bukod kay Dira at sila Janna, wala na akong ibang kaibigan pa rito. Kung hindi ako pupunta sa mga Herrera ay mabubulok ako sa bahay lalo na’t wala talagang magandang pagkaabalahan dito.
“Gusto ko ng pumasok, Mama,” sabi ko.
“Eh malayo pa ang klase...”
Bumuntong akong muli ng hininga. Ilang araw pa ang hihintayin ko. Gusto ko namang may ibang mapagkaabalahan. Baka sakaling may maging bago ulit akong kaibigan? Hindi naman sa araw ko kay Dira pero sa nagawa ko kay Vincent ay nahihiya na naman akong magpakita sa kanila. At busy rin naman ‘yon sa girlfriend niya...
Sa tuwing nagtatrabaho si Mama ay nakaupo lamang ako sa duyan at minsan ay sinisipa ang mga batong naaabot ng aking paa. Medyo nakakaaliw naman...
“Tss. I don’t know why you’re sulking here when you can freely visit Dira and play with her,” ang pamilyar na tinig ni Vincent ang narinig ko sa tanghaling iyon na ikinagulat ko.
Namimilog ang aking mga mata lalo na’t hindi ko siya inaasahang susulpot dito sa bahay. Naka itim ito na hoodie at pants lalo na’t medyo malamig din ang klima dahil madalas ang pag-ulan sa dumaang araw.
Naglakad siya patungo sa akin. Tumigil ako sa pagtutulak ng aking duyan, iniisip kung bababa ba at papasok sa bahay para magtago o ano.
Hindi ako nakakibo. Tumabi siya sa akin. Naamoy ko agad ang kanyang pabango. Sinamaan ko siya saglit ng tingin lalo na’t masyado na siyang malaki para tabihan ako rito sa hammock kaso hindi niya naman pinapansin ang aking tingin.
Nagsimula niyang itulak ang duyan sa pamamagitan ng kanyang mahahabang binti. Gumalaw itong muli at halos sumayaw sa ere ang aking buhok dahil sa hanging humalik sa aking mukha. Humawak ako sa gilid para hindi mahulog. Nanatili naman ang aking tingin sa harap habang ilang sigundong katahimikan ang nanaig.
“Pagkatapos mo akong sampalin ikaw itong hindi magpapakita na parang kasalanan ko pa, huh?” Inangatan niya ako ng kilay.
Sumimangot ako lalo na’t nahulaan niya agad ang rason sa likod ng hindi ko pagpapakita sa kanila.
“Eh ikaw naman kasi... Binasa mo ako,” giit ko ngunit pinitik niya ang aking noo.
“I need an apology not a f*****g excuse, you little rascal...”
Mabilis kong hinawakan ang aking noo at dumaing dahil sa kanyang pitik.
“S-Sorry!” pagalit kong bigkas habang matalim siyang tinitingnan.
Umangat ang kanyang kilay. “That’s not how you ask for forgiveness, Celeste.”
Umirap ako sa kanya at itinuon ang tingin sa harap. Nakita ko agad ang pagbabago ng langit. Naghahalo na ang kahel at dilaw at nagiging matingkad ang paligid na nasisinagan nito. Para bang may bababa sa langit kaya ganoon kaganda ang kulay na ikinasinghap ko.
“Ang ganda ng langit...” bigkas ko kaya unti-unti ring tumingin si Vincent sa langit.
Kinuha niya ang kanyang cellphone palabas at kinunan iyon ng picture. Sumilip agad ako sa kanyang kuha at namangha lalo na’t ang ganda no’n.
“Oh...” Ibinigay niya sa akin ang kanyang cellphone para hawakan ko.
Kinuha ko agad at muling itinapat sa langit para kunan iyon.
“Ang ganda ng sunset!” muli kong bigkas at ipinakita sa kanya ang aking kuha.
Tumango siya kaya ngumiti ako at nawiling gamitin ang kanyang cellphone. Noong mapagod kakakuha ay tiningnan ko rin iyon sa gallery. Isa isa ko iyong tiningnan hanggang sa bigla kong nalipat sa picture nila ni Charm.
Tiningnan ko iyon sa kuryosong paraan. Nakangiti si Charm habang nakaakbay si Vincent at nagtatago ng kaonti sa likod ni Charm ngunit nakikita ang kalahati niyang mukha.
“Bagay kayo...” wala sa sarili kong sambit.
Katulad ng sunset, maganda rin silang tingnan dalawa.