Pinagmamasdan ko lang mabuti si halihayop habang tinitingnan niya ang berde nilang kalangitan. Nakatitig siya sa sa isang kulay itim na butas sa kalangitan kung saan ako bumagsak. Sigurado akong iyon ang daanan upang makabalik ako sa aking mundo. Marahil ay inaalam niya lang kung paano kaming makakapunta roon.
"Ikinalulungkot ko, pero hindi tayo makakalusot sa daanang iyan," wika niya na unti-unting nagpalaho ng napakatamis ko ng ngiti.
Ano raw? Agad-agad? Wala pa siyang ginagawa, 'di ba?
"Bakit?! Wala ka pa namang ginagawa!" medyo napataas ang boses ko dahil sa inis.
Nang lingunin niya ako at titigan ng mga asul niyang mata na tila nagbabaga, napatikhim ako. "Ibig kong sabihin, paano mo nasabing hindi tayo makakadaan doon?" ani ko sa mababa ng tono.
"Protektado siya ng kapangyarihan ng asul na kristal. Ibig sabihin, matatanggal lamang ang proteksiyon na iyan sa pamamagitan mismo ng asul na kristal," paliwanag niya sa akin. Na hindi ko naman maintindihan.
Anong pinagsasabi niyang protektado, eh, lumusot nga ako, 'di ba? Paanong protektado iyon?
Naguguluhan at buwisit na buwisit na rin talaga ako. Gusto ko ng makabalik sa dati kong buhay!
"Paano akong makakabalik?" sinubukan kong kalmahin ang aking sarili dahil mahirap na, baka kung ano na namang gawin sa akin nito.
"Ang asul na kristal lamang ang makakapagbukas ng lagusang iyan pabalik sa iyong mundo," maliwanag na maliwanag pa sa sikat ng araw ang tugon niyang iyon sa akin. Pero mas madilim pa sa gabi ang anyo ko ngayon. Sino ba namang matutuwa?
"P-pero paano na ako? Wala naman akong kinalaman sa kristal ninyo... Paano ako makakabalik sa mundo ko?" nanghihina kong sabi.
"Makakabalik ka sa sandaling makabalik na rito ang asul na kristal," tugon niya sa akin.
Alam ko! Gusto kong isigaw iyon sa kaniya. Hindi porke tinatawag niya akong bobo ay bobo na talaga ako. Ang tanong dito ay kailan? Kailan makakabalik ang sinasabi niyang kristal?
"Dito nakalagay ang asul na kristal. Binabantayan ko ito ngunit nakapagtatakang basta na lamang nawala..." tila nag-iisip niya pang sabi. Nakakainis lang.
"So, ikaw ang may kasalanan? Dahil ikaw ang nagbabantay at nawala. Ibig sabihin ikaw ang—" natigilan ako nang makita kong nakahawak ang dalawa niyang palad sa kaniyang mukha.
Umiiyak ba siya?
"Kapag hindi ko kaagad naibalik ang asul na kristal ay ito na ang katapusan ng aming mundo..."
Anong sabi niya? I mean, ano bang pakialam ko kung katapusan na ng mundo nil—
Bigla na naman akong natigilan. Ano kayang katapusan ng mundo nila ang sinasabi niya?
"Puwede mo bang liwanagin ang mga sinasabi mo?" lumapit ako sa kinatatayuan niya. Sa totoo lang, nangangalay na ang leeg ko sa pagtingala sa kaniya.
"Ang asul na kristal ang bumabalanse sa mundong ito. Kapag nagtagal pa bago ito maibalik sa kaniyang puwesto, mawawasak ang aming mundo at lalamunin kaming lahat ng lupang kinatatayuan namin," paliwanag niya sa akin.
"Kasama ba ako?" parang tanga kong tanong. Magkaiba naman ang tanga sa bobo, eh.
"Kung nandito ka pa sa mga sandaling iyon, kasama ka," walang gatol niyang tugon sa akin.
Ang sabi ko...
"Hindi ako mamamatay dito!" malakas kong sigaw sa kaniya.
Pero nagulat ako nang biglang umuga ang kinatatayuan ko. Hindi naman siguro ako ang dahilan, 'di ba? Isa lang naman akong guwapong tao na napadpad sa pangit na mundong ito kaharap itong pangit na si hali—
Hindi ko naituloy ang mga nasa isipan ko dahil napahiyaw akong muli nang basta na lamang akong damputin ni halihayop. Pagkatapos ay nanlalaki ang mga mata ko nang bigla siyang tumalon mula rito sa kinaroroonan namin! Sa pagkakatanda ko ay mataas ito na parang bundok dahil paakyat kami kaninang naglalakad. Tapos tatalunin niya lang basta-basta ng ganito!
Pakiramdam ko ay huminto sa pagtibok ang aking puso nang mailapat na ni halihayop ang mga paa niya. Nanlalaki pa rin ang mga mata ko at nakapako ang aking tingin sa kaniya habang hawak-hawak pa ako ng malaki niyang kamay.
"Hindi na maganda ang nangyayari..."
May gana pa siyang magsalita... Mula nang dumating ako rito ay hindi na talaga maganda ang mga nangyayari. Inilungayngay ko ang aking ulo dahil nakaramdam na naman ako ng pagkaliyo sa taas ng tinalon niya habang hawak niya ako. Bakit siya tatalon, eh, puwede naman kaming maglakad pababa gaya ng ginawa namin na naglakad lang din kami paakyat.
Maya-maya ay naramdaman ko ang pagbagsak ng aking katawan sa lupa. Sige lang, ibagsak mo lang ako nang ibagsak na parang bola...
"Nag-uumpisa na..."
Napaikot ang bilog ng dalawa kong mata nang marinig ko na naman siyang magsalita. Hindi ko alam kung anong ka-wirduhan ang mga pinagsasabi niya. Ang tanging alam ko lang, isa siyang kamalasan sa buhay ko!
Kasalukuyan ko pang ninanamnam ang kasawian at kabuwisitan nang bigla namang bumulaga ang dalawang malalaking paa niya sa harapan ko. Kagatin ko kaya ang mga daliri niyang nakakatakot para makaganti rin ako?
"Maaari ka bang tumayo?" rinig kong sabi niya.
Kahit na ayaw ko sana, tumayo na lang ako. Malay ko naman, baka may maganda na siyang sasabihin. Baka kaya pala siya tumalon ay dahil sa saya na mawawala na ako rito—makakabalik na ako sa mundo ko.
Nang makatayo na ako ay nagulat naman ako nang bigla siyang lumuhod. Pero ang tangkad niya pa rin. Ang taas niya pa rin kaya obligado pa rin akong tumingala sa kaniya.
"Anong ginagawa mo?" pagtanong ko sa kaniya.
"Tulungan mo akong maibalik ang asul na kristal. Kapalit nito ay ituturing kitang master at maaari mo akong maging alipin habang nandito ka. May pabuya ka rin sa sandaling maibalik natin ang asul na kristal," sunod-sunod niyang sabi na ikinanganga ng bibig ko.
Nahihibang na ba siya? Gusto ko na ngang umuwi tapos aayain niya pa akong makasama sa paghahanap ng asul na kristal na iyon? Kahit pa sabihin niyang alipinin ko siya ay wala akong balak pumayag!
"Wala akong ibang gustong gawin kundi ang umuwi," sagot ko naman sa kaniya.
"Upang makabalik ka sa iyong mundo ay kailangang maibalik dito ang asul na kristal. Binibigyan din kita ng pabor sa hinihingi kong ito. Sa pagkakataong ito, pareho nating kailangan ang asul na kristal," sagot niya sa akin habang nakaluhod pa rin at tuwid lang ang kaniyang tingin. Kanino ba siya nakatingin? Ayaw niya bang yumuko para makita niya ako? Teka lang... Ako nga ba ang kausap niya o baka akala ko lang? Pero sinagot niya naman ang sagot ko sa kaniya kaya ako nga ang kausap niya...
"At paano kung hindi ako pumayag?" pananantiya ko sa kaniya.
"Hindi ka na makakabalik sa iyong mundo kahit pa mahanap muli ang asul na kristal," aniya.
Binibigyan niya ba talaga ako ng pabor?
"Anong sabi mo? Kahit maibalik ang kristal ninyo ay hindi na ako makakabalik sa mundo namin? At sa anong dahilan?" pikon kong tanong.
"Dahil parurusahan ka mismo ng asul na kristal. Nangangahulugan kasi na ang hindi mo pagtanggap ay tila pag-amin na ikaw ang kumuha sa asul na kristal," confident niya pang sagot sa akin.
"This is insane!" gigil kong sabi.
"Ha?" taka niya namang tanong at tumingin na siya sa akin hindi katulad kanina na parang ang layo ng tingin niya.
"Huwag mo na lang isipin. Hindi mo naman naiintindihan ang salita namin," ani ko. Nakakabaliw din pala kapag limitado lang mga puwede mong sabihin dahil hindi ka maiintindihan ng nilalang na ito.
"Tinatanggap mo ba ang alok ko?" untag niya pa sa akin.
"May magagawa ba ako?!" malakas kong sabi.
"Meron..." aniya na bahagya kong ikinatuwa.
"Ano?" mabilis kong tanong. Ayaw ko naman talagang makasama siya tapos para hanapin pa ang kristal na binabantayan niya pero nawala.
"Maaari ka namang tumanggi," wika niya at ng mga sandaling iyon ay gusto ko na lang siyang murahin...
Pinagloloko lang ako nito, eh. Ang sabi niya, kapag tumanggi ako, kahit mahanap ang kristal ay hindi ako makakabalik sa aking mundo dahil parurusahan ako. So paano niya nasabing maaari akong tumanggi?!
"Ano ang iyong desisyon?" tanong niya pang muli at pakiramdam ko ay sasabog na ang ulo sa sobrang pag-iinit. Mas gugustuhin ko na lang na makasalubong araw-araw at paulit-ulit na umutang sa akin si Virgilio kesa ang makasama itong nilalang na ito.
"May oras pa ba akong mag-isip?" kalmado kong tanong sa kaniya. Sana naman siya rin ang mabuwisit sa akin ng paulit-ulit.
"Wala na," walang gatol niya namang tugon sa akin.
Okay. Aminado na akong mas magaling siyang mang-asar.
"Kapag pinatagal mo pa ay baka magulat ka na lang isang araw, nilalamon ka na ng lupang kinatatayuan mo..." napaseryoso ako sa sinabi niyang iyon.
"Gaano pa ba katagal bago magutom ang lupang kinatatayuan natin?" kabado kong tanong. Kahit papano naman ay may kaba pa rin akong nararamdaman. Natural lang naman iyon dahil takot nga akong mamatay. Hindi ba dapat ang mga nauunang namamatay ay iyong mga hirap sa buhay? Sa kaso, hindi ako hirap sa buhay. Mayaman ako idagdag pang napakaguwapo ko. Ibig sabihin, marami pa akong magagawa kaya hindi talaga ako puwedeng mamatay!
"Kung ang ibig mong sabihin ay tungkol sa pagbuka ng lupa at paglamon sa atin, hindi ko alam. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nawala ang kristal sa aking pangangalaga kaya wala akong ideya kung kailan magsisimula ang lahat..."
Habang nagsasalita siya ay hindi ko alam kung bakit tila naramdaman kong nalulungkot siya. Pero sabagay, nakakalungkot nga naman ang mga pinagsasabi niya.
"Mawawala ang lahat ng nasa paligid. Bubuka ang lupa upang lamunin tayong lahat at magdidilim ang paligid na kahit pagkislap ng mga bituin ay hindi na masisilayan..."
Pinigil kong matawa. Napaka-kata at hindi niya kasi bagay.
"Mamamatay ang lahat..." pagpapatuloy niya pa at napahikab ako kaya naman humiga ako at itinukod ang aking kaliwang kamay dito sa lupang kakain daw sa amin. Baka makatulog ako sa pagkukuwento niya.
"Ang mga taga Noda ay makararanas ng karima-rimarim na kamatayan. Isusumpa kami ng nasa itaas kapag nawasak ang mundong ito at kailanman ay hindi niya na kami tutubusin sa aming pagkakalugmok."
Humikab ako at pumikit. Hinayaan ko siyang magdadaldal. Pagod na rin ako. Mula nang dumating ako rito ay hindi pa ako nakakapagpahinga nang ayos. Hindi naman siguro ako bastang kakainin ng lupa ngayon. Isa pa ay hindi pa rin ako nakakaligo o nakakapagbihis man lang kaya baka magdalawang isip ang lupa na lamunin ako. Hindi naman siguro gugustuhin ng lupa na lumamon ng kagaya kong amoy lupa rin.
Hindi ko namalayan na unti-unti na akong hinihila ng kadiliman...
Hindi ko alam kung nakatulog ba talaga ako o nakaidlip man lang. Basta't isang malakas na sigaw ang kumawala sa aking bibig nang may mamulatan akong isang malaking daga!
"Aaaaaahhhhhhhhhh!" kasabay ng pagbalikwas ko ng bangon ay ang pagtakbo ko nang mabilis.
Mabilis na mabilis ang pagtakbong ginawa ko upang makalayo sa malaking daga na nakita ko. Pero unti-unting bumagal ang pagtakbo ko nang makita ko sa aking gilid si halihayop. Kahit na mabilis nga pala akong tumakbo ay parang hindi rin ako umuusad dahil nakikita ko pa rin siya sa gilid ko dahil nga sa napakalaki niyang nilalang. Hingal akong huminto at tumingala sa kaniya. Ligtas naman siguro ako hangga't kasama ko siya.
"S-sino i... i-iyong ma-malaking d-daga n-na... na n-nakita k-ko..." habol hininga kong tanong sa kaniya.
"Ano?"
Napaupo na lang ako nang tuluyan sa paan niya. Nakalimutan kong hindi nga pala niya maintindihan kapag pautal-utal ako.
"Sino iyong malaking daga na nakita ko!" sigaw ko habang nakaupo sa paa niya. Wala na akong pakialam kung magalit siya sa pagkakaupo ko sa kaniya. Hindi naman siguro siya nasasaktan.
"Anong daga? Sila ang mga naninirahan dito sa Noda kasama ko," tugon niya sa akin.
Daga? Daga ang mga kasama niya rito?
Napalunok ako. Sa lahat ng ayaw ko, makakita o makahawak man lang ng daga. Kung sa mga pusa nga ay nandidiri na ako, sa mga daga pa kaya?!
"Heto sila," aniya bigla sa akin.
Nanlaki ang mga mata ko. Pero kahit anong inilaki ng mga mata ko, hindi ako tumingin sa kanan ko o sa kaliwa ko kahit sa harapan ko!
Pero nagulat ako nang bigla na naman akong bitbitin ni halihayop! At ang matindi pa, binitbit niya ako para iharap sa malaking daga na nakita ko!
"Kumusta ka?"
Talagang hindi ko na napigilan ang mapaiyak na parang bata nang magsalita ang daga!
'Lupa, kainin mo na ako, ngayundin!'