************** "Master Bobo..." Iminulat ko ang aking mga mata nang marinig ko ang boses ni Bogart. Kaagad kong naalala na nagpatuloy nga pala siya sa paglalakad at ako naman nagpatuloy sa pagtulog. Mukhang hindi niya na ako hawak dahil bukod sa nakatunghay siya sa akin ay kita ko nang buo ang dalawa niyang kamay. "Tanaw na ang Sora, Master Bobo... Gumising ka na at ikondisyon ang iyong sarili. Haharapin na natin ang Tagapagbantay ng isa pang kristal," aniya sa akin. Siguro kung pelikula lang ito, sinabayan ng mga tambol ang pagsasalitang iyon ni Bogart. Para kasing gusto kong mapalunok at matakot na naman sa sinabi niyang kahaharapin na namin ang isang tagapagbantay. Base sa kaniyang mga mata, para bang kakaiba sa kaniya ang tagapagbantay na binabanggit niya. Pero sana ay kasing bait

