LAURA POV
TAHIMIK ang paligid. Tanging mga tagasilbi lamang ang mga narito. Si Ama ay tatlong araw na akong hindi pinapansin. Itinuon na lamang niya ang atensyon sa pagiging abala dahil may pista rito sa San Isidro, ito ay gaganapin sa unang araw ng Mayo.
Siya ay naglalayong muling tumakbo bilang gobernadorcillo. Alam kong umalis kami rito upang bisitahin ang aming mansyon sa Negros ngunit sa aming pagbabalik, sinabi ni Rafael ang lahat sa akin.
Si Ama ang iniisip nilang pumatay kay Don Emilio Santiago. Hindi ko naiisip na magagawa niya iyon kung kaya’t pumayag ako sa kagustuhan ni Rafael na alamin ang totoo, hindi para isabit ang aking ama sa kaso kung hindi linisin ang kanyang pangalan laban sa tingin ng mga Santiago sa aming pamilya.
Bata pa lamang kami noon, may lihim na akong pagtingin kay Rafael. Walang babaeng makalulusot sa kanyang mapanuksong tingin. Siya ay isang hapones. Ang mga mata ay kakulay ng punong kayumanggi. Maging ang buhok nito, animo’y bituing nagkikislapan. Ang porselanang balat naman ay tila maihahalintulad sa niyebe sapagkat ang kinis at hindi man lang naarawan. Bukod pa rito, ang tunay na nakapukaw ng aking atensiyon ay ang kanyang labi na nagbibigay bilis sa t***k ng puso ko.
Noong umamin siya ng nararamdaman sa akin, para akong nasa alapaap at isang ibong lumilipad patungo sa kalawakan.
Hindi ko na hinayaan pang ituon niya ang atensyon sa iba. Bagamat noong umalis kami, tila maraming nangyari. Naramdaman kong naglaho ang ngiti, pananabik, at ang isang matipuno ay tuluyang namayat. Malaki ang kanyang ipinagbago, hindi na niya magawa pang ngumiti at tuluyan nang napabayaan ang sarili.
“Huwag kang maging mahina, iyan ang papatay sa’yo!” Muling may sumisigaw sa aking isipan na hindi ko maintindihan kung ano — kung sino.
Dumating si Ina upang ayain kaming magsimba. Araw ng linggo, ang lahat ay nangingiling sa tunog ng dambana mula sa simbahan.
May natanggap akong sulat mula kay Rafael na magkita kami sa dating tagpuan matapos ang misa. May ngiting gumuhit sa aking mga labi dahil sa naging liham niya.
Kumuha ako ng kulay rosas na paldang lagpas tuhod ang haba at puting pangtaas. Mayroong nakalagay na puting laso sa beywang upang maging porma nito. Dahil nagmamadali na si Ina, hindi ko na nagawa pang mag-ayos ng buhok.
Bumaba na ako at saktong pasakay na rin sila ng kalesa. Tulad ng inaasahan, si Jenoah ang aking kasama sa loob. Hindi sumama ang aming nakatatandang kapatid sapagkat masama raw ang pakiramdam.
Labinglimang taon pa lamang si Jenoah ngunit tila marami na ang nalalaman. Noong nasa edad pa niya ako, lagi akong napapagalitan dahil sa maling pagsasagot ng aralin.
Hinawakan niya ang aking kamay at ngumiti. “Masaya akong sumama ka ngayon,” wika niya. Agad ko namang ginulo ang kanyang buhok. Matagal-tagal na rin pala simula noong sumama ako sa kanila kaya si Jenoah lang mag-isang sumasakay dito.
“Ate, bakit mo ginulo? Makikita ako mamaya ni Clara!” Agad siyang napatakip sa bibig dahil sa pangalang nabanggit. Kaya pala nakaporma ang aking kapatid ay dahil mayroon nang naiibigan.
“Clara? Sino naman iyan?” puno ng kuryosidad kong tanong.
“W-wala,”
Mukhang may babantayan ako mamaya sa misa, iyon ay ang mata niya. Dahil sa kakulitan ni Jenoah, hindi ko na napansing nandito na kami sa kapilya. Marami-rami na ring tao ang nandito. Pumwesto sina ina sa ikalawang linya sa harap. Kami ni Jenoah ay nasa likod nila.
Pumasok na ang kura sa loob ng simbahan upang simulan ang misa. Tulad ni Jenoah, malikot din ang aking mga mata dahil hinahanap ko si Rafael.
Mag-iisang oras na noong matapos ang pagbabasbas sa mga nakiisa sa misa. Sina Ina at Ama ay naging abala sa pakikipagkapwa tao. Panandalian kami nagpaalam, sinabi ni Jenoah na may nais lamang siya bilhin. Pumayag naman sila dahil kasama ako.
Pagkaalis namin, alam ni Jenoah na magkikita kami ni Rafael. Bilang kapalit, hahayaan ko siyang makipag-usap sa Clara na kanina pa niya hinahanap.
“Dito ka lang ha. Babalik ako,” bilin ko sa kanya bago magtungo sa likod ng simbahan. Pagkarating ko roon, may mga guwardiya ang nagharang sa lugar. May mga tao ring nagpalibot at animo’y may pinag-uusapan.
Sa nagsisiksikang mga tao ay pinilit kong makasingit upang makita ang nangyayari. Maraming guwardiya sibil ang nandito at noong lumuwag na ang harang, doon ko lamang namataan ang ina ni Rafael habang nakaposas ang mga kamay.
Nagtama ang aming mga mata bago siya dakpin. Dahil sa blankong kaisipan, naging mabilis ang mga pangyayari. Pinilit kong makadaan sa mga nakaharang bagamat nagkalat ang mga sibilyan. Akmang itutulak ako ng isang guwardiya at kinuha ang rebolber, biglang may lalaki ang humapit sa aking beywang.
Halos mawalan akong balanse sa ginawa niya ngunit agad din naman niya ako sinalo. Nagtama ang aming mata at hindi ko alam kung anong kuryente ang bumalot sa kabuuan kong katawan dahil sa ginawa niya.
“Huwag mo ilagay sa panganib ang iyong sarili. Ang isang tulad mo ay hindi dapat kalabanin ninuman,” mapanudyo nitong sambit na may katamtamang lakas.
Agad akong bumitaw sa kanyang pagkakahawak at nag-ayos ng sarili. Sakto namang dumating si Jenoah na masama ang itsura ng mukha. Hindi siguro niya nakita ang babaeng kanyang naiibigan.
“Tara na,” maiksi nitong sabi bago ako hitakin palayo. Dahil sa dami ng tao, hindi ko na rin nakita pa ang lalaking kausap ko kanina.
Ano kaya ang pangalan niya?
Ito ang katanungan na namuo sa aking isipan bago kami tuluyang nakalayo.
Muling bumalik ako sa sarili noong makita si Ama na masayang nakikipagkwentuhan sa mga negosyanteng nasa ibang pook dito sa San Isidro.
“Ina, bakit dinakip si Donya Teresita Santiago?” nanlalambot kong tanong sa kanya. Tumingin siya sa akin at kumunot ang noo. “Kailan?”
“Ngayon po, nakita ko siya kasama ang mga guwardiya sibil,” sagot ko. Muling binago ni Ina ang kanyang ekspresyon noong palapit na si Ama sa aming kinaroroonan.
“Huwag mo na dagdagan pa ang suliranin ng iyong ama,” sambit niya at nauna na sumakay sa kalesa. Muli kong naramdaman na parang wala silang pakialam sa anumang nangyayari rito sa aming bayan.
Pagkauwi ng bahay ay hindi na ako pinatahimik pa ng kalooban. Agad kong pinasok ang silid ni Ama. Abala siya sa pagbabasa ng kung anumang papeles sa lamesa.
