KABANATA IV

1669 Words
THIRD PERSON POV “HUWAG mo siyang sasaktan,” ani Laura sa sarili habang pinagmamasdan ang sarili sa salamin. Mula sa kanyang silid, hindi nito napansin si Jenoah na nakadungaw sa maliit na espasyo ng butas. May paparating na mga tagasilbi kaya naman nagmamadaling umalis si Jenoah, aksidente niyang nabitawan ang manikang nagbibigay aliw at naging sanhi ng pagtunog. Naramdaman ng dalaga na may tao sa labas kaya’t agad nitong inayos ang sarili bago lumabas. “K-kanina ka pa riyan?” tanong niya. “H-hindi, Ate Laura. N-naisipan k-ko lamang ibigay sa’yo ito,” Iniabot ni Jenoah ang manikang nakita niya sa bayan upang kahit papaano, umaasang mababawasan ang kalungkutan na nararamdaman ng kapatid. “Ate,” tawag nito sa kanya. Agad siyang niyakap ng mahigpit at may sunod-sunod na butil ng luha ang bumagsak sa mata. Pinantayan ni Laura ang mukha ng kapatid upang tanungin ang nangyari. Sa ilang araw niyang pagkakatulog, tila may kakaibang nangyari. Ang huli lamang niyang naalala ay ang araw na magkausap sila ni Zefar, ang anak ng magsasaka. “Alam kong nagluluksa ka pa rin hanggang ngayon ngunit kumain ka sana. Lahat kami na naghihintay sa iyong paglabas. Naniniwala akong walang alam sila Ama sa pagkamatay ng pamilya Santiago,” “P-pamilya Santiago? Anong ibig mong sabihin?” naguguluhan niyang paglilinaw. “Mayroong ligaw na palasong may lason noong dapit-hapon, araw ng paglilitis kay Donya Teresita. A-alam kong alam mo na rin ang balita kay Ginoong Rafael, mayroong mga lalaki ang dumakip sa kanya at hindi pa rin nakukumpirma ang balita. D-dumating kanina ang tagasiyasat, natagpuan ang sunog niyang bangkay sa bundok Maribeles,” Sa ipinagtapat ng kapatid ay tila natigilan ang dalaga at hindi nais paniwalaan ang mga narinig. Nais niyang ituring ang lahat bilang bangungot lamang. Tumawa siya na nagbigay ng kakaibang ekspresyon kay Jenoah at sa mga tagasilbi, ngunit maya-maya ay may sunod-sunod na pagtulo ng luha sa mga mata nito. Ang mga antigong kagamitan ay kanyang binasag, kasama na rito ang salamin na madalas niyang kinakausap. “Hi-hindi totoo ‘yan!” May ibang tagasilbi ay pumasok sa silid upang pigilan ang pagwawala ni Laura. Sobra siyang nasasaktan sa mga nalaman, at ang pinakamasakit ay yung hindi niya matanggap na maaaring si Lira ang may gawa.  Si Lira na nabubuhay sa katauhan niya. Agad kinuha ni Laura ang kutsilyo. Noong tinapat niya iyon sa kanyang pulso ay inagaw ni Jenoah. Kapwa naghihitakan sa patalim hanggang ito ay tumama sa braso ng nakababatang kapatid. Lalong nagkagulo ang mga nandito dahil sa dugong tumulo sa sahig. Maging sina Donya Henrietta ay nagulat sa mga nasaksihan. “Tanging si Jenoah na lang ang nag-aalala sa’yo ngunit papatayin mo pa!” galit na sigaw ni Selestina noong makita ang kalagayan ng kapatid. Natulala na lamang si Laura sa mga nangyayari. Agad inilabas ng mga tagapagsilbi si Jenoah upang gamutin. Ang mukha ng mag-asawang Asuncion ay puno ng pagkadismaya sa nangyari. Napilitan si Don Miguel na igapos ang kamay ng dalaga upang hindi na magawang magpakamatay sa anumang makitang patalim na narito sa loob ng kanyang silid. “Bakit mo iyon nagawa?” puno ng poot ang puso ni Laura habang kinakausap si Lira. Mukhang wala ito ngayon sa kanyang katawan kaya’t hindi sumasagot. “Ano pa ang saysay ng aking buhay kung wala na ang nag-iisang taong naniniwala sa akin? Wala na si Rafael, ang pamilya ko’y kinamumuhian na rin ako. Wala nang taong nagmamahal sa akin, wala na kahit isa.” Hindi nagtagal, animo’y ang natutulog na katauhan sa kanyang katawan ay nagising. “Hindi ako ang pumatay, kung hindi ikaw!” pang-aasar nito habang tumatawa. “Pinatay mo ang matandang babae na walang kalaban-laban. Umamin ka, ikaw rin ba ang nasa likod ng pagkawala ni Rafael?” Nawala ang anumang tinig ng halakhak ni Lira. Umihip ang malakas na hangin, kasabay nito ay ang paglabas ng isang anino sa salamin. “Nagsisimula pa lamang ako, Laura. Isa pa lamang iyang babala upang matuto kang sumunod at pahalagahan ang aking mga paalala,” “Huwag mong gagalawin ang pamilya ko,” tugon ng dalaga. Ngumiti naman sa kanya ang anino bago tuluyang maglaho. Pinilit niya inaalis ang pagkakagapos bagamat masyadong mahigpit ang pagkakatali. Muli niya inikot ang paningin at may nakita siyang patalim sa ilalim ng higaan. Inabot niya iyon at mabilis na inalis ang tali sa kamay. Umabot din ng dalawampung minuto ang kanyang pagkalas bago makalaya. Sa isipan ni Laura sa mga oras na iyon, kailangan niyang mapuntahan ang tahanan ng mga Santiago. Pasado alas-onse na at hindi siya maaaring makita ng kahit sino, siguradong agad malalaman ng kanyang Ama ang gagawing pagtakas. Ang bawat galaw ay naging dahan-dahan. Kabilang bayan ang lugar nila Rafael ngunit hindi iyon ininda ni Laura. Sa gitna ng paglalakad, may isang lalaki ang may hawak ng kabayo. Nagkaroon ng pag-asa ang dalaga lalo na noong matapat ito sa liwanag ng buwan, si Zefar. Mukhang naguluhan din ang binata na makita si Laura ng ganitong oras. Nang mapansin may paparating ang guwardiya tagapagbantay sa bayan, agad inalis ni Zefar ang makapal na telang suot upang ibalot sa ulo ng dalaga at dinala sa talahib. Noong makalagpas na ang mga ito, lumabas na si Laura mula sa pinagtataguan. “Pakiusap, tulungan mo ako, pangakong hindi tayo magtatagal. Nais ko lamang siya masilayan kahit saglit. Sa’yo na itong kwintas ko bilang kabayaran,” Akmang aalisin na ni Laura ang suot bagamat pinigilan siya ni Zefar. “Hindi mo kailangan magbigay ng kapalit, Binibining Laura. Nabalitaan ko ang nangyari at alam kong nagluluksa ka sa kanyang pagkawala,” paliwanag nito. Agad gumaan ang pakiramdam ng dalaga noong marinig ang sinabi ng binata. Sa mahabang panahon, tila ngayon lamang siya nakarinig na may taong magpapagaan ng kanyang loob. Pagkadating sa bahay nila Rafael, napuno ng ilaw ang lugar. May mga tao ring nandito at nakikiramay. Gusto man lumapit ni Laura ay wala pa ring magawa, siguradong ang lahat ng bintang ay nasa pamilya Asuncion at kasusuklaman siya ng malalapit na kapamilya ng mga napaslang. Pinipigilan niya ang umiyak bagamat masyadong pasaway ang kanyang mga mata noong makitang sinunog ang katawan ni Rafael upang maging alabok at nasa tabi naman nito ay ang malamig na katawan ng kanyang ina. Inabot ni Zefar ang isang panyong puti. Walang silang anumang pinag-usapan hanggang muling patakbuhin ang kabayo papunta sa bukirin, ang hacienda ng mga Asuncion. Malamig ang simoy ng hanging nagmumula sa mga puno. Akmang huhubarin na ni Laura ang makapal na tela na pag-aari ni Zefar bagamat agad na tumanggi ang binata kahit manipis lamang ang suot. “Tiyak akong mas kailangan mo ‘yan. Pagmasdan mo ang mga ibon, masaya nilang sinasalubong ang bawat araw kahit maigsi lamang ang buhay nila. Masakit mawalan ng minamahal ngunit alam mo ba ang mas masakit?” tanong ni Zefar at tumingin sa dalaga. “Iyon ay yung hinayaan mong matulad sa kanila ang katapusan ng iyong buhay. Binibining Laura, maging matapang ka. Hindi sa lahat ng oras ay mananatili ang taong inaakala mo ay hindi mawawala,” Tahimik lamang nakikinig si Laura sa sinasabi ng binata. Kahit papaano ay nagiging magaan ang kanyang pakiramdam ngunit paano kung malaman nito ang totoo niyang katauhan? Siguradong hindi lamang siya lalayuan kung hindi katatakutan din. “Hindi mo pa ako lubos na kilala. Kung malaman mo ang tungkol sa akin, siguradong tulad ka rin nilang iiwanan ako. Nasasabi mo lang iyan dahil nakikita mo ako gamit lamang ang iyong mga mata,” Muling humarap si Zefar sa nagkikislapang mga bituin. “Siguro nga ay hindi pa kita lubos na nakikilala ngunit hindi iyon sapat na dahilan upang husgahan ka. Hayaan mong samahan kita habang ikaw ay nag-iisa,” Sa pag-uusap nilang dalawa ay panandaliang napawi ang kalungkutang nararamdaman niya. Tila ito ang unang beses na magkaroon siya ng kaibigan. Isang tao na makikinig sa kanyang hinaing at pagluluksa. Naging mahaba ang kanilang pag-uusap kung kaya’t nag-alok na si Zefar na ihatid ang dalaga sa tahanan ng mga Asuncion. “Hindi nanaisin ng iyong mga magulang na malaman nilang tumakas ka. Bumalik ka na sa loob, magpahinga ka at kumain. Halata sa itsura mo ang panghihina,” paalala ni Zefar bago yumuko bilang paggalang at tumalikod na. “Bakit mo ako tinutulungan? Hindi mo ba naiisip na maaari kang mapahamak dahil sa akin?” Natigil ang binata sa paglalakad at humarap kay Laura. “Mas mabuting mapahamak ako kaysa ang hayaan kita. Kung iniisip mo na walang naniniwala sa’yo, narito ako upang samahan ka. Mababang uri lamang ako mula sa angkan ng Faustino. Makaiba ang ating estado ngunit hayaan mo akong manatili sa iyong tabi upang pawiin ang lungkot sa puso mo,” Hindi na rin nakakibo pa si Laura habang pinagmamasdan ang palayong si Zefar. Pagkapasok sa silid, hindi pa rin mawala sa kanyang isipan ang kanilang pinag-usapan ng binata. Kung kanina ay nais niyang kitilin ang buhay, tila may kung anong hangin ang nagbigay ng dahilan upang muli siyang lumaban. Natatakot si Laura na makatulog dahil baka muling lumabas sa kanyang katauhan si Lira, ang personalidad niyang lubos na kinamumuhian. Tama ang binata ayon sa isipan ni Laura, hindi matatapos ang lahat kung susuko siya sa mga nangyayari. Muli, kumuha siya ng papel, plumang panulat, at isang talaarawan upang isulat ang nasa kanyang isipan. “Kung sakaling sumikat ang araw sa hilagang bahagi, sana’y narito pa rin ako at maging saksi sa espesyal na araw na ‘yon,” Matapos niyang sumulat, itinago na niya iyon sa ilalim ng kama at muling napadako ang tingin sa taling nakagapos kanina sa kanyang kamay. Bago pumikit ang mga mata, nanumbalik muli ang sakit sa puso niya hanggang dalawin ng antok habang  patuloy na nagbabagsakan ang mga luha. Patuloy siyang nagluluksa sa pagkawala ng minamahal, kasabay no’n ay ang poot na nararamdaman ng kanyang pamilya. Ngayong gabi, maging ang sarili ay kinamumuhian na rin niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD