Kabanata - 9

2024 Words
Pakiramdam ko ay nahihilo na ako habang nakaupo ako sa balikat ni halihayop. Paano ba naman kasi ay kanina ko pa sinusundan ng tingin si Jila. Amaze na amaze ako sa kakayahan niya. Para siyang si Sakura Haruno ng Naruto. Patalon-talon sa mga nagtataasang bato na tila hindi napapagod. Tatalon sa kaliwa, lipat sa kanan, deretso, lilipat na naman... Nauuna siya sa amin nang kaunti. Ito ngang si halihayop ay kanina pa walang imik samantalang dati ay makuwento habang naglalakbay kami. Babae lang pala makakapagpatahimik sa kaniya. "Huwag kang sunod nang sunod ng tingin sa kaniya kung ayaw mong mahilo, Master Bobo," napangiwi ako nang marinig ko iyon kay halihayop. Akala ko pa naman tahimik na siya. Mukhang nagpahinga lang pala. "Hayaan mo na ako... Maglakad ka lang diyan," umiikot ang mga mata kong sabi at humalukipkip pa ako. "Kung nagugustuhan mo na siya ay maghunos-dili ka. Ang mga Liliw ay walang karapatang magkaroon ng pamilya. Kung hindi mo napansin, lahat sila roon ay pawang mga babae at isang reyna na siyang namumuno sa kanila. Walang mga lalaki, walang hari," sagot niya sa akin habang nakatingin na rin siya kay Jila. Pasabi-sabi pa sa akin ng 'wag tingin nang tingin kay Jila tititigan niya rin naman pala. Pero napaisip din ako. Wala nga akong nakitang lalaki roon. Panay sila mga babae at obvious naman na babae rin ang reyna. Pero bakit kaya? "Bakit wala silang karapatang magkapamilya?" usisa ko na rin dala ng pagtataka. "Ang mga kalalakihan sa Liliw ay namamatay. Dahil iyon sa nakakalason na kapaligiran ng mga Liliw. Ang mga kababaihan ay lumalabas lamang doon isang beses tuwing darating lamang ang itim na buwan," aniya at napangiwi na naman ako. Itim na buwan? Nakikita pa ba nila iyon? Sabagay, berde nga pala ang kalangitan nila rito... "Huwag mong sabihing kapag lumalabas sila sa paglabas din ng itim na buwan... Ay nakikipagkita sila sa mga kalalakihan at doon sila gumagawa ng kababalaghan sa ilalim ng itim na buwan?!" medyo nawiwirduhan at namamangha kong tanong. Pero kasi 'di ba ang sabi sa kanta 'Sa ilalim ng puting ilaw'? "Anong kababalaghan?" napalingon siya sa akin sa pagtatanong niyang iyon. Alam ba niya ang ibig kong sabihin? Huwag niyang sabihing hindi. Upang magkaroon ng mga supling, kailangan iyon. "Bakit ba sila lumalabas at nakikipagkita sa mga kalalakihan sa ilalim ng itim na buwan?" balik-tanong ko sa kaniya. "Upang ibigay ang dahon ng buhay," maikli niyang tugon sa akin. Ano na naman bang dahon ng buhay? Tumingin ako sa kaniya, nagtatanong ang aking mga mata. "Ang dahon ng buhay ay ang itinatapal ng mga kalalakihang Liliw upang mabuo ang isa pang Liliw. Ang babaeng Liliw na nag-aabot ng dahon ng buhay sa mga lalaking Liliw ang siyang nagiging ina ng bagong buhay na lalabas," paliwanag niya sa akin. Like what?! Ganoon sila bumuo ng baby?! Napatingin akong muli kay Sakura Haruno, este... Jila. Ngayon ay naiintindihan ko na kung bakit makinis lamang ang buo nilang katawan at wala akong makitang maseselang bahagi. Dahil ganoon pala ang pagbuo nila ng baby o bata. Hindi ako mag-aasawa ng Liliw. Salamat at wala talaga sa bokabularyo ko ang magkapamilya. "Pero bakit namamatay ang mga kalalakihang Liliw doon sa lugar nila? At saan naglalagi ang mga lalaki? Tuwing paglabas ng itim ng buwan lang din ba sila lumalabas sa paligid?" naguguluhan at nagtataka kong tanong. "Magmula ng traydurin ng kaniyang hari ang Mahal na Reyna ng mga Liliw, isinumpa ng reyna ang mga kalalakihan dahil sa galit... Huli na para bawiin ng Mahal na Reyna ang kaniyang ginawa... Labis lamang siyang nasaktan," sagot niya sa akin. Oh... Isinumpa ng Mahal na Reyna ang mga kalalakihan na hindi na muling makakatapak sa kanilang lugar? At ang sinumang maligaw na kalalakihang Liliw sa kanila ay namamatay sa nakakalason na kapaligiran ng mga Liliw dahil sa sumpa ng reyna? Kaya ba ganoon na lang ang galit sa amin ni Jila kaninang nakita niya kami roon? "Ang mga lalaking Liliw ay pagala-gala lamang sa labas ng lugar ng mga Liliw. Umaasa pa rin sila na mawawala