Unti-unti kong idinilat ang aking mga mata. Tumambad sa akin ang kulay berdeng kalangitan at napangiwi ako. Nandito pa rin ako sa mundong nagpapahirap sa akin.
Sinubukan kong gumalaw mula sa aking pagkakahiga at ramdam ko ang p*******t ng aking likod. Inilibot ko muna ang aking paningin sa paligid at nang hindi ko makita si halihayop, kaagad na akong bumangon. Muli akong napangiwi nang makita kong batuhan ang kinahihigaan ko. Flat at magaganda naman ang kulay puting mga bato na nakaayos na parang sa isang higaan talaga. Kaso lang, bato pa rin ang mga iyon. Kaya naman pala masakit ang likod ko dahil dito. Kailan ba ako makakabalik at makakahigang muli sa aking kutson at masisilayan ang kulay rainbow kong kisame sa aking paggising?
Muli kong inilibot ang aking paningin at saka ko napansing bukod sa mabatong kinahihigaan ko ay pinapagitnaan din ako ng dalawang malalaking puno na hindi ako pamilyar. Kulay puti ang katawan ng puno at naglalakihan ang mga dahon nitong hugis kuwadrado at kulay ginto. Tumayo ako upang sipatin sana ang dahon kung tunay itong mga ginto ngunit napagtanto kong masyadong matataas ang mga ito kaya hindi ko maaabot para mahawakan man lang.
"Gising ka na pala. Nakahanda ka na ba para sa iyong kamatayan?"
Napaigtad ako nang marinig ang boses na iyon. Ang boses na tuluyan ng kinilala ng aking isipan kaya naman tiyak kong boses iyon ni halihayop.
Napaawang ang aking labi. Tama ba ang dinig ko? Kung nakahanda na raw ba ako para sa aking kamatayan? Talaga? Pinatulog niya lang muna pala ako bago patayin?
"Basta ka na lang tumumba kanina pero humihinga ka pa naman. Nawalan ka lang ng malay," saad niya pa sa akin. At may gana pa siyang ikuwento.
"Parang awa mo na..." salamat at tuwid na ang pananalita ko, "Pabalikin mo na ako sa aking mundo. Hindi ko alam kung anong nangyari pero wala talaga akong kinalaman sa kristal na sinasabi mo," susubukan ko siyang kumbinsihin dahil ito naman ang totoo.
Pinakatitigan ako ni halihayop na wari bang tinatantiya niya kung nagsasabi ba ako ng totoo. Sana naman ay paniwalaan niya ako...
"At paano ako makatitiyak na wala kang kinalaman sa pagkawala ng asul na kristal?" tanong niya sa akin.
Bahagya akong lumunok, "Hindi ba't kakaiba kayo? Bakit hindi ka magpatulong sa mga kasama mo rito kung sino man sila. Natitiyak kong may kapangyarihan kayo kaya maaari niyong malaman kung nagsisinungaling lang ba ako," lakas loob kong sabi.
Biglang napabuga ng hangin si halihayop at huli na para mapigilan ko siya. Katulad ng nangyari kanina, para lang na naman akong papel na inilipad ng hangin. Ngunit sa pagkakataong ito ay hindi ako sa Alwahan napunta kundi sa puting punong ito na tinitingnan ko kanina.
"Ouch..." mahina kong daing nang sumabit ang laylayan ng damit ko sa sanga. Laylayan ang sumabit... Nangangahulugan na pabaliktad ang pagkakasabit ko sa sanga ng punong ito.
Mariin akong napapikit habang patuloy sa kabog ang aking dibdib. Ilang beses na ba akong laging muntikang mamatay? Sa pagdilat kong muli ay saka ko napansin na halos dumikit na sa mukha ko ang isa sa mga kulay gintong dahon. At least naman pala ay may pagkakataon na akong mahawakan ang dahong ito. Pero nang hahawakan ko na ito...
