Tahimik akong umupo sa isang upuan na para lamang sa iisang tao samantalang magkatabi naman ang magkapatid sa mahabang sofa sa harapan ko. Si Leonor ay naka-upo lang sa kaniyang office table habang nakatingin sa amin. Walang sino man ang nagbalak na magsalita. Akala ko ba ay pag-uusapan namin ang mga bagay na bagay? Hindi ko naman inaasahan na nandito lang naman pala kami para magtitigan. Akala ko pa naman ay may mga impormasyon na akong malalaman. Huminga ako nang sobrang lalim bago tumikhim. Sabay naman napatingin ang mga ito sa akin kaya agad akong nagsalita, “Hindi ko alam kung ano ang gusto niyong mangyari pero nais ko lang sana ipaalala kung ano ang goal natin dito,”sabi ko at ngumiti sa kanila, “Nandito tayo upang magpalitan ng impormasyon tungkol sa mga nangyayari sa ating mundo.”

