“Ryla, ano ito? Bakit may lalaki rito sa bahay natin? Boyfriend mo ba ito?” sunod-sunod na tanong sa kaniya ng kaniyang ina. Maging si Brandon ay tumayo na rin. Humakbang ito palapit sa kaniyang ina at naglahad ng kamay.
“Hindi po ako boyfriend ng anak niyo. Ako po si Brandon Fuentabella. Ako po iyong niligtas ng anak niyo kahapon. Kung nabanggit niya po sa inyo ang nangyari.”
Napatitig ang kaniyang ina sa mukha ni Brandon at kulang nalang ay kumislap ang mga mata sa paghanga sa lalaki.
“Ay oo, nakuwento ka ng anak ko. Ikaw pala iyon. Napakaguwapo mo naman pala hijo. May girlfriend ka na ba? Kasi itong anak ko, walang boyfriend.”
“Ma!” saway ni Ryla sa kaniyang ina.
“Ikaw pala ang dahilan kung bakit badtrip ang ate ko kahapon kuya Brandon, ah.”
Halos malaglag ang panga ni Ryla nang marinig at makita kung gaano ka-feeling close ang kaniyang pamilya sa lalaking kakikilala palang ng mga ito.
“Hoy, Rio. Tigil-tigilan mo iyang pagiging feeling close mo ah. Nandito lang iyan para magpasalamat. Uuwi na rin iyan. Hindi ba, uuwi ka na rin?” saad niya sa binata habang pinandidilatan ito ng dalawang mata.
Imbes na matakot ito sa kaniya, ngumiti pa nang ubod nang tamis ang lalaki.
“Ang totoo ho niyan, wala pa po talaga akong balak umuwi. Kinakausap ko pa po kasi si Ryla. Nabanggit ko rin po kasi ang tungkol sa pagbibigay ng pabuya sa ginawa niyang pagtulong sa akin,” saad niya sa kaniyang ina at kapatid.
“Ang kaso ho…” huminto ito sa pagsasalita at bumaling nang tingin sa kaniya.
“Ayaw tanggapin ni Ryla ang pasasalamat ko.”
Umakto pa ito naglulungkot-lungkutan para makuha nito ang loob ng kaniyang pamilya.
“Yung totoo, ano ba talagang sadya mo? Nakapagpasalamat ka na sa akin. Tinanggap ko na, hindi ba? Kung ako sa’yo umuwi ka na. Nakakaabala ka sa ginagawa namin.”
Bumaling siya sa kaniyang ina at kapatid.
“Hindi ba ay may trabaho kayo roon sa palengke? Bakit kayo nandito?”
Ngumiti ang kaniyang ina.
“Hayaan mo na, naroon naman si Ester. Saka, nakarami na rin naman kami ng benta. Okay na iyon. Magpapahinga nalang kami ni Rio ngayong araw.”
Lumingon ang kaniyang ina kay Brandon.
“Ikaw ba, Brandon, may gagawin ka ba? Gusto mo bang makipagkuwentuhan sa amin habang nandito ka pa? Ipagtitimpla kita ng masarap na kape.”
Nilingon siya ni Brandon. Nakita niyang ngumisi ito na para bang nang-aasar.
“Hindi naman po ako busy kaya hindi ko po tatanggihan ang alok niyo.”
Nauna ang kaniyang ina na magtungo sa kusina. Sumunod naman dito si Brandon. Habang siya at kapatid na si Rio ay naiwan sa sala.
“Ate, what if siya na yung “the one” mo?”
Inismiran niya ang kaniyang kapatid.
“What if, kurutin kita riyan?” inis na sambit niya rito. Imbes na matakot ang kapatid niya ay humagikhik pa ito nang tawa habang naglalakad palayo sa kaniya.
“Bakit naman tinatanggihan mo ang tulong na binibigay sa’yo nitong si Brandon, anak? Sayang din yung pera. Hindi ba ay pangarap mong magpagawa ng maliit na tindahan diyan sa labas natin? Kapag tinanggap mo ang ibibigay niya, masisimulan mo na iyon nang hindi namo-mroblema sa kapital.”
Humugot siya ng malalim na hininga at bumaling kay Brandom. Matalim ang tingin na binigay niya rito.
“Ma, hindi naman natin kailangan ng pera ng ibang tao para makapagpatayo ng tindahan. Kaya ko rin namang gastusan iyan. Kung talagang gustong makatulong nitong si Brandon sa atin, bakit hindi niya nalang idaan sa ibang paraan? Bakit hindi niya tayo tulungan sa palengke? Magtinda siya ng isda sa loob ng dalawang linggo kasama natin o hindi kaya ay tumulong siya rito sa bahay. Sakto hindi pa tayo nakakapag-general cleaning nito. Sa tingin ko, iyon ang pinakagandang magagawa niya. Yung tulungan tayo sa negosyo natin at dito sa bahay.”
Tumikhim ang kaniyang kapatid.
“Ibig mong sabihin ate, gusto mong makasama natin si Kuya Brandon dito sa bahay sa loob ng dalawang linggo? Dito siya titira ng dalawang linggo?”
Tumawa siya nang may halong sarkasmo.
“Nasisiraan ka na ba ng bait, Rio? Bakit naman natin patitirahin ang isang estranghero sa bahay natin? Edi bumiyahe siya araw-araw mula sa kung saang lupalop ng daigdig siya galing patungo rito.”
Nag-aalalang tingin ang binigay sa kaniya ng kaniyang ina.
“Anak, hindi ba parang sobra naman ang gusto mong ipagawa rito kay Brandon? Mahirap ba talaga para sa’yo ang tanggapin nalang ang pera na binibigay niya?”
Hindi niya maiwasang mainis sa kaniyang ina. Hindi niya maintindihan kung bakit alalang-alala ito sa lalaking nakilala lang naman nito ngayong araw.
Umayos nang upo si Brandon.
“Hindi po, sa tingin ko ay maganda nga iyong idea ni Ryla. Two weeks akong magtatrabaho rito sa inyo. Saktong-sakto dahil mayroon pa akong dalawang linggo na bakasyon.”
Kumunot ang noo ni Ryla sa sagot nito. Ang buong akala niya ay tatanggi si Brandon pero nagkamali siya. Mukhang palaban ito at hindi aatrasan ang mga hamon niya.
Humarap ito sa kaniya nang nakangiti.
“Kailan niyo po ba ako gustong magsimulang magtrabaho sa inyo, Ma’am?” tanong nito sabay kindat sa kaniya. Nakita naman ito ng kapatid niya kaya hindi siya nakatakas sa pang-aasar nito.
Sa pagkakataong iyon ay gusto niya nalang sabunutan ang sarili. Hindi niya rin alam na doon tutungo ang usapan. Sigurado siyang mayaman ang lalaki kaya ang akala niya ay hindi ito papayag sa sinabi niya. Akala niya ay aalis nalang ito dahil hindi nito kaya ang pinagagawa niya.
“Bukas ka magsisimula,” aniya saka tumalikod dito.
“Ayaw niyo po bang ngayon na ako magsimula? Malay niyo, maubos lahat ng paninda niyo kapag ako ang naging tindero niyo sa palengke ngayon,” saad ng binata sa kanila.
Inis niya itong nilingon.
“Bahala ka kung saan ka masaya.”
Ngumisi naman ito.
“Basta nakikita kita, masaya na ako.”
She rolled her eyes at the man. Alam niya na mga ganitong hitsura talaga ang mga chickboy kaya hindi na siya aasa sa lalaking ito. Mahirap na baka tuluyan pa itong hindi maalis sa isipan niya.
Pagkatapos ng tanghalian ay tinupad ni Brandon ang kaniyang sinabi sa pamilya ni Ryla. Gustong matawa ni Brandon sa kaniyang sarili. Kung hindi siya nagkakamali, ang plano niya lang ay magpasalamat kay Ryla. Hindi niya rin inaasahan na aabot sa ganito.
Kahit na sinusungitan siya ng dalaga ay patuloy pa rin siya sa pakikipag-usap dito. Habang tumatagal ay mas lalong nagiging maganda ito sa paningin niya. Kaya hindi na niya alam kung anong mga sinasabi niya. Kahit pagiging tindero sa palengke ay papatulan niya na para lang makasama ito ng matagal. Tutal naman ay mayroon pa siyang dalawang linggo at ilang araw na bakasyon dito sa Palawan.
Pagpasok niya sa palengke ay sa kaniya nagtinginan ang mga tao. Sanay na siya sa ganito. Sa dami ba naman ng mga business meetings at mga charity events na napuntahan niya bilang isang negosyante, balewala na sa kaniya kung mayroon mang tumitig sa kaniya lalo na ang mga kababaihan.
Dire-diretso siya sa paglalakad sa loob ng palengke hanggang sa marating nila ang corner kung saan matatagpuan ang puwesto nina Ryla sa palengke. As usual, amoy palengke. Iba’t-ibang amoy ang naghalo-halo na siyang nalalanghap ngayon. Hindi siya sanay sa ganoon kaya pasimple niyang tinakip ang kaniyang palad sa kaniyang ilong.
Nasa kaniyang tabi, naroon si Ryla at kanina pa nakamasid sa kaniya. Nang makita nito ang ginawa niya ay naningkit ang mga mata nito sa kaniya.
“Ano? Hindi mo na kaya? Puwede namang mag-quit. Wala namang pumipigil sa’yo.”
Ibinaba niya ang kamay at nakangiting humarap sa dalaga.
“Ako? Magqu-quit? Bakit ko naman gagawin iyon? Masaya nga ako na nandito ako. Ibig sabihin, palagi kitang makakasama at makikita,” aniya at kinindatan ito na siyang ikinainis naman ni Ryla.
“Uy, Ryla. Sino iyan? Boyfriend mo? Naks naman, talagang nagbago ka na ah.”
Sabay silang napalingon ni Brandon sa isang babaeng dumaan sa kanilang puwesto. May dala itong bayong na mayroon nang lamang mga gulay sa loob.
Tumaas ang kilay ni Ryla nang maalala kung sino ito. Ang babaeng iyon ay walang iba kundi ang ipinalit sa kaniya ni Anton—si Anton ang dati niyang boyfriend.