Medyo naninibago ako sa nararamdaman ko habang nagsisimula ang paglalakbay namin ni halihayop. Hindi ko maipaliwanag. Basta't ang alam ko lang, parang kampanteng-kampante ako rito sa balikat niya. Ang hanging nasasamyo ko ay parang nagbibigay ng kapayapaan sa aking isipan. Parang pakiramdam ko, malaya ako... Hindi ko rin alam. Naguguluhan din talaga ako sa bagong pakiramdam na ito. Hindi ko puwedeng magustuhan ang mundong ito, tama? Baka dahil first time kong makaranas ng ganito kaya masarap sa pakiramdam...
"Ano 'yon?" maya-maya'y gulat kong tanong at napalingon pa ako sa aking likuran.
May narinig lang naman kasi akong tila mahihinang ungol. Ewan ko ha, pero kaiba naman ito sa ungol ng babae. Kabisado ko iyon sa dami ng... Alam niyo na...
"Maghanda ka... Baka nabulabog natin ang mga Liliw," sagot niya sa akin.
Anong maghanda? Anong mga Liliw? Maghanda, eh, kaya nga kami pupunta sa pag-eensayo para maging handa ako. Tapos ngayon sasabihin niya maghanda ako?! At para saan?!
"Ano ba na namang mga Liliw iyan? Mga kaibigan mo rin naman siguro, 'di ba? Dahil ikaw ang parang pinuno rito, kaya siguradong walang problema," kampante kong sagot nang maisip kong baka kagaya lang ito ng mga kamuha ng daga na nakilala ko.
"Wala na tayo sa Noda, Master Bobo... Hindi ko na sakop ang lugar na ito..." aniya sa mahinang boses na ikinabuka na lamang ng bibig ko.
"Anong wala na tayo sa Noda?" ano nga ba ang Noda? Tawag iyon sa mundo nila, 'di ba?
"Nasa labas na tayo ng Noda sa kanlurang bahagi. Dito talaga ang daan kapag sasadyain sina Husa..." pagsagot niya sa akin.
Bakit ni hindi ko man lang namalayan na wala na pala kami sa mundo nila? Ganoon ba talaga kalalaki ang mga hakbang niya?
"Ano naman ang tungkol sa mga Liliw?" tanong ko pa.
Pero bago niya pa ako masagot ay may narinig na nanaman kaming ungol. Mas malakas sa pagkakataong ito. Kung ilalarawan ko ang ungol, mistula iyong ungol ng baboy na pinapahirapan at mas nakakatakot pakinggan.
"Nabulabog nga natin sila..." mahina niyang sabi sa akin at tinapunan niya pa ako ng mabilisang tingin.
"Ikaw lang ang nakabulabog sa kanila... Huwag mo akong isali... Ikaw ang naglalakad, hindi ako..." mahina ko namang sagot sa kaniya.
Totoo naman. Bakit niya sasabihing nabulabog namin, eh, siya itong humahakbang nang malalaki. Sa sobrang laki at bigat niya, malamang siya nga ang nakabulabog. Nananahimik ako ritong nakaupo sa balikat niya kaya huwag niya akong maidamay-damay!
Nang bigla na lamang akong mapasigaw dahil may singbilis ng kidlat na dumaan sa harapan namin at dala ng gulat ay nawalan ako ng balanse sa pagkakaupo.
Sa sobrang taas ni halihayop, malamang na mabalian ako ng buto kapag bumagsak na ako...
Pero nakita ko ang pagsalo ni halihayop sa akin kaya naman nagawa ko pang magpasalamat kahit na pakiramdam ko ay hindi na tumitibok ang puso ko. Grabe ang mundong ito! Sa buong buhay ko, dito sa mundong ito pa lang ako makailang ulit nalagay sa bingit ng kamatayan!
"Master!" hindi ko alam kung pag-aalala ba ang nakita ko sa mga mata niya pero hindi na iyon mahalaga. Ang mahalaga ay nasalo niya talaga ako...
Pagkasalo niya sa akin ay dahan-dahan niya akong ibinaba. Nangangatog ang mga tuhod ko kaya hindi ako makatayo nang ayos. Napahawak ako sa magkabilaang tuhod ko habang kinakalma ko pa ang aking sarili. Bahagya lang akong natigilan nang mapatingin ako kay halihayop at makita kong tila galit siya. Pero hindi siya sa akin nakatingin kaya malamang hindi siya sa akin galit. Napatingin ako sa direksiyong tinitingnan niya...
Napalunok ako nang sunod-sunod nang makita ko ang tinitingnan niya. Isang magandang babae... Pero hindi tao... Hindi ako sigurado kung babae dahil hindi nga siya tao... Ang nakakatuwa lang din, hindi siya kasinlaki ni halihayop... Magkapareho lang kami ng taas...
Pero nakakasilaw ang ganda niya...
Nagliliwanag ang buo niyang katawan dahil siguro sa kaniyang kaputian. Ang kaniyang ilong ay mahaba at matulis na bumagay lang sa makipot niyang mukha. Ang kilay, mata, at bibig niya ay tila inukit ng isang iskultor... Ang buong katawan niya ay napaka-flawless. Napakakinis talaga dahil wala siyang saplot ngunit hindi malaswa o nakakabastos tingnan. Talagang makinis lang talaga at wala kang makikita na kagaya ng mga pribadong parte ng mga babae. Parang nakatali rin ng paitaas ang kulay asul niyang buhok habang may ilang hibla lang na nakalaylay sa magkabilaang gilid ng kaniyang mukha...
Siya ba ang diyosa sa kanlurang bahagi na ito? Kahit papano ay may suwerte pa rin naman pala akong makikita sa mundong ito...
"Muntik mo ng mapatay ang aking Master..." may galit ang tonong sabi ni halihayop sa diyosang nasa harapan ko.
"Binubulabog ninyo ang pananahimik namin! Ang daanang ito ay para lamang sa aming mga Liliw at sa mga kaibigan namin!"
Oh... Pati ang boses niya ay nakakahalina... Parang natagpuan ko na ang babaeng aking seseryosohin at ihaharap sa altar... Nabatu-balani talaga ako sa kaniyang kakaibang ganda!
"Kailangan naming—" hindi naituloy ni halihayop ang sasabihin niya dapat sa aking diyosa nang bigla na lamang siyang talunin ni diyosa.
Napaupo ako sa magkahalong gulat...
At
Inggit...
Tinalon lang naman ni Diyosa sa leeg si halihayop. Ngayon ay parang tuko na nakasakay si Diyosa sa batok ni halihayop. Mula kasi sa pagkakatalon ni Diyosa sa leeg ni halihayop ay mabilis itong umikot upang makarating sa batok ng napakasuwerteng si halihayop. Sana ay sa akin nakadikit ang makinis na hita ni Diyosa... Hahayaan kong sakalin niya ako kahit ikamatay ko pa basta't siya ang aking huling masisilayan...
"Ang lahat ng mapangahas na nagpupunta rito ng walang imbitasyon o pahintulot ay hindi na nakakalabas ng buhay!" makapangyarihang sabi ni Diyosa habang si halihayop naman ay pilit siyang inaabot. Ako naman ay nananatiling nakatitig sa napakagandang mukha ni Diyosa.
'Ako na lang ang talunin mo, Diyosa! Handa akong makulong dito kasama ka!'
Pakiramdam ko ay binabaliw ni Diyosa ang utak ko. Kahit na nakikita ko ang paghihirap ni halihayop na labanan siya ay wala akong ginagawa kundi manood lamang. Ang iniisip ko pa nga ay ang magwagi itong aking Diyosa!
Nag-gu-glow ang aking mga mata habang nakatingin sa kanilang dalawa. Nananatili lang ako sa pagkakaupo rito sa lupang mayroong maliliit na d**o. Kita ko nang sa wakas ay mahawakan ni halihayop ang dalawang kamay ni Diyosa mula sa likuran niya. At pagkatapos ay ubod lakas niyang hinila si Diyosa at saka initsa na parang wala lang. Siyempre, ang nag-gu-glow kong mga mata ay sinundan ang pagkakabagsak ni Diyosa. Napalunok ako nang bumagsak si Diyosa nang pabaliktad at magkahiwalay ang dalawang paa. Pero siyempre, wala naman akong makita kundi kakinisan lang.
"Hmmm..." mahina kong ungol na tila nanghihinayang.
Nanghihinayang na bumagsak siya...
Napangiti lang akong muli nang makita ko siyang magpalabas ng kapangyarihan sa kanang palad niya habang ganoon pa rin ang kaniyang ayos. Dumeretso sa kinatatayuan ni halihayop ang liwanag na lumabas sa palad niya. Mukhang malakas ang impact ng liwanag na iyon dahil kahit napakalaki ni halihayop ay bumalandra pa ito sa isang malaking halaman.
"Hindi kami nagpunta rito para makipaglaban sa inyong mga Liliw! Ang mabuti pa ay iharap mo na lang sa amin ang inyong reyna!" dinig kong hiyaw ni halihayop.
Napa "wow" ako nang mahina nang marinig ko ang salitang reyna. Napakaganda na nitong si Diyosa, ibig sabihin ay mas maganda pa ang reynang sinasabi ni halihayop!
"Walang balak humarap sa iyo ang Inang Reyna!"
Tila napabalik ako sa huwisyo nang maraming boses ang marinig ko na nagsalita niyon. Sabay-sabay at pare-pareho ang boses, kagaya rin ng boses ni Diyosa. Napa-awang ang labi ko nang makita ko ang madami pang Diyosa! Lahat sila ay nakatayo ng hile-hilera at napapalibutan kami. Magkakamukha silang lahat!
Ang dami ko namang chiks!
"Master Bobo!" hindi ko alam kung maiinis ba ako nang bigla na naman akong damputin ni halihayop.
Ngayon ay nasa palad nanaman ako ni halihayop pero tingin ko ay ayos na rin. Mas namasdan ko kasi ang mga magkakamukhang Diyosa at ngayon ko napagtanto na lahat sila ay masama ang tingin sa amin. Pakiramdam ko ay lalamunin nila kami nang buo kahit pa anong laki nitong si halihayop.
"Bakit ba kasi hindi ka muna nagsabi ng 'tabi-tabi po!' kanina bago tayo dumaan dito. Ayan tuloy at nanuno ka nila!" palatak ko kay halihayop.
"Anong tabi-tabi po?" nagtataka niyang tanong na ikina-iling ko lang.
"Ito na ang inyong magiging libingan!" magkakapanabay ulit nilang sabi sa amin at sabay-sabay din nilang itinaas ang kanang kamay nila.
Naalala ko nang taman ng liwanag si halihayop kanina. Halos tumilapon siya kahit malaki siya at isipin pang mag-isa lang ang Diyosang gumawa niyon kanina...
Kung ngayon ay sanib-puwersa pa sila... Saan naman kaya kami tatalsik na dalawa?
Sinasabi ko na nga ba at malas talagang kasama itong si halihayop!
Pumikit ako nang mariin upang ihanda ang sarili sa pagtama ng liwanag sa amin. Kung ito na ang katapusan ko, mabuti na lamang at mga Diyosa ang huli kong mga nakita...
"Itigil niyo ito!"
Isang makapangyarihang boses ang narinig ko bago pa man ako makaramdam ng pagtama ng kanilang kapangyarihan.
"Ang Mahal na Reyna..." dinig kong sambit ni halihayop.
Unti-unti akong nagmulat ng mga mata. At kung nabatu-balani ako sa naunang Diyosa kanina, mukhang mas doble ang aking nararamdaman sa reynang sinasabi ni halihayop!
Hindi ko na alam kung paano ko pa ilalarawan ang kanilang reyna. Ang masasabi ko lang, kakaiba ang kaniyang itsura kumpara rito sa mga Diyosang nauna. Napakaganda niya... Sobra!
"Ilang beses kong sasabihin na sinuman ang dumating dito, may pahintulot o wala ay ipapaalam niyo sa akin?!" ang galit na wika ng reyna sa mga magkakamukhang Diyosa na aking hinangaang una.
"Ipagpaumanhin, Mahal na Reyna..." mabilis na lumuhod ang naunang Diyosa na nakita ko kanina. "Ayaw lang naming gambalain ka pa sa iyong pamamahinga. Nais naming lutasin ang mga ganitong simpleng problema upang mabawasan ang iyong mga suliranin," dagdag niya pa habang nananatili siyang nakaluhod at nakayukod sa kanilang reyna.
"Maliit na problema pala ang halos gamitin na ninyo ang lahat ng inyong mga kapangyarihan?!" galit pa ring sabi ng reyna sa kanila. Kahit na galit na galit siya ay litaw pa rin ang kaniyang kagandahan. Nagniningning ang mga bilugan niyang mga mata at ang kada paggalaw ng labi niya ay nakakahalina...
"Kilala kita... Ikaw ang tagapagbantay ng asul na kristal sa Noda. Ano ang ginagawa mo rito sa labas ng inyong mundo? Bakit mo iniwan ang asul na kristal?" tanong ng reyna kay halihayop. Sa pagkakataong iyon ay nagtayuan naman na ang mga Diyosa ng aking buhay.
"Ipagpaumanhin ninyo ang mapangahas naming pagdaan sa inyong mga Liliw, Mahal na Reyna... Hindi ko akalaing magagambala kayo. Dadaan lang naman sana kami upang sadyain si Husa," ang sagot ni halihayop at naglakad ako palapit sa kaniya. Baka naman mapansin ako nitong reyna ng mga... Liliw? Tama ba? Liliw ang tawag sa kanila at hindi Diyosa...
Pero tingin ko mas bagay ang Diyosa.
Bigla namang napatingin ang reyna roon sa unang Liliw na nakita ko... Na nagustuhan ko...
"Pupunta kayo kay Husa? Bakit hindi ninyo sinabi kaagad?" nag-iwas ng tingin ang Liliw na iyon sa reyna at tumingin sa amin. Sa pagkakaalam ko, sinubukan ni halihayop kanina na sabihin sa kanilang pupunta nga kami kay Husa.
"Sinubukan kong sabihin ngunit hindi mo ako binigyan ng pagkakataon. Sinugod mo akong kaagad," depensa kaagad ni halihayop sa aming mga sarili.
Nag-iwas muli ng tingin ang Liliw na iyon sa amin.
"Ako na ang humihingi ng depensa sa ginawa nila sa inyo. Bilang ganti hayaan ninyong pasamahin ko si Jila sa inyo hanggang kina Husa,'" sabi ng reyna at nagningning bigla ang aking mga mata.
"Mahal na Reyna!" pagtanggi naman kaagad ng Liliw na si Jila—ang unang Diyosang nagustuhan ko. Ang nakabatu-balani sa akin kanina.
"Hindi naman na siguro kailangan, Mahal na Reyna... Makikiraan lamang talaga kami," pagtanggi naman ni halihayop kaya bigla kong inapakan ng malakas ang kaniyang paa. Palay na nga ang lumalapit, ayaw pang tukain!
Pero nakalimutan kong malaki nga pala ang paa ni halihayop. Napangiwi ako dahil ako lang ang nasaktan sa ginawa kong pag-apak sa kaniya.
"Tanggapin niyo na ang aming alok. Nang sa gayon ay may makatulungan kayo sa pagpunta kina Husa. Masyadong mapanganib ang inyong daraanan. Kung dito nga sa amin ay muntik na kayong mapahamak, mas lalo na sa susunod ninyong daraanan," ang sambit ng reyna ng mga Liliw sa amin.
"Anong ibig ninyong sabihin, Mahal na Reyna?" tanong ni halihayop habang ako rito sa ibaba niya ay hindi maipinta ang mukha dahil nanakit talaga ang aking paa na ipinang-apak ko sa paa niya.
"Ang iyong kasama ang tunay na may sadya kay Husa, tama? Mag-eensayo ba siya? May matindi ba kayong pupuntahan?" tanong muli ng reyna.
"Nawawala ang asul na kristal..." napayukong tugon ni halihayop. Tila nahiya ito na nawala ang kristal sa pangangalaga niya. At wala akong kasalanan doon. Ako pa nga ang napasubo sa pagkawala ng kristal nila, eh. Baka kaya ako naligaw dito dahil nawala ang kristal nila.
Nagulat ang reyna sa sinabi ni halihayop. Tuluyan na ngang ikinuwento ni halihayop sa reyna ang tungkol sa asul na kristal. Napalingon ako kay Jila habang nagkukuwento si halihayop at natigilan ako dahil ang sama ng tingin niya sa akin. Kanina pa kaya siya nakatingin sa akin? Iba talaga ang aking karisma... Napahaplos pa ako sa aking bigote habang nagpapa-cute sa kaniya.
"Hayaan ninyong samahan kayo ni Jila at matutulungan niya kayo. Hanggang kina Husa niya lang naman kayo sasamahan," dinig kong sabi ng reyna.
Hindi na nga nagtagal pa ang usapan at ang pinagtapusan ay kasama namin si Jila. Kita ko ang pagkayamot sa mukha ni Jila habang ako naman ay lihim na nagdidiwang...