NAGPASUKAN sa loob ng silid ni Laura ang mga tagapagsilbi. Laking gulat ng mga ito noong makitang na sa sahig ang taling nakagapos sa dalaga. Mapapansin din ang malinis ang lahat ng gamit kung ikukumpara kagabi. Lumabas sa paliguan si Lira na nasa katauhan ni Laura at binigyan sila ng isang ngiti bago lampasan.
Maging ang mga nakasalubong niyang tagapagsilbi sa labas ay naguguluhan sa inaasal ng dalaga. Hindi pa man siya tuluyang nakabababa mula sa hagdan, agad sumalubong ang mataas na kilay ni Selestina.
“Inaasahan ko pa namang maganda ang araw ngayon dahil hindi kita makikita,” sarkastikong pahayag ng nakatatandang kapatid bagamat si Lira ay tila hindi man lang iniinda.
“Sa aking pakiwari, mas maganda kung ikaw ang mabubura sa paningin aking paningin,”
Namula sa galit ang mukha ni Selestina dahil sa inaasal ni Lira. Sakto namang lumabas na ng silid si Don Miguel at napukaw ang atensiyon sa kanila.
“Ama, patawarin mo ako. Pangako, hindi ko na pipiliin pang maging suwail. Susundin ko ang inyong bilin at pinag-uutos. Tama kayo, nagpadala ako sa lahat ng paratang sa inyo ni Rafael,” mababang loob na usal ni Lira. Napangiti naman si Donya Henrietta na nakikinig.
“Masaya kaming nagbalik kana, Laura. Kailangang maghanda ng piging dahil isang kagalakang muli kang nagbalik-loob sa ating pamilya,”
Agad namang umalis si Selestina at ang bawat hakbang nito ay mabibigat na animo’y nagdadabog sa mga naririnig. Ngumiti naman si Lira sa sinabi ng ina.
*****
HABANG ang lahat ay abala, naisipan ni Lira na umikot sa hacienda upang pagmasdan ang ganda ng lupain dito sa San Isidro. Habang naglalakad, napadaan siya sa bukirin kung saan ay abalang nagtatrabaho ang mga magsasaka.
Maputik ang kalsada kaya naman noong may dumaang kalesa ay agad natalsikan ang kanyang paa. Anumang oras ay nais na niyang bulyawan ang nakasakay ngunit may kung anong pumigil sa kanya noong makita ang isang binata, si Zefar.
“P-patawarin mo ako, Binibining Laura. Hayaan mong punasan kita,” Nagmadaling bumaba ang binata, ang nakasukbit na bimpo sa kanyang balikat ay agad kinuha at yumuko upang alisin ang putik sa saplot ng dalaga.
Ang matigas na puso ni Lira ay tila nagkaroon ng pagbabago lalo na noong magtama ang kanilang mata ni Zefar. Sa loob ng isang daang taon, animo’y may punyal na tumusok sa kanyang dibdib at naging sanhi ng paninilaw ng kanyang katawan.
“Sa susunod ay mag-iingat ka sa iyong pagpapatakbo ng iyong alaga,” sambit ni Lira habang umiiwas ng tingin. Humarap naman sa kanya at binata habang napapakamot sa ulo.
“Sa tingin ko ay maayos na iyong kalagayan dahil nagagawa mo na magsungit. Naiintindihan ko naman sapagkat kasalanan ko rin, Binibining Laura. Gayunpaman, masaya akong makita ka ulit,”
Pasagot pa lamang si Lira nang biglang may tumawag sa binatang kausap.
“Zefar, tawag kana ng iyong ama!”
Muli sa kanya napatingin ang binata. “Kailangan ko na magpaalam dahil marami pa kaming gawain. Sana ay palagi kong mapagmasdan ang iyong ngiting nagbibigay kulay sa umaga,” pilyong sambit ng binata bago sumakay ng kabayo.
“Zefar,” pag-uulit ni Lira sa kanyang isipan ang pangalan ng kanyang nakausap. Unti-unting gumuhit din ang ngiti sa kanyang mga labi sa hindi malamang dahilan. Tila ngayon ay may rason na siya upang manatili sa katawan ni Laura.
“Binibining Laura, pinapatawag na po kayo ni Don Miguel, sabay-sabay daw po kayo mananaghalian,” ani ng isang tagapagsilbi. Tinignan lamang siya ni Lira bago lagpasan. Bago pa man tuluyang makaalis, muli niyang hinarap ang tagasilbi.
“Anong pangalan mo?” tanong ni Lira.
“Rosa ho,” masaya naman nitong sagot.
“Maaari bang huwag mo akong ngitian? Hindi ko nais makita ang naninilaw mong mga ngipin,” mataray nitong sabi bago umalis. Naiwang tulala si Rosa habang iniisip ang mga sinabi ni Lira na nagpadurog sa kanyang damdamin. Tatlong taon na siya naninilbihan sa pamilya Asuncion at ngayon lamang siya nabastos ng dalaga.
Bago pa sila makarating ng mansyon, lalong nanilaw ang mga balat niya. Nagtuloy-tuloy siya sa paglalakad sa ibang direksyon kaya naman hindi naiwasan ni Rosa ang magtanong.
“B-binibini, saan po kayo pupunta? M-magagalit ang iyong ama,” kabadong pahayag nito bagamat patuloy pa rin sa paglalakad ang dalaga. Halos tatlongpung minuto na silang naglalakad hanggang makarating sa kakahuyan. Nakaramdam ng kaba si Rosa, hindi man lang siya nililingon ni Lira na kasalukuyan pa ring nasa katawan ni Laura.
Ilang saglit lang, huminto na sila sa mabababang bahagi ng mga puno. Sa pagharap ng dalaga, tila nanigas sa kinatatayuan ang tagasilbing si Rosa. Animo’y pilit niyang inaatras ang mga paa. Hindi na imahe ni Laura ang kanyang nakikita kung hindi isang babaeng namumula ang mga mata, itim na mga labi, at naninilaw na balat. Hindi niya agad napansin dahil nakasuot ito ng mahaba.
Sisigaw na sana si Rosa upang humingi ng tulong bagamat huli niya, mabilis siyang nahablot ng dalaga at sinimsim ang bawat butil ng dugo bago sunugin ang katawan ng kawawang tagasilbi.
Ilang minuto lamang ang itinagal at muling nanumbalik ang itsura ni Laura bilang dalaga na makinis at may kakaibang ganda. Hindi na rin siya nag-aksaya pa ng oras, bumalik na siyang mansyon at nadatnan ang maraming mga putahe ang nakahain sa lamesa. Sina Selestina ay mukhang kanina pa siya hinihintay samantalang si Jenoah, nakayuko lamang. Mayroon siyang tela sa braso na hindi na lamang niya pinansin pa.
Agad pumasok si Lira sa silid upang maligo at kuskusin ang sarili. Ang suot niyang damit ay nilagay sa likod ng aparador kung saan may bahid ng dugo.
Hindi nagtagal ay sumunod na rin siya sa hapag-kainan. Si Don Miguel ang nasa gitna ng hapag habang nasa kaliwa naman niya si Donya Henrietta at nasa kanan naman nakaupo si Selestina. Si Lira ay katabi si Donya Henrietta at nakaupo naman sa harap niya si Jenoah.
Nagsimula na ang isang pagdarasal bago magsimulang kumain. Tahimik lang ang bawat isa ngunit ramdam ang sayang nanumbalik ang ikalawang anak na matagal nang nawalay sa kanilang tabi.
Habang masayang nagsasalo-salo, dumating si Ginoong Serino, ang punong tagasiyasat. Siya ay kamag-anak ng mga Santiago kung kaya’t gano’n na lamang din ang galit nito sa pamilya Asuncion.
Sa kabila ng mga nangyayari, kaya siya naparito sa mansyon ng mga Asuncion ay upang maglitis kung may kinalaman sila sa pagkamatay ni Rafael at ng kanyang ina. Kalmado lamang si Don Miguel sa pagbibigay ng pahayag, kampante sila na wala talagang kinalaman.
Matapos no’n ay patingin si Ginoong Serino kay Laura. “Ikaw binibini, hindi ba’t kasintahan ka ni Rafael? Maaari ba naming malaman ang iyong pahayag?”
Agad tumanggi si Don Miguel upang hindi na madawit ang anak sa ganitong usapin. Natatakot silang baka muling magkulong sa kuwarto at magluksa sa pagkawala ng lalaking minamahal.
“Ayos lamang ako Ama, nais ko rin namang matapos na ang maling tingin nila sa ating pamilya. Handa akong sagutin ang kanilang tanong,” kalmadong sagot ni Lira na nasa katauhan pa rin ni Laura.
Lumapit na ang dalaga at umupo sa harap ng panauhin. “Ano ba ang nais ninyong malaman? Naaabala ang aming salo-salo kung kaya’t siguraduhin niyong hindi masasayang ang aming oras,” diretsong pahayag ng dalaga.
“Ayon sa ginawang pagsisiyasat, ang palaso ay mula sa kanang bahagi ng San Fidel. Ang mga guwardiyang nagbabantay ay nakitang mula sa dako ng burol, naroon ang isang dalaga. Hinabol nila ngunit hindi naabutan. Mahaba ang kanyang buhok, matangkad din. Hindi lamang malinawan dahil nakatakip ang kanyang mukha,”
Mukhang hinuhuli ni Ginoong Serino ang dalaga bagamat hindi nawala sa awra nito ang pagiging kalmado at mukhang hindi man lang iniinda ang mga katanungan.
“Paano kayo nakasisiguro na ako lamang ang babaeng tinutukoy ng nakasaksi?” panayam niya.
“Hindi ko sinasabing ikaw ang —”
“Hindi iyan ang nais puntuhin ng iyong salita. Alam kong may galit kayo sa amin Ginoong Serino ngunit sana ay maintindihan mo, ang sigalot ng pamilya Asuncion at ng Santiago ay ganap nang tapos. Huwag niyo na sana kami idawit sa ganitong gulo upang makaganti,”
Binalak ni Ginoong Serino ang sumabat ngunit muling nagsalita si Lira. “Kung umalis man ang aming pamilya dahil sa pagkawala ni Don Emilio Santiago, hindi na kami papayag pang mapaalis dahil sa isang akusang walang matibay na pruweba. Ang inyong ginawa ay walang kapatawaran ngunit pinili namin ang manahimik at lumayo. Nasaan ang hustisya sa bagay na 'yon?"
"Binibining Laura, sa tingin ko ay —" Hindi na natapos pa ni Ginoong Serino ang sasabihin dahil sa muling pagsingit ni Lira.
"Kung tutuusin, kayo ang may malaking kasalanan sa aming pamilya. Humingi ba kayo ng paumanhin? Hindi ba't sinisi niyo ang ibang tao upang malinis ang inyong kalooban? Sa aksidente ni Don Emilio, kayo ang may kasalanan dahil hinayaan niyong mamatay siya sa piitan. Tinaguriang guwardiya sibil ngunit wala namang silbi,"
Tila nagkakainitan na ang usapan. Maging sina Don Miguel ay hindi nakapagsalita dahil sa maaanghang na sinasabi ng anak. Ang Heneral ay patuloy na nagpipigil sa emosyong nararamdaman.
"Magkaiba ang sitwasyon noon at ngayo —"
Hindi na niya hinayaan pang makatapos ng sasabihin si Ginoong Serino dahil sa muling pagsabat ni Lira. "Tunay nga bang magkaiba? Kung gayon, ano ang iyong ipinunta?"
Ang matalim na tingin ng dalaga ay sinalubong ng Ginoo. Lumapit ang isa sa mga guwardiya at may binulong. Tumango-tango ang panauhin bago tumayo at magpaalam. "Siguro ay sapat na ang ating napag-usapan, kailangan na naming lumisa. Sana nga ay wala kayong kinalaman dahil sinisigurado kong hindi matitigil ito hangga't hindi napaparusahan ang nagkasala,"
Humalik pa siya sa kamay ng dalaga bago tuluyang magpaalam. Noong makalabas na, sinundan siya ni Lira. Napatigil naman si Ginoong Serino at hinintay ang nais pang sabihin nito.
Lumapit si Lira at itinapat ang bibig sa tainga ng ginoo at pabulong na nagsalita. “Ano kaya ang mangyayari kung malaman ng pamahalaan na ang iyong inililigtas ay miyembro ng mga tulisan?”
Tila naestatwa naman sa kinatatayuan ang punong tagasiyasat na si Ginoong Serino sa mga narinig. “Kung gagamitin mo iyan bilang panakot sa akin, tila mag-aalab ng husto ang apoy. Huwag mo na sana gatungan pa ng kahoy,”
Mahina naming tumawa ang dalaga. “Nais ko lamang ipabatid sa’yo na maling tao ang iyong kinakalaban, Ginoong Serino. Mag-iingat ka,”
Hindi na niya hinintay pa ang sagot ng panauhin. Pumasok na siya at natutuwa naman siyang sinalubong ni Don Miguel at Donya Henrietta dahil sa ipinakita ng anak. Napangiti ng patago si Lira at niyakap ang ama. Sa isip ng dalaga, sa muling pagkakataon ay napaikot niya ang mga tao.
Ito pa lamang ang simula upang pabagsakin ang lahat, sisimulan niya sa mga taong maaaring maging hadlang sa kanyang mga plano.