Hanggang sa paghiga ko sa kama ay hindi pa rin nawawala sa isipan ko ang mga nasabi sa akin ni Zaros kanina. Ano na nga ba ang dapat kong paniwalaan ngayon? Sobrang dami nang bumabagabag sa isipan ko mula nang nakarating ako sa mundong ito. Hindi ko naman akalain na ganito na ang magiging problema ko ngayon. Noon kasi ay pera lang ang pinoproblema ko at kung paano pa ako mabubuhay sa malupit na mundo ng mga tao. Hindi ko na alam kung ano ang gagawin ko noon para lang may maipakain ako sa sarili ko at maipagpatuloy ko pa rin ang pag-aaral ko. Mas ayos pa pala na 'yon ang pinoproblema ko noon, kaysa ngayon. Hindi lang buhay ko ang nanganganib ngayon, pati buhay ng maraming mga bampira sa mundo na 'to. Alam ko naman na hindi sila mga tao katulad ko, pero mayroon din silang buhay katulad ko.