Naramdaman ko ang tila pagkakauga ng punong kinasasabitan ko kaya naman napatingin ako sa ibaba kahit na mahirap dahil sa baliktad kong pagkakasabit.
"Oh, please..." huli na para mapigilan ko si halihayop sa ginagawa niya.
Inuuga niya lang naman ang puno at sa isang iglap lang ay nalaglag na ako.
"Aaaahhhhhhhh!" sigaw ko sa ere at kita ko ang palad ni halihayop na nakaabang na sa pagsalo sa akin.
Dinig ko ang pagbagsak ng aking katawan sa palad ni halihayop. Ramdam ko rin ang sakit kahit na malambot ang palad niya dahil nga mataas ang kinahulugan ko. Hindi ko alam kung dapat ko bang ipagpasalamat ang pangalawang beses niyang pagkakasalo sa akin. Wala na bang ibang paraan kundi yugyugin ang puno?
"Ayos ka lang?" tanong niya na pakiramdam ko ay nakakaloko.
Pero wala akong karapatang umangal. Wala akong laban dito. Kaya naman pinilit kong tumango kasabay ng pagtihaya ko mula sa padapang pagkakabagsak ko sa palad niya.
"Woaaah!" napahiyaw akong muli nang bigla na lamang niya akong ibagsak mula sa palad niya.
"Acckkk!" pag-igik ko nang bumagsak ako sa batuhan na kinahihigaan ko kanina. Tiningnan ko siya nang masama dahil doon.
"Wala kaming kakayahang malaman kung nagsasabi ka ba ng totoo," ang wika niya sa akin na para bang hindi niya alintana ang p*******t ng katawan ko sa mga ginagawa niya.
"Pero... Kakaiba kayong nilalang. Paanong wala kayong ganoong kakayahan?" tanong ko naman kaagad sa kaniya habang nananatili pa rin ako sa kinabagsakan kong higaang batuhan.
"Ikaw ang kakaiba rito, hindi kami," ang sagot niya sa akin at hindi ko alam kung ano ang magiging reaksiyon ko.
Tama nga naman siya. Ako ang kakaiba. Lalo na kung hindi niya naman alam ang tungkol sa pinanggalingan kong mundo.
"Ang asul na kristal..." patuloy niya pa.
Heto na naman kami sa kristal-kristal na 'yan. Ano bang meron sa kristal na iyon at paulit-ulit lang siya?
"Ang asul na kristal lang ang maaaring makapagsabi kung nagsasabi ka ba ng totoo," muli ay pagpapatuloy niya.
Parang gusto ko na lang ngang mawalan ng pag-asa sa sinabi niya. Ibig sabihin,ang asul na kristal na iyon ang makapangyarihan. Kaya siguro mahalaga sa kaniya.
"Sana maniwala kang wala akong alam sa nawawala mong kristal..." halos pabulong kong sabi sa pag-aalalang magbago bigla ang emosyon niya.
"Kung nagsasabi ka ng totoo, dalhin mo ako ngayundin sa iyong pinanggalingan. Doon ay malalaman ko kung may nag-utos ba sa 'yo o wala," aniya na ikinaaliwalas ng aking mukha.
Mas mabuti na nga kung ganoon. At makakabalik na rin ako sa—
Kusa akong napatigil sa iniisip. Ano namang mangyayari sa mundo namin kapag dinala ko siya roon?
"Tayo na," yakag niya na sa akin at nagpatiuna na siyang maglakad.
"Sandali!" tawag ko sa kaniya at tuluyan na akong tumayo.
Muli siyang lumingon sa akin at natitigan ko na namang mabuti ang nakakatakot niyang mukha. Akalain mong hindi panaginip ang lahat ng ito...
"B-baka matakot—I mean—ibig kong sabihin, baka magulat sila kapag nakita ka nilang kasama ko..." dalangin kong naiintindihan niya ang ibig kong sabihin.
Unti-unti siyang lumapit sa akin... Pero ang unti-unting iyon ay dalawang hakbang lang naman pala papunta sa akin dahil nga sa laki ng mga hakbang niya. Mula nang makita at makausap ko siya, palagi ng nakaangat ang paningin ko at ngayon ay nararamdaman ko na ang p*******t ng aking leeg.
Halos mapasinghap ako nang bigla siyang yumukod sa akin at ngayon ay nasa harapan ko na mismo ang buo niyang ulo!
"Nilalansi mo ba ako para payagan kitang ikaw lang ang bumalik sa inyo?" aniya sa nakakatakot na boses.
Oo. Mas nakakatakot ang boses niya ngayon. Tingin ko ay may trust issues siya sa akin.
"H-hindi n-naman s-sa..." napalunok muna ako at humugot nang malalim na hininga. Hindi nga pala ako puwedeng magpautal-utal dahil mas nagagalit siya kapag hindi niya naiintindihan ang mga sinasabi ko. "Hindi naman sa ganoon... Pero, iba kasi talaga ang mundo namin... Nakita mo naman siguro noong una kitang makita, nawalan ako ng malay di ba?" ani ko kahit na ang totoo ay sinadya kong matulog noon sa pag-aakalang nananaginip lang ako.
Muling tumuwid ng pagkakatayo itong si halihayop. Nakumbinsi ko ba siya?
"Naniniwala akong baka maging kapareho nga ng reaksiyon mo noong una ang maging reaksiyon ng mga nilalang sa iyong mundo. Ngunit hindi kita maaaring payagang bumalik nang hindi ako kasama. Sabi mo nga ay dapat kong malaman o patunayan na wala kang kinalaman sa nawawalang asul na kristal," mahaba niyang saad.
Sa huli ay pinili kong 'wag na lang umangal. Ang importante ay makauwi na ako. Bahala na pagdating doon. Tiyak na pagkakaguluhan siya sa amin at malamang sa malamang ay mapatay siya. Lagot siya sa mga pulis, sundalo, lalo na sa gobyerno. Wala siyang kawala roon. Makakaganti na rin ako sa mga pinaggagagawa niya sa akin dito. Isa pa, wala naman akong nakikitang kahit anong kapangyarihan niya. Ibig sabihin, laki lang ang armas niya at ang nakakatakot niyang anyo. Hindi siya uubra sa mga tao.
Habang naglalakad kami sa hindi ko alam kung saan papunta, pasimple kong pinagmamasdan ang paligid. Magaan na ang pakiramdam ko dahil makakabalik na ako. Kaya pagmamasdan ko nang mabuti ang paligid upang may maikuwento ako sa lahat. Tiyak na magiging sikat ako. Dahil ako ang magdadala kay halihayop doon at ako ang kauna-unahang taong nakarating sa mundong ito. Panis ang history ni Neil Armstrong sa naranasan kong ito! Mas sisikat ako, tiyak!
Bukod sa matataas na puting mga puno, mayroon ding mga mabababa lang na puting mga puno. May nakikita rin akong mga punong dilaw ang katawan maging ang kanilang mga dahon. Naisip kong kung dilaw ang mga iyon, ibig sabihin ay tunay na ginto ang mga dahon na nakita ko kanina sa mga puting puno. Pansin ko rin na may mga parang mga kuwebang gawa sa bato? Hindi ko lang matiyak kung gray ba ang kulay o baka silver? Pansin ko ring maayos ang pagkakahilera ng mga punong natatanaw ko at ang mga kuwebang gawa sa bato. Napapaisip lang ako kung nasaan ang iba pang mga nilalang na kagaya ni halihayop. Maging ang tinawag niyang Al kanina ay hindi ko naman nakita. Pati ang punong iyon ay hindi ko na ulit nakita pa mula nang magising ako kanina. Ang tanda ko lang ay parang sa normal na dahon ang mga nakita ko. Kulay berde at tama lang ang laki. Hugis puso nga lang ang mga dahong iyon at may disenyong mahabang guhit sa gitna niyon. Napangiti ako nang lihim habang pasimple kong tinapunan ng tingin si halihayop. Tatandaan ko ang bawat detalye sa mundong ito bilang paghahanda sa mga mang-i-interview sa akin.
"Saan tayo pupunta?" hindi ako nakatiis at tinanong ko na siya. Paakyat kasi kami ngayon sa matarik na daanang ito. Bahagya ko pang ipinadyak ang aking paa at napakunot-noo ako. Kung titingnan ang nilalakaran namin, para itong lupa. Pero nang ipadyak ko nga ang aking paa, hindi naman natitinag o nadudurog man lang ang lupa. Ibig sabihin ay hindi talaga ito lupa.
"Dito sa taas kung saan nakalagay ang asul na kristal at kung saan kita nakitang bumagsak," sagot niya naman sa akin.
"Kung saan mo ako nakitang bumagsak? Ibig sabihin ay doon ang daan natin pabalik sa aking mundo?" na-excite ako masyado. Sino ba namang hindi? Ikaw na ang mapunta sa ibang mundo at may makasalamuhang kagaya ni halihayop, ewan ko lang kung hindi ka rin makaramdam ng excitement na makakabalik ka na sa normal mong buhay.
"Palagay ko. Hindi ka naman maaaring lumabas doon kung hindi doon ang lagusan patungo sa inyong mundo," sagot niya na tingin ko ay may pagkapilosopo. Pero alam ko namang hindi niya alam ang salitang pilosopo.
"Kung ganoon ay bilisan na natin," masaya kong sabi at binilisan ko na ang aking paglalakad.
Bigla na naman akong natigilan at napatingal muli sa kaniya. Naglalakad ba siya? Bakit parang hindi siya gumagalaw?
"Ang mabuti pa ay hawakan na lamang kita upang mapadali tayo. Kanina ka pa naglalakad pero hindi mo pa rin ako nalalampasan kaya naman kanina pa akong nangangalay sa kahihintay sa 'yo," aniya na literal na ikinalaki ng aking mga mata.
Ibig sabihin ay hindi pala siya humahakbang mula pa kanina? Bakit ba hindi ko naisip na ang isang hakbang niya ay baka isang kilometro na?
"Uy!" naibulalas ko nang maramdaman ko na naman ang bigla niyang pagdampot sa akin.
Aangal sana ako ngunit bigla akong nakarinig ng tila isang pagsabog. Maging si halihayop ay mukhang natigilan din dahil ramdam kong hindi siya gumagalaw.
"M-may problema ba?" medyo kabado kong tanong. Gumapang ako nang kaunti upang sumilip sa maliit na siwang na nakikita ko mula sa mga dali nitong palad niyang nakahawak sa akin. Ngunit bigla lang akong gumulong nang bahagya at tumama sa isa niyang daliri nang magsimula na siyang gumalaw muli.
"Kailangan na nating magmadali," aniya na hindi alintana ang nangyayari sa akin dito sa mga palad niya.
"Sandali lang! Dahan-dahan naman. Baka hindi na ako makabalik ng buhay nito sa amin, eh!" nilakasan ko talaga ang boses upang matiyak na maririnig niya ako.
Hindi siya humito sa paglakad ngunit naramdaman ko naman ang pagluwag kaunti ng palad niya at bahagyang pagbagal ng kaniyang paglalakad.
"Salamat..." mahina kong usal at pinilit maging komportable rito sa mga palad niya.
Hindi naman nagtagal at narinig ko na ang boses niya. Narinig ko na ang mga katagang mas nagbibigay pag-asa sa akin.
"Nandito na tayo," aniya at muli na naman akong napausal ng pasasalamat.
'I'm coming home...'