20

2156 Words
Hindi rin naman nagtagal si Vincent sa bahay at nagpasya ring umuwi. Medyo gumaan ang aking pakiramdam kahit papaano at muling nawala ang nararamdaman ko kaya malaya na ulit akong bumalik balik sa kanilang bahay.  “Huh? Nakipaghiwalay si Vincent kay Charm?” gulat kong tanong kay Dira nang makwento niya na hiwalay na nga sila.  Tumango si Dira. “Oo... ‘Yung hindi ka pumupunta rito. Nagbreak na sila.”  Nagloosen ang aking balikat. Kung kailan pakiramdam ko ay susubukan kong makipagkaibigan kay Charm, doon ko pa nabalitaang wala na sila.  “Bakit daw?” tanong ko kay Dira na abala sa pagsusuklay sa aking buhok.  Nagkibit siya. “Di nga rin namin alam eh. Maayos naman sana sila. Pero ewan ko kay Kuya. Sabi na’t hindi siya matino mag-isip.”  Pilit kong inisip ng mabuti ang maaaring dahilan sa kanilang hiwalayan ngunit wala rin akong maisip lalo na’t wala rin naman akong ideya sa lovelife ni Vincent. Ngunit may parte sa akin ang medyo guilty dahil aminado akong hindi ko napakitunguhan ng maayos ang kanyang girlfriend.  Bumaba rin naman kaming dalawa ni Dira para panoorin ang construction ng pool lalo na’t mukhang malapit na iyong matapos. Nagtalunan kaming dalawa ni Dira lalo na’t excited kaming maligo roon.  “Bakit? Marunong ka bang lumangoy?” Biglang sumulpot si Vincent at inihilig ang kanyang kamay sa aking balikat.  Nabigatan agad ako sa kanyang kamay kaya inalis ko iyon ngunit nagawa niya pang inilipat sa ibabaw ng aking ulo para doon humilig.  “Kuya naman! Iinisin mo na naman si Cee! Iinit na naman ang ulo n’yan!” Pinilit ni Dira na itulak si Vincent ngunit hindi niya ito matinag.  Ngumisi si Vincent at kinurot ang aking pisngi. Iritado ko siyang itinulak palayo. Ngayon na single na siya ay marami na naman ata siyang oras na mang-inis.  Hindi ko tuloy alam kung alin ang mas maganda. Kung single ba siya o iyong may girlfriend. Pero kahit na wala na siyang girlfriend ay ayoko pa ring umamin na palihim ko siyang happy crush ko. Kahit siguro lumaki na ako ay hanggang doon pa rin ang pagtingin ko sa kanya. Hindi na iyon lalagpas pa sa linya.  Sa sumunod na araw ay nagtaka na lamang ako nang yayain ako ni Dira na may lakad daw kami. Wala akong ideya kung saan kami pupunta ngunit kasama naman namin ang kanyang Mommy at si Vincent.  “Saan ba tayo pupunta?” bulong ko kay Dira.  “Sa Mall. Bibili ng school requirements,” bulong niya pabalik na ikinagulat ko.  “Sa Mall? Eh meron naman sa bayan. Ang mumura nga roon. Nakabili kami ni Mama noong nakaraang araw,” kuwento ko.  “Talaga? Kaso hindi naman safe doon eh... Walang security,” ani Dira na ikinangiwi ko.  Hindi nga lalo na’t may ibang nasa bangketa lamang at ang iilan pang paninda ay nasa gilid lamang ng kalsada. Kaso sabagay, ang hilig din kasi ng mayayaman sa Malls talaga. Gusto nila iyong aircon ang loob at magaganda ang naka display.  Patingin tingin ako sa labas ng bintana. Ang kanyang Mommy ay abala sa cellphone at mukhang may ginagawa roon habang nakasuot ng puting coat at ang mamahaling bag sa kanyang kandungan habang si Vincent ay nasa front seat at tahimik na nakikinig sa kanyang earphone.  Kami lamang ni Dira ang medyo maingay lalo na’t nagtuturuan kami ng kahit anong nakikita sa labas ng bintana. Hindi naman din kasi ako madalas makalabas ng ganito ka layo maliban sa kanilang bahay kaya medyo namamangha ako.  Hindi ko alam kung nasaang parte na kami ngunit sigurado akong masyado iyong malayo sa baryo. Nalaglag agad ang aking panga nang makita ang Mall na kanilang tinutukoy. Malaki ito at parang isang museum kung tingnan.  Pagkababa ay nagawa pang pitikin ni Vincent ang aking noo lalo na’t hindi ko na ata matikom ang aking bunganga na nalalaglag.  Pumasok kami sa loob ng tuluyan. Medyo kabado pa ako noong dumaan sa entrance lalo na’t hindi ko alam ang gagawin. Chineck lamang ang aking katawan at hinayaan din akong makapasok saka kami naghagikhikan ni Dira.  “Huwag kayo masyadong lumayo sa amin ni Vincent,” ani Tita na kapwa namin ikinatango.  Pinandilatan din kami ng mga mata ni Vincent kaya hindi tuloy kami makapaglakad ng maayos ni Dira lalo na’t iniiwasan pa namin ang kanyang matalim na titig.  “Kuya, ice cream!” Nanghingi si Dira ng barya sa kanyang kapatid lalo na’t may nadaanan kaming nagtitinda ng masasarap na ice cream.  Dumukot si Vincent sa kanyang bulsa at binigyan kaming dalawa ni Dira kaya bumili agad kami. Kapwa namin pinili iyong nasa waffle cone at d-in-ip pa iyon sa chocolate kaya aliw na aliw kami ni Dira at iyon ang aking kinakain habang hawak kamay na naglalakad.  “Finish your ice cream. Papasok na tayo sa Department,” ani Vincent at namulsa kaming tiningnan.  Naunang matapos si Dira lalo na’t kanina niya pa iyon sinisimulang kainin habang ako ay manghang mangha pang tumititig at nakokonsensyang kumagat kaya ako itong nahuli.  “Hindi ko na maubos!” reklamo ko at ibinigay iyon kay Dira ngunit bago niya pa tanggapin ay kinuha na ni Vincent ang aking pulso at iginiya ang aking kamay para maisubo sa kanyang bibig ang cone.  Kumurap ako lalo na’t medyo nagulat din ako sa kanyang ginawa ngunit hindi ko nalang din pinansin lalo na’t hinila na ako ni Dira papasok sa Department.  “Kumuha kayo ng tig iisang basket ni Celeste, Dira. Piliin niyo ang mga gusto niyo,” sabi ni Tita na ikinatango ni Dira.  Medyo nagdadalawang isip pa ako noong una at tumanggi kay Dira lalo na’t tapos na akong mamili ng aking mga gamit ngunit nagpumilit pa rin siya at baka may magustuhan daw ako. Sa huli ay wala akong nagawa.  Abala rin si Vincent sa pamimili ng kanyang gamit at nakikita kong may nailalagay na siya sa kanyang basket. Kadalasan sa kanyang pinipiling school supplies ay kulay itim. Si Dira naman madalas iyong may unicorn at pastel ang kulay na makakapal na notebooks at may sariling cover pa.  Ang lalayo ng mga iyon sa nabili ni Mama sa akin ngunit iyon din ang balak kong gamitin lalo na’t galing pa iyon sa kanyang sweldo. Cute naman ‘yon since tumulong din si Mama sa pamimili. Kaya ang ginawa ko ay namili lamang ako ng isang notebook na pwedeng ipamalit kung sakaling naubos na iyong ibang page sa kakasulat.  “Ba’t isa lang ‘yan?” puna ni Vincent nang napansin niyang isa lamang ang aking inilagay.  “Eh gusto ko isa lang. Meron na akong gamit sa bahay ‘no. Nabili ni Mama sa tiangge. Magaganda rin naman ‘yon...” sabi ko.  Unti-unti namang kumalma ang ekspresyon ni Vincent.  “Maglagay ka ng ibang gamit na hindi niyo nabili ng Mama mo. Baka kakailanganin mo ‘yon sa klase,” aniya bago tuluyang umalis para lumipat sa ibang pasilyo.  Lumapit naman si Dira sa akin at ipinakita iyong cute eraser na kanyang napili. Binigyan niya ako ng isa para matchy raw kami. May mga unicorn pen din siya at nilagyan niya rin ng ganoon ang aking basket.  “Maganda ‘tong oil pastel para sa Arts,” sabi ni Dira at inihulog din ang isang kahon sa aking basket.  Oo nga ‘no... Wala kaming nabili ni Mama para sa arts. Naalala ko paste nga lang ‘yong pinili ko eh kaya nagsama na rin ako ng glue.  Si Dira naman ay kung anu-ano na ang pinaglalagay sa kanyang basket at halos mapuno na iyon. Tumigil kami sa mga bags. Namilog ang aking mga mata lalo na’t stroller pa ang mga iyon at ang gaganda ng kulay at design.  “Ito akin! Unicorn!” aniya at hindi na alam kung paano iyon ipagkakasya sa kanyang basket.  Tiningnan ko ang presyo lalo na’t nakuryoso na ako kung magkano ang ganoong bag. Ngunit nang makita kong lagpas libo pala ay halos umurong ang aking kaluluwa na kahit ang paghawak no’n ay hindi ko na ginawa sa sobrang mahal.  “Ba’t ka nagugulat d’yan? Pumili kana,” ani Vincent na marahan pa akong binangga.  “Oo nga, Cee...” si Dira naman.  Umiling agad ako. “Uh... May magagamit pa naman ako. Iyong pinaglumaan ko noong Grade 3. Ayos pa ‘yon,” sabi ko ngunit tanging kunot lamang ng noo ang ibinigay ni Vincent sa akin.  