“H-HINDI kita maintindihan!”
Tanging ngiti lamang ang itinugon ni Lira bago hawakan ang kwintas na kanyang suot at ang kanyang mukha ay nabalutan ng dilim, animo’y ang mga mata ay napuno ng galit.
“Magsisimula ang rebolusyon mula sa pulang tinta, itim na pluma, at ang libro ng pagwawakas bago ang pagtaas ng tubig sa karagatan. Ang lahat ay malulunod, walang sinuman ang maliligtas sa hagupit ng bagyong parating. Sana’y hindi ka maging hadlang ‘pagkat…” panandaliang tumigil si Lira. Humarap siyang muli sa salamin at doon ay mayroong tumulong luha sa kanyang mga mata.
Biglang nakaramdam ng pananakit ng ulo si Laura. Hindi niya maintindihan kung anong mga alaala ang pumasok sa kanyang isipan. Napahawak ito sa ulo sa sobrang sakit, ang nakikita niya sa kanyang isipan ay isang lugar kung saan napupuno ng nagliliyab na apoy.
May armadong mga guwardiya sibil ang naroon habang nakatali ang kanilang katawan sa punong nagbabaga, at ang iba naman ay naghahabol ng hininga sa ilalim ng malalim na tubig. Hindi maipaliwanag ni Laura ang kanyang nakikita sa isipan, tila ito ay isang... propesiya ng mangyayari?
Dahan-dahang nanlabo ang kanyang isipan. Ang mga nakikitang tao ay unti-unting nawawala hanggang sa may napansin siya mula sa malayo at madilim na lugar, may anino ng isang lalaki ang nakatayo. Hindi niya mawari kung sino ang taong iyon, tanging repleksyon lamang ang makikita bago maglaho.
Si Lira ay animo’y itim na kaluluwa, tuwang-tuwang iniisip ang masalimuot na mangyayari sa San Isidro, lugar na kanyang isinumpa.
“S-sino ang lalaking na sa huling nakita ko?” nagmamakaawang tanong ni Laura.
“Siya ang taksil na papatay sa’yo,” sagot ni Lira habang patuloy pa rin sa pagtawa. Nakaramdam ng matinding takot si Laura, ilang saglit lang ay tuluyan na siyang nawalan ng konrol sa sarili.
*****
Agad napatayo ang dalaga habang tagaktak ang pawis, pilit pinaniniwala ang sariling isa lamang iyon na masamang panaginip. Pumasok ang mga tagapagsilbi noong marinig ang kanyang yabag.
“Binibini, ayos ka lang po ba?” nag-aalalang tanong ng isang tagasunod. Hindi na nagawa pang magtanong ni Laura, agad siyang umikot sa silid upang hanapin ang kalendaryo.
“N-nasaan ang kalendaryo?”
Nagkatinginan sila at tila hindi naiintindihan ang ginagalaw ng dalaga. “Wala na po. Hindi ba’t inyong ipinasunog sapagkat hindi niyo na gusto pang makita rito?”
Napalamukos naman siya ng mukha noong mapagtantong kakaiba na ang disenyo ng silid, ang dating puti ang kulay ng haligi ay nagkulay rosas. Mapapansin din sa sahig ang makalat na mga papel, may nakasulat ngunit hindi mabasa dahil punit-punit.
“A-anong araw ngayon?” muli niyang tanong.
“I-ikalabing-siyam na araw po ngayong Mayo,” kabado nilang sagot. Mukhang mayroong hindi magandang nangyari sapagkat napansin ni Laura ang kamay ng mga nandito ay hindi mapakali at ang panginginig ng labi habang sumasagot.
Hindi na niya tinanong pa ang mga ito, agad naman sila nag-unahang lumabas. Apat na araw sa kanyang katawan ni Lira, napuno ng takot ang puso ni Laura. Nag-iba ang pakikitungo ng mga tagasunod sa kanya, maging ang silid ay nag-iba ang ayos, kulay, at mga palamuting disenyo.
“Lira!”
Sigaw niya habang sinasabunutan ang sarili. Hindi siya makaramdam ng kapanatagan, kailangan niya malaman ang iba pang ginawa ni Lira kaya’t hindi na siya nagdalawang isip pang lumabas.
“Ate, maayos na ba ang iyong pakiramdam?” Kunot ang noo ni Jenoah noong salubungin siya sa daraanan.
“N-naging masakit lang ulo ko,” palusot ng dalaga na lalong nagbigay katanungan sa reaksyon ng kapatid. Animo’y sinusuri siya nito, halatang hindi naniniwala sa kanyang dahilan.
“Ang iyong ulo? Akala ko’y paa mo lamang ang masakit,”
Hindi na malaman pa ni Laura ang idadahilan. Mabuti na lamang at dumating si Selestina na nakataas ang kilay habang nakatingin sa kanya.
“Sa aking wari, nagkunwari ka lamang natipalok upang mag-alala sila Ina. Mahusay kang umarte, ang lahat ay napaniwala mo. Pagbutihan mo pa upang mabigyan kang karangalan sa iyong pagganap,” nang-aasar na sambit ni Selestina bago umirap at talikuran sila.
“Huwag mo na pansinin, Ate Laura. Mainit lamang ang kanyang ulo ‘pagkat ikaw lamang ang pinayagan nila Ina na lumabas upang pumuntang tanghalan,”
Magtatanong pa sana ang dalaga ngunit dumating na ang mayordoma ng mansyon, si Manang Sivista. “Nakahanda na ang hapag,” sambit nito at tumalikod na. Nauna si Jenoah at sumunod na lamang si Laura.
Upang walang makahalata, nagkunwari pa siyang masakit ang paa kahit na hindi malaman kung ano ang mga nangyari simula noong mga nakakaraang araw.
Natapos ang salo-salo, si Selestina ay hindi na lumabas pa. nagdala na lamang ang mga tagasunod ng pagkain sa kanyang silid. Sina Don Miguel at Doña Henrietta ay hindi nag-uusap, mukhang mayroon silang suliraning isinasarili.
Papunta na sana si Laura sa palikuran nang madaan sa silid ng kapatid, kay Selestina na kasalukuyang nagmumukmok pa rin habang kausap ang kanyang kaibigang bumisita.
“Bakit ka ba nababahala?” tanong ni Hinatha.
“Ayaw nila akong payagan!” nagdadabog na sagot ni Selestina.
“Bukas ng umaga, maaga ang pag-ensayo kaya’t maaari kang tumakas. Pupunta ako rito upang sunduin ka, ipagpapaalam kong pupunta tayong bukirin upang mag-ikot,”
Nawala ang pagkabahala ni Selestina sa sinabi ng kaibigan at agad niya itong niyakap. Mula sa loob ng silid, hindi nila alam na naririnig ni Laura ang lahat ng kanilang plano. Sa oras na malaman ito kanyang mga magulang, maaaring hindi na muli pang payagang makalabas ang nakatatandang kapatid.
Agad tumakbo si Laura sa palikuran noong marinig ang yabag ng paa ni Hinatha na palabas. Yumakap muna siya sa kaibigan bago magpaalam. Maaliwalas na rin ang mukha ni Selestina, hindi katulad kanina.
Nakaramdam ng lungkot ang puso ni Laura, kahit na may samaan sila ng loob ng kanyang kapatid ay hindi pa rin maiwasan ang maawa sapagkat walang sinuman ang nais maniwala sa talento nito. Si Selestina ay mahilig makisali sa Teatro at mga dramang palabas, ito ay hindi sinang-ayunan ng mag-asawang Asuncion.
Natapos ang buong araw na tahimik lamang si Laura sa pag-iisip. Umalis din sila Jenoah, isinama ni Don Miguel sa Selavastres, isang pook kung saan nakatira si Don Emanuel Mercedes at ang kanyang anak na si Senahiah na kababata ni Jenoah. Labis ang galak ng batang babae kapag nakikita si Jenoah sapagkat halata naman dito ang paghanga sa kaibigan.
Bata pa lamang sila, alam nilang darating ang araw ng pagkakasundo ng isang kasal sa pagitan ng pamilya Asuncion at ang pamilya Marcedes. Si Senahiah ang itinuturing na perpektong bata sapagkat hindi lamang maganda at tagapagmana ng kayamanan, siya rin ay talentado sa larangan ng sining at matalino sa araling akademiko.
Hindi naman maikukubling bagay sila ni Jenoah dahil parehas lamang sila ng katayuan sa buhay, may maipagmamalaki pagdating sa postura ng katawan, at mahilig magbasa ng mga libro. Isa sa kinahumalingan ni Senahiah kay Jenoah ay ang pagiging pilyo ng batang lalaki.
“Sana mapadalas ang inyong pagbisita,” mahinhin na sambit ng batang babae. Tanging ngiti lamang ang tinugon ni Jenoah at yumuko bilang magbigay ng galang.
Akmang susunod na rin ang batang lalaki sa amang si Don Miguel nang bigla siyang niyakap ni Senahiah. “Hihintayin kita,”
Tuluyan na umalis ang kanilang sinasakyang kalesa habang nakatulala lamang sa kalawakan si Jenoah. Napansin naman agad ng ama kung kaya’t nagtanong. “Hindi ka ba naging masaya sa ating pagpunta roon?”
“Naging masaya ako, Ama. Maraming salamat sa pagsama sa akin,” wika nito kahit ang totoo ay may iba pa siyang iniisip. Hindi niya nais ang pagpunta sa pamilya Mercedes, ang tingin ni Jenoah sa batang babae ay isa lamang kapatid na hindi maaaring ibigin ng higit pa roon.
Pagdating nila sa mansyon, natanawan niya ang kapatid na si Laura, tulala rin habang pinagmamasdan ang kalangitan. Naunang pumasok sa loob si Don Miguel at sinabing mamaya na siya susunod.
“Ate Laura,”
Nagulat naman ang kapatid sa biglang pagtawag ni Jenoah. Nakangiti ngunit bakas ang lungkot sa mga mata. Maging si Laura, alam na hindi gusto ng kanyang bunsong kapatid ang papunta sa Selavastres.