"Nasaan ako?"
Dahan-dahan kong inimulat ang aking mga mata at nilibot ang aking paningin sa paligid. Hindi ako pamilyar sa kwarto na kinaroroonan ko ngayon. Masiyadong malawak ito at ang lambot pa ng kama na hinihigaan ko ngayon. Napapikit muli ako. Nananaginip ba ako ngayon? Bakit ganito ang mga nakikita ko? Panaginip nga siguro ito dahil matagal ko nang pinapangarap na magkaroon ako ng malaking bahay at maging maganda ang buhay ko. Pero muli kong inimulat ang mga mata ko. Parang hindi naman ako nananaginip ngayon! Sobrang sakit ng ulo ko na para bang mabibiyak na 'yon sa sakit. Wala akong maalala kung ano ba ang nangyari sa akin kagabi at bakit paggising ko ngayon ay nasa kakaibang bahay na ako.
Dahan-dahan naman akong bumangon kahit na ang sakit pa rin ng ulo ko. Nilibot ko muli ang aking mga mata sa kabuuan ng kwarto. Malawak ang kwarto na ito at napakalinis kung tingnan. Nasa isang hotel ba ako ngayon? O baka naman ay nasa bahay talaga ako ng ibang tao? Sino naman kaya ang magdadala sa akin sa ganito kagandang bahay? Hindi kaya-- Agad kong tiningnan ang katawan ko. Buo pa rin naman ang suot kong damit at walang masakit sa akin. Nakahinga naman ako ng maluwag. Akala ko kasi ay baka nagalaw ako dahil lasing kagabi.
Pinilit ko naman na alalahanin kung ano ba ang nangyari sa akin kagabi. Ngunit agad naman ako na napatakip sa aking bibig nang maalala ko ang mga kagaguhan ko kagabi! Takte, muntik na pala akong mamatay kagabi?! Napadesisyunan ko nang tapusin ang buhay ko kagabi dahil sobrang stress at lungkot na ng buhay ko. Lugmok na rin ako sa kahirapan. Hindi ko na nakaya ang hirap ng buhay kaya naisipan ko na magpakamatay na kagabi. Pero may isang 'di kilalang lalaki ang bigla na lang na nagligtas sa akin. Sino naman kaya iyon? Hindi ko alam kung ano ang itsura ng lalaki na 'yon dahil malabo na ang mukha niya sa alaala ko. Hindi ko na rin maalala pa kung ano ang mga sinasabi niya sa akin kagabi. Pero laking pasasalamat ko sa kaniya dahil pinigilan niya ako sa dapat ay gagawin ko kagabi. Kung hindi niya siguro ako pinigilan ay wala na ako ngayon sa mundong ito. Nagsisisi na ako sa nagawa ko kagabi.
Tumayo na ako at naglakad palapit ssa pintuan. Hindi kaya ay dinala ako ng lalaki rito kagabi? Ano naman kaya ang ginawa niya sa akin? Bakit niya ako naisipan na dalhin dito? Mukhang hotel naman ito, pero hindi pa rin ako sigurado. Ang natatandaan ko lang ay nagsasalita ng ingles ang lalaki kagabi, pero hindi ko naman maintindihan. Siguro ay foreigner siya. Pero bakit naman siya naglalakad sa gabi ng tabi ng tulay? Ah, kailangan ko nang malaman ang mga kasagutan sa mga tanong ko!
Lumabas na ako sa pintuan at mas namangha ako nang makita ang labas. Mas maganda ang mga interior design at nakakamangha na napaka-moderno ng bahay. Ibig sabihin ay hindi pala ako nasa hotel, dahil isang mansiyon yata ang kinaroroonan ko ngayon. Sumilip ako sa baba at nakita ang napakahabang hagdan. Ang tahimik ng bahay, para bang ako lang ang tao na narito. Ngunit halos malaglag ako nang may magsalita mula sa likuran ko!
"So you're awake now, huh?"
"f**k!"
Hawak ko ang aking dibdib nang humarap sa lalaking nagsalita. Tiningnan ko naman siya habang masama ang aking tingin. Hindi ko inaasahan na may tao na pala sa likuran ko. Ngunit nanlaki naman ang aking mga mata nang makita na sobrang gwapo ng lalaki na nasa harapan ko! Mukha talaga siyang foreigner. Sobrang tangos ng kaniyang ilong, pointed na pointed. Tapos ang kaniyang mga pilikmata ay mahahaba. Mapupula rin ang kaniyang labi. Ang mga mata niya ay kulay brown at mukhhang natural naman iyon. Tapos medyo magulo ang buhok niya. Saka ko lang napansin na nakasuot siya ng bathrobe. Ibig sabihin ay kakagaling niya lang sa pagligo. Ang bago pa niya. Pero ang mukha niya ay medyo maputla, siguro dahil ay sobrangg puti niya.
Napailing ako dahil sa sarili kong mga iniisip. Ano ba ang nangyayari sa akin? Nahihibang na yata ako. "A-Ano ang ginagawa ko rito? Nasaan ba ako? At sino ka?" sunod-sunod na tanong ko sa kaniya.
"Who do you think I am?" tanong niya pabalik sa akin.
Kung naiintindihan niya ang tanong ko, ibig sabihin ay hindi pala foreigner ang isang ito. Baka sadyang mayaman lang talaga siya kaya mahhilig siyang mag-english. Mukha namang hindi siya masamang tao. Hindi naman ako ganoon kagandahan, pero malapit din naman ako sa mga r****t! Pero alam ko rin naman na hindi ako nagalaw, dahil hindi naman masakit ang maselang parte ng katawan ko.
"Hindi ko alam kung sino ka. Kaya nga tinatanong kita kung sino ka ba at kung bakit ako narito ngayon."
"I just saved your life last night. Don't you remember what happened?"
Napataas naman ang kilay ko. "Hindi ko matandaan ang lahat. Pero alam ko na ikaw nga ang pumigil sa akin na magpakamatay sa tulay. Gusto ko ring malaman kung bakit mo naman naisipan na pigilan ako?"
"Just give me your life if you're just going to waste it. I will use it in a good way."
Mabilis akong napatakip sa aking katawan. Nakakatakot naman ang kaniyang sinabi. Ano naman ang gagawin niya sa buhay ko? Baka mamaya ay kunin niya ang mga lamang-loob ko tapos ibebenta niya! Ano ba ang malay ko? Baka mamaya ay 'yon pala ang main income niya kaya ang yaman niya ngayon. Lalo na at hindi ko rin naman siya kilala.
"Ano naman ang gagawin mo sa buhay ko?"
"Tsk. Go and eat your lunch downstairs. Then you may leave my house."
Napanganga naman ako nang iwan niya ako at pumasok siya sa isang kwarto. Ang bait naman niya at gusto pa niya na kumain ako rito sa bahay niya bago ako umalis. Bumaba naman ako at hinanap kung nasaan ba ang hapag-kainan. Nang mahanap ko 'yon ay nakita ko na ang daming mga pagkain na nakahanda roon. Ang babango pa at mukhang masasarap ang mga pagkain. Halata naman na pagkain ng mayaman 'yon. Wala akong makita na mga katulong dito, kaya sino naman ang naghanda ng ganito karami na pagkain? Pero dahil hindi ako masiyadong nagtitiwala sa mga tao na hindi ko kakilala, tuluyan na lang akong umalis sa bahay na 'yon. Dala ko pa rin naman ang bag ko. Mabuti na lang at may pamasahe pa ako roon. Kahit masasarap ang mga pagkain na nakahain, mahirap na magtiwala. Baka mamaya ay lason pa sa mga pagkain na 'yon o kung ano pa man.
Mabuti na lang at nakahanap din ako ng taxi nang makalabas na ako sa subdivision na 'yon. Soobrang tahimik din ng subdivision. Tapos ang mga disenyo at kulay ng mga bahay ay parang mga patay. Para bang walang buhay ang mga nakatira roon dahil sa kulay. Kakaiba ang disenyo ng mga bahay doon. First time ko rin na nakakita na walang guwardiya sa subdivision na 'yon. Ang weird naman. Nakakaramdam ako na may kakaiba sa subdivision na 'yon. Pero baka gano'n lang talaga ang lugar ng mg mayayaman.
Umuwi na lang ako. Kailangan ko pang ayusin ang buhay ko.