Nagulat na lamang ako nang nilapitan niya na ang stroller na nagawa kong tingnan ang price kanina at iyon ang kinuha.  “Huwag na nga!” giit ko lalo na’t ang mahal pa naman.  Hindi nagpatinag si Vincent at kahit ata ay pigilan ko siya ay hindi na magbabago ang kanyang isip. Tumawa si Dira at sinabihan akong ayos lamang iyon para magkatulad kami ng stroller. Iyon nga lang ay unicorn sa kanya na kulay violet habang butterfly akin na kulay pink. Ang ganda ganda no’n at parang ang hirap niyang gamitin dahil baka madumihan o masira agad.  Wala na akong masyadong inilagay sa aking basket lalo na’t ayoko na ring magdagdag pa dahil sa sobrang mahal ng bag na pinili nila para sa akin ay nahihiya na ako. Pagkatapos naming mamili ay pinacounter na iyon ng kanyang Mama at inutusan na lamang ang driver na ipasok sa kotse.  Pumunta kami sa second floor at doon naman sila namili ng pwedeng bilhin na damit. Puro plain white tshirt ang napansin kong pinagkukuha ni Vincent habang si Dira ay napapadpad naman sa mga shoes area. Nagsusukat siya roon at tinulungan ko siyang mamili ng kanyang sapatos.  “Pili ka rin, Cee...” alok niya nang mapansing wala na naman akong pinipili.  Nagkamot na talaga ako ng batok. “Huwag na. Ang mahal na no’ng bag eh. At may luma pa naman akong sapatos...” paliwanag ko.  “Choose, Celeste. It’s fine,” ani Tita nang marinig ako at ngumiti pa sa akin.  Ngumuso ako at nahihiyang iginala ang tingin sa mga nakahelerang sapatos hanggang sa si Dira na ang naglapag ng kahit ano sa aking paanan at pinapasukat sa akin ang bawat isa hanggang pumili rin ako sa huli. May matching socks din kaming pinili at kahit water jog ay magkaparehas din kami.  “Ano kayo kambal tuko?” puna ni Vincent nang mapansin ang aming pinagpipili.  “Inggit ka lang. Kung hindi sana kayo naghiwalay ni Ate Charm edi may ka matchy ka sana.” Si Dira na binelatan pa siya.  Umismid si Vincent. “Tss.”  Mukha namang hindi siya affected sa kanilang break-up. O baka naman patago siyang umiiyak. Siguro ay hiniwalayan siya ni Charm dahil nalaman nitong masama ang kanyang ugali minsan? O kaya ay nakahanap na agad ng iba si Charm kaya iniwan niya na si Vincent? Pero gano’n ba talaga ‘yon? Ang bilis naman ata. Nagpacounter ulit kami at muling inutusan ni Tita ang driver na ilagay sa kotse ang mga pinamili saka kami nagpasyang kumain. Si Dira rin ang nagdesisyon lalo na’t ang sabi ko ay kuryoso ako sa Jollibee  dahil madalas ko siyang napapanood sa tv. Kaya noong nakita ko ay medyo nagulat ako na nasa malls pala siya.  “First time mo sa Jollibee, Celeste?” Nangingiting tanong ni Tita.  Tumango ako. “Opo... Pati po sa Mall,” pag-amin ko na ikinanguso ni Vincent at kinagat pa ang labi para hindi lumandas ang ngisi sa labi kahit halata namang pinipigilan niya.  “Oh... Hayaan mo at sa susunod ay marami pa tayong papasyalan,” ani Tita na ikinanguso ko.  Gusto ko tuloy makapagtapos na agad ng pag-aaral at magkaroon ng pera para maipasyal ko si Mama sa ganito ka gandang lugar. Ngunit masyado rin naman kasi siyang tutok sa pagt-trabaho! Ang busy busy niya. Ikukwento ko ito sa kanya nang magkainteres din siyang mamasyal kami sa mga ganito kung may sapat na kaming pera.  Natuon din naman ang aking atensyon sa pagkain lalo na’t iyon ang unang beses na natikman ko ang kanilang pagkain. Kaya pala pinapalabas sa tv dahil ang sarap sarap. Paborito ko na ata ang kanilang chicken joy at spaghetti. Ang sarap din ng kanilang ice cream at tinuruan pa ako ni Dira na i dip daw ang fries sa sundae ‘tsaka kakainin. Noong sinubukan ko ay ang sarap nga!  “Try mo rin ibuhos sa kanin mo ‘yung gravy, Cee! Ang sarap promise!” aniya na agaran kong ginawa at namilog ang mga mata nang tikman iyon.  “Oo nga! Masarap!” sabi ko sabay hagikhikan.  Nahuli ko ang pagngiti ni Vincent at nailing na lamang sa pinaggagawa namin ni Dira.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD