Mariin ang tingin sa akin ni Vincent. At sa tuwing tumatagal ang kanyang paninitig ay mas lalo lamang nanlalabo ang aking mga mata dahil sa luha. Iritado kong hinila ang aking kamay para punasan ang aking luha ngunit muli niya na akong hinila papasok ng bahay.
Kinagat ko ang aking labi para hindi tumakas ang hikbi sa aking labi. Alam ko naman na mababang uri sa mayayamang tao ang katulad naming kapos sa buhay at nagmumukha kaming dukha pero ang sakit na nasampal iyon sa akin, na wala akong lugar sa mundo ng mga mayayaman.
Eh hindi ko naman iyon sinasadya. Natangay lamang ako sa aking pagsasaya at wala akong planong banggain siya. Pero ganoon ba talaga sila sa mga katulad namin? Purket marami silang pera ay kaya na nila kaming maliitin dahil wala kaming pangtapat sa kanilang yaman? Dahil lamang sila ang nakakaangat ay titingnan na nila ang katulad ko na parang dumi lamang?
Hindi ko na napigilan ang aking hikbi at tumatakas na iyon sa aking bibig. Tumigil si Vincent sa panghihila sa akin at ipinaupo ako sa isang malambot na sofa. Doon ko napagtantong nasa sala na pala kami.
Gamit ang dalawang kamay ay pinalis ko ang aking mga luha. Nag-uunahang tumulo iyon at kahit ayaw kong mag-aksaya ay ang hirap pigilan. Ang sakit sakit ng aking nararamdaman.
“The medicine kit, Manang,” si Vincent sa malamig na tinig na ikinarinig ko agad ng pagmamadaling yapak, siguro ay sinunod agad ang kanyang utos.
“D-Dahil lang ‘to sa sugat ko...” dahilan ko sa aking iyak habang kinukusot ang mga mata.
“Tsss. Give me your hand,” si Vincent na hinawakan na ang aking pulso.
Hindi ko alam kung masyado ba akong mahina kaya mabilis niyang nabawi ang aking kamay na kinukusot ang isa kong mata. Unti-unti akong dumilat. Nakita ko siyang nakayuko at magkasalubong ang kilay, tila may ikinakagalit.
“Sobrang sakit ba?” tanong niya sa medyo marahan ngunit nasa mga mata ang galit.
Tumango ako at gustong ibalik ang aking kamay sa pangkukusot sa aking mga mata ngunit mariin ang kanyang hawak sa aking pulso at ayaw iyong bitiwan.
Dumating ang katulong na may dalang medicine kit. Agarang sinimulan ni Vincent ang aking kamay habang pinipilit kong pigilan ang sarili na humikbi lalo na’t panay angat ng aking balikat kakaiyak.
Maingat niyang ginamot ang sugat sa aking palad.
“Tell me if it hurts,” aniya.
Pumikit akong muli lalo na’t sobrang sakit ng aking nararamdaman. Ayokong aminin sa kanya na hindi naman ang sugat ang aking iniiyakan at ayoko ring pag-usapan ang nangyari dahil nanliliit ako lalo sa aking sarili.
Maya maya ay nagmartsa naman patungo si Dira sa amin, galit ang ekspresyon at agarang humalukipkip sa gilid ni Vincent.
“Pag nalaman kong iniimbita mo ‘yon dito sa susunod na party ay magagalit na ako sa’yo, Kuya. Gusto ka pa naman no’n!” si Dira sa nagbabagang tingin.
Binasa ni Vincent ang labi lalo na’t natatanaw ko rin ang munting galit sa kanyang mga mata na pilit niya lamang kinukubli. Hindi ko alam kung para saan ang galit na iyon. Kung dahil ba nakakaabala pa ako sa kanyang kaarawan at nakagawa ng nakakahiyang eksena o ano.
Muli akong pumikit at pilit pinapatahan ang sarili. Umuga ang sofa at hinaplos ni Dira ang aking likod.
“Tama na, Cee...” malambing niyang sabi at ramdam ko ang sakit sa kanyang tinig.
Mas lalo lamang iyong nagtulak sa aking mga luha. Pakiramdam ko ay kinukurot ang aking puso at kaonting kalabit lamang sa akin ay mas lalo akong maiiyak. Humagulhol ako lalo.
“G-Gusto ko ng umuwi...” hikbi ko at gustong bawiin ang kamay ngunit ayaw ring bitiwan ni Vincent.
“Ihahatid ka namin pero gagamutin muna natin ang sugat mo,” si Vincent sa nagpipigil na boses.
Narinig ko ang munting hikbi ni Dira sa aking gilid. Niyakap niya ako kaya naramdaman ko ang basa niyang mukha sa aking balikat lalo na’t sleeveless dress ang aking suot.
“Tama na...” bulong niya at walang sawang hinahaplos ang aking likod, na magpapatahan iyon sa akin.
Siguro ito ‘yung karma ko dahil naging masama ako kay Vincent noon. Siguro ito na ‘yong sabi ni Mama na napaparusahan ang masasamang bata at higit na sakit ang iyong mararamdaman pag may ginawa ka sa kapwa mo. Ito na siguro ‘yon... Hindi lamang sugat ang aking natamo at pangmamahiya rin ang aking nakuha.
Hindi ko alam kung ilang minuto akong umiiyak. Natapos ng gamutin ni Vincent ang aking palad at may bandage na iyon. Binigyan niya ako ng tubig para inumin ko iyon. Sinunod ko ang kanyang gusto. Tumatahan na rin si Dira ngunit mapapansin mo na galing ito sa iyak dahil basa ang kanyang mga mata.
“Uuwi kana?” tanong ni Vincent nang makita niyang kumakalma na ako ng kaonti.
Tumango ako lalo na’t masyado na rin akong nahihiya para manatili pa rito. Nakita ko lahat ng tinginan sa akin ng mga bisita. Nakita ko sa kanilang titig kung gaano ako kaliit sa kanilang mga mata.
“Sasama ako...” si Dira na nakayakap pa sa akin.
“Dito kana. Baka hanapin tayo ni Mommy pag nawala tayong dalawa,” si Vincent.
Sumimangot si Dira habang tumatayo na ako, gustong gusto na lamang maglaho sa kanilang bahay at umuwi. Ayoko na rito. Gusto ko ng makauwi.
Nahihiya man lang akong magpaalam kay Tita at Tito kaya pinasabi ko nalang kay Dira na uuwi ako ng maaga. Ayoko ring magpakita dahil baka umiyak lamang ako sa kanilang harap sa oras na tingnan nila ako.
Sa likod kami dumaan ni Vincent lalo na’t naroon din ang kanilang garahe. Binuksan niya ang front seat at pinapasok ako roon. Sinundan ko siya ng tingin saka siya umikot patungong driver’s seat. Medyo nagtaka ako kung wala ba kaming isasamang driver ngunit nang pinaandar niya ang kotse ay kumurap na ako.
Marunong na siyang magdrive? Pero fifteen pa siya ah? Gusto ko sanang magtanong sa bagay na iyon ngunit hindi ko na lamang ginawa at tahimik na itinuon ang tingin sa labas ng bintana.
Naglalaro tuloy sa aking isip kung babalik ba ako sa kanilang bahay sa nangyari ngayong gabi. May mukha pa ba akong ipapakita? Sa sobrang kahihiyan kanina ay parang nabura na ang aking mukha.
Hindi ako kumibo at nakapirmi lamang ang aking tingin sa bintana habang mabagal na nagmamaneho si Vincent. Hindi naman ganoon ka layuan ang aming bahay at nalalakad ko nga lang ng mga ilang minuto pero kumakagat na ang dilim sa paligid at natatakot din ako lalo na’t kakahuyan pa ang aking dadaanan para makauwi sa amin.
“Don’t mind what she said...” narinig ko ang bulong ni Vincent.
Nagulat ako ng bahagya ngunit nagpanggap akong walang naririnig lalo na’t hindi ko rin alam kung ano ang isasagot sa bagay na iyon. Pilit kong kinakalimutan ang nangyari kanina at binubura iyon sa aking isipan ngunit tila kay hirap. Para bang nakaukit na iyon doon at hindi ko mabura bura.
“You’re not a trash. Kung meron mang basura sa inyong dalawa, iyon ay ang ugali niya,” galit niyang sambit.
N-Narinig niya pala iyon? Buong akala ko ay hindi niya iyon naabutan ngunit ngayon na binabanggit niya ay unti-unti na namang nanlalabo ang aking mga mata. Para na namang pinipiga ang aking puso. Tumakas ang luha na mabilis kong pinalis at hindi lumingon kay Vincent.
Narinig ko ang buntong hininga niya.
“Celeste,” tawag niya sa unang pagkakataon sa aking buong pangalan.
Nagdadalawang isip pa akong lumingon ngunit nahila rin ang aking mga mata. Nakita ko agad ang inilahad niyang malinis na panyo habang nasa kalsada ang mga mata at nagmamaneho gamit ang isang kamay.
Ilang sigundo ko pa iyong tinitigan kahit alam kong para iyon sa aking luha ay medyo kuryoso pa rin ako kung ano ang gagawin doon.
“Punasan mo ang luha mo,” ani Vincent sa magkakasalubong na kilay.
Kinuha ko agad iyon lalo na’t baka mabangga pa kami dahil isang kamay na lamang ang kanyang ginagamit. Ipinunas ko iyon sa aking mga mata. Naamoy ko agad ang kanyang pabango nang ipinunas ko rin iyon sa aking pisngi.
“Huwag mong dinidibdib ang mga ganoong sinasabi nila sa’yo dahil hindi ka naman ganoon,” aniya nang nilingon ako.
Gusto ko sanang itanggi na dahil lamang sa sugat ang aking iniiyak iyak ngunit pag nagsalita ako ay maiiyak lang ata akong muli.
Itinuon kong muli ang tingin sa bintana. Pilit ko nalang pinapakalma ang sarili. Nahihiya ako kay Vincent. Nahihiya ako sa kanilang pamilya. Nahihiya ako sa kanyang parents. At mas lalong nahihiya ako sa kanya. Kaarawan niya dapat iyon. Nagsasaya dapat siya ngayon doon ngunit heto siya sa akin at nadadamay sa aking nagawang gulo.
Hindi na ako magtataka kung galit siya. Hindi na rin ako magtataka kung hindi na ako welcome sa kanilang bahay. Kamuntik kong sirain ang party niya. Gumawa ako ng nakakahiya sa mismong birthday niya.
“Sorry,” daing ko ngunit humalo agad ang hikbi at nabasag ang aking boses.
Iritado kong pinunasan ang aking mukha habang palingon lingon siya sa akin.
“Sorry for what?” iritado niyang tanong.
“E-Eh sinira ko ang birthday mo!” giit ko habang pinapalis ang mga luha.
“What are you talking about? Hindi naman sira ang kaarawan ko, Celeste.”
Umiling pa rin ako dahil iyon ang aking nararamdaman. Ayaw niya lang sigurong sabihin sa akin pero parang ganoon ang nangyari. Gumawa ako ng kahihiyan.
Hindi na ulit ako umimik hanggang napansin ko ang pagp-park niya sa aming bahay. Hindi ko alam kung naroon na ba si Mama lalo na’t alam niyang matagal akong makakauwi ngayon at nabanggit niyang mago-overnight siya sa kanyang trabaho.
Bumaba ako. Hindi niya pinatay ang ilaw ng kanyang kotse at bumaba rin. Pumasok ako para silipin kung nandito na ba si Mama. Napansin ko agad na masyadong tahimik. Ibinalik ko ang tingin kay Vincent.
“S-Salamat. Sige, H-Happy birthday ulit...” bati ko at nag-iiwas ng tingin habang nasa may pinto.
Namulsa siya sa aking harapan at sumilip sa loob. Lumingon din ako sa likuran kung anong meron doon pero wala namang tao.
“Where’s your Mom?” tanong niya.
“U-Uh... Baka matatagalan siya ngayon kasi nabanggit niyang mag-oovernight siya sa trabaho. Hihintayin ko nalang baka maya maya ay nandito na ‘yon...”
Hindi agad siya nakapagsalita at ibinalik ang tingin sa akin. Nag-iwas ako ng tingin lalo na’t nahihiya na ako sa lahat lahat. Masyado na akong nakakaabala sa kanya eh kaarawan niya naman sana.
“Hindi mo man lang ba ako iimbitahin sa loob?” ani Vincent kaya nagulat ako.
“H-Huh? Eh naghihintay ang mga bisita sa’yo! Baka hanapin ka agad nila. Bumalik kana roon,” sabi ko.
“Hindi kita pwedeng iwan dito nang ikaw lang mag-isa. Hihintayin ko rin ang Mama mo at doon na ako aalis,” aniya.
Kumurap ako at umiling. Hindi naman na iyon kailangan lalo na’t sanay naman ako minsan na naiiwan sa bahay at hinihintay si Mama na dumating. Ngunit talagang nagpumilit si Vincent at gustong pumasok kaya wala akong nagawa kundi papasukin siya.
Mabilis akong tinubuan ng hiya nang mapagtantong malayong malayo ang malamansyon nilang bahay sa aming bahay. Masyado siyang mamahalin para sa loob. Ang linis linis niya at hindi siya nababagay sa de-kahoy na bahay.
Hinila ko ang mahabang upuang de-kahoy sa ilalim ng mesa para doon siya makaupo. Gumala ang kanyang tingin habang umuupo ng dahan dahan. Medyo nag-alala pa ako at baka madumihan siya. Hindi naman iyon marumi pero masyado siyang malinis tingnan.
“Where’s your father?” tanong niya nang tingnan ang frame na nakabit sa aming dingding.
“Ah... Nasa syudad at doon nagt-trabaho. Buwan na siyang hindi umuuwi eh,” sabi ko.
Marahan siyang tumango at itinuon ang tingin sa harap. Kinurot kurot ko ang aking daliri at hindi alam kung anong gagawin. Eh palagi kasi kaming nagbabangayan. Ngayon na kalmado siya at kakagaling ko pa sa iyak ay hindi ko tuloy alam kung paano siya pakikitunguhan pagkatapos ng kahihiyan kong natamo.
“Gusto mo ng tubig na malamig?” tanong ko at agad na nagbukas sa aming ref.
Umangat ang kilay ni Vincent hanggang unti-unting sumilay ang ngisi sa labi.
“Maamo ka naman pala minsan...”