ang sumpa ngunit hindi nila alam kung paano. Maging ang reyna ay hindi niya alam kung paano mawawala ang kaniyang sumpa," pagpapatuloy niya ng kuwento sa akin. "Masaya bang pag-usapan ang tungkol sa amin?" Parehas kaming nagulat ni halihayop sa boses ni Jila. Nanlaki pa ang mga mata ko nang makita ko siya sa batok ni halihayop. Hindi niya man lang naramdaman si Jila at hindi ko man lang din siya nakitang nagpunta roon! Nagkatinginan kami ni halihayop. Lusutan mo 'to! Sigaw ng isip ko sa kaniya. "Nagtatanong lang ang aking Master tungkol sa inyo," sagot ni halihayop kaya naman pinanlakihan ko siya ng mga mata, at ang malokong nilalang na ito, pinanlakihan din ako ng mga mata! "Master?" parang hindi makapaniwalang tumingin sa akin si Jila. Bakit? Hindi ba ako mukhang master? "Napakahina ng kaniyang awra para sa isang master," turan ni Jila at saka ito tumalon muli paalis sa kaliwang balikat ni halihayop. Natawa naman bigla si halihayop. "Akala ko ba ay kailangan mo ang tulong ko? Hindi mo dapat ako pinagtatawanan dahil master mo ako sa mga sandaling ito!" singhal ko sa kaniya. "Paumanhin, Master Bobo," paghingi niya ng paumanhin sa akin ngunit parang pinipigil niya pa rin naman ang matawa. "Kung hindi mo rin lang naman ako gagalangin bilang master mo, mabuti pa ay huwag na akong sumama sa iyo!" singhal ko pa rin sa kaniya. "Kung ganoon ay hindi na kita tatawaging master," mabilis niya namang sagot sa akin. Aba't...! "Iiwan na kita rito, Bobo. Ako na lamang at si Jila ang tutuloy kay Husa," dagdag niya pa na tila ikinainit ng mga tainga ko. "Ano pang ginagawa mo? Bumaba ka na, Bobo," saad niyang muli. Nakakapikon talaga kapag walang salitang master bago ang pangalan ko sa kaniyang 'Bobo'. "Sa tingin mo ba babawi pa ako rito? Sa tingin mo ba magpapaiwan ako rito?" gigil kong sabi sa kaniya. At saka isa pa, bakit niya naman ako pabababaing mag-isa, eh, ang taas-taas ng kinaroroonan ko rito sa balikat niya! "Maraming salamat sa pananatili, Master Bobo," nakangiti niyang sabi pagkatapos. Hindi ko alam kung masaya ba talaga siya o nang-aasar lang siya. "Bilisan ninyo!" Sabay kaming napalingon kay Jila. "Mukhang may tumalo na sa mga hakbang mo," sabi ko bilang ganting pang-aasar din sa kaniya. Sukat doon ay hindi ko inaasahan ang bigla niyang pagtakbo. Sa ginawa niya ay kusang tumalon ang katawan ko mula sa pagkakaupo sa kaniyang balikat. Mahuhulog ako nang hindi niya namamalayan! Mabuti na lamang at naabot ko ang kaniyang mahabang bigote. Doon ako napabitin at hindi ko alam kung dapat ko pa rin bang ipagpasalamat na matibay iyon at hindi nahugot sa pagkakahawak ko. "Wahhhhhhhhhhhh! Huminto kaaaaaaaa!" malakas kong sigaw habang nakakapit sa kaniyang bigote. Ngunit mukhang hindi niya ako naririnig dahil sa hanging sumasalubong sa amin sa mabilis niyang pagtakbo. Ang pagkakabitin ko sa mahaba niyang bigote ay hindi maganda. Pabago-bago kasi ang puwesto ko dahil para akong idinuduyan. Nakita ko rin si Jila na patuloy sa pagtalon-talon sa mga bato habang nakasunod kami ni halihayop. Dalangin kong lumingon siya at makita ako. Mukhang dininig naman ng aming mga anghel ang pipi kong paghingi ng tulong. Lumingon si Jila at nakita niya ako. "Nahuhulog na siya!" pagtigil ni Jila sa pagtalon. Napahinto naman kaagad si halihayop at nakahinga ako nang maluwag. Kailangan ko na talagang masanay na palaging malalagay sa alanganin ang buhay ko. "Master Bobo!" nag-alala namang sambit ni halihayop at kaagad akong hinawakan. Gusto kong ipagsigawan sa kaniya na siya ang bobo... Na siya ang master ng mga bobo... Nanggigigil talaga ako! "Ayos ka lang ba, Master?" tanong niya matapos niya akong mailapag sa palad niya. Nakatingin siya sa akin habang nasa palad niya ako. Unti-unti akong napahiga sa palad niya. Habol ko ang aking hininga sa sobrang kaba. "Ang mabuti pa ay magpahinga na muna tayo. Mukhang pagod na pagod na siya," dinig kong sabi ni halihayop. Mabuti naman... "Siya pa ang pagod samantalang nakaupo lang naman siya sa iyong balikat?" dinig ko namang sabi ni Jila. "Hindi ako pagod... Pero nanghihina na ako..." sagot ko naman sa mahinang boses na sana ay narinig nila. Paano akong nananatiling buhay samantalang hindi pa ako kumakain mula nang dumating ako rito? Ilang araw na ba ako rito? Bakit parang tuloy-tuloy ang mga nangyayari? Parang wala akong pahinga... "Nanghihina? Kailangan mo ng makakain," ang sabi ni Jila. Tama siya. "Tamang-tama ang lugar na ito. Mukhang napakaraming puno na hitik sa bunga," narinig kong sabi ni halihayop. Nakangiti kong ibilang ang aking ulo sa kaniya. Nasa palad niya ako nakahiga kaya naman kitang-kita ko pa rin ang ulo niya. Nakita ko pa nang nay abutin ang isa niyang kamay na sa tingin ko ay ang sinasabi niyang bunga. Makakakain na ako... "Huwag!" hiyaw naman ni Jila na hindi nakaligtas sa pandinig ko. Bakit na naman ba?! Hindi na ba talaga ako puwedeng kumain?! Gutom na gutom na ako... Maya-maya ay napakapa ako sa bulsa ng suot kong pantalon. Nandito pala ang wallet ko. Nang ilabas ko iyon ay tila nalungkot ako. Wala palang kuwenta ang wallet kong ito rito... Walang mabibili ang pera ko rito... Akala ko sa lupa lang hindi puwedeng madala ang kayamanan... Pati nga pala sa mundong ito... "Gustom na ang master ko at kailangan niyang makakain kaagad." Napangiti ako nang marinig ko iyon kay halihayop. Mas lalo pa akong nagdiwang nang makita ko ang isang uri ng pagkain sa kamay niya. Ibig sabihin ay napitas niya. Hindi ko mawari kung anong pagkain iyon ngunit tingin ko ay parang sa mga prutas din. Sinlaki iyon ng buko. Kulay pula at makinis. Parang ang sarap-sarap... "Hindi mo iyan puwedeng basta na lamang ipakain sa kaniya... Hindi natin pag-aari ang daang ito. Baka may magalit sa atin," sabi ni Jila kaya naman bumangon na ako nang tuluyan sa aking pagkakahiga. "Puwede bang pakagat na? Hindi ko na talaga kaya..." ang nagsusumamo kong sabi. Hindi ako makapaniwalang mararanasan ko ang magmakaawa para lang may makain. Samantalang sa aking mundo ay hindi ako nagugutuman. Parusa ba ito sa hindi ko pagpapautang kay Virgilio? Nang iaabot na ni halihayop sa akin ang pagkaing iyon ay bigla namang may kung anong lumipad na kumuha sa pagkaing iyon. Gusto kong maglupasay. "Sinasabi ko na nga ba..." dinig kong sabi na naman ni Jila ngunit hindi na ako nag-abalang tumingin pa. Pumikit ako at naramdaman ko ang mainit na likidong lumabas sa aking mga mata... Umiiyak ba ako? "Dapat ay naipagpaalam o naihingi natin ng pahintulot ang kinuha mong pagkain. Dahil sa ginawa mo ay mukhang mapapahamak pa tayo at matatagalan pa ang pagdating natin kina Husa," sabi pa ni Jila. "Anong gagawin natin?" sabi naman ni halihayop. Hindi ako tumitingin sa kanila at nananatili akong nakapikit. Kung ano man ang kapahamakang sinasabi ni Jila, wala na akong pakialam. Tutal wala naman na yata akong kalakas-lakas. Wala rin naman akong maitutulong sa kanila. "Sila ang mga Rikrik," sabi ni Jila. "Totoo ang mga Rikrik?" tanong naman ni halihayop. "Oo. At hindi maganda ang nakita nilang ginawa mo. Pakiramdam nila ngayon ay kinukuha natin ang mga pagkain nila," saad pa ni Jila. Hindi na ako nakatiis at tumingin na ako sa kanila. Ligtas naman ako rito sa palad ni halihayop at nakakahiga pa ako nang ayos. Kita kong nakatayo sa ere si Jila pantay sa ulo ni halihayop. Napatingin na rin ako sa tinitingnan nila. Anak ng... Ano na naman bang klaseng nilalang iyon? Isang kulay itim na sinlaki rin ng prutas na pinitas ni halihayop kanina. At hawak niyon ang prutas na iyon. Ang kaniyang itsura ay hindi kaaya-aya sa aking paningin. Mayroon siyang maraming maliliit na galamay na siyang nakahawak doon sa pulang prutas. Pagkatapos ay malaki ang kulay itim nitong ulo. Wala akong makitang mata o ilong o bibig. Nagulat akong muli nang bigla nitong salakayin si halihayop. Binitiwan nito sa ere ang pulang prutas at saka nagpunta sa ulo ni halihayop. Ang maliliit niyang galamay ang humawak sa ulo ni halihayop habang ang kulay itim niyang ulo ay naglalabas ng mga puting likido na hindi ko mawari kung ano o para saan...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD