“BINIBINI, kumusta ka na?”
Umupo si Zefar sa padulasan habang si Laura ay kasalukuyang nakatingala sa kalawakan. Hindi siya umiimik kung kaya’t nagkuwento na lamang ang binata sa kung anong mga nangyayari sa loob ng hacienda Asuncion.
“Ano sa iyong palagay?” muling tanong ni Zefar. Agad napatingin sa kanya ang dalaga na animo’y hindi maintindihan ang ibig sabihin ng kausap.
“Hindi ka talaga nakikinig. Tila malalim ang iyong iniisip?” ani pa nito. Tumayo na si Laura upang ipagpag ang sayang suot. Kasalukuyan silang nandito sa dulong bahagi ng bukirin, dito kadalasang naglalaro ang mga anak ng magsasaka sapagkat iniiwasan sila makihalubilo sa mayayamang angkan.
“Kailangan ko na lumisan, lumalalim na ang hapon at kailangan ko na umuwi. Salamat dahil hindi mo ako iniwan,” paalam ni Laura nang biglang bumuhos ang malakas na ulan.
Agad siyang hinitak ni Zefar sa isang barong-barong. Basang-basa ang kanilang kasuotan kung kaya’t noong makahanap sila ng sisilungan, inalis ng binata ang saplot pang-itaas upang palipitin ang tubig na nasa damit. Gano’n na lamang din ang panlalaki ng mata ng dalagang si Laura sa nakita.
Hindi maitatanggi ang makisig na pangangatawan ni Zefar, animo’y nabatak na ang katawan sa pag-aararo at pagtatrabaho sa bukid. Bukod pa rito, ang nangungusap niyang mga mata ay talagang nakapupukaw sa atensiyon ng mga kababaihan. Siguro’y kung mula sa mayamang angkan si Zefar, lalo siyang pagkakaguluhan.
“P-paumanhin binibini, ako ay nag-alis ng kasuotan sa iyong harapan,” Dali-dali rin niya isinuot ang damit at nahihiyang humarap sa dalaga.
“Maaari ba akong magtanong?” usal ni Laura.
“Ano iyon?”
“Mayroon ka na bang naiibigan?”
Tila namula ang mukha ni Zefar sa narinig. Iniwas niya ang tingin sa ibang direksyon bagamat hindi niya natakasan ang mapanudyong tingin ng dalaga.
“Sa katunayan, hindi pa ako nagmamahal ng lubos,” nahihiya nitong sagot.
Napatawa si Laura at hindi makapaniwala na ang tulad ni Zefar ay hindi pa nagagawang magseryoso sa pag-ibig. Kung titignan siya, halata namang babae ang nanliligaw at hindi siya.
“Naniniwala ako sa tadhana, binibini. May darating na tao para sa atin, at naniniwala akong hindi man sa ngayon ay darating siya upang punan ng pagmamahal ang aking puso,” dagdag niya. Napatango ang dalaga bilang pagsang-ayon. Umupo sila sa isang punong bumagsak at hinihintay ang pagtila ng malakas na ulan.
“Paano mo malalaman kung ang taong iyon na talaga ang para sa’yo?” muling tanong ni Laura. Napahinga naman ng malalim si Zefar bago tumugon.
“Puso lamang ang makakakita ng mga bagay na hindi maapuhap ng ating mga mata, Binibining Laura. Kadalasang nagiging taksil ang ating isipan sapagkat dinadala tayo nito sa maling desisyon. Samantalang ang ating damdamin, ito ang tunay na nagdurusa kapag tayo ay nagkakamali. Malalaman mong siya na ang taong para sa’yo kapag ika’y nasaktan na. Nasaktan ka ngunit pinili mo pa rin gawing manhid ang iyong sarili pa sa taong iyon,”
Kasabay ng malakas na hangin ang malalalim na talinghagang pinapahayag ng binata.
“Kasalanan ba ang magmahal?”
Kumuha si Zefar ng isang dahon mula sa punong kanilang kinauupuan. “Hindi masama ang umibig, nagiging masama lamang ito kapag sobra na at wala ka na itinira pa para sa’yo. Pagmasdan mo ang dahon, ang dating luntiang kulay ay tuluyan na natuyo. Hindi lamang sila sa araw o tubig nabubuhay, ang katotohanan ay walang permanente sa mundo,”
Hindi na umimik pa ang dalaga. Pinag-iisipan niya ang mga sinasabi ni Zefar. Unti-unti na ring nagliwanag ang kalangitan, humina ang ulan kung kaya’t agad na siyang lumabas.
Sakto namang may mga guwardiya sibil ang nag-ikot. Nagtago si Zefar sa mga nagtambak na nagbagsakang kahoy upang hindi siya makita. Hinarangan naman ni Laura ang mga guwardiya na animo’y sumisiyasat sa loob ng barong-barong.
“Binibining Laura, kanina ka pa pinahahanap ng iyong Ina. Mayroon ka bang kasama?” tanong ng isa sa kanila. Agad tumanggi ang dalaga bilang sagot. Mukha namang napaniwala ang mga ito kung kaya’t tumalikod na. Bago tuluyang lumisan ang dalaga, tumingin siya sa direksyon ni Zefar at ngumiti.
*****
“Tila napapadalas ka na sa bukirin, Laura?” tanong ni Don Miguel sa anak. Nakaramdam ng kaba si Laura, hindi nila maaaring malaman na nakikipagkaibigan siya sa mababang angkan ng Faustino.
“B-binibisita ko lamang ang ating lupain, Ama. Tunay na maganda ang pamamalakad ng ating pamilya,” magalang niyang sagot.
“Nais ko rin sumama sa iyong paglilibot!” nawiwiling sabat naman ni Jenoah.
“Oo naman, bukas ay isasama kita.”
Lalong lumaki ang ngiti ni Jenoah ngunit si Selestina ay mukhang hindi nakikinig. Tahimik lamang siya simula noong magsimula ang hapunan.
“Ama, nais ko rin sana magpaalam upang pumunta sa tanghalan bukas,” paalam nito.
“Hindi maaari sapagkat isasama kita sa pamilihan,”
Sasagot pa sana si Selestina ngunit malakas na ibinagsak ng ama ang hawak na kubyertos. “Ilang beses ko bang sasabihing hindi sa’yo nababagay ang pagganap? Mababang uri lamang ang iyong makakasalamuha!”
Hindi na nakapagpigil pa si Selestina at agad tumakbo sa kanyang silid upang magmukmok. Pangarap niya ang gumanap sa isang teatro bagamat hadlang ang kanyang mga magulang.
Simula noong umalis ang nakatatandang anak na si Selestina, wala na ang sumubok pang magsalita. Tahimik lamang ang hapag hanggang matapos kumain. Wala si Donya Henrietta dahil kasalukuyang abala sa pananahi.
Pumasok na rin si Laura sa silid. Napatingin siya sa kalendaryo at nakaramdam ng matinding takot, malapit na maglabinglimang araw, dito madalas lumalabas si Lira at bago matapos ang buwan. Sa pagsapit ng alas-dose sa orasan, wala na siyang maalala pa sa susunod na mangyayari.
Hindi malaman ni Laura ang gagawin. Alam niyang hindi maganda ang plano ng katauhang nasa kanyang katawan. Sumapit ang alas-onse at gising na gising pa rin siya.
“Masyado kang nagpapaalipin ng iyong takot,” bulong sa kanya ni Lira.
“Lumayas ka sa aking katawan!” pilit na laban ng dalaga.
“Huwag mo akong subukan, Laura. Alam mo ang kaya kong gawin,”
Sa sinabing iyon ni Lira ay nakaramdam ng matinding takot si Laura hanggang sa tuluyan na siyang lamunin ng pagkabahala at agad sa kanya maagaw ni Lira ang kanyang katawan.
“Iyan ang mahirap sa’yo Laura, masayado kang mahina!” ani nito at tumawa ng pagkalakas-lakas.
“A-ano bang kailangan mo?” naluluhang tanong niya.
“Paghihiganti,” walang emosyong sagot ni Lira.
“Isang daan at dalawampu’t taon na ang nakalilipas noong sunugin ang aking katauhan sa nagliliyab na apoy ng pamahalaan. Sa pagsapit ng tatlong dekada, muling magsisimula ang himagsikang magiging parte ng kasaysayan. Ikaw Laura, sa’yo magsisimula ang kuwento ko,” sambit ni Lira at ngumiti sa harap ng salamin.
"Ako ang magsisilbing bangungot ng San Isidro, ang madadala ng dilim at mapupuno ng luha ang lupaing isinumpa. Ang lugar na ito ay magsisilbing abo, walang kahit sino ang maaaring makinabang dahil dito ang aking kuwento,"