"D-daddy, kinakabahan po ako."
Sabi ng batang si Feliza habang nasa backstage kasama ang ama at ang Yaya.
"Don't be, Princess, kaya mo 'yan. Always remember, you're very cute and smart, okay?" Masuyong sabi ng kanyang ama.
"Okay, Daddy. But your promise po ha? Kapag nakasama ako sa top five, bibilhan mo po ako ng kabayo."
Paalala niya sa ama.
"Hindi ko iyon nakakalimutan, princess. Galingan mo, alright? Nanonood ang Tito Jonathan at Tita Ninang mo. Sumama rin sina Manjoe at Joemar para
i-cheer ka."
Sumimangot si Feliza pagkarinig sa pangalan ni Manjoe.
"I hate Manjoe, Daddy. He told me, hindi raw ako mananalo sa Search for Little Miss Quezon City. Sabi din po niya pangit po ako."
Sumbong niya sa ama.
"That's not true, anak. Manjoe isn't that bad. Kaya nga siya sumama dito para mapanood ka and to give you moral support like her parents and brother. Don't be tensed, princess. Kaya mo yan okay?"
"Yes Daddy. Gagalingan ko po."
********
Ang laki ng ngiti ni Feliza habang naglalakad sa gitna ng stage para sa introductory part. May pakaway-kaway pa siya with matching flying kiss sa mga audience na naroroon. Iyan ang turo sa kanya ng kanyang Tita Ninang para maging darling of the crowd daw siya.
Ang lakas ng palakpak at cheer ng mga nanonood. Lalo na sa may bandang harapan kung saan nakapuwesto sina Manjoe kasama ang magulang at kapatid.
Taas noo si Feliza na tumapat sa microphone na naka-puwesto sa gitna ng stage.
Muli ay kumaway siya sa mga audience bago siya bumuwelo.
"Ang kokak ng palaka sa may sapa, matalinong bata, dangal ng bansa.
Ako po si Maria Feliza Azurin, 6 years old, mabu----"
Naputol ang sasabihin niya dahil biglang kumati ang ilong niya.
"Mabu---- Hachuuuu!"
She sneezed!
"ILONG RANGER! WAHAHAHAHAHA!"
Agaw eksena lang naman ang sigaw ng batang lalaking iyon na walang iba kundi si Manjoe na tumatawa pa rin. Natigil lang nang itakip ng inang si Meredith ang palad nito sa bunganga ng anak.
Rinig ni Feliza ang tawanan ng ibang manonood pero naalala niya ang reward ng kanyang Daddy sa kanya kapag nakasali siya sa top 5.
Kaya inilagay niya ang isang kamay sa isang side ng baywang niya at malakas na sumigaw ng
"Mabuhay! I love you all!"
Na sinundan ng matunog na flying kiss.
Sumigabo ang palakpakan hanggang sa makaalis siya ng stage.
"Good job, Princess! I'm so proud of you."
Sabi ni Adolfo sa anak at hinalikan sa noo si Feliza.
Ilang minuto pa ang lumipas bago tawagin ang mga batang candidates para sa talent portion.
"Always remember the stallion princess, okay? Keep in mind your reward para mas lalo mo pang galingan. Show to everyone that you're very talented and you deserve to win."
Encourage ni Adolfo sa anak.
" Yes Daddy. Gagalingan ko po
talaga."
Sabi ni Feliza na nakataas pa ang kanang kamay na parang nagrerecite ng Panunumpa sa Watawat.
"That's my girl. Prepare yourself now, princess. Ikaw na ang susunod na tatawagin."
Stallion. Stallion. Stallion.
Yan at yan ang paulit-ulit na sinasabi ni Feliza sa isip habang humahakbang patungo sa gitna ng stage para sa talent portion.
Nakasuot siya ng ginupit-gupit na crepe paper na ginawang palda at bra na crepe paper din. May bulaklak na nakaipit sa isang tainga, at may suot na pulseras na yari sa bulaklak ganun din ang kuwintas. Nakapaa lang siya.
Sa stage, habang ganado sa paghataw si Feliza sa sayaw na Pearly Shell, biglang natanggal ang costume (paldang yari sa crepe paper) niya. Kitang kita tuloy ng mga audience ang kanyang pulang panty niya.
Stallion. Stallion. Stallion.
Yan ang nag-eecho sa isip niya habang patuloy pa rin sa pagsasayaw without knowing na nalaglag na sa sahig ang costume niya.
"Alis ka na diyan payatot! Nakakahiya ka! Nakapanty kang nagpe-pearly shell!"
Tila natauhan naman si Feliza nang marinig niya ang sigaw ng kaaway niya. Sakto namang natapos ang tugtog at nahihiyang umalis siya ng stage.
"It's alright, princess. It's alright. Stop crying now. You did a great dance. Didn't you hear the loud cheering of the crowd? Napahanga mo sila." Sabi ni Adolfo sa anak.
"Ayuko na po Daddy. Nakakahiya po."
Sumisigok niyang sabi sa ama.
"You've gone this far, anak. Nakasali ka na sa top 10. After the Question and Answer portion, pipiliin na ang top 5. Who knows baka ikaw pa ang mag-uuwi ng title na Little Miss Quezon City."
Panghihikayat ni Adolfo. Ngunit nakasimangot pa rin si Feliza.
"So ayaw mo na ng stallion, princess?"
Nag-angat ng mukha si Feliza.
"Gusto ko po Daddy para matuto na po akong
mag-horse-back riding. I want my own horse po. Gusto ko po maging kagaya ko si Mickey Cojuangco."
"Wow! That's good, anak. Galingan mo sa pagsagot sa tanong okay?"
"Opo, Daddy. I will do my best po."
Confident na naglakad si Feliza sa gitna ng stage nang tawagin siya for the Q & A portion.
Female Host: Hi Feliza, how are you?
Feliza: Hello po. I'm fine. Thank you po. Ang ganda niyo po. Hi sa lahat ng fans ko. Muwah.
Male Host: How would you like me to address you? Masyadong mahaba ang Maria Feliza.
Feliza: My address po is Xavierville 1, Loyola Heights Quezon City.
Tumawa ang mga audience sa sagot ni Feliza ganun din ang dalawang host.
Female Host: Maria Feliza, heto ang tanong para sayo.
"Bakit ka sumali sa Search for Little Miss Quezon City?"
Feliza: Sumali po ako sa contest na ito kasi po cute naman po ako, matalino naman po ako at bibo naman po ako at talented naman po ako. Kapag nanalo po ako, hindi na po ako aawayin ni Manjoe kasi magiging sikat na po ako at bibilhan po ako ng Daddy ko ng Stallion. Salamat po. Bow."
Male Host: That's contestant number 13, Maria Feliza Azurin. Palakpakan po natin!
Niyakap ni Adolfo ang anak dahil sa sobrang tuwa matapos
i-announce ang mga nanalo.
"Congratulations, princess! I'm so proud of you! Little Miss Quezon City ang anak ko!" Tuwang-tuwang pinaghahalikan nito ang pisngi ng anak.
"Good job Feliza! Ang galing talaga ng inaanak ko. Pa-kiss nga, Princess."
Natutuwang sabi ni Meredith.
"Thank you Tita Ninang. Thank you din po Tito Ninong."
Binuhat ni Jonathan si Feliza.
Matapos ang ilang beses na picture taking ay tumuloy sila sa VIKINGS, (isang kilalang restaurant) para mag-celebrate.
"Ang galing ng sagot mo sa Q and A, ah. Sino ang nagturo sayo nun?"
Tanong ni Joemar ( kambal ni Manjoe). Magkatabi sila ng upuan ni Feliza.
"Thank you, Kuya Joemar. Si Tita Ninang ang nagturo sa akin."
Proud na sagot ni Feliza. Mabait si Joemar sa kanya kaya Kuya ang tawag niya dito hindi kagaya ni Manjoe na lagi siyang kinukutya. 4 na taon ang tanda ng mga ito kay Feliza.
"Mas magaling noong
nag-ilong ranger siya. Haha! Gusto niyo makita?"
Sabad ni Manjoe at inilabas ang videocam at ipinakita ang videong kinunan nito pati noong nagsasayaw ng PEARLY SHELL si Feliza.
"Manjoe, stop that!"
Saway ni Meredith sa pasaway na anak.
Agad namang itinago ni Manjoe ang videocam sa dala nitong backpack.
Nang matapos ang dinner, nilapitan ni Manjoe si Feliza.
"For you."
Sabi nito kay Feliza sabay abot ng isang box. Nababalutan ito ng gift wrapper at may ribbon pa.
"Ano ito?"
Atubiling tinanggap ni Feliza.
"Peace offering. Makakabuti yan sa 'yo. Buksan mo na lang pagkarating mo sa bahay niyo."
"Thank you!"
Masayang sabi ni Feliza. Hindi niya akalain na bibigyan siya ni Manjoe ng gift. Ngumisi lang si Manjoe pagkaraan saka tumakbo sa kinaroroonan ng kotse ng mga ito.
Sinunod nga ni Feliza ang sinabi ni Manjoe. Pagkarating ng bahay, binuksan niya agad ang gift. Laking tuwa niya nang makita ang laman ng box.
Nagtatakbo siya papuntang kuwarto ng Daddy niya nang masalubong niya ang Yaya Ana niya.
"Yaya, look! May candy ako. Binigay ni Manjoe. Tignan mo, Yaya mukhang masarap. Kakaiba po'ng candy." Masayang sabi ni Feliza.
"Hindi ito candy Feliza."
Sabi ni Yaya Ana.
"Eh ano po, Yaya.? Sabi ni Manjoe, peace offering daw po niya."
Umiling-iling si Ana.
"Antiox ito, Feliza. Iniinom ito ng mga batang may bulate sa tiyan."
Tinignan ni Feliza ang papel na hawak. Kasama iyon sa box.
Ang pangit ng penmanship parang kinalukay ng manok. Ipinabasa niya ito kay Yaya Ana.
IZANG,
ETO ANG PAMUKSA SA MGA ALAGA MO SA TIYAN. ISANG ANTIOX LANG, TIGOK MGA BULATE. WEHEHEHE.
MANJOE WAFU
Umatungal ng iyak si Feliza pagkaraan. Kakaibang PEACE OFFERING nga naman.