“Kung iniisip mong ako ang nagpadakip sa kanya, umalis kana lang. Hindi ko kailangan ng taong sarado ang kaisipan,” ani ama na lubos nagpadurog sa aking puso.
Masyado ba akong naging masamang anak? Palagi kong nararamdaman na parang walang puwang ang sakripisyo ko para linisin ang pangalan ng aming pamilya.
“Don Miguel...” tawag ko sa kanya.
Natigil naman siya sa ginawa bagmat hindi pa rin ako tinitignan sa mga mata. “Maging ang pagtawag sa akin ng ama ay hindi mo na rin magawa? Wala akong kasalanan, Laura. Sana ikaw bilang anak ko ay maniwala ka,”
Matapos niya iyan sabihin ay may sunod-sunod na luha ang bumagsak sa kanyang mga mata. Nanlambot ang puso ko sa ginawa ni ama, ang umiyak sa aking harapan.
“Umalis kana,” utos niya. Gustuhin ko man lapitan siya at pawiin ang sakit na kanyang nararamdaman, wala na rin akong nagawa kung hindi ang umatras palabas at iwasan ang kanyang tingin.
Masyadong naging mabigat ang aking pakiramdam. Sa muling pagkakataon, nagdilim ang aking paningin. May aninong lumabas sa harap ko. Madilim ang anyo niya, bukod sa nanlilisik na mata ay mayroon siyang katangiang wala ako, iyon ay ang katapangan.
Kamukhang-kamukha ko siya ngunit alam kong magkaiba kaming dalawa. Iba ang gusto niyang mangyari, iyon ay ang tapusin yung kwentong isang siglo na ang lumipas.
Dahil sa takot, hinayaan kong tumakbo ang aking mga paa palayo at dalhin sa kung saang lugar. Madilim, tahimik, at animo’y magagawa kong mapag-isa.
Sa kalagitnaan ng pag-iyak, may isang lalaki ang nag-abot ng panyo.
“Masaya akong makita kang muli,” Umupo siya sa aking tabi at inilihis ang tingin sa malayong direksyon.
“Salamat,” maiksi kong tugon. Hindi ko man siya tapunan ng tingin, pamilyar ang boses niya. Ang lalaking bigla na lamang nawala kanina sa simbahan.
“Tila apektado ka kanina sa matandang babae na hinuli sa Parokya ng simbahan. Sa pagkakaalam ko, isa siyang Santiago. Tama sila, kahit gaano pa kalaki ang iyong salapi ay mahirap pa rin kalabanin ang batas,”
Hindi na ako umimik pa at nakinig na lang sa kanya.
“Oo nga pala, ako si Zefar, ang anak ni Mang Francisco na bagong dating. Kami ang magsasakang nag-aalaga at umaani sa malawak na bukirin ng San Isidro na kinatitirikan ng inyong lupain,” pakilala niya.
Hindi ko man siya lubos na kilala ay naging magaan na ang aking loob at nagkaroon ng kapayapaan habang kausap siya.
“M-may alam ka ba sa nangyari kay Rafael? Sa lalaking hinuli kana?” tanong ko.
“Ang sabi sa bayan, dinala siya sa San Fidel upang alamin ang kaso. Napag-alamang naghahatid siya ng maling balita ayon sa pamamalakad ng pamahalaan dahil isa siya sa mga tulisan,”
Halos manlamig ang buo kong katawan sa sinabi ni Zefar sa hindi malamang dahilan. Hindi maapuhap ng aking isipan ang mga nangyayari, bagamat bumigat ng husto ang aking pakiramdam.
Biglang na lamang akong napapikit dahil sa pananakit ng ulo. May nakita ako sa isang madilim na lugar ng dugo, telang puti, at itim na uwak. Halos huminto ang oras at tumigil sa pag-ikot ang mundo.
Pinilit kong makatayo at tumakbo palayo. Isang masamang pangitain ang aking nakita, hindi maganda ang mangyayari.