21

2127 Words
Nagsimula rin naman ang pasukan. Maraming estudyante sa school. Wala akong gaanong kilala ngunit noong makita ko si Janna na isa sa aking mga kaklase ay natuwa ako. “Janna!” Kinawayan ko siya sa sobrang excitement. Napalingon siya sa akin habang tahimik na nakaupo sa kanyang desk. Nang magtama ang aming mga mata ay dahan dahan niya ring iniwas, tila ba hindi niya ako kilala o ano. Ang aking ngiti ay unti-unting napawi at naalala ang sinabi ni Rina sa akin noong makasalubong ko siya habang namimili sa bayan. Galit sila sa akin at gusto na nila akong iwasan dahil hindi na nila ako kaibigan. Kaya ngayon na nagpapanggap siyang hindi ako kilala ay medyo maliwanag na sa akin na ayaw na nila akong kaibigan. Naging tahimik ako sa aking upuan dahil doon. Wala akong ni isang kakilala ngunit sinusubukan kong ngumiti sa bawat nakakasalubong ng aking mga mata. Pumasok ang aming adviser kaya nagkaroon ng pagpapakilala isa isa sa harap. Medyo nahihiya ngunit sinikap kong tapangan ang aking boses at ngumiti. Maayos naman ang kinalabasan at gumaan din ang aking loob pagkatapos. May isa pang guro ang pumasok bago tuluyang sumapit ang recess time. Nakita ko ang pagkakaroon agad ng kaibigan ni Janna. Dalawa na ang kanyang kausap at naghahagikhikan sila. “Mukhang pamilyar ka,” sabi ng isa sa kanila nang dumaan sila sa aking inuupuan. Medyo nabuhayan ako ng loob at ngumiti ngunit bago pa makasagot ay nasira na ang ekspresyon ni Janna. “Tara na... Gutom na ako,” yaya niya kaya medyo naalis ang atensyon sa akin at lumabas din naman sila. Natutop ang aking bibig at sinundan sila ng tingin. Bumuntong ako ng hininga. Pakiramdam ko tuloy ay hindi agad ako magkakaroon ng ka close dahil sa nangyayari. Parang sinusubok ko pa lang ay hindi na agad iyon natutuloy. Noong lunch time na ay kanya kanya na silang labas habang ang iba naman ay bumubuo ng grupo at sabay sabay silang kumakain. Nakita ko si Janna na lagpas na sa lima ang kanyang kasama at maingay silang lahat habang nagtatawanan. Kinagat ko ang aking labi at binuksan ang aking lunch box para kumain na rin. Kung hindi siguro kami nag-away ay baka isa ako ngayon sa kanyang grupo... Kaso wala na rin akong magagawa kung galit siya sa akin. Baka sa susunod na araw ay may iba pa akong makikilala at magiging close. “Hindi ba’t taga baryo niyo siya, Janna?” Narinig ko ang bulong ng isa sa estudyante na nasa kanyang grupo. “Oo. Kaso masama ang ugali niyan,” narinig kong sabi ni Janna. Yumuko ako at tahimik na ginalaw ang aking pagkain. Kinagat ko ang aking labi lalo na’t ramdam ko ang kanilang tinginan sa akin. “Sayang ang ganda pa naman ng mga gamit niya. Parang mayaman...” “Anong mayaman. Eh ginagamit niya lang ‘yung mayamang taga sa amin para mabigyan siya ng mamahaling gamit. Gusto nga sana naming makipagkaibigan doon kaso ayaw niya dahil akala niya aagawan namin siya,” si Janna sa iritadong boses. “Ano ba ‘yan. Mukha pa naman siyang mabait ‘yon pala manggagamit...” Isa sa aming kaklase na nailing. “Ang basura naman pala ng ugali,” dagdag pa ng isa sa kanila saka sila nagtawanan. Parang isang alaala ang nagbalik sa akin ang kanilang usapan. Saglit akong natigilan habang pilit pang pinoproseso ang lahat. Nakakapanghina. Nanliliit ako at pakiramdam ko ay hindi na ako magkakaroon ng kaibigan sa buong taon. Magiging mag-isa lang ata ako. Ang excitement na naramdaman ko sa unang klase ay napawi at nararamdaman ko agad ang pagod. Iyon ang naging rason kaya nagiging tahimik ako madalas sa aking silya at magsasalita lamang kung kakausapin. “Kumusta ang first day, anak?” sabik na tanong ni Mama nang matagpuan niya ako sa mesa na may mga notebook na inaatupag. Ngumiti ako kahit alam ko namang walang magandang nangyari sa aking araw bukod sa maagang natapos ang klase. “Ayos lang naman po. Masaya naman kahit papaano,” sabi ko. “Talaga? Eh nagkaroon ka ba agad ng kaibigan? Naku ikaw pa eh napaka ingay mo kahit saan ka ilagay.” Natatawang sabi ni Mama. Tumawa rin ako lalo na’t iyon din ang akala ko. Na magkakaroon agad ako ng kaibigan lalo na’t likas naman sa akin ang pagiging friendly. Hindi naman ako masyadong mahiyain ngunit sa nangyayari ay parang unti-unti akong nawawalan ng lakas na makipag-usap sa kahit sino. Sa aking mga narinig, parang ayaw ko nalang agad makipagkaibigan sa kanila. “Nagkakahiyaan pa po pero siguro sa mga susunod na araw ay magiging close na kaming lahat,” sabi ko, hindi na kinwento ang buong nangyari sa aking araw dahil baka maisip ni Mama na nahihirapan na agad akong makisalamuha. Siguro naman ay masasanay rin ako kung mag-isa lamang? May iilan naman na mababait pero iyon nga lang ay sa tuwing nakakausap nila si Janna ay parang nagbabago na agad ang tingin nila sa akin at nauuwi sa pag-iwas sa akin. Para akong may nakakahawang sakit sa klase at lahat sila ay dumidistansya. Tuwing lunch ay lumalabas na rin ako at naghahanap ng spot na kung saan ay malaya akong makakakain nang walang naririnig na kahit ano sa aking mga kaklase. Umiiwas din ako sa grupo ni Janna lalo na’t halos silang lahat ay ayaw ata sa akin. “Ang aarte ng mga classmates ko!” natatawang kuwento ni Dira sa akin nang magtungo ako sa kanilang bahay noong sumapit ang Sabado. Wala akong maikwento sa kanya dahil wala namang nangyaring maganda sa first week ng pasukan. Mukhang maganda ang takbo ng school ni Dira at nagkakaroon agad siya ng friends samantalang ako ni isa ay hirap pang makakuha. “Wala kang naka close?” tanong niya nang mapansin ang aking katamlayan. Umiling ako. “Wala eh. Ayaw ata nila sa’kin... Basura raw ang ugali ko,” sabi ko at natawa ng hilaw. Namilog ang mga mata ni Dira. “Huh? Anong Basura ang ugali mo? Why are they so mean!” Napatayo siya sa iritasyon. Bumuntong ako ng hininga at humilig sa mesa. Kung hindi lang may tumabi sa akin at pinitik ang aking ilong ay hindi makukuha ang aking atensyon sa pagtitig sa kawalan. “Aray!” sininghalan ko si Vincent na namulsa sa kanyang khaki shorts. Unti-unting kumalma ang aking ekspresyon nang makitang clean cut na ang kanyang buhok. Mas maaliwalas siyang tingnan at mas lalong gumwapo ngunit ang sungit pa rin tingnan. “Inaaway ka roon?” tanong niya at nag-angat pa ng kilay. “Oo Kuya! Sinasabihan nila na basura raw ang ugali ni Cee!” nayayamot na sumbong ni Dira habang nakapamaywang. Bumuntong ako ng hininga at muling humilig sa aking mga kamay. Ibinalik ko ang tingin sa kawalan. Wala na akong magagawa kung ganoon ang tingin nila sa akin. Hindi ko rin agad iyon mababago. Ano namang gagawin ko? Magpa-impress? Kunin lahat ang kanilang loob? Magpasikat? “Baka naman nagpapaapi ka roon kaya ka nila inaapi,” si Vincent sa iritadong tinig. “Eh wala nga akong ginagawa. Tahimik lang naman ako. Alangan awayin ko sila isa-isa...” paghihimutok ko. “Kung aawayin ka nila at kinakalangan mong protektahan ang iyong sarili edi awayin mo rin,” sulsol niya na ikinaismid ko. Tumawa naman si Dira. “Yes! Kuya is right! Show them you’re gonna fight back!” Bumuntong ako ng hininga at umiling. Hindi na ‘yon kailangan. Masasanay rin naman ako sa ganito. Na wala akong kaibigan ni isa. Kaysa naman manlimos ako ng atensyon sa kanila. Sapat na ‘yong nag-aaral ako ng mabuti at nakikinig sa klase. Kaso ang hirap din na wala kang ka close. Ang hirap na sinusubukan mong magkaroon ng kahit isa man lang ngunit wala talagang gustong makipagkaibigan sa’yo. Para lamang akong hangin. Parang bula na hindi nila napapansin. Tuwing Sabado ay gumagaan na lamang ang aking pakiramdam sa tuwing naroon ako sa bahay nila Dira. Medyo natutuwa rin ako lalo na’t nagtatanong si Vincent sa aking araw sa school at nagkukwento ako ng kaonti. Nakwento naman ni Dira sa akin na ang popular niya raw sa kanilang school at marami agad nagbibigay ng love letters kay Vincent. “Ang cute ni Nicole, Kuya. Crush ka rin ata no’n. Tinanong niya kasi kung Kuya ba kita. Itatanggi sana kita kasi nakakahiya ka kaso nahulaan niya agad dahil sa apelyido ko.” Humagikhik si Dira. Umismid lamang si Vincent. “Cute ba ‘yon?” Kapwa kami napangiwi. Ang pangit talaga ng ugali nito. Ba’t may iba na sukdulan ang pagkakamangha sa kanya. Buti itong akin ay mababaw lamang at nakikita ko pa rin ang pangit niyang ugali hindi gaya sa iba na bulag na ata. “Kunwari ka pa tapos ‘yon na pala ulit ang girlfriend mo,” tukso ni Dira at ngumisi pa. Ngumuso rin ako. Binasa naman ni Vincent ang labi habang umiiling. Tiningnan niya ako at pinitik ang aking noo kaya nasira agad ang aking ekspresyon. “Baka ikaw may crush kana ha. Sino ‘yan nang masuntok ko.” Banta niya. Namula agad ako lalo na’t siya ang happy crush ko ngayon. Nang mapansin niya iyon ay mabilis niyang inilapit ang mukha sa akin, na para bang mababasa niya ang aking iniisip kung ganoon siya kalapit. Naasiwa agad ako at tinulak siya ngunit hindi nagpatinag si Vincent. “Namumula.” Saka niya hinawakan ang aking pisngi na para bang may binubura roon para klaruhin ang aking pamumula. “Sino ‘yan?” “W-Wala ‘no!” giit ko at pilit iniiwas ang tingin sa kanya. “Anong wala? Parang meron kanang crush ah. Pulang pula ka oh...” “Wala nga.” Iritado kong sabi. “Sino?” ulit niya sa makulit na paraan. Ngumisi si Dira. “Gwapo ba, Cee? Kaklase mo lang?” Mas lalo tuloy nanliit ang mga mata ni Vincent sa akin at naging grabe lamang ang kanyang titig. Para bang nagduda siya lalo dahil sa pinagsasabi ni Dira. Eh wala naman akong napapansin na kagusto gusto sa aking mga kaklase. Dugyot nga ‘yung iilan at may iba naman na tahimik lamang ngunit kadalasan sa kanila at halos buong estudyanteng lalake ata sa school ay walang panama kay Vincent. Pag tumabi sila sa kanya ay magmumukha silang tingting na mababali na ano mang oras. Ang tangkad kaya ni Vincent. Ang linis niya na ngang tingnan, medyo kaputian pa, maganda pa manamit at parang laging mabango. Hindi gaya noong mga kaklase ko na parang iyong mga baboy sa commercial na nagtatampisaw pa ata sa putikan at naghahabulan sa damuhan. Ganoon ang naiimagine ko sa kanila dahil puro pa paglalaro at kadugyutan ang alam. “Huwag na muna ‘yang crush crush. Baka magboyfriend ka nalang bigla ha.” Sabay pitik ulit ng aking noo. Iritado kong tiningnan si Vincent lalo na’t wala naman talaga akong nagugustuhan sa school lalong lalo na sa aking mga kaklase. Eh anong aaminin ko na siya ang happy crush ko? Baka pagalitan niya lamang ako at walang sawa akong asarin kung sakaling namalan niyang siya pala iyon. Ayoko nga! “Hindi nila ako magugustuhan ‘no...” sabi ko at umirap. Inakbayan niya ako at ginulo ang aking buhok. Nagpumiglas ako sa pagkakaipit niya sa akin lalo na’t buhaghag na nga ang aking buhok, mas lalo niya pang guguluhin. “Ano ba!” “Mabuti na ‘yang hindi ka nila magustuhan nang wala akong problema,” aniya. Ngumiwi ako. Kahit ano ano nalang talaga iyang sinasabi niya. Eh akala mo rin naman talaga na magkakaroon agad ako ng boyfriend eh hirap pa nga ako sa kaibigan ngayon tapos boyfriend pa kaya? “Pag may boyfriend kana ipakilala mo sa akin ha... Ipapakilala ko rin sa’yo ang akin,” ani Dira at humagikhik kaya ang talim na ng tingin ni Vincent sa amin. Ngumisi ako at tumango para maasar namin ito. Nang nagtangka siyang ipag-untog kami ay natatawa na kaming umalis ni Dira sa upuan at tumakbo para makalayo sa kanya. Nagtungo na lamang kami sa pool area at pinanood ang ginagawa nilang paglalagay na ng tubig doon. “Pwede na tayong maligo riyan bukas!” excited na hiyaw ni Dira. “Tapos imbitahan natin ang friends natin para sa isang pool party!” Medyo hindi ako nakasagot lalo na’t wala naman akong kaibigan na madadala kung sakali man. Hindi ko alam kung malulungkot ba ako sa aking buhay o tatanggapin na lamang na kaya ko namang mag-isa, na pwede namang si Dira na lamang ang kaibigan